Ang Lumilingon sa Likuran, Hindi Makararating sa Langit

May kasabihan tayo na, “Ang hindi marunong lumingon sa pinanggalingan ay hindi makararating sa paroonan.” Kasabihan ito na nagpasalin-salin na sa ating mga ninuno, na ang kahulugan ay marapat lamang na tumanaw tayo ng utang na loob at ma-appreciate natin ang mga kabutihan at magagandang bagay na ginawa sa atin ng ating mga magulang o ng mga taong nagpalaki at nag-aruga sa atin.

Hindi masama na tumanaw ng utang na loob, lalong lalo na sa ating mga magulang.

Alam po ba natin na may ganitong talata sa Biblia na tumatalakay sa paglingon sa mga bagay na nasa likuran? Subalit iba po ang kahulugan nito. Hindi po ito patungkol sa pagtanaw ng utang na loob sa ating mga magulang o mga mahal sa buhay.

Php 3:13  Mga kapatid, hindi ko pa inaaring inabot: datapuwa’t isang bagay ang ginagawa ko, na nililimot ang mga bagay na nasa likuran, at tinutungo ang mga bagay na hinaharap,

Ang talatang ito ay sulat po ni Apostol Pablo sa mga taga-Filipos. Hindi po nangangahulugan ito ng paglimot sa mga mahal sa buhay, kundi nang paglimot sa mag bagay na nasa likuran.

Ang tema ng kaniyang pahayag ay tumutungo sa pagsulong (moving forward). Isang bagay na dapat makita sa mga lingkod ng Dios ay ang pagsulong o pag-unlad ng pananampalataya. Ang ibig sabihin nito ay ang lalong pagpapaganda ng ating pakikipag-ugnayan sa Dios.

Mahalaga na makita ng Dios na ang pananampalatayang ito ay sumusulong o nag-iimprove.

Upang magawa ito, sinabi ni Pablo na hindi niya tinitingnan ang mga bagay na nasa likuran. Ibig sabihin nito ay hindi niya minamasdan ang mga bagay na nagawa na niya o na-accomplish na. Kung ating aalamin, napakaraming mga bagay ang nagawa ni Pablo para sa pangangaral ng salita ng Dios at maging sa pangangalaga ng mga tupa ng Dios sa iglesia na kaniyang kinaaniban (Iglesia ng Dios – 1 Corinto 1: 1-2).

Ngunit ang lahat ng mga nagawa ni Pablo ay hindi naging daan ng kaniyang pagpapalalo, bagkus nakikita niya na dapat pa ngang lalo siyang magsikap – kaya tinutungo niya ang mga bagay na nasa kaniyang harapan.

Ang isang bagay pa na lalong nakakahadlang sa pagsulong ng ating pananampalataya ay ang paglingon o pananatili natin sa pagkakasala. Kapag nananatili tayo sa ating mga kasalanan, ito ay malaking hadlang para mapaganda natin ang pakikipag-ugnayan sa Dios.

Kaya patuloy siyang nagsisikap – Php 3:12  Hindi sa ako’y nagtamo na, o ako’y nalubos na: kundi nagpapatuloy ako, baka sakaling maabot ko yaong ikinaaabot naman sa akin ni Cristo Jesusat nagtutumulin sa kaniyang paglilingkod sapagkat nalalaman niyang kailangang magsikap na maabot ang hangganan ng pananampalataya na ibig ng Dios na maabot o marating natin, samakatuwid baga ay yaong maabot natin ang gantimpala na ipagkakaloob sa atin ng dakilang Dios. Php 3:14  Nagtutumulin ako sa hangganan sa ganting-pala ng dakilang pagtawag ng Dios na kay Cristo Jesus.

Kaya kailangang makita tayo ng Dios na nagpapatuloy sa paggawa, at hindi lamang sa pamamagitan ng pagsasabing mayroon tayong pananampalataya.

Bawat araw ay pagkakataon na ibinibigay sa atin ng Dios upang maipakita natin ang apgsulong ng ating pananampalataya. Gaya ni Apostol Pablo, huwag nating tingnan kung gaano na tayo katagal naglilingkod sa Dios, huwag nating tingnan kung gaano na karami ang kabanalan na nalikha natin, huwag nating tingnan kung gaano na karami ang pagsamba na ating nadaluhan, kung gaano karami na ang sermon na ating nadinig, kung gaano karami na ang panalangin na nasambit natin.

Ang paglilingkod sa Dios ay hindi sa paramihan ng mga bagay na nagawa. Ang mahalaga, sa bawat kabanalan na ating nagagawa, tinitiyak natin na mataas ang antas nito, o yaong tinatawag na quality. Ang pinakamataas na uri ng paglilingkod ay yaong ginawa nang buong puso, nang buong pag-iisip at nang buong kaluluwa na ayon sa pananampalataya at kalooban ng Dios.

At pagkatapos nating magawa ito, ipakikita naman natin ang pagpapakababa, na sasabihin natin sa ating mga sarili na nananatili tayong mga alipin na walang kabuluhan. Luk 17:10  Gayon din naman kayo, pagka nangagawa na ninyo ang lahat ng mga bagay na sa inyo’y iniutos, inyong sabihin, Mga aliping walang kabuluhan kami; ginawa namin ang katungkulan naming gawin. Sa pamamagitan ng pagpapakababa ay naipakikita natin na patuloy pa tayong naghahangad na makalikha nang higit pang kabanalan na magbibigay ng kapurihan sa Dios.

Kung ito ay patuloy nating magagawa, kung patuloy nating naipakita ang pagpapatuloy at pagpapakababa sa paningin ng DIOS, asahan natin na hindi walang kabuluhan ang ating mga pagpapagal na ginagawa sa harap ng Dios. Php 2:16  Na nagpapahayag ng salita ng kabuhayan; upang may ipagkapuri ako sa kaarawan ni Cristo, na hindi ako tumakbo nang walang kabuluhan ni nagpagal man nang walang kabuluhan.

Anumang kabanalan, anumang pagsisikap ay makabuluhan sa paningin ng Dios – at hindi mawawala ang Kaniyang gantimpala pagdating ng takdang panahon.


Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 57 other followers