Bakit po ba kailangan pa nating pag-aralan ang Biblia?
Kapag hindi natin nalaman ang kahalagahan ng isang bagay, maaaring hindi natin pahalagahan ang bagay na yaon. Ganito ang Biblia sa maraming mga tao. Hindi nila pinapahalagahan sapagkat hindi nila nalalaman ang importansiya. Subalit kung kahit paano ay mauunawa ng isang tao ang kahalagahan nito, malaki ang magiging pagtingin niya sa mga nangasulat.
Maraming dahilan kung bakit kailangang pag-aralan at siyasatin ang Biblia.
Pangunahin na dito, na ito ay ang aklat ng Panginoon na ibinigay para saliksikin natin. Kung hahanapin natin ang kasagutan tungkol sa mga katanungan tungkol sa Dios, ang Kaniyang aklat (Biblia) ay nakahanda upang sumagot. Ang kailangan nga lamang ay saliksikin ito. Isa 34:16 Inyong saliksikin sa aklat ng Panginoon, at inyong basahin: kahit isa sa mga ito ay hindi magkukulang, walang mangangailangan ng kaniyang kasama; sapagka’t iniutos ng aking bibig, at pinisan sila ng kaniyang Espiritu.
Ang pagbabasa ng Biblia ay iba sa pag-aaral ng Biblia. Maaaring basahin natin ang Biblia sa kabuoan nito, subalit ang pag-aaral ay nangangailangan ng ibayong panahon, lakas at kaalaman. Kailangan natin higit sa lahat ang patnubay ng Dios upang maunawaan natin ang mga bagay na sinasabi ng Biblia.
Bakit nga ba kailangang pag-aralan ang Biblia? Isa-isahin natin ang mga dahilan:
- 2Ti 3:16 Ang lahat ng mga kasulatan na kinasihan ng Dios aymapapakinabangan din naman sa pagtuturo, sa pagsansala, sa pagsaway, sa ikatututo na nasa katuwiran: 2Ti 3:17 Upang ang tao ng Dios ay maging sakdal, tinuruang lubos sa lahat ng mga gawang mabuti. Ang Biblia ay isang kasangkapan na mapapakinabangan sa pagtuturo sa ikatututo na nasa katuwiran upang tayo ay maging sakdal sa harap ng Dios, na maturuan sa lahat ng mga gawang mabuti.
- Kaya naman, ipinayo ni Apostol Pablo kay Timoteo na ito ay pag-aralan.2Ti 2:15 Pagsikapan mong humarap na subok sa Dios, manggagawang walang anomang ikahihiya, na gumagamit na matuwid ng salita ng katotohanan. Sa Biblia kukuha ng mga matuwid na salita ng katotohanan upang magamit sa pangangaral.
- Ang Biblia ay gagamitin sa pangangaral at pagtatanggol ng katuwiran ng Dios. 2Ti 4:2 Ipangaral mo ang salita; magsikap ka sa kapanahunan, at sa di kapanahunan, sumawata ka, sumaway ka, mangaral ka na may buong pagpapahinuhod at pagtuturo. Kaya dapat pag-aralan, sapagkat dito kukuha ng unawa upang magkaroon ng kaalaman na gagamitin sa pangangaral at pagtatanggol ng katuwiran ng Dios.
- Ang pag-aaral ng Biblia ay nagdudulot ng kasiyahan at nagpapalago ng ating pananampalataya sa Dios. Pinalalago din nito ang espirituwal na bahagi ng ating buhay. Dahil mauunawaan natin na hindi lamang pala tayo nabubuhay sa pagkain at inumin, kundi sa pamamagitan din ng mga Salita ng Dios. Mat 4:4 Datapuwa’t siya’y sumagot, at sinabi, Nasusulat, Hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao, kundi sa bawa’t salitang lumalabas sa bibig ng Dios.
