Ang Pagbabago ng Relihiyon

Maraming tao ang nagsasabi na hindi mahalaga ang relihiyon. Madalas nilang sinasabi na hindi ito mahalaga sa paglilingkod sa Dios. Sinasabi nila na ang mahalaga ay ang pananampalataya na taglay natin at ang relasyon sa Dios. Hindi sila naniniwala na mahalaga ito sa kaligtasan.

Ito din kaya ang sinasabi ng Biblia? Ano nga ba ang sinasabi ng Dios tungkol sa pagkakaroon ng relihiyon? Totoo kaya ang sinasabi ng iba na ang relihiyon ay hindi mahalaga sa kaligtasan? Tatalakayin natin ito samantalang inaalam natin ang kasaysayan ng isa sa mga hinirang na apostol ng ating Panginoong Hesus, na pinili upang maging apostol sa labas ng Israel, apostol ng Kahentilan, ang pangalan niya ay si Pablo.

Ayon kay Apostol Pablo, sa kanyang sulat sa mga taga Galacia, kabilang siya sa relihyon ng mga Hudyo bago siya tawagin sa Iglesia ng Dios, na pinag-usig niya nang una. Marami sa atin ang gaya ni Pablo nang kaniyang kabataan, masikap sa mga bagay na salit saling sabi ng ating mga magulang o tradisyon ng mga magulang.

Gal 1:13 Sapagka’t inyong nabalitaan ang aking pamumuhay nang nakaraang panahon sa relihion ng mga Judio, kung paanong aking inuusig na malabis, at nilipol ang iglesia ng Dios:

Gal 1:14 At ako’y nangunguna sa relihion ng mga Judio ng higit kay sa marami sa aking mga kasing gulang sa aking mga kababayan, palibhasa’y totoong masikap ako sa mga sali’t-saling sabi ng aking mga magulang.

Si Pablo ay isang Pariseo, lumaki siyang Pariseo, na sa kaniyang kapanahunan ay mahigpit na sekta o relihiyon ng mga Hudyo. Ang salitang “Pharisee” ayon sa web dictionary, ay nangangahulugang isang taong makasarili. Ang mga Pariseo ay kabilang sa sinaunang sekta ng mga Jews na kilala sa pagiging mahigpit pagdating sa mga tradisyong pang-Hudyo.

Act 26:4 Ang akin ngang pamumuhay mula sa aking pagkabata, na nang una’y inugali ko sa gitna ng aking bansa at sa Jerusalem, ay nalalaman ng lahat ng mga Judio;

Act 26:5 Na napagtatalastas nila mula pa nang una, kung ibig nilang magsisaksi, na alinsunod sa lalong mahigpit na sekta ng aming relihion ay nabuhay akong isang Fariseo.

Para patunayan niya na siya ay isang Hudyo o Israelita at mula sa angkan ni Benjamin, inamin niya na siya ay tinuli sa ikawalong araw. Ang pagtutuli ay isa sa mga tradisyon ng mga Israelita. Maging ang Panginoong Hesus ay tinuli sa ikawalong araw. Ang mga sumusunod na talata ay nagpapatunay na bago siya tawagin ng Dios bilang apostol ay pinag-usig niya ang IGLESIA. Ito ay dahil sa kaniyang paniniwala na walang ibang tunay na relihiyon maliban sa sekta ng mga Pariseo.

Gaya natin sa panahong ito, marami sa atin ang naniniwala na ang ating relihiyong kinaaaniban ay totoo na. Gaya ni Pablo bago pa siya tawagin, na winawalang-kabuluhan ang tunay na Ebanghelyo ng Dios at pinagtatawanan pa ang mga salita ng Dios. Maraming tao ang masasabing panatiko, na handang mamatay at pumatay dahil sa kanilang pananampalataya. Ganito ang paniniwala ni Pablo bago siya tawagin ng Dios na maging Apostol.

Php 3:5 Na tinuli ng ikawalong araw, mula sa lahi ng Israel, mula sa angkan ni Benjamin, Hebreo sa mga Hebreo; tungkol sa kautusan, ay Fariseo;

Php 3:6 Tungkol sa pagsisikap, ay manguusig sa iglesia; tungkol sa kabanalan na nasa kautusan, ay walang kapintasan.

Ang mga talatang ito ay lalong nagpapatunay ng kaniyang masasamang gawa bago siya tawagin ng Dios. Ginawa niya ang mga bagay na ito sapagkat naniniwala siyang ang kaniyang relihiyon o sekta (Pariseo) ay ang tunay na relihiyon.

