Ang Pag-aayuno ayon sa Biblia

Ano ba ang ginagawa kapag nag-aayuno?

Kapag nag-aayuno, pinagkakaitan natin ng pagkain at inumin ang ating katawan. Likas sa ating katawan na mangailangan ng pagkain at inumin, at kapag nagutom o nauhaw ito, hindi man natin utusan ang ating mga sarili, kusa nating nasusumpungan ang ating mga sarili na tinutugunan ang uhaw at gutom na ating nararamdaman.

Subalit ang hindi alam ng marami, bagaman pinagkakaitan ang katawan ng lakas, pagkain  at inumin, ang pag-aayunong ayon sa katuruan ng Biblia ay makakatulong upang madagdagan ang lakas ng espirituwal na bahagi ng ating pagkatao.

Normal sa atin na palakasin ang ating mga katawan sa pamamagitan ng pagkain ng marami, pagkain ng sapat at masustansiya. Gumugugol din tayo ng panahon para mag-exercise at magpunta sa mga gym para mag-body building. Subalit ang mga lingkod ng Dios, ang kanilang hangad ay hindi lamang mabuhay nang malusog at ligtas sa karamdaman, kundi higit sa lahat ay mapalakas ang pagkataong loob (inner personality).

Sinabi nga ni Apostol Pablo.

Eph 3:16-17  Upang sa inyo’y ipagkaloob niya, ayon sa mga kayamanan ng kaniyang kaluwalhatian, na kayo’y palakasin ng kapangyarihan sa pamamagitan ng kaniyang Espiritu sa pagkataong loob; Na si Cristo ay manahan sa inyong mga puso sa pamamagitan ng pananampalataya; upang kung kayo’y magugat at magtumibay sa pagibig.

Subalit gaya nang pagpapalakas ng pisikal na katawan, ang pagpapalakas ng pagkataong loob o espirituwal na bahagi ng ating pagkatao ay nangangailangan ng ibayong pagsisikap sa panig ng isang naghahangad. Hindi ito lalakas kung hindi tayo gagawa at magsisikap. At hindi nagkulang ang Biblia para hindi natin magawa ito.

Mahalaga ang paggawa sa bawat Kristiyano. Nilikha tayo ng Dios para sa mabubuting mga gawa (Efeso 2: 10). At tayo ay hahatulan ayon sa ating mga gawa ayon din sa Biblia (1 Pedro 1: 17). Bagaman hindi lamang sa pamamagitan ng gawa nakasalalay ang ating kaligtasan, ang paggawa ay nagpapagindapat naman sa atin sa Dios at mahalaga ding elemento ng pagliligtas ng Dios (Santiago 2: 14-26).

At sa paggawa, gaya nang pag-aayuno, hindi maiiwasan na magbuhos ng panahon, hirap at sakripisyo.

Ang Pag-aayuno ay pagpipigil

Isa sa mga bunga ng banal na espiritu na mababasa sa Galacia 5:22, ang pagpipigil. Subalit mapapatunayan natin na sa lahat ng mga katangian ng pagiging lingkod ng Dios, ang pagpipigil ang isa sa pinakamahirap na palakasin. Pinatunayan ito at ipinaliwanag ni Apostol Pablo na maraming mga sangkap ng ating katawan at pagkatao na tunay na lumalaban sa kautusan ng Dios. Rom 7:23Datapuwa’t nakikita ko ang ibang kautusan sa aking mga sangkap na nakikipagbaka laban sa kautusan ng aking pagiisip, at dinadala akong bihag sa ilalim ng kautusan ng kasalanan na nasa aking mga sangkap.

Mabigat ang hila ng laman at kadalasan nahihila ang sinumang mayroong mahinang pananampalataya. Niliwanag ng Biblia na hindi tayo tutuksuhin ng Dios, natutukso at nahihila tayong mga tao bunga ng sarili nating sariling masamang pita. Jas 1:13-14   Huwag sabihin ng sinoman pagka siya’y tinutukso, Ako’y tinutukso ng Dios; sapagka’t ang Dios ay hindi matutukso sa masamang bagay, at hindi rin naman siya nanunukso sa kanino man: Kundi ang bawa’t tao ay natutukso, pagka nahihila ng sariling masamang pita at nahihikayat.

At sapagkat nahihila tayo sa pagkakasala bunga ng sariling kahinaan, kailangang sikapin na labanan at pigilan ito. At makakatulong ang ayuno bilang isang pagsasanay na dapat nating pag-ukulan ng pansin. Ang pagbubuhat ng weights, kapag laging ginagawa ay nagdadagdag ng resistensiya upang ang muscle ay lumaki at lumakas. Ang pagpipigil sa paggawa ng kasalanan ay magbibigay din ng sapat na lakas at resistensiya upang lumakas ang pananampalataya.

