Rom 8:24 Sapagka’t tayo’y iniligtas sa pagasa: datapuwa’t ang pagasa na nakikita ay hindi pagasa: kaya’t sino nga ang umaasa sa nakikita?
Mahalaga sa isang tao na magtaglay ng pag-asa.
Sa mundong kasalukuyan nating ginagalawan, talastas nating higit nating kailangan ang magkaroon ng masasandalan, mapagkakanlungan at masasalalayan ng pagasa. At sa mga lingkod ng Dios, walang ibang pagasa sa kanilang buhay kundi ang Dios na nagbibigay ng pagasa sa lahat.
Psa 71:5 Sapagka’t ikaw ay aking pagasa, Oh Panginoong Dios: ikaw ay aking tiwala mula sa aking kabataan.
Ngunit paano malalaman na ang isang lingkod ay nagtataglay ng pagasa sa Dios?
Psa 78:7 Upang kanilang mailagak ang kanilang pagasa sa Dios, at huwag kalimutan ang mga gawa ng Dios, Kundi ingatan ang kaniyang mga utos: Ang tunay na nagtataglay ng pagasa sa Dios ay hindi lumilimot sa lahat ng mga gawa ng Dios. Nalalaman nating Dios ang gumawa ng lahat ng bagay, maging tayong mga tao ay Kaniyang nilikha. Ang pagasa sa Dios ay makikilala sa isang taong nag-iingat ng Kaniyang mga utos.
May mga taong nagsasabing nagtataglay ng pagasa, subalit sa panahon ng kabagabagan, panganib, suliranin at mga pagsubok ng buhay, nasusumpungan sa panlulupaypay. Nawawalan ng pagasa.
Hindi ganito ang mga lingkod ng Dios. Sapagkat inilalagak nila ang kanilang pagasa sa Dios, anuman ang dumating sa kanilang buhay ay nanatili sila sa pagganap ng Kaniyang mga kautusan.
Habang may buhay may pagasa
Naniniwala tayo na habang may buhay ay may pag-asa. Ecc 9:4 Sapagka’t sa kaniya, na napisan sa lahat na may buhay ay may pagasa: (a) Kaya sa isang tunay na lingkod, hindi niya iwawala ang kaniyang pagasa at pagtitiwala sa Dios. Ang sabi nga ng Biblia, mapalad ang mga taong tumitiwala sa Panginoon. Jer 17:7 Mapalad ang tao na tumitiwala sa Panginoon, at ang pagasa ay ang Panginoon.
Bakit mapalad ang tumitiwala at ang pagasa ay ang Panginoon? Sapagkat hindi tayo bibiguin ng Dios. Maasahan ang Dios sa lahat ng pagkakataon. Ang taong tumitiwala sa kapuwa tao, sa kayamanan at sa sariling kakayahan ay kadalasang nabibigo. Ngunit hindi ganito ang Panginoong Dios. Hindi Niya hahayaan na tayo ay mabigo, lalo pa nga kung patuloy nating ginaganap ang Kaniyang mga kalooban at ang Kaniyang mga kautusan.
Ang mga salita ng Dios ang nagbibigay sa atin ng pagasa. Kung nagpapabaya tayo sa pag-alam at pagtuklas ng Kaniyang mga salita, maaaring masumpungan tayo sa kawalan ng pagasa. Ganito ang maraming mga tao, palibhasa walang puwang sa kanilang buhay ang pag-alam at pag-unawa ng mga salita ng Dios, hindi sila binabangunan ng pananampalataya at pagasa sa Dios.
Maaaring sinasabi lamang nila na mayroon silang pagasa, subalit ang pagasa na hindi mula sa mga salita ng Dios ay hindi tunay na pagasa. Rom 15:4 Sapagka’t ang anomang mga bagay na isinulat nang una ay nangasulat dahil sa ikatututo natin, upang sa pamamagitan ng pagtitiis at pagaliw ng mga kasulatan ay mangagkaroon tayo ng pagasa. Ang mga kasulatan o mga salita ng Dios ang tanging makapagbibigay lamang sa atin ng tunay na pagasa.
Ito ang pagasang tinaglay ng mga unang naglingkod sa Dios, na siyang ating tinutularan lamang sa panahon nating ito.
Tatlong bagay ang dakila at kailangang taglayin nating mga tao samantalang pansamantala tayong naririto sa magulo at masalimuot na sanlibutan. Ang tatlong ito ang nanatili – 1Co 13:13 Datapuwa’t ngayo’y nanatili ang tatlong ito: ang pananampalataya, ang pagasa, at ang pagibig; nguni’t ang pinakadakila sa mga ito ay ang pagibig. Bagaman ang pag-ibig ang pinakadakila, hindi maikakaila na kapuwa mahalaga na magtaglay ng pagasa at ng pananampalataya.
At ang pagasa sa Dios ay ang paghihintay sa Kaniyang muling pagbabalik, na inaasahan nating magaganap sa panahong Kaniyang itinakda. Tit 2:13 Na hintayin yaong mapalad na pagasa at ang pagpapakita ng kaluwalhatian ng ating dakilang Dios at Tagapagligtas na si Jesucristo;
Sapagkat sa araw na yaon, ipagkakaloob ng Dios ang Kaniyang pangako – ang buhay na walang hanggan. Tit 3:7 Upang, sa pagkaaring-ganap sa atin sa pamamagitan ng kaniyang biyaya, ay maging tagapagmana tayo ayon sa pagasa sa buhay na walang hanggan.
Hindi dapat pag-alinlanganan ang pagasang taglay sapagkat tapat ang nangako – ang Dios. Heb 10:23 Na ating ingatang matibay ang pagkakilala ng ating pagasa upang huwag magalinlangan: sapagka’t tapat ang nangako:
Yamang ang taglay nating pagasa ay hindi nakikita, loobin nawa ng Dios na mapanghawakan natin ito hanggang sa Kaniyang muling pagbabalik. Pansamantala, ilagak natin ang ating pagasa sa mga bagay na hindi nakikita, sapagkat lahat ng mga bagay na nakikita ay may hangganan, matatapos at may kawakasan. Ang mga bagay na hindi nakikita ay walang hanggan – ito ang mga bagay na tunay nating dapat paglagakan ng pagasa.
Col 3:2 Ilagak ninyo ang inyong pagiisip sa mga bagay na nangasa itaas, huwag sa mga bagay na nangasa ibabaw ng lupa.