- Karaniwan na pakainin natin ang ating katawan ng mga pagkain sapagkat kung walang pagkain ang katawan natin ay hindi gagana nang ayon sa hangganan nito. Kung mahina tayo, hindi tayo makakagawa ng maayos. Magiging walang silbi tayo dahil sa panghihina. At kung paanong ang pisikal na katawan ay nangangailangan ng pagkain, gayundin naman ang espirituwal na bahagi ng ating pagkatao ay nangangailangan ng pagkain. Kung hindi tayo tatanggap ng aral mula sa Biblia, magiging walang silbi tayong mga lingkod ng Dios. At upang maging malakas ang kaluluwa at pananampalataya, kailangang laging napapakain ang ating mga kaluluwa ng mga Salita ng Dios. 1Pe 2:2 Gaya ng mga sanggol na bagong panganak ay nasain ninyo ang gatas na walang daya na ukol sa espiritu, upang sa pamamagitan nito’y magsilago kayo sa ikaliligtas;
- Sa pamamagitan ng pagpapakain sa kaluluwa, magiging malago ang pananampalataya at pakikitungo ng isang lingkod ng Dios sa Panginoon. Bilang mga mananampalataya, mayroon tayong kagutuman, na tanging ang mga Salita lamang ng Dios ang makakapukaw. Maliban dito, wala nang iba pa. Job 23:12 Ako’y hindi humiwalay sa utos ng kaniyang mga labi; aking pinagyaman ang mga salita ng kaniyang bibig ng higit kay sa aking kailangang pagkain.
- Ang pag-aaral ng mga Salita ng Dios ay pagkakataon din upang lubos nating maunawaan at makilala ang mga katangian ng Dios na ating pinaglilingkuran. Sa pamamagitan ng mga Salita ng Dios, naunawa natin na Siya ay Dios na nagbibigay ginhawa, kapayapaan at kahabagan. Maaaring ang mga katangian ng Dios ay walang hanggan, subalit sa pag-aaral ng Kaniyang mga salita ay lubos nating maa-appreciate at ipagpapasalamat na makilala natin ang mga katangiang yaon ng Dios. Kung hindi natin makikilala ang Dios, paano natin Siya iibigin at susuklian lahat ng Kaniyang mga kabutihan sa atin? Eph 3:19 At makilala ang pagibig ni Cristo na di masayod ng kaalaman, upang kayo’y mangapuspos hanggang sa buong kapuspusan ng Dios.
- Ang pag-aral ng Biblia ay maghahatid sa atin sa katotohanan. Bilang nag-aaral, huwag tayong magtiwala sa sinasabi ng mga tao kundi kung ano talaga ang sinasabi ng mga salita ng Dios. Tayo mismo ang dapat magsaliksik. Kaya dapat lakipan ng ibayong pagpapagal at panalangin ang pag-aaral ng mga Salita ng Dios. Act 17:11 Ngayon lalong naging mararangal ang mga ito kay sa mga taga Tesalonica, sapagka’t tinanggap nila ang salita ng buong pagsisikap, at sinisiyasat sa araw-araw ang mga kasulatan, kung tunay nga ang mga bagay na ito.
- Ang pag-aaral ng Biblia ay isang uri ng komunikasyon o pakikipag-usap sa Dios. Sa panalangin, tayo ang nagsasalita sa Dios at humihingi ng ating mga pangangailangan. Sa pag-aaral ng mga Salita ng Dios, ang Dios naman ang nagsasalita sa atin. Ang Kaniyang Banal na Espiritu ang nagtuturo sa atin ng mga bagay na kailangan nating matutunan. 1Co 2:13 Na ang mga bagay na ito ay atin namang sinasalita, hindi sa mga salitang itinuturo ng karunungan ng tao, kundi sa itinuturo ng Espiritu; na iniwawangis natin ang mga bagay na ayon sa espiritu sa mga pananalitang ayon sa espiritu.
- Mahalaga para sa atin ang katotohanan, lalo na kung ang katotohanan ay ang mga Salita ng Dios. Sa pag-aaral ng Biblia, mauunawaan natin kung ano ang katotohanan at kung ano ang hindi katotohanan. 1Jn 4:1 Mga minamahal, huwag kayong magsipaniwala sa bawa’t espiritu, kundi inyong subukin ang mga espiritu, kung sila’y sa Dios: sapagka’t maraming nagsilitaw na mga bulaang propeta sa sanglibutan. Tuklasin natin ang katotohanan at nang huwag tayong madaya nang sinuman. 2Pe 2:1 Nguni’t may nagsilitaw din naman sa bayan na mga bulaang propeta, na gaya naman sa inyo’y magkakaroon ng mga bulaang guro, na mangagpapasok sa lihim ng mga makakapahamak na mga hiduwang pananampalataya, na itatatuwa pati ang Panginoon na bumili sa kanila, na mangagtataglay sa kanilang sarili ng madaling pagkapahamak.
