Ang Matuwid na Pagtanggap sa Saway

Kung minsan hindi lamang pagsubok sa pananampalataya ang karaniwang nagiging dahilan ng pagkaranas natin ng mga sari-saring kapighatian. Ang kapighatiang maaaring nararanasan ay maaaring nagmumula sa Kaniyang mga saway. Mahalagang maunawaan natin na hindi nagagalak ang Dios na makita ang ating mga kamalian.

Hindi Niya kinukunsinti ang bawat kasamaang nagagawa natin, at iginagawad Niya ang Kaniyang pagsaway o pagdisiplina lalo pa nga sa Kaniyang mga lingkod na iniibig upang maituwid ang mga ito. (Hebreo 12: 6-7) Sapagka’t pinarurusahan ng Panginoon ang kaniyang iniibig, At hinahampas ang bawa’t tinatanggap na anak. Na dahil sa ito’y parusa kayo’y nagtitiis; inaari kayo ng Dios na tulad sa mga anak; sapagka’t alin ngang anak ang hindi pinarurusahan ng kaniyang ama?

Samakatuwid ang pagsaway ay paraan ng pagtutuwid upang huwag mapahamak ang sinuman. Ngunit gaano kahalaga ang saway lalo pa nga kung ito ay nagmumula sa Dios?

Sa isang taong marunong tumanggap ng pagsaway, ito ay napakalaki at napakahalagang bagay. Inaaari nila itong malaking kayamanan sapagkat nalalaman nila ang kahalagahan kung ang bawat isa ay maitutuwid. Ang sabi ni Solomon, Kung paano ang hikaw na ginto, at kagayakang dalisay na ginto, gayon ang pantas na mananaway sa masunuring pakinig. (Kawikaan 25: 12)

Ang pagsaway ng Dios ay paraan Niya upang ang Kaniyang mga lingkod ay mapigilan sa lalo pang paggawa ng kasaamaan o kasalanan sa Kaniyang paningin. Hindi natutuwa ang Dios na makita tayong nagkakasala o nakakagawa ng hindi tama kaya ang Kaniyang mga saway ay dumarating upang pigilan tayo at ganap na ma-kontrol ng Kaniyang kalooban. (Kawikaan 1: 15 – 16) Anak ko, huwag kang lumakad sa daan na kasama nila; pigilin mo ang iyong paa sa kanilang landas: Sapagka’t ang kanilang mga paa ay nagsisitakbo sa kasamaan, at sila’y nangagmamadali sa pagbububo ng dugo.

At kung magpapasakop sa saway ng Dios, matutunan natin ang dahilan kung bakit dumadating sa atin ang mga saway na ito. Ang tawag dito ng Biblia, ay matuto nang ayon sa Kaniyang katuwiran. At ito ay nagmumula sa mga Banal na Kasulatan, sapagkat ang Biblia ay kinapapalooban ng mga salita ng Dios na Kaniyang kinasihan at mapapakinabangan sa pagtuturo, sa pagsansala, sa pagsaway, sa ikatututo na nasa katuwiran. (2 Timoteo 3: 16)

Ngunit sa mga ayaw tumanggap ng saway, may tiyak na kapahamakang naghihintay sa kanila. (Kawikaan 15: 10) May mabigat na saway sa kaniya, na nagpapabaya ng lakad: at siyang nagtatanim sa saway ay mamamatay.

Paano ipinakilala ng Biblia ang mga taong ayaw tumanggap ng saway ?

Maraming mga tao ang ayaw o hindi marunong tumanggap ng pagsaway. Mayroong kapag sinasaway ay nag-iisip kaagad ng masama doon sa sumasaway.  Mayroon namang nagtatampo o ‘di kaya ay nagagalit kapag sinasaway. Ito’y normal na reaksiyon ng mga taong hindi bukas ang isip sa pagbabago. May mga taong sarado ang pag-iisip sa pagtutuwid at iniisip na higit silang marunong kaysa sa taong sa kanila’y nagtutuwid.

