Ang Mga Karamay sa Sakit at Kaaliwan

Ang mga tinawag sa loob ng Iglesia ng Dios ay tinawag bilang mga magkakapatid. Hindi man magkakamag-anak ang relasyon sapagkat karamihan ay walang kaugnayan sa dugo at laman, higit pa dito ang pagtingin o relasyon na dapat mamagitan sa kanila.

Hangad ng Dios na ang relasyon o pagtitinginang magkakapatid ay lumago at maging lapat sa isa’t isa. Ang salitang griyego na “koinonia,” na karaniwang isinasalin sa katagang “fellowship,” ay inilalarawan ang pag-uugnayan, pakikibahagi at pagmamalasakit. Act 2:42  At sila’y nagsipanatiling matibay sa turo ng mga apostol at sa pagsasamasama, sa pagpuputolputol ng tinapay at sa mga pananalangin. Act 2:42  And they continued stedfastly in the apostles’ doctrine and fellowship, and in breaking of bread, and in prayers.

Ang salitang fellowship ay mula sa salitang Griyego na koinonia, na ang kahulugan ay partnership, o partisipasyon, pagsasama-sama o pag-uugnayan. Ang pagtitinginang ito ng mga magkakapatid ay paraan ng Dios upang ang mga lingkod ay maganap ang Kaniyang kautusan na “mag-ibigan sa isa’t isa.” Joh 13:34  Isang bagong utos ang sa inyo’y ibinibigay ko, na kayo’y mangagibigan sa isa’t isa: na kung paanong iniibig ko kayo, ay mangagibigan naman kayo sa isa’t isa.

Bukod dito, isa din ito sa paraan ng pagdadalahan ng pasanin ng bawat isa. Gal 6:2  Mangagdalahan kayo ng mga pasanin ng isa’t isa, at tuparin ninyong gayon ang kautusan ni Cristo.

Ang mga magkakapatid sa loob ng Iglesia ng Dios ay kailangang magkakasamang magsilago sa pagtitinginan, upang ang iglesia, na siyang katawan ni Kristo ay tumibay sa pagkakaisa sa pananampalataya, sa kaalaman at sa pag-ibig. Kaya dito ipinakikita ang kahalagahan ng pagsasama-sama o fellowship.

Eph 4:12-16  Sa ikasasakdal ng mga banal, sa gawaing paglilingkod sa ikatitibay ng katawan ni Cristo: Hanggang sa abutin nating lahat ang pagkakaisa ng pananampalataya, at ang pagkakilala sa Anak ng Dios, hanggang sa lubos na paglaki ng tao, hanggang sa sukat ng pangangatawan ng kapuspusan ni Cristo: Upang tayo’y huwag nang maging mga bata pa, na napapahapay dito’t doon at dinadala sa magkabikabila ng lahat na hangin ng aral, sa pamamagitan ng mga daya ng mga tao, sa katusuhan, ayon sa mga lalang ng kamalian; Kundi sa pagsasalita ng katotohanan na may pagibig, ay mangagsilaki sa lahat ng mga bagay sa kaniya, na siyang pangulo, sa makatuwid baga’y si Cristo; Na dahil sa kaniya’y ang buong katawan na nakalapat na mabuti at nagkakalakip sa pamamagitan ng tulong ng bawa’t kasukasuan, ayon sa paggawang nauukol sa bawa’t iba’t ibang sangkap, ay nagpapalaki sa katawan sa ikatitibay ng kaniyang sarili sa pagibig.

Ang fellowship o pagsasama-sama ay isang paraan din upang tayo ay magkaisa sa paraang inaasahan ng Dios na makita sa atin. Kapag ang sinuman ay naanib sa Iglesia, bagaman nagmula sa iba’t ibang kaparaanan ng pamumuhay, sa pamamagitan ng pagsasama-sama, nagagawa nitong pagkaisahin ang mga magkakapatid kay Kristo, sapagkat ang aral na tinatanggap ay iisa, maging ang mga doktrina at katuruan. 1Co 1:9-10  Ang Dios ay tapat, na sa pamamagitan niya ay tinawag kayo sa pakikisama ng kaniyang anak na si Jesucristo na Panginoon natin. Ngayo’y ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid, sa pamamagitan ng pangalan ng ating Panginoong Jesucristo, na kayong lahat ay mangagsalita ng isa lamang bagay, at huwag mangagkaroon sa inyo ng mga pagkakabahabahagi; kundi kayo’y mangalubos sa isa lamang pagiisip at isa lamang paghatol.