Ang pag-aaral ng Biblia ay makakatulong upang tayo ay maging mabuting manggagagawa at lingkod ng Dios. Pagkakalooban tayo nito ng baluti ng Dios (Efeso 6: 10-18) na makakatulong sa atin laban sa mga lalang ng Diablo upang tayo ay maging mapagtagumpay gaya nang iniwang halimbawa ni Hesus. Rom 8:37 Hindi, kundi sa lahat ng mga bagay na ito tayo’y higit pa sa mga mapagtagumpay sa pamamagitan niyaong sa atin ay umibig.
Tandaan na ang pagkamamamayan natin ay hindi na sa sanlibutang ito, at samantalang nasa lupa, kailangan nating katawanin ang Dios na pumili sa atin. Ginawa Niya tayong mga anak at kailangang bigyan natin Siya ng karangalan. Ito ang layunin Niya sa atin, na Siyang ating dapat ipangaral at ipakalat ang Kaniyang mga Salita.
Sa pag-aaral ng Biblia, makapagbibigay tayo ng katuwiran at patotoo kung bakit si Hesus ang tunay na pag-asa at kaligtasan. Ang mga Salita ng Dios ang makapagpapalaya sa atin, kaya halina’t tuklasin at maging kasiyahan natin ang mga ito samantalang binibigyan tayo ng kalayaan at kapayapaan. Joh 8:32 At inyong makikilala ang katotohanan, at ang katotohana’y magpapalaya sa inyo.
Pangunahing dahilan kung bakit dapat pag-aralan ang Biblia ay upang tayo ay mangatuto sa mga nakasulat dito. Marami tayong matutunan sa mga kawikaan at sa mga kasaysayan na nag-iiwan ng halimbawa sa atin.
Rom 15:4 Sapagka’t ang anomang mga bagay na isinulat nang una aynangasulat dahil sa ikatututo natin, upang sa pamamagitan ng pagtitiis at pagaliw ng mga kasulatan ay mangagkaroon tayo ng pagasa.
Maliwanag ang pahayag na ito ni Apostol Pablo, ang mga bagay na isinulat ay para sa ikatututo natin, na ang pangunahing layunin ay madagdagan ang pag-asa at pananampalataya upang magkaroon ng kaaliwan sa mga pagtitiis na nararanasan.
Mapapansin na ganito ang sistema ng Dios ng pagbibigay kaalaman sa Kaniyang mga lingkod. At ito ay sa pamamagitan ng pagbibigay halimbawa. Ang pagkatuto ay dumadaan sa proseso. At ang pinamakamabisang paraan upang matuto ang isang tinuturan ay sa pamamagitan ng pagpapakita ng halimbawa. Kapag may halimbawa na, mas madali nang ganapin ang mga bagay na kailangang gawin. 1Co 10:11 Ang mga bagay na ito nga’y nangyari sa kanila na pinakahalimbawa; at pawang nangasulat sa pagpapaalaala sa atin, na mga dinatnan ng katapusan ng mga panahon.
Hinulaan ng Biblia na ang mga salita ng katotohanan (Eclesiastes 12: 10), na kinaroroonan ng mga marilag na payo at kaalaman (Kawikaan 22:20) ay mapapasulat ukol sa mga lahing susunod. Psa 102:18 Ito’y isusulat na ukol sa lahing susunod:
Kaya ano ang mahalagang bagay na dapat malaman ng lahat ng bumabasa at nag-aaral ng Biblia?
Nakasulat sa mga awit ni David, Psa 40:7 Nang magkagayo’y sinabi ko: Narito, dumating ako; sa balumbon ng aklat ay nakasulat tungkol sa akin: Ibig sabihin, dapat nating maunawa na ang mga Salita ng Dios na napasulat ay ang Kaniyang paghahayag o rebelasyon sa ating lahat. Sa pamamagitan ng mga Salita Niya ay inihahayag Niya sa atin ang Kaniyang sarili. Sa pamamagitan ng Kaniyang mga Salita ay makikilala natin Siya ng lubusan.