Sa mga kabataan man, kaya natututong magrebelde ay bunga ng pagtutuwid na nararanasan sa kanilang mga magulang. Ang reaksiyon nila sa mga pagtutuwid na ito ay hindi mabuti, sapagkat inaakalang tama ang kanilang ginagawa. Subalit alam nating hindi mabuti ang ganitong reaksyon. Palatandaan ng pagiging mangmang o kulang sa unawa kapag hindi marunong tumanggap ng pagtutuwid (Kawikaan 15: 12) Ayaw ang manglilibak na siya’y sawayin. Siya’y hindi paroroon sa pantas.

Ang masaklap pa nito, ay mayroong hindi lamang galit kundi poot ang nagiging reaksiyon kapag sila ay sinasaway. Ganito ang nasumpungan ng Dios sa lahing Israel. Tinanggihan nila ang mga Propetang isinusugo ng Dios upang sila ay sawayin. Ang ilan ay kanilang binato, sinaktan at pinatay dahilan sa pagtutuwid ng mga ito sa kanila. (Amos 5:10) Kanilang kinapopootan ang nananaway sa pintuang-bayan, at kanilang kinasusuklaman ang nagsasalita ng matuwid.

Kaya malimit winawalang kabuluhan ang mga saway. (Job 6: 25-26) Pagkatindi nga ng mga salita ng katuwiran! Nguni’t anong sinasaway ng iyong pakikipagtalo? Iniisip ba ninyong sumaway ng mga salita? Dangang ang mga salita ng walang inaasahan ay parang hangin. At malimit na inaakalang ang sumasaway ay mali at sila ang tama. (Awit 50: 21-22) Ang mga bagay na ito ay iyong ginawa, at ako’y tumahimik; iyong inisip na tunay na ako’y gayong gaya mo: nguni’t sasawayin kita, at aking isasaayos sa harap ng iyong mga mata. Gunitain nga ninyo ito, ninyong nangakalilimot sa Dios, baka kayo’y aking pagluraylurayin at walang magligtas:

Kaya naman, ang mga ganitong klase ng mga tao ay binigyang babala ng Biblia. Ang Dios ay mahabagin, mapagpahinuhod at mapagpatawad, ngunit marunong ding magparusa ang Dios. At sa mga ayaw tumanggap ng Kaniyang parusa, huwag silang umasa na kakamtin pa nila ang kahabagan ng Dios. (Kawikaan 1: 23 – 31) Magsibalik kayo sa aking saway: narito, aking ibubuhos ang aking espiritu sa inyo. Sapagka’t ako’y tumawag, at kayo’y tumanggi: aking iniunat ang aking kamay, at walang makinig; Kundi inyong iniuwi sa wala ang buo kong payo, at hindi ninyo inibig ang aking saway: Ako naman ay tatawa sa kaarawan ng inyong kasakunaan: ako’y manunuya pagka ang inyong takot ay dumarating; Pagka ang iyong takot ay dumarating na parang bagyo. At ang inyong kasakunaan ay dumarating na parang ipoipo; pagka ang hirap at hapis ay dumating sa inyo. Kung magkagayo’y tatawag sila sa akin, nguni’t hindi ako sasagot; hahanapin nila akong masikap, nguni’t hindi nila ako masusumpungan: Sapagka’t kanilang ipinagtanim ang kaalaman, at hindi pinili ang takot sa Panginoon. Ayaw sila ng aking payo; kanilang hinamak ang buo kong pagsaway: Kaya’t sila’y magsisikain ng bunga ng kanilang sariling lakad, at mabubusog ng kanilang sariling mga kagagawan.

Ngunit sino ang mga taong marunong tumanggap ng pagsaway at ano ang magiging biyaya nito sa kanila?

