Paano ba makikilala ang mga taong tumitiwala sa Dios?
Kapag ang tao ba ay nagsasabing siya ay may kinikilalang Dios ay sapat na ba itong batayan para sabihing siya ay tumitiwala nga sa Dios?
Paano nililiwanag ng Biblia ang kalagayan ng mga taong naglalagak ng tiwala sa Panginoon? At ano ang malaking pakinabang kung tayo ay maglagak ng pagtitiwala sa Kaniya?
Ang pahayag ng Biblia, kung mayroon mang nakakakilala sa mga taong tunay na naglalagak ng tiwala sa Dios, ito ay walang iba kundi ang Panginoong Dios mismo. (Nah 1:7) Ang Panginoo’y mabuti, katibayan sa kaarawan ng kabagabagan; at nakikilala niya yaong nangaglalagak ng kanilang tiwala sa kaniya.
Bilang pagbibigay halimbawa, ipinaliwanag ni Hesus na ang mga lingkod na tunay na kumikilala sa Dios ay kinikilala Niya. Tinatawag ang mga ito na mga tupa, sapagkat itinulad sa mga tupa na tunay na nakakakilala sa kanilang pastol. (Juan 10 : 2 – 4, 14)Datapuwa’t ang pumapasok sa pintuan ay siyang pastor ng mga tupa. Binubuksan siya ng bantaypinto; at dinirinig ng mga tupa ang kaniyang tinig: at tinatawag ang kaniyang sariling mga tupa sa pangalan, at sila’y inihahatid sa labas. Pagka nailabas na niya ang lahat ng sariling kaniya, ay pinangungunahan niya sila, at nagsisisunod sa kaniya ang mga tupa: sapagka’t nakikilala nila ang kaniyang tinig. Ako ang mabuting pastor; at nakikilala ko ang sariling akin, at ang sariling akin ay nakikilala ako.
Ang mga tupa na ito ay inilagay sa isang kulungan upang maging isang kawan at magkaroon ng iisang pastor, na ang pastor na yaon ay walang iba kundi ang Panginoong Hesus, at ang kawan ay walang iba kundi ang Iglesia na Kaniyang itinayo. (Gawa 20:28) Ingatan ninyo ang inyong sarili, at ang buong kawan, na sa kanila’y ginawa kayo ng Espiritu Santo na mga obispo, upang pakanin ninyo ang iglesia ng Panginoon na binili niya ng kaniyang sariling dugo.
Mayroong palatandaan o tatak ang mga taong tunay na kumikilala sa Dios, at kinikilala ng Dios. Sila ang mga taong tunay na nagtataglay ng pagtitiwala sa Kaniya at lumalayo sa bawat anyo ng kalikuan. (II Tim. 2 : 19) Gayon ma’y ang matibay na pinagsasaligan ng Dios ay nananatili na may tatak nito, Nakikilala ng Panginoon ang mga kaniya: at, Lumayo sa kalikuan ang bawa’t isa na sumasambitla ng pangalan ng Panginoon.
Gaya ni David, ang mga lingkod ng Dios ay taglay ang pag-asa, at ang malaking pagtitiwala sa kapangyarihan at pagliligtas ng Dios. Kung mayroon mang dapat na pagukulan ng pagtitiwala sa buhay na ito ay hindi ang ating mga sarili. Higit tayong dapat manganlong sa Dios. (Awit 118 : 8 – 9) Lalong mabuti ang manganlong sa Panginoon kay sa maglagak ng tiwala sa tao. Lalong mabuti ang manganlong sa Panginoon kay sa maglagak ng tiwala sa mga pangulo.
Paano niliwanag ng Biblia ang katangian ng mga taong tunay na naglalagak ng tiwala sa Dios? Ano ang kalagayan ng mga ito?
Ganito ang kalagayan ng taong tunay na may pagtitiwala sa Dios: (Jer. 17 : 7 -8) Mapalad ang tao na tumitiwala sa Panginoon, at ang pagasa ay ang Panginoon. Sapagka’t siya’y magiging parang punong kahoy na itinanim sa tabi ng tubig, at naguugat sa tabi ng ilog, at hindi matatakot pagka ang init ay dumarating, kundi ang kaniyang dahon ay magiging sariwa; at hindi mababalisa sa taon ng pagkatuyu, o maglilikat man ng pagbubunga.
Ang mga taong tunay na nagtitiwala sa Dios ay walang takot sa anumang bagay na maaaring dumating sa kanilang buhay. Palibhasa ang pag-asa at tiwala ay nasa Dios, nanatili silang sariwa kumbaga sa halaman bagaman panahon ng pagkatuyo. Ibig sabihin nito ay walang bagay na makapagpapabago ng kanilang paninindigan sapagkat ang kanilang pundasyon ay malalim, na ito ay walang iba kundi ang pananampalatayang taglay nila sa Dios.