Sinabi ni Hesus, Joh 5:39 Saliksikin ninyo ang mga kasulatan, sapagka’t iniisip ninyo na sa mga yaon ay mayroon kayong buhay na walang hanggan; at ang mga ito’y siyang nangagpapatotoo tungkol sa akin. Ang layunin ng pagsasaliksik sa mga Salita ng Dios ay upang makilala natin nang lubos kung sino si Hesus. Ang Biblia ang nagpapatotoo tungkol sa Kaniya, na sa pamamagitan ng Kaniyang kalooban ay magkaroon tayo ng buhay na walang hanggan.
Ang pagtatamo ng buhay na walang hanggan ay hindi madalian o instant.Kailangang unawain muna ng lubusan ang mga Salita ng Dios, kilalanin si Hesus, samapalatayanan ang Kaniyang mga Salita at panghawakan o lakaran ang mga ito.
Kailangan pa ba nating gumamit ng iba pang aklat maliban sa Biblia?
Ang Biblia ay koleksiyon ng mga Aklat na kinasihan ng Dios at hiningahan ng Kaniyang Espiritu. Nangangahulugang may patnubay ng Dios ang pagkakabuo ng Biblia na sa kasalukuyan nating ginagamit. Isa 34:16 Inyong saliksikin sa aklat ng Panginoon, at inyong basahin: kahit isa sa mga ito ay hindi magkukulang, walang mangangailangan ng kaniyang kasama; sapagka’t iniutos ng aking bibig, at pinisan sila ng kaniyang Espiritu.
At para patunayan na may patnubay nga ng Espiritu ng Dios, ayon sa ilang mg sumulat ng aklat sa Biblia, yaon lamang kanilang nakita at narinig ang kanilang isinusulat sapagkat yaon lamang ang kalooban ng Dios na mapasulat. 1Jn 1:3 Yaong aming nakita at narinig ay siya rin naming ibinabalita sa inyo, upang kayo naman ay magkaroon ng pakikisama sa amin: oo, at tayo ay may pakikisama sa Ama, at sa kaniyang Anak na si Jesucristo: 1Jn 1:4 At ang mga bagay na ito ay aming isinusulat, upang ang ating kagalakan ay malubos. 1Jn 1:5 At ito ang pasabing aming narinig sa kaniya at sa inyo’y aming ibinabalita, na ang Dios ay ilaw, at sa kaniya’y walang anomang kadiliman.
Walang karagdagan o kabawasan ang Biblia. Maging ang kasaysayan ay pinabubulaanan ang sinasabi ng iba na maraming kamalian sa Biblia sapagkat marami na diumano ang binago sa mga ito. Maaari nating basahin ang reperensiyang ito upang masubaybayan natin kung paano nabuo ang Biblia sa panahon nating ito.
Hindi sapat na ang Biblia ay basahin lamang. Kailangang saliksikin ang mga ito. Kailangang pagbulaybulayin araw at gabi. Jos 1:8 Ang aklat na ito ng kautusan ay huwag mahihiwalay sa iyong bibig, kundi iyong pagbubulayan araw at gabi, upang iyong masunod na gawin ang ayon sa lahat na nakasulat dito: sapagka’t kung magkagayo’y iyong pagiginhawahin ang iyong lakad, at kung magkagayo’y magtatamo ka ng mabuting kawakasan.
Isang paraan upang lubos nating maunawaan ang mga Salita ng Dios ay sa pamamagitan ng pagbubulay-bulay (meditations). Ang meditation o pagbubulaybulay ay paraan ng pagsisiyasat sa sarili. Napagkakamalian na ang panalangin at pagbubulaybulay ay iisa. Bagaman kapuwa nangangailangan ng panahon kapag isinasagawa ang mga ito, magkaiba sila sa maraming mga bagay.
Sa Biblia, ang pagbubulay-bulay ay malalim na pag-iisip, konsentrasyon o reflection. Higit na mas tataas ang antas ng ating mga pag-iisipkung patuloy itong isinasagawa sa pamamagitan ng tulong ng panalangin.
Ang layunin ng pagbubulay-bulay upang lalong mapabuti agn relasyon natin sa Dios. At gaya ng panalangin, ang pagbubulay-bulay ay kailangan ng panahon. Mahalaga sa Dios na pag-ukulan natin Siya ng panahon, gaya nang SIya ay laging nariyan para sa atin. Sa lahat ng panahon ay nariyan ang Dios para sa atin.