Kaya naman, lahat ay kikilos bilang isang katawan. Bagaman may iba’t ibang sangkap at iba’t ibang paggawa na nauukol sa bawat sangkap, magagawa nito ang layunin ng buong katawan sapagkat lahat ay nagtutulong-tulong.

Isa pang kabutihang dulot ng pagsasama-sama ay tinuturuan tayo nito na mapalakas ang ating mga kahinaan upang makapagtaglay ng katangian ng isang tunay na Kristiyano. Paano natin maipapakita ang ating malasakit, pagkahabag, kabutihan, pagpapakababa, pagka-maamo, pagtitiis at pagpasan sa bawat isa kung walang pagsasama-sama?

Samakatuwid, ang pagsasama-sama ay tumutulong sa atin upang magkaroon tayo ng pagkakataon na makadaupang palad ang mga kapatid sa positibo at espirituwal na paraan. Col 3:12-13  Mangagbihis nga kayo gaya ng mga hinirang ng Dios, na mga banal at minamahal, ng isang pusong mahabagin, ng kagandahangloob, ng kababaan, ng kaamuan, ng pagpapahinuhod: Mangagtiisan kayo sa isa’t isa, at mangagpatawaran kayo sa isa’t isa, kung ang sinoman ay may sumbong laban sa kanino man; na kung paanong pinatawad kayo ng Panginoon, ay gayon din naman ang inyong gawin: Rom 12:9-10  Ang pagibig ay maging walang pagpapaimbabaw. Kapootan ninyo ang masama; makisanib kayo sa mabuti. Sa pagibig sa mga kapatid ay mangagmahalan kayo; sa kapurihan ay ipagpauna ng isa’t isa ang iba;

Tinawag tayo upang maglingkuran sa isa’t isa kay Kristo, na maguukol ang bawat isa ng pag-ibig at ang pagsasama-sama ay instrumento o kasangkapan upang maisakatuparan ang layunin ng pagkakatawag na ito. Rom 12:11-13  Huwag mga tamad sa pagsusumikap; maningas sa espiritu; mapaglingkod sa Panginoon; Mangagalak sa pagasa; magmatiisin sa kapighatian; magmatiyagain sa pananalangin; Mapagdamay sa mga kailangan ng mga banal; maging mapagpatuloy.

Kasama sa mga pangunahing layunin ng pagkakatawag sa kapatid ay ang pagdamay. Ang pagdamay ay pakikibahagi sa anumang nararanasan ng sinuman, ito man ay sakit o kaaliwan. Ang lohika ay itinulad sa katawan, na ang bawat isang sangkap ay magkakalakip sa isa’t isa. Anuman ang nararamdaman o nararanasan ng isang sangkap ay nararamdaman din ng buong katawan.

Karaniwan, ayon na din sa mga pahayag ni Apostol Pablo sa kaniyang mga sulat, ang mga Ministro ng Dios ang karaniwang nakakaranas ng mga sakit o pagtitiis. 2Co 6:4  Datapuwa’t sa lahat ng mga bagay ay ipinagkakapuri namin ang aming sarili, gaya ng mga ministro ng Dios, sa maraming pagtitiis, sa mga kapighatian, sa mga pangangailangan, sa mga paghihinagpis,

Hindi kaila sa atin ang mga iba’t ibang karanasan na kanilang naranasan dala ng kanilang mga tungkulin na ipangaral ang mga Salita ng Dios at pag-aaruga sa Kaniyang mga ibang lingkod na kanilang dinadalaw sa bawat dako. 2Co 11:26-29  Sa mga paglalakbay ay madalas, sa mga kapanganiban sa mga ilog, sa mga kapanganiban sa mga tulisan, sa mga kapanganiban sa aking mga kababayan, sa mga kapanganiban sa mga Gentil, sa mga kapanganiban sa bayan, sa mga kapanganiban sa mga ilang, sa mga kapanganiban sa dagat, sa mga kapanganiban sa gitna ng mga bulaang kapatid; Sa pagpapagal at sa pagdaramdam, sa mga pagpupuyat ay madalas, sa gutom at uhaw, mga pagaayuno ay madalas, sa ginaw at kahubaran. Bukod sa mga bagay na yaon, ay may umiinis sa akin sa araw-araw, ang kabalisahan dahil sa lahat ng mga iglesia. Sino ang nanghina, at ako’y hindi nanghina? Sino ang napapatisod, at ako’y di nagdaramdam?