Gaya nang pahayag ni Pablo, (Col. 2:7) Na nangauugat at nangatatayo sa kaniya, at matibay sa inyong pananampalataya, gaya ng pagkaturo sa inyo, na sumasagana sa pagpapasalamat. Kaya naman pala matibay at nananatiling nakatayo sapagkat ang pundasyon ay ang mga aral na sinampalatayanan at tinanggap. Kung wala ang mga aral, hindi ito mag-uugat at hindi makatatayo sa kaniyang sarili. Kaya lamang ito nakatatayo ay dahil sa pag-asa at pananampalatayang tinanggap na nagmula naman sa mga aral na napakinggan at niyakap.
At gaya nang bundok ng Sion, ang pag-asa ng nagtitiwala sa Kaniya ay hindi makikilos o hindi matitinag. (Awit 125:1) Silang nagsisitiwala sa Panginoon ay parang bundok ng Sion, na hindi maaaring makilos, kundi nananatili magpakailan man. (Awit 112:7-8) Siya’y hindi matatakot sa mga masamang balita: ang kaniyang puso ay matatag, na tumitiwala sa Panginoon. Ang kaniyang puso ay natatag, siya’y hindi matatakot, hanggang sa kaniyang makita ang nasa niya sa kaniyang mga kaaway.
At gaya ng mga sanga na nakaugnay sa puno, (Juan 15:4-6), mananatiling nagbubunga ang mga taong tumitiwala sa Dios. Nagbubunga sila ng kabanalang likha ng paglakad at pagtupad sa mga kautusan, na siyang mga kalooban ng Dios.
Ano ang higit na kapalarang maaaring matamo ng mga lingkod na tunay na naglalagak ng tiwala sa Panginoong Dios?
Ang pagkatakot sa Panginoon at ang pagtitiwala ay mga katangiang kailangan para maligtas. Ganito ang pahayag ng Biblia, sa kapalaran ng mga taong tunay na naglalagak ng tiwala sa Dios, samakatuwid baga’y ang kanilang pagtitiwala ay ikaliligtas nila. (Kaw. 29 : 25) Ang pagkatakot sa tao ay nagdadala ng silo: nguni’t ang naglalagak ng kaniyang tiwala sa Panginoon ay maliligtas.
Sa Biblia, ang pagkatakot at pagtitiwala sa Dios ang naging dahilan upang ang maraming mga tauhan nito, na pawang mga lingkod ng Dios ay maligtas. Hindi lamang kinamtan nila ang materyal o pisikal na pagliligtas, kundi maging ang espirituwal na pagliligtas ng Dios ay nakalaan para sa kanila.
Ilan sa mga tauhang ito ay kagaya nina Job, David at iba pa na isinulat ang kanilang mga karanasan upang bigyang halimbawa ang bawat isa sa atin kung paano dapat panghawakan ang pagtitiwala at takot sa Dios.
Ang mga tauhang ito ay nag-iwan din ng mga aral upang ating sundan sa lalong ikapagigindapat sa Dios.
Ang pahayag ni David, (Awit 37 : 4 – 5) Magpakaligaya ka naman sa Panginoon; at bibigyan ka niya ng nasa ng iyong puso. Ihabilin mo ang iyong lakad sa Panginoon; tumiwala ka rin naman sa kaniya, at kaniyang papangyayarihin.
At kay Job, (Job 4 : 6) Hindi ba ang iyong takot sa Dios ay ang iyong tiwala, at ang iyong pagasa ay ang pagtatapat ng iyong mga lakad? (Job 2:3) At sinabi ng Panginoon kay Satanas, Iyo bang pinansin ang aking lingkod na si Job? sapagka’t walang gaya niya sa lupa, na sakdal at matuwid na lalake, na natatakot sa Dios, at humihiwalay sa kasamaan: at siya’y namamalagi sa kaniyang pagtatapat, bagaman ako’y kinilos mo laban sa kaniya, upang ilugmok siya ng walang kadahilanan.
At ang tunay na nagtitiwala ay walang sawang maghahandog sa Dios ng pagsamba at pagpapasalamat. (Awit 52:8-9) Nguni’t tungkol sa akin, ay gaya ako ng sariwang punong kahoy ng olibo sa bahay ng Dios: tumitiwala ako sa kagandahang-loob ng Dios magpakailan-kailan man. Ako’y magpapasalamat sa iyo magpakailan man, sapagka’t iyong ginawa: at ako’y maghihintay sa iyong pangalan sapagka’t mabuti, sa harapan ng iyong mga banal.