Ang pagbubulay ng mga salita ng Dios ay naging gawi na ni Haring David, at ito ay upang kaniyang lubos na maunawa ang mga Salita ng Dios. Psa 1:2 Kundi ang kaniyang kasayahan ay nasa kautusan ng Panginoon; at sa kautusan niya nagbubulaybulay siya araw at gabi. Naging kasiyahan na niya ang pagbulayan ang mga salita ng Dios. Ibig sabihin, ito ang kaniyang naging libangan araw at gabi. At totoong naaaliw siya na gawin ang pagbulayan ang mga salita ng Dios.
At ano ang naging bunga ng pagbubulay ni David sa mga salita ng Dios? Siya din ang nagsabi, Psa 1:3 At siya’y magiging parang punong kahoy na itinanim sa siping ng mga agos ng tubig, na nagbubunga sa kaniyang kapanahunan, ang kaniyang dahon nama’y hindi malalanta; at anumang kaniyang gawin ay giginhawa. Ang lingkod na madalas magbulay ng mga Salita ng Dios ay magiging mabunga, hindi malalanta, sapagkat patuloy na bibiyayaan ng kaalaman at karunungang maunawa ang mga bagay-bagay sa buhay na ito. Gaya nang punong itinanim sa tabi ng tubig, hindi magkukulang sa unawa ang sinumang nagbubulay sa mga Salita ng Dios.
At dahil sa hindi magkukulang sa unawa, may sapat na kaalaman ito upang ganapin ang kalooban ng Dios.
2Ti 3:15 At mula sa pagkasanggol ay iyong nalalaman ang mga banal na kasulatan na makapagpadunong sa iyo sa ikaliligtas sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus.
Ang kailangan lang ay ganapin ang mga ito, sapagkat kung papakinggan, babasahin at pag-aaralan lamang ang mga Salita ng Dios, ngunit ito ay hindi ginaganap ay mawawalan lamang ito ng kabuluhan. Napakarami pa namang bagay na maaaring matutunan sa mga Salita ng Dios.
Isa-isahin nating alamin ang mga bagay na maaari nating matutunan sa mga bagay na nangasulat sa ikatututo natin:
Sa pagsasaliksik at pag-aaral ng Biblia, mahahayag sa atin ang mga naging buhay ng mga unang naglingkod sa atin. Ang kagandahan ng nasa hulihan, mayroon na tayong pagtutularan, at ang mga naging buhay nilang mga naunang naglingkod sa atin ay nagsisilbing padron na mapagkukunan natin ng aral.
Ang mga maling nagawa ay maiingatan natin na huwag gawin at ang mga matuwid na bagay na kanilang nagawa ay mapagkukunan natin ng ibayong aral at unawa. Heb 13:7 Alalahanin ninyo ang nangagkaroon ng pagpupuno sa inyo na siyang nangagsalita sa inyo ng salita ng Dios; at sa pagdidilidili ng wakas ng kanilang pamumuhay, ay inyong tularan ang kanilang pananampalataya.
Ang isa sa halimbawa ay si Abel. Heb 11:4 Sa pananampalataya si Abel ay naghandog sa Dios ng lalong mabuting hain kay sa kay Cain, sa pamamagitan nito’y sinaksihan sa kaniyang siya’y matuwid, na nagpapatotoo ang Dios tungkol sa kaniyang mga kaloob: at sa pamamagitan nito patay na siya ay nagsasalita pa. Sa pamamagitan ng paggawa ng matuwid sa paningin ng Dios, patay na si Abel ay nagsasalita pa siya. At ang nangungusap ay ang mga matuwid na bagay na kaniyang ginawa sa paningin ng Dios.
Ang isa pang halimbawa ay ang kasaysayan ni Abraham. Ang kaniyang ginawang pagtalima ay hindi matatawaran. Ang pagsunod niya sa Dios ay naging dahilan upang lubos na magtiwala sa Kaniya ang Dios. Ipinakita ni Abraham ang lubos Niyang pagtitiwala at pananampalataya sa Dios na bagaman inutusan siyang yumaon sa lugar na hindi niya alam kung saan siya paroroon ay sumunod pa din siya. Heb 11:8 Sa pananampalataya si Abraham, nang tawagin, ay tumalima upang pumaroon sa isang dakong kaniyang tatanggaping mana; at siya’y yumaon na di nalalaman kung saan siya paroroon.