Act 22:3 Ako’y Judio, na ipinanganak sa Tarso ng Cilicia, datapuwa’t pinapagaral sa bayang ito, sa paanan ni Gamaliel, na tinuruan alinsunod sa mahigpit na kaparaanan ng kautusan ng ating mga magulang, palibhasa’y masikap tungkol sa Dios, na gaya ninyong lahat ngayon:

Act 22:4 At aking pinagusig ang Daang ito hanggang sa mamatay, na tinatalian at ipinapasok sa mga bilangguan ang mga lalake at gayon din ang mga babae.

Sa kaniyang sulat sa Galacia 1:13, ang kaniyang pinag-usig ay walang iba kundi ang IGLESIA NG DIOS. Ito ay sa pag-aakalang ang tamang pananampalataya ay ang kaniyang relihiyon na kinaaaniban at hindi siya makapayag na mayroong ibang relihiyon.

Gal 1:13 Sapagka’t inyong nabalitaan ang aking pamumuhay nang nakaraang panahon sa relihion ng mga Judio, kung paanong aking inuusig na malabis, at nilipol ang iglesia ng Dios:

Ano ang naging dahilan ng pagbabago ng relihiyon ni Pablo? Ang kasaysayan ni Pablo, dating ang pangalan ay Saulo ay nakasulat sa aklat ng mga Gawa ng mga Apostol (Gawa 9:1-16). Sa katotohanan, ang kalooban ng Dios ang naging dahilan kaya nagawa niyang magbago ng pananampalataya. Ibinilang ng Dios ang kaniyang pagiging masikap at tapat sa kaniyang pinagmulang sekta at ito ang naging dahil upang tawagin siyang apostol.

Si Pablo ay tinawag ng Dios na maging Apostol sa daan o sekta (iglesia ng Dios) na dati niyang pinag-uusig. Kaya mula sa kaniyang dating pinaniniwalaang sekta, nagbago o lumipat si Apostol Pablo ng relihiyon o sekta. Anong dahilan? Sapagkat ang tumawag sa kaniya ay ang DIOS, hinirang siya upang maging Apostol para sa mga Gentil.

1Co 1:1 Si Pablo, na tinawag na maging apostol ni Jesucristo sa pamamagitan ng kalooban ng Dios, at si Sostenes na ating kapatid,

1Co 1:2 Sa iglesia ng Dios na nasa Corinto, sa makatuwid baga’y sa mga pinapagingbanal kay Cristo Jesus, na tinawag na mangagbanal, na kasama ng lahat ng mga nagsisitawag sa bawa’t dako, sa pangalan ng ating Panginoong Jesucristo, na kanila at ating Panginoon:

Ibinilang ni Pablo ang kaniyang pagkakatawag na isang BIYAYA mula sa Dios. Kung wala ang HABAG o AWA ng Dios ay nanatili sana siya sa kaniyang dating sekta, at nanatiling pinag-usig ang mga Kristiyano.

1Co 15:9 Ako nga ang pinakamaliit sa mga apostol, at hindi ako karapatdapat na tawaging apostol, sapagka’t pinagusig ko ang iglesia ng Dios.

1Co 15:10 Datapuwa’t sa pamamagitan ng biyaya ng Dios, ako nga’y ako; at ang kaniyang biyaya na ibinigay sa akin ay hindi nawawalan ng kabuluhan; bagkus ako’y malabis na nagpagal kay sa kanilang lahat: bagaman hindi ako, kundi ang biyaya ng Dios na sumasa akin.

At kung wala ang HABAG ng Dios, si Pablo ay mananatiling makasalanan gaya ng kaniyang kumpisal nang siya ay nasa dati pa niyang sekta. Kaya bumangon sa atin ang tanong na, tayo ba ay matuwid o nagiging makasalanan pa sa ating sektang kinabibilangan? Ito ang ibig ni Pablo na itanong sa atin. Maaaring naniniwala tayo na tayo ay nasa tunay na relihiyon, o di kaya’y naniniwala tayo na hindi mahalaga para sa atin ang relihiyon. Si Pablo, apostol ng Panginoong Hesus ay nagtamo ng HABAG mula sa Dios sapagkat masikap siya sa mga bagay na inaakala niyang matuwid.

