1Co 1:26 Sapagka’t masdan ninyo ang sa inyo’y pagkatawag, mga kapatid, na hindi ang maraming marurunong ayon sa laman, hindi ang maraming may kapangyarihan, hindi ang maraming mahal na tao ang mga tinawag:
1Co 1:27 Kundi pinili ng Dios ang mga bagay na kamangmangan ng sanglibutan, upang hiyain niya ang mga marurunong; at pinili ng Dios ang mga bagay na mahihina ng sanglibutan, upang hiyain niya ang mga bagay na malalakas;
1Co 1:28 At ang mga bagay na mababa ng sanglibutan, at ang mga bagay na hinamak, ang pinili ng Dios, oo at ang mga bagay na walang halaga upang mawalang halaga ang mga bagay na mahahalaga:
1Co 1:29 Upang walang laman na magmapuri sa harapan ng Dios.
Walang makakaharap sa Dios at magsasabing may pagkakapuri sa sarili na lahat ng bagay na kaniyang taglay ay mula lamang sa kaniyang mga kamay at lahat ay kaniyang tinatamasa bunga ng kaniyang sariling pagsisikap.
Sinumang tawagin ng Dios ay bunga lamang ng Kaniyang kahabagan. Walang sinuman na maaaring makapagmalaki sa Kaniya.
Maraming pagkakataon, kapag ang pananampalataya ng bayang Israel ay humihina, ang Dios ang gumagawa ng kaparaanan upang ipaalala sa kanila ang kanilang pakikipagtipan sa Kaniya. Sa tuwina ay laging namamagitan ang Dios upang ipaunawa sa kanila ang kanilang mga pagmamapuri at kakulangan ng pananampalataya.
Sa pasimula pa lamang ng paglalang ng Dios, pilit nang ini-aangat ng sangkatauhan ang kanilang sarili sa Dios sa pamamagitan ng pagpili at pagsunod sa kanilang sariling kagustuhan sa halip na ang gawin ay ang kalooban ng Dios.
Napaka-simple lamang ng kalakaran ng Dios.
Kailangan nating maunawa bilang mga tao na tayo ay nagtataglay ng mga kakulangan, kapintasan at kahinaan. Ang mga ito ay sapat nang dahilan upang maintindihan natin na ang ikaliligtas natin ay hindi sa pamamagitan ng ating sariling pagsisikap lamang. Kailangan natin ang habag na magmumula sa Dios para matamo natin ang kaligtasan.
Kapag lubos na nating nauunawaan na ang pagliligtas ay nasa kamay ng Dios, dito natin makikita ang ating mga sarili na lubhang kay baba kumpara sa Dios. Subalit hindi naman tayo dapat mag-alala, ang katangian ng mga pinipili ng Dios ay ang mga mabababa, ang mga may kakulangan.
Sila yaong mga taong hindi nakikita ang kanilang sarili bilang matataas, kundi mababa sa paningin ng Dios, na ang kanilang kalagayan ay sintaas lamang ng tinutungtungan ng kanilang mga paa.
At dahil mababa ang tingin nila sa kanilang mga sarili, hindi na sila nahihirapang makisama sa kanilang kapuwa kapatid sa pananampalataya na kapuwa may gayunding pagtingin sa kanilang mga sarili.
Ang pagiging mababa ay katangian ng Dios at ipinakita Niya ito sa Kaniyang ginawang pagkakatawang-tao sa pamamagitan ni Hesus. Php 2:5 Mangagkaroon kayo sa inyo ng pagiisip, na ito’y na kay Cristo Jesus din naman: Php 2:6 Na siya, bagama’t nasa anyong Dios, ay hindi niya inaring isang bagay na nararapat panangnan ang pagkapantay niya sa Dios, Php 2:7 Kundi bagkus hinubad niya ito, at naganyong alipin, na nakitulad sa mga tao: Php 2:8 At palibhasa’y nasumpungan sa anyong tao, siya’y nagpakababa sa kaniyang sarili, na nagmasunurin hanggang sa kamatayan, oo, sa kamatayan sa krus.
Sa maraming pagkakataon, ipinakita ni Hesus ang pagiging malapit Niya sa mga mabababa ang kalagayan, sa mga makasalanan na handang magsisi at magbalik-loob sa Dios.
Sa kabilang banda, ayaw ng Dios ng may nagmamapuri. ito ang dahilan kung kaya’t mas pinili Niya ang mga mabababa ng sanlibutang ito, yaon ay upang hiyain ang mga nagmamataas at nagmamapuri.
Ito din ang dahilan kung bakit tayong mga tao ay nagtataglay ng kahinaan.
Ang kahinaang ito ay sapat na dahilan upang huwag tayong manangan sa ating mga sarili lamang kundi dapat lamang na umasa sa kapangyarihan at kahabagan ng Dios.