Hindi lamang si Abraham, marami pa ang mababasa sa Biblia na nagpakita ng ibayong pagtalima sa Dios. Ang mga ito ay pawang nagsisilbing halimbawa sa atin ng pagtalima sa kalooban ng Dios.
Ganap na pagtalima ang nais ng Dios sa ating lahat. Hindi kalahati, kundi buong pagtalima, gaya ng pag-asa at pananampalataya. At ang kanilang pagtalima sa Dios ay naging dahilan ng kanilang tagumpay.
Tagumpay ang minimithi nating lahat. At ang susi sa tagumpay ay ang ganap na pagtalima sa Dios. Kung naipakita nila ito at naipamalas sa paningin ng Dios at pawang nangasulat sa ikatututo natin, tagumpay din ang idudulot nito sa atin kung ating lalakaran. (Heb. 11 : 32 – 34, 35 – 40)
Kung may mga kasaysayan sa Biblia na nagtuturo ng ibayong pagtalima, may mga kasaysayan din na nagtuturo upang mamulat sa mga kamalian. Kung ang mga tumalima sa Dios ay nagtagumpay, may mga napasulat din naman na mga hindi nagtagumpay at hindi nakalugod sa Dios. 1Co 10:5 Bagaman ang karamihan sa kanila ay hindi nakalugod sa Dios; sapagka’t sila’y ibinuwal sa ilang. 1Co 10:6 Ang mga bagay na ito nga’y pawang naging mga halimbawa sa atin, upang huwag tayong magsipagnasa ng mga bagay na masama na gaya naman nila na nagsipagnasa.
Ang kasaysayan ng sinaunang Israel ay nagsisilbing halimbawa sa ating lahat. Halos lahat ay ibinigay sa kanila ng Dios. Kinandili sila sa maraming mga taon at inaruga sila nang lubos gaya nang pag-aaruga ng magulang sa kaniyang mga anak. Subalit, ang Israel ay tumalikod sa Dios at niyakap ang ibang mga Dios. Ito ang naging dahilan upang talikuran din sila ng Dios.
Maging ang mga Kristiyano sa panahon ni Apostol Pablo, winalang kabuluhan ng ilan sa kanila ang kanilang pakikipagtipan sa Dios at kanilang binalewala ang pagkakabuhos ng dugo ng ating Panginoong Hesus. Ang ilan sa kanila, ay nasumpungang nagkakatipon hindi sa mabuti kundi sa masama. 1Co 11:17 Datapuwa’t sa pagtatagubilin sa inyo nito, ay hindi ko kayo pinupuri, sapagka’t kayo’y nangagkakatipon hindi sa lalong mabuti kundi sa lalong masama. Mga aral ito na dapat nating bigyang pansin.
Ang mga ito ay sa halip na panindigan ang tunay na pananampalataya ay nadala ng mga tukso. Ang naging resulta ay ang pagbangon ng hidwa at maling pananampalataya. 1Co 11:18 Sapagka’t unauna’y nababalitaan ko na kung nangagkakatipon kayo sa iglesia, ay mayroon sa inyong mga pagkakabahabahagi; at may kaunting paniniwala ako. 1Co 11:19 Sapagka’t tunay na sa inyo’y mayroong mga hidwang pananampalataya, upang yaong mga napatunayan na ay mangahayag sa inyo. Saan nandoon ang pag-ibig sa kapatid? Saan napunta ang mga wagas na aral ng Panginoong Hesus at ng mga Apostol?
Ang ilan ay napasulat sa ganito, 1Co 10:10 Ni huwag din kayong mangagbulongbulungan, na gaya ng ilan sa kanila na nangagbulungan, at nangapahamak sa pamamagitan ng mga mangwawasak.
Winalang kabuluhan ito ng mga ilang kapatid na hindi na natuto sa mga aral na napasulat, gaya nang kasaysayan ng Israel na nawalan ng pananampalataya sa Dios.