Nang kanilang tanggapin ang kanilang tungkulin sa Dios, alam nilang maraming pagtitiis ang kanilang mararanasan. 2Co 12:10  Kaya nga ako’y nagagalak sa mga kahinaan, sa mga pagkaapi, sa mga pangangailangan, sa mga pagkakausig, sa mga paghihinagpis, dahil kay Cristo: sapagka’t pagka ako’y mahina, ako nga’y malakas. Hindi lamang sila ang nakaranas nito, kundi maging ang mga Propeta ng Dios na Kaniyang ipinadala ay nagdanas din ng maraming sakit at pagtitiis.

Ngunit sa kabila ng mga ito, sila ay nakapanatili sa kanilang mga tungkulin. Hindi lamang sapagkat taglay nila ang malaking pananampalataya, matibay na pag-asa at malawak na pagtitiis sa kanilang mga sarili, kundi ang mga ito ay nakapanatili sapagkat sa maraming pagkakataon ay nagkaroon sila ng mga karamay sa pagtitiis. 2Co 1:7  At ang aming pagasa tungkol sa inyo ay matibay; yamang nalalaman na kung paanong kayo’y mga karamay sa mga sakit, ay gayon din naman kayo sa kaaliwan.

Ngunit sino ang mga nagsilbing karamay ng mga ito, kung kaya sila nakapanatili sa kabila ng mga tiisin?

Ang wika ni Pablo, Kayo naman na nagsisitulong ng inyong panalangin na patungkol sa amin; upang dahil sa kaloob na ipinagkaloob sa amin sa pamamagitan ng marami, ay makapagpasalamat ang maraming tao dahil sa amin. (2 Cor. 1:11) Ang mga kapatid pa din ang naging karamay ng mga mangangaral sa bawat sakit at tiisin na kanilang naranasan. Pumapasok dito ang kahalagahan ng fellowship o pagsasama-sama ng mga lingkod ng Dios. Katungkulan ng bawat kapatid na makibahagi o makiramay sa kanilang mga mangangaral.

Gaya halimbawa ng mga taga-Filipos na nagkakaloob ng mga tulong sa mga pangangailangan nila sa pangangara. Php 4:18  Datapuwa’t mayroon ako ng lahat ng bagay, at sumasagana: ako’y busog, palibhasa’y tumanggap kay Epafrodito ng mga bagay na galing sa inyo, na isang samyo ng masarap na amoy, isang handog na kaayaaya, na lubhang nakalulugod sa Dios.  Php 4:14  Gayon man ay mabuti ang inyong ginawa na kayo’y nakiramay sa aking kapighatian. Ang tulong na naipagkakaloob sa mga tagapangaral ay simbolo ng kanilang pagdamay sa mga kapighatiang kanilang nararanasan.

Ngunit ang mga kapatid ba na ito ay naging karamay lamang sa mga sakit? 

Maliwanag ang pahayag ni Pablo, hindi lamang sa mga sakit naging karamay ang mga kapatid noong araw, kundi maging sa mga kaaliwan. 2Co 1:7  At ang aming pagasa tungkol sa inyo ay matibay; yamang nalalaman na kung paanong kayo’y mga karamay sa mga sakit, ay gayon din naman kayo sa kaaliwan.

Gaya nang pahayag, ang sakit ng kalingkingan ay nararamdaman ng buong katawan, maging ang kagalakan ay nasa ganito ding kalagayan. 1Co 12:26-28  At kung ang isang sangkap ay nagdaramdam, ang lahat ng mga sangkap ay nangagdaramdam na kasama niya; o kung ang isang sangkap ay nagkakapuri, ang lahat ng mga sangkap ay nangagagalak na kasama niya. Kayo nga ang katawan ni Cristo, at bawa’t isa’y samasamang mga sangkap niya. At ang Dios ay naglagay ng ilan sa iglesia, una-una’y mga apostol, ikalawa’y mga propeta, ikatlo’y mga guro, saka mga himala, saka mga kaloob na pagpapagaling, mga pagtulong, mga pamamahala, at iba’t ibang mga wika.

Pare-parehong tumanggap ng aral at mga Salita ng Dios ang mga kapatid, kaya naman, iisa ang kanilang pananampalataya, iisa ang kanilang pag-asa, iisa ang pangako ng kanilang inaasahan na tatanggapin mula sa Dios. Kaya kung mayroon mang motibasyon na dapat magtulak sa isang kapatid upang lalong magtapat at maglingkod sa Dios, ito ay tinatanggap ng lahat sa pamamagitan ng pag-aliw ng mga Salita ng Dios.