Ang Pag-aayuno ay Pagpapalakas ng Kaluluwa

Ang pag-aayuno ay mabisang sandata at pagsasanay laban sa lahat ng uri ng kasamaan ng diablo. Ang diablo, gaya nang ating pagkaunawa ay hindi titigil upang magampanan ang kaniyang kalooban na tuksuhin ang bawat tao. (Mateo 4: 3 at 1 Tesalonica 3: 5) Nalalaman ng diablo  ang pangangailangan ng ating katawang lupa, pagkain at inumin, at wala siyang gagawin kundi palakasin lamang ang paghahangad natin na kumain at uminom. Alam ng diablo na nagiging alipin tayo ng ating mga kagustuhan kapag nakakaramdam na ng gutom at uhaw.

At sa sandaling mahila ang laman hindi lamang sa pagkain at inumin kundi lalo na sa mga kasalanan, nagwagi ang diablo kung magkagayon sa atin. Kaya ang pag-aayuno ay isang paraan upang sanayin natin ang ating mga laman na magutom at mauhaw upang mapalakas ang resistensiya nito laban sa gutom at uhaw; at higit sa lahat habang nagagawa natin ito ay nagagawa din nating palakasin ang ating mga kaluluwa laban sa mga alok ng kasamaan.

Dalawa ang binibigyang pansin sa pag-aayuno – ang pisikal at ang espirituwal na bahagi ng ating  mga pagkatao. Ang pisikal, na sinasanay na pagkaitan ang laman ng mga pagkain at inumin; at ang espirituwal upang sanayin ito laban sa mga tukso at sariling pita. Hindi dapat pangambahan ang mga tukso o temptasyon na maaaring dumating sa isang lingkod, sapagkat ang tulong ng Dios ay laging aalalay upang makapagwagi ang sinuman. 1Co 10:13 Hindi dumating sa inyo ang anomang tukso kundi yaong matitiis ng tao: datapuwa’t tapat ang Dios, na hindi niya itutulot na kayo’y tuksuhin ng higit sa inyong makakaya; kundi kalakip din ng tukso ay gagawin naman ang paraan ng pagilag, upang ito’y inyong matiis.

Ang paghubog o pagpapalakas ng katangiang espirituwal na bahagi ng ating pagkatao ay kahawig ng pagpapalakas ng katawang pisikal. Habang nabubugbog ang pisikal na laman sa mga ehersisyo o work-outs (pagbubuhat), nagdudulot ito ng tatag sa kalamnan at habang paulit-ulit na ginagawa ay sinasanay nito nang husto ang laman para magkaroon ng sapat na katatagan upang ang dating mabigat na timbang ay maging magaan na sa susunod na pagbuhat.

May dalawang proseso na kailangan sa pag-aayuno, una ay ang pagsisikap natin (Santiago 4: 7 – Pasakop nga kayo sa Dios; datapuwa’t magsisalangsang kayo sa diablo, at tatakas siya sa inyo.) at ikalawa ay ang tulong ng Dios (Santiago 4:8 Magsilapit kayo sa Dios, at siya’y lalapit sa inyo.Mangaglinis kayo ng inyong mga kamay, kayong mga makasalanan; at dalisayin ninyo ang inyong mga puso, kayong mga may dalawang akala.)

Ipinakikita ng pag-aayuno na ang kalagayan natin ay mababa at lubhang mapagkailangan sa Dios. Sa pamamagitan ng ayuno ay ipinamamalas nating tayo ay umaasang lubos sa Dios. At tunay namang masusumpungan natin ang kinakailangang lakas upang mapagtagumpayan lahat. Sa Mateo 4, ay mababasa natin kung paano nagpakita ng halimbawa si Hesus sa pananagumpay Niya laban sa panunukso ng diablo. Sa pmamagitan ng 40 araw at 40 gabing pag-aayuno ay inihanda Niya ang sarili sa mga hinaharap na mararanasan. Ipinakikita dito na mabisang paghahanda din naman ang ayuno kung mayroong mabigat na kakaharapin sa buhay.

Malaking tulong ang ayuno sapagkat mayroong mga bagay na hindi lamang panalangin ang makakatugon kundi kinakailangan din naman ang mas mabigat na pagtatalaga (ayuno). Mat 17:21 Datapuwa’t ang ganito’y hindi lumalabas kundi sa pamamagitan ng panalangin at ayuno.

Kung sinasanay natin ang ating katawan sa palagiang pag-aayuno, malaki ang maitutulong nito sa ating pananampalataya at higit sa lahat sa pagpapalakas ng pakikipag-ugnayan sa Dios.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 58 other followers