Iba-iba ang paniniwala ng maraming relihiyon tungkol sa krus na mababasa sa Biblia.
Ano nga ba ang kahulugan ng krus sa ating mga Kristiyano? Ito ba ay literal na krus o may malalim pa itong kahulugan?
Una sa lahat, sinabi ng Panginoong Hesus na mahalaga ang magpasan ng krus. Hindi magiging karapatdapat sa Kaniya kung hindi nagpapasan ng kaniyangkrus. Mat 10:38 At ang hindi nagpapasan ng kaniyang krus at sumusunod sa akin, ay hindi karapatdapat sa akin. Mapapansin natin sa talatang ito na upang maging karapat-dapat sa Kaniya ay kailangan natin na (1) magpasan ng krus at (2) sumunod sa Kaniya.
Samakatuwid, ang sinumang Kristiyano na sumusunod kay Hesus ay kinakailangang magpasan ng krus.
Ang kahulugan ng Krus
Mahalagang maunawa natin na mayroong dalawang uri ng krus na mababasa sa Biblia. Una, ay ang krus na pinagpakuan at pinasan ng ating Panginoong Hesus. Ito ang literal na krus na kaniyang pinasan at siya ding pinagpakuan sa Kaniya. Nauna na dito, hinulaan na ng Panginoong Hesus na Siya ay ipapako sa krus. Mat 26:2 Nalalaman ninyo na pagkaraan ng dalawang araw ay darating ang paskua, at ibibigay ang Anak ng tao upang ipako sa krus.
Hinatulan Siya ng mga tao na mapako sa krus, bagaman walang makitang kasalanan sa Kaniya – Mat 27:23 At sinabi niya, Bakit, anong kasamaan ang kaniyang ginawa? Datapuwa’t sila’y lalong nangagsigawan, na nangagsasabi,Mapako siya sa krus. At kapalit ng isang tulisan ay ibinigay Siya upang hampasin at parusahan. Mat 27:26 Nang magkagayo’y pinawalan niya sa kanila si Barrabas; nguni’t si Jesus ay hinampas at ibinigay upang ipako sa krus.
Ang krus na ito ay simbolo ng kaparusahan sa mga Romano. Ang pagpako sa krus ang pinakamabigat na parusang maaaring matanggap ng isang taong nagkasala at nahatulan sa kanilang kapanahunan. Katumbas ito ng lethal injection o electric chair na siyang capital punishment (death penalty) sa maraming mga bansa sa kasalukuyang panahon.
Kung ating uugatin ang pinagmulan ng krus, hindi natin mababakas na ito ay simbolo ng kabanalan o simbolo ng Dios. Bago pa dumating si Hesus, mababakas na sa kasaysayan ang paganong pinagmulan nito. Ang mga Griyego at ang Emperyo ng Roma ay ginawa itong kaparaanan ng capital punishment at libu-libong mga tao ang kanilang pinatay sa ganitong kaparaanan (crucifixion o pagpako sa krus hanggang sa mamatay).
Mababakas din na si Alexander the Great ay nagsagawa ng ganitong parusa. Ang parusang ito ay kadalasang nakaukol sa mga nagkasala ng treason, desertion, robbery, piracy, assassination at iba pang mabigat na krimen. Nanatili itong ipinatupad ng Emperyong Roma hanggang sa kapanahunan ni Constantine, na kung saan ay ipina-alis ang kaparaanang sapagkat malaking insulto sa mga Kristiyano.
Subalit hindi lamang literal ang kahulugan ng krus sa Biblia. Ang krus ay sumisimbolo ng pakikipagkaisa natin sa Dios sa pamamagitan ng Kaniyang katawan (iglesia).
Eph 2:14 Sapagka’t siya ang ating kapayapaan, na kaniyang pinagisa ang dalawa, at iginiba ang pader na nasa gitna na nagpapahiwalay,
Eph 2:15 Na inalis ang pagkakaalit sa pamamagitan ng kaniyang laman, kahit kautusan na may mga batas at ang palatuntunan; upang sa dalawa ay lalangin sa kaniyang sarili ang isang taong bago, sa ganito’y ginagawa ang kapayapaan;
Eph 2:16 At upang papagkasunduin silang dalawa sa isang katawan sa Dios sa pamamagitan ng krus, na sa kaniya’y pinatay ang pagkakaalit.
Bukod dito, ang pinakamahalagang bagay na dapat nating matutunan ay ang salita ng krus, na siyang kapangyarihan ng Dios sa mga nangaliligtas. 1Co 1:18 Sapagka’t ang salita ng krus ay kamangmangan sa kanila na nangapapahamak; nguni’t ito’y kapangyarihan ng Dios sa atin na nangaliligtas. Hindi literal na krus ang tinutukoy dito. Ang pinakasentro nito ay ang mga salitang binitiwan ni Hesus sa krus na kung ating pag-aaralan ay siyang mga huling habilin Niya sa Kaniyang mga tagasunod. (See: Seven Last Words)
Hindi ang krus ang pinaguukulan dito kundi yaong nagsalita samantalang nakapako sa krus, walang iba kundi ang Panginoong Hesus. Hindi naman nagsasalita ang krus. Yaong Hesus na napako sa krus ang nagsalita at naghabilin sa Kaniyang mga tagasunod ukol sa mga bagay na sukat ikaligtas ng mga sumasampalataya.
Inutos ba na magpasan ng literal na krus?
Sa katotohanan, ang krus na siyang pinapapasan sa atin na matutunghayan sa Mateo 10: 38, ay hindi literal o pisikal na krus na gaya nang pinasan ng ating Panginoong Hesus. Bagaman nag-iwan si Hesus ng halimbawa upang ating masundan, hindi po literal na krus ang pinapapasan sa ating Kaniyang mga tagasunod.
Sa katotohanan, sinabi ni Hesus na araw-araw ang pagpasan sa krus na nabanggit. Luk 9:23 At sinabi niya sa lahat, Kung ang sinomang tao ay ibig sumunod sa akin, ay tumanggi sa kaniyang sarili, at pasanin sa arawaraw ang kaniyang krus, at sumunod sa akin.
Maraming pasanin ang dadalhin ng mga sumusunod kay Hesus. Kabilang sa kanilang papasanin ang Kaniyang mga kautusan, ang Kaniyang pamatok na siyang Kaniyang mga aral, doktrina at mga palatuntunan na araw-araw papasanin ng sinumang ibig maging karapatdapat sa Kaniya. Mat 11:29 Pasanin ninyo ang aking pamatok, at magaral kayo sa akin; sapagka’t ako’y maamo at mapagpakumbabang puso: at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa. Gal 6:2 Mangagdalahan kayo ng mga pasanin ng isa’t isa, at tuparin ninyong gayon ang kautusan ni Cristo.
At sa pagpasan ng mga kautusan ng Dios, hindi maiiwasan na magtiis, magdanas ng sari-saring mga pagsubok at kapighatian sa buhay. Ipinagpauna na ito ng Panginoong Hesus, kaya kailangan nating laksan ang ating mga loob sapagkat Kaniyang dinaig ang sanlibutan. Ang mga pagsubok, dalahin, kapighatian at mga kabagabagan na posibleng maranasan ay kabilang sa mga krus na papasanin.
Kaya bawat isa sa atin ay mayroong kani-kaniyang pasang krus. At kailangang pasanin at kayanin ito upang maging karapatdapat sa Kaniya.