Sino naman silang nag-iibig na makaramay sa kaaliwan subali’t umiiwas at ayaw naman makiramay sa sakit ? 

Hindi lahat ng mga tinawag at naging bahagi sa Iglesia ay naging karamay sa mga hirap at sakit ng mga Tagapangaral, Ministro at mga Apostol. Mayroong mga ilan na hindi naihanda ang kanilang mga kalooban sa pagdamay.

Nakalulungkot subalit mayroong mga ilan na naging gaya ng mga Eskriba at Fariseo na alam ang mga kautusan ng Dios subalit hindi ito isinasagawa. Kung mayroon mang sinusunod ay yaon lamang kanilang maibigan. Mat 23:4  Oo, sila’y nangagbibigkis ng mabibigat na pasan at mahihirap na dalhin, at ipinapasan nila sa mga balikat ng mga tao; datapuwa’t ayaw man lamang nilang kilusin ng kanilang daliri. Mayroong mga ilan na ayaw kilusin ang kanilang mga sarili sa pagdamay sa mga sakit, at ang pinipili lamang na ibig damayan ay ang mga kaaliwan.

Maaalala na ang binatang mayaman na nakausap ni Hesus ay nalungkot nang sinabi sa kaniyang ipagbili ang kaniyang mga tinatangkilik. Ang kahulugan nito ay pagsasakripisyo. Mayroong ilan na sadyang ayaw makaranas ng hirap at sakripisyo, subalit madaling tinatanggap ang mga ginhawa sa buhay. Mat 19:21-22 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Kung ibig mong maging sakdal, humayo ka, ipagbili mo ang tinatangkilik mo, at ibigay mo sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit: at pumarito ka, sumunod ka sa akin. Datapuwa’t nang marinig ng binata ang ganitong pananalita, ay yumaon siyang namamanglaw; sapagka’t siya’y isang may maraming pag-aari.

Ano ang dapat nating gawin upang magkusa ang ating mga sarili na makibahagi sa mga sakit sa hangaring makabahagi sa kaaliwan?

Kung tunay na ang isang kapatid ay nakalapat na mabuti sa iglesia na kaniyang kinaaaniban, walang dahilan upang hindi niya madama ang pangangailangan na kailangan siyang maging karamay sa mga sakit at kaaliwan.

Kung tunay na siya ay nakalapat na mabuti at pinahahalagahan ang mga aral na kaniyang natutunan, ito ang magtutulak sa kaniya upang magkusang makibahagi sa mga sakit, lalo ng mga tagapangaral at ibang kapatid.

Bahagi ng pagiging lingkod ang makaranas ng mga hirap at tiisin, at tayong lahat, bilang mga sangkap ng katawan, na siyang iglesia, anuman ang ating kalagayan at tungkuling tinanggap ay dapat maging kabahagi sa lahat ng panahon sa mga pangangailangan ng iglesia, sa hirap, sakit, pagtitiis at hindi lamang sa mga kaaliwan.

At kung tayo ay makikibahagi sa mga sakit, isipin na lamang natin na hindi naman sa lahat ng araw ay pawang pagtitiis ang ating mararanasan, at hindi naman sa lahat ng panahon ay pawang kalumbayan ang naghihintay sa atin. Ipinangako ni Hesus na ang kalumbayang nararanasan natin sa ngayon ay mapapalitan ng kagalakan. Joh 16:20-22  Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, na kayo’y magsisiiyak at magsisipanaghoy, datapuwa’t ang sanglibutan ay magagalak: kayo’y mangalulumbay, datapuwa’t ang inyong kalumbayan ay magiging kagalakan. Ang babae pagka nanganganak ay nalulumbay, sapagka’t dumating ang kaniyang oras: nguni’t pagkapanganak niya sa sanggol, ay hindi na niya naalaala ang hirap dahil sa kagalakan sa pagkapanganak sa isang tao sa sanglibutan. At kayo nga sa ngayon ay may kalumbayan: nguni’t muli ko kayong makikita, at magagalak ang inyong puso, at walang makapagaalis sa inyo ng inyong kagalakan.