1Ti 1:15 Tapat ang pasabi, at nararapat tanggapin ng lahat, na si Cristo Jesus ay naparito sa sanglibutan upang iligtas ang mga makasalanan; na ako ang pangulo sa mga ito;

1Ti 1:16 Gayon ma’y dahil dito, kinahabagan ako, upang sa akin na pangulong makasalanan, ay maipahayag ni Jesucristo ang buong pagpapahinuhod niya, na halimbawa sa mga magsisisampalataya sa kaniya, sa ikabubuhay na walang hanggan.

Ano ang nagtulak sa Dios upang tawagin at baguhin si Pablo? Ang sagot: Nakita ng Dios ang pagsisikap ni Pablo na ganapin ang Kaniyang mga kalooban gaya ng nasusulat sa Galacia 1:14. Ipinakita niya ang pagiging tapat at ang laki ng kaniyang pananampalataya gaya ng nasusulat sa Aklat ng mga Gawa 24:14.

Gal 1:14 At ako’y nangunguna sa relihion ng mga Judio ng higit kay sa marami sa aking mga kasing gulang sa aking mga kababayan, palibhasa’y totoong masikap ako sa mga sali’t-saling sabi ng aking mga magulang.

Act 24:14 Nguni’t ito ang ipinahahayag ko sa iyo, na ayon sa Daan na kanilang tinatawag na sekta, ay gayon ang paglilingkod ko sa Dios ng aming mga magulang, na sinasampalatayanan ang lahat ng mga bagay na alinsunod sa kautusan, at nangasusulat sa mga propeta;

Ang pag-asa at pananampalataya ni Pablo sa Dios ay hindi mapapasubalian ayon sa Gawa 26:5-7.

Act 26:5  Na napagtatalastas nila mula pa nang una, kung ibig nilang magsisaksi, na alinsunod sa lalong mahigpit na sekta ng aming relihion ay nabuhay akong isang Fariseo.

Act 26:6  At ngayo’y nakatayo ako upang hatulan dahil sa pagasa sa pangakong ginawa ng Dios sa aming mga magulang;

Act 26:7  Dahil sa pangakong ito’y ang aming labingdalawang angkan ay buong pusong nagsisipaglingkod sa Dios gabi’t araw, na inaasahang kakamtin. At tungkol sa pagasang ito ako’y isinasakdal ng mga Judio, Oh hari!

Nang tawagin ng Dios si Pablo upang maging Apostol, hindi na siya nagpaalam pa sa kaniyang mga kamag-anak at mga kaibigan sapagkat naroon ang kaniyang matinding pagnanais na mapaglingkuran ang Dios at sa pagkakataong yaon ay nalalaman niyang ang kaniyang mga paglilingkod ay magiging karapat-dapat sa Dios, sapagkat Dios na mismo ang tumawag sa kaniya. Pansinin natin na ang tinig mismo ng Panginoong Hesus ang kaniyang narinig sa panahon ng pagtawag sa kaniya. Maraming sekta sa ngayon ang hindi naniniwala na si Pablo ay hindi tunay na Apostol sapagkat hindi man lamang sila nagkita ng personal ng Panginoong Hesus. Sinasabi din nila na ang mga sulat ni Pablo ay hindi mapagkakatiwalaan.

Sinasabi lamang nila ang mga bagay na ito sapagkat napakaraming bagay ang binigyang linaw ni Pablo tungkol sa pagka-Diyos ng Panginoong Hesus at ang mga lihim na inihayag ng Dios sa kaniyang Iglesia, na walang iba kundi ang tunay na Iglesia ng Dios.

Mapapansin nating isa sa mga katangian din ni Pablo ay yaong ayaw niayang sumusugal pagdating sa paglilingkod sa Dios. Nakasulat ito sa I Corinto 9:26.

1Co 9:26 Ako nga’y tumatakbo sa ganitong paraan, na hindi gaya ng nagsasapalaran; sa ganito rin ako’y sumusuntok, na hindi gaya ng sumusuntok sa hangin:

Ang alam lamang niya, siya ay pinili upang maging sisidlan upang ihayag ang pangalan ng Panginoon sa mga Kahentilan, sa mga hari at sa mga anak ni Israel.

Act 9:15 Datapuwa’t sinabi sa kaniya ng Panginoon, Pumaroon ka: sapagka’t siya’y sisidlang hirang sa akin, upang dalhin ang aking pangalan sa harapan ng mga Gentil at ng mga hari, at ng mga anak ni Israel:

Act 9:16 Sapagka’t sa kaniya’y aking ipakikilala kung gaano karaming mga bagay ang dapat niyang tiisin dahil sa aking pangalan.

Ano ang nais ituro sa atin ni Pablo sa kaniyang karanasan na ito?