Dahil sa mga naging gawi nila, nagdulot ito ng panlalalamig ng pananampalataya ng iba. Naging mahina at masasaktin ang iba. At marami ang hindi nakapagpatuloy sa paglilingkod. Hindi nagtagumpay. 1Co 11:30 Dahil dito’y marami sa inyo ang mahihina at mga masasaktin, at hindi kakaunti ang nangatutulog.
Sa lahat ng mga ito, dapat maging matalino na tayo. Dapat ay matuto na tayo nang husto.
Dapat ay maging iba ang pagtingin natin sa ating mga paglilingkod na ginagawa. Sabi nga ni Apostol Pablo ang paglilingkod natin ay dapat nating tiyakin. Hindi ito pakikipagsapalaran, kaya dapat magkaroon tayo ng ibayong disiplina sa sarili. At magawa nating pigilin ang bawat hila ng laman na alam nating maghahatid sa atin sa pagkakasala.
1Co 9:24 Hindi baga ninyo nalalaman na ang mga nagsisitakbo sa takbuhan ay tumatakbong lahat, nguni’t iisa lamang ang tumatanggap ng ganting-pala? Magsitakbo kayo ng gayon; upang magsipagtamo kayo. 1Co 9:25 At ang bawa’t tao na nakikipaglaban sa mga palaruan ay mapagpigil sa lahat ng mga bagay. Ginagawa nga nila ito upang magsipagtamo ng isang putong na may pagkasira; nguni’t tayo’y niyaong walang pagkasira. 1Co 9:26 Ako nga’y tumatakbo sa ganitong paraan, na hindi gaya ng nagsasapalaran; sa ganito rin ako’y sumusuntok, na hindi gaya ng sumusuntok sa hangin:
Paano natin matitiyak na tagumpay ang patutunguhan ng ating mga paglilingkod?
Dapat sapat ang kaalaman natin sa mga kalooban ng Dios. Dapat ay gayahin natin ang pananampalataya ng mga unang nagsipaglingkod. Dapat ay tularan natin ang pagtalima nila. At hindi tayo titigil hanggang may lakas tayo at may buhay. Ganito din ang paglilingkod na ginawa ng mga unang lingkod ng Dios. Hindi sila tumigil hanggat hindi naaabot ang nais ng Dios na maipaabot sa atin. Hanggang sa tuluyan nating maabot ang kasakdalan ng pananampalataya. Eph 4:13 Hanggang sa abutin nating lahat ang pagkakaisa ng pananampalataya, at ang pagkakilala sa Anak ng Dios, hanggang sa lubos na paglaki ng tao, hanggang sa sukat ng pangangatawan ng kapuspusan ni Cristo: Eph 4:14 Upang tayo’y huwag nang maging mga bata pa, na napapahapay dito’t doon at dinadala sa magkabikabila ng lahat na hangin ng aral, sa pamamagitan ng mga daya ng mga tao, sa katusuhan, ayon sa mga lalang ng kamalian;
At bilang mga anak ng Dios na lubha Niyang minamahal, ipapapakita natin sa Kaniya at sa lahat ng mga tao na lumalakad tayo sa pag-ibig, bilang pagtugon sa Kaniyang utos na tayong lahat ay mag-ibigan sa isa’t isa. At gagawin natin ito hindi lamang dahil sinusunod natin ang Kaniyang mga utos, kundi dahil mahal natin at iniibig natin ang Dios.
Eph 5:1 Kayo nga’y magsitulad sa Dios, na gaya ng mga anak na minamahal; Eph 5:2 At magsilakad kayo sa pagibig, gaya rin naman ng pagibig ni Cristo sa inyo, at ibinigay dahil sa atin ang kaniyang sarili, na hain at handog sa Dios upang maging samyo ng masarap na amoy. Eph 5:3 Nguni’t ang pakikiapid, at ang lahat ng karumihan, o kasakiman, ay huwag man lamang masambit sa inyo, gaya ng nararapat sa mga banal; Eph 5:4 O ang karumihan man, o mga mangmang na pananalita, o ang mga pagbibiro, na di nangararapat: kundi kayo’y magpasalamat. Eph 5:5 Sapagka’t talastas ninyong lubos, na sinomang mapakiapid, o mahalay, o masakim, na isang mapagsamba sa mga diosdiosan, ay walang anomang mamanahin sa kaharian ni Cristo at ng Dios.
-end-