At ang laging maging laman ng ating mga puso at kalooban, na kung tayo man ay tutulong o makikibahagi sa iglesia, sa mga tagapangaral at mga kapatiran, ito ay kabanalang natatala sa aklat ng ating mga gawa, mga kabanalang tunay na kinalulugdan ng Dios. 2Pe 1:4-8  Na dahil dito ay ipinagkaloob niya sa atin ang kaniyang mahahalaga at napakadakilang pangako; upang sa pamamagitan ng mga ito ay makabahagi kayo sa kabanalang mula sa Dios, yamang nakatanan sa kabulukang nasa sanglibutan dahil sa masamang pita. Oo at dahil din dito, sa pagkaragdag sa ganang inyo ng buong sikap, ay ipamahagi ninyo sa inyong pananampalataya ang kagalingan; at sa kagalingan ay ang kaalaman; At sa kaalaman ay ang pagpipigil; at sa pagpipigil ay ang pagtitiis; at sa pagtitiis ay ang kabanalan; At sa kabanalan ay ang mabuting kalooban sa kapatid; at sa mabuting kalooban sa kapatid ay ang pagibig. Sapagka’t kung nasa inyo ang mga bagay na ito at sumasagana, ay hindi kayo pababayaang maging mga tamad o mga walang bunga sa pagkakilala sa ating Panginoong Jesucristo.

Ano ngayon ang payo sa ating lahat?

Utos sa ating lahat ang mag-ibigan sa isa’t isa, sa kapuwa, sa kasambahay sa pananampalataya, at ito ay gagawin natin upang ipakita ang ating pag-ibig sa Dios. Ang pag-ibig sa Dios ay pagtupad ng Kaniyang mga utos, at isa sa mga pangunahing utos ay maging maningas sa pag-ibig na taglay, hindi sa salita lamang kundi sa pamamagitan ng paggawa.

Kaya mayroong partisipasyon, o pakikibahagi na kailangang ipamalas ang bawat isang kapatid. At gagawin natin ito alang-alang sa pag-ibig. 1Ped: 7-8 Nguni’t ang wakas ng lahat ng mga bagay ay malapit na: kayo nga’y mangagpakahinahon, at mangagpuyat sa pananalangin: Na una sa lahat ay maging maningas kayo sa inyong pagiibigan; sapagka’t ang pagibig ay nagtatakip ng karamihang kasalanan:

Sundin natin ang payo ng Panginoong Hesus, Luk 6:32-36  At kung kayo’y magsiibig sa mga nagsisiibig sa inyo, anong pasasalamat ang inyong kakamtin? sapagka’t ang mga makasalanan man ay nagsisiibig sa nagsisiibig sa kanila. At kung magsigawa kayo ng mabuti sa nagsisigawa sa inyo ng mabuti, anong pasasalamat ang inyong kakamtin? sapagka’t ganito rin ang ginagawa ng mga makasalanan. At kung kayo’y mangagpahiram doon sa mga inaasahan ninyong may tatanggapin, anong pasasalamat ang inyong kakamtin? ang mga makasalanan man ay nangagpapahiram sa mga makasalanan, upang muling magsitanggap ng gayon din. Datapuwa’t ibigin ninyo ang inyong mga kaaway at gawan ninyo sila ng mabuti, at mangagpahiram kayo, na kailan man ay huwag mawawalan ng pagasa; at malaki ang sa inyo’y magiging ganti, at kayo’y magiging mga anak ng Kataastaasan: sapagka’t siya’y magandang-loob sa mga walang turing at sa masasama. Magmaawain kayo, gaya naman ng inyong Ama na maawain.

Isa sa naging huwaran ng pakikibahagi ay ang mga taga-Macedonia, na sa kabila ng kanilang karukhaan ay nagsisagana sila sa pagdamay sapagkat alam nilang sa ganitong mga bagay ay tunay na nalulugod ang Panginoong Dios. 2Co 8:1-5  Bukod dito, mga kapatid, ay ipinatatalastas namin sa inyo ang biyaya ng Dios na ipinagkaloob sa mga iglesia ng Macedonia; Kung paanong sa maraming pagsubok sa kapighatian ang kasaganaan ng kanilang katuwaan at ang kanilang malabis na karukhaan ay sumagana sa kayamanan ng kanilang kagandahang-loob. Sapagka’t ayon sa kanilang kaya, ay nagpapatotoo ako at higit pa sa kanilang kaya, ay nagsiabuloy sila sa sariling kalooban, Na lubhang ipinamamanhik sa amin ang tungkol sa biyayang ito at sa pakikisama sa pangangasiwa ng mga abuloy sa mga banal: At ito, ay hindi ayon sa aming inaasahan, kundi ibinigay muna nila ang kanilang sarili sa Panginoon, at sa amin sa pamamagitan ng kalooban ng Dios.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 87 other followers