Una, hindi mali na magbago ng relihiyon, lalo na kung ang ating relihiyon ay hindi naman nasusulat sa Biblia. Lohikamente, kung hindi ito napasulat hindi ito ang ipinangaral ng Panginoong Hesukristo at ng mga apostol.

Ikalawa, ang akala natin na ang ating relihiyon ay tunay at sapat na ay maaring ipagkamali natin. Si Pablo ay may ganitong kaisipan sa kaniyang lumang relihiyon o sekta, sapagkat kung hindi, ay hindi na sana siya tinawag pa sa Iglesia ng Dios.

Ikatlo, ibig ni Pablo na maging gaya niya tayo. Nakasulat ito sa I Corinto 7:7. Sa paanong paraan ibig niyang maging gaya niya tao? Ibig niyang matawag din tayo sa tunay na Iglesia ng Dios. Ibig niyang gayahin natin ang anumang bagay na ating natutunan, tinanggap, narinig at nakita mula sa kaniya, sapagkat kung gawin natin ang mga bagay na ito ay tatamuhin natin ang kapayapaan mula sa Dios, ito ay nasusulat sa Roma 12:9.

1Co 7:7 Kaya’t ibig ko sana, na ang lahat ng tao ay maging gaya ko. Nguni’t ang bawa’t tao’y mayroong kanikaniyang kaloob na mula sa Dios, ang isa’y ayon sa paraang ito, at ang iba’y ayon sa paraan yaon.

Php 4:8 Katapustapusan, mga kapatid, anomang bagay na katotohanan, anomang bagay na kagalanggalang, anomang bagay na matuwid, anomang bagay na malinis, anomang bagay na kaibigibig, anomang bagay na mabuting ulat; kung may anomang kagalingan, at kung may anomang kapurihan, ay isipin ninyo ang mga bagay na ito.

Php 4:9 Ang mga bagay na inyong natutuhan at tinanggap at narinig at nakita sa akin, ang mga bagay na ito ang gawin ninyo: at ang Dios ng kapayapaan ay sasa inyo.

Rom 12:9 Ang pagibig ay maging walang pagpapaimbabaw. Kapootan ninyo ang masama; makisanib kayo sa mabuti.

Ika-apat, HUWAG NATING PAGMATIGASIN ANG ATING MGA PUSO. Kung nabasa natin at naunawaan na ang lahat ng isinulat ni Pablo ay kalooban ng Dios, kailangang buksan natin ang ating mga puso tungo sa PAGBABAGO. Ang pagbabago ay kinakailangan kung ito ay makabubuti sa atin. Kalimutan natin ang maaaring sabihin ng iba tungkol sa pagbabago ng relihiyon. Kung sinasabi ng Biblia, na kailangan nating magbago, kung gayon ay kailangan nating magbago.

Heb 3:15 Samantalang sinasabi, Ngayon kung marinig ninyo ang kaniyang tinig, Huwag ninyong papagmatigasin ang inyong mga puso, na gaya ng sa pamumungkahi.

Samantalang pinag-iisipan natin ang mga bagay na ito, sinabi ni Pablo na mayroong mabuting bunga kung gagawin natin ang pagbabagong ito na inaasahan ng Dios. Nakasulat sa 2 Timoteo 4:7-8, gaya ni Pablo na nakipagbaka ng mabuting pakikipagbaka. Ibig sabihin ay naglingkod ng mabuting paglilingkod gaya ng inaasahan sa kaniya ng Dios. Iningatan niya ang pananampalataya, gaya ng inaasahan sa kaniya ng Dios na pag-iingat ng pananampalataya.

Ang bunga ng lahat ng mga bagay na ito ay ang putong ng katuwiran, na ibibigay sa kaniya ng Dios, at hindi lamang sa kaniya kundi maging sa lahat ng mga naghahangad ng Kaniyang muling pagpapakita. Ang putong ng katuwiran na tinutukoy dito ay ang Buhay na Walang Hanggan na ipinangako ng Dios sa lahat ng tutupad ng Kaniyang mga Kautusan at Kalooban.

2Ti 4:7 Nakipagbaka ako ng mabuting pakikipagbaka, natapos ko na ang aking takbo, iningatan ko ang pananampalataya:

2Ti 4:8 Buhat ngayon ay natataan sa akin ang putong na katuwiran, na ibibigay sa akin ng Panginoon na tapat na hukom sa araw na yaon; at hindi lamang sa akin, kundi sa lahat din naman ng mga naghahangad sa kaniyang pagpapakita.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 57 other followers