Kung ang mga mangmang o kulang sa unawa ay ayaw tumanggap ng pagsaway, sila namang mga marurunong at pinagkalooban ng unawa ang may kakayahang tumanggap ng pagsaway ng Dios. (Kawikaan 9: 8-9) Huwag mong sawayin ang manglilibak, baka ipagtanim ka niya Turuan mo ang pantas, at siya’y magiging lalong pantas pa: iyong turuan ang matuwid, at siya’y lalago sa pagkatuto.: sawayin mo ang pantas, at kaniyang iibigin ka.

Mas mabuti ang itinutuwid sapagkat nakikita natin at ipinauunawa sa atin ang ating mga kamalian. Kung mahal natin ang ating mga kaluluwa, tanggapin natin ng buong kaamuan ang mga aral na nagtutuwid sa atin. Nakasasakit lamang naman ang mga salita ng Dios kung tinatamaan talaga tayo. At tatamaan talaga tayo kung mali at kasalanan ang ating nagagawa. Kung mapakinggan man natin ang mga salita ng Dios na nagtutuwid, magpasalamat tayo at inilalayo tayo nito sa tiyak na kapahamakan. (Kawikaan 15: 24) Sa pantas ay paitaas ang daan ng buhay, upang kaniyang mahiwalayan ang Sheol sa ibaba.

At kung itinutuwid man ay malaking pakinabang ito sa panig natin sapagkat ang natututo sa pamamagitan ng pagtutuwid ay kinakikitaan ng malaking pagbabago o pagunlad. Silang marunong tumanggap ng saway ay mayroong mas malaking pananampalataya kaysa sa mga hindi marunong tumanggap. (Kawikaan 9: 8-9) Huwag mong sawayin ang manglilibak, baka ipagtanim ka niya Turuan mo ang pantas, at siya’y magiging lalong pantas pa: iyong turuan ang matuwid, at siya’y lalago sa pagkatuto.: sawayin mo ang pantas, at kaniyang iibigin ka.

Sapagkat ibinigay sa atin ang Banal na Kasulatan upang tayo ay maturuang lubos. Kasama sa pagtuturo ang pagtutuwid, ang pagsansala, upang marating natin ang kasakdalan ng pananampalataya. At hindi magiging sakdal ang pananampalataya kung mananatili sa kasamaan o kasalanan. Kaya naman, kailangan ang pagtutuwid ng mga kasulatan. (2 Timoteo 3: 15-17) At mula sa pagkasanggol ay iyong nalalaman ang mga banal na kasulatan na makapagpadunong sa iyo sa ikaliligtas sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus. Ang lahat ng mga kasulatan na kinasihan ng Dios ay mapapakinabangan din naman sa pagtuturo, sa pagsansala, sa pagsaway, sa ikatututo na nasa katuwiran: Upang ang tao ng Dios ay maging sakdal, tinuruang lubos sa lahat ng mga gawang mabuti.

Kaya naman, nararapat nating tanggapin na may kaamuan at pag-ibig ang mga salitang ipinapangaral sa atin. Tandaan nating ang paglilingkod sa Dios ay lubos na pagtalima. At kalakip dito ang pagtalima sa mga saway at pagtutuwid ng Dios. Kung ito ay gawin natin, ay masusumpungan natin ang buhay, katuwiran at karangalan. (Kawikaan 21:21) Ang sumusunod sa katuwiran at kagandahang-loob nakakasumpong ng buhay, katuwiran, at karangalan.

Alalahanin nating ang mga nangangaral sa atin ay kasangkapan lamang ng Dios upang tayo ay ituwid. Dapat nating maunawaan na ang kanilang mga dalang aral ay liwanag at tanglaw sa ating mga daan upang marating natin ang kasakdalan ng paglilingkod sa Dios at manahin natin ang pangakong buhay na walang hanggan. (Kawikaan 6: 23) Sapagka’t ang utos ay tanglaw; at ang kautusan ay liwanag; at ang mga saway na turo ay daan ng buhay:

 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 87 other followers