Ano ang pagkakaiba at kaugnayan ng iglesia sa daan, sekta at relihiyon? Niliwanag ba ito sa Biblia?
Isa sa karaniwang pagkakamali ng marami ay ipakahulugan na ang iglesia at kapilya ay pareho lamang. Ang iba ay hindi naiintindihan kung ano ang pagkakaiba nito. Ang iglesia ay kalipunan o grupo ng mga taong tinawag sa iisang pananampalataya at paniniwala, samantalang ang kapilya ay edipisyo o gusali na kung saan idinadaos o isinasagawa ang mga gawaing paglilingkod sa Dios. Sa paksang ito ay pag-aaralan natin ang pagkakaiba ng iglesia sa daan, sekta at relihiyon.
Una, kung kukunin natina ang salitang pinagmulan ng iglesia, mula ito sa salitang Griyego na ekklesia na ang kahulugan ay “calling out” o pagtawag sa isang pagpupulong, o sa isang kongregasyon – assembly or church. Kaya ang kahulugan ng iglesia o ekklesia ay assembly, isang kalipunan na tinawag sa isang layunin.
Ang salitang sekta naman ay mula sa Middle English na secte. At mula din sa Latin na secta na ang kahulugan ay “course, school of thought,” “to follow.” Ang sekta ay grupo o paksiyon na mula sa isang mas malaking grupo na mayroon ding pagkakakilanlang paniniwala at gawi. Ang sekta ay isang sangay na maaaring humiwalay o hiniwalay sa isang mas malaking relihiyon.
Ang salitang relihiyon ay mula sa Middle English na religioun, mula sa Old French na religion, mula sa Latin na religi – religin, o di kaya ay religre, na ang kahulugan ay “to tie fast.” Nangangahulugan ito na paniniwala at pamimitagan sa isang makapangyarihan na kinikilalang lumikha ng lahat ng mga bagay. Ito din ay nangangahulugan ng sistema ng paniniwala at gawi ng paglilingkod na mula sa isang tagapagturong esprituwal.
Naniniwala ang iba, lalo na ang mga grupo na tinatawag na non-sectarian diumano sila na hindi na mahalaga ang relihiyon sa panahon na ito. Sa kanila, ang mahalaga ay ang pakikipagrelasyon kay Hesus na kanilang kinikilalalang tagapagligtas. Sa nalaman nating pakahulugan ng relihiyon, ang kahulugan nito ay “to tie fast.” Ito ay kaparaanan ng pagtatali o pag-uugnay nating mga tao sa Dios na lumikha sa atin. Bakit kailangang iugnay at itali?
Hindi kaila sa atin na tayong mga tao ay naging makasalanan at nahiwalay tayo sa Dios bunga ng ating mga kasalanan. Nang bumagsak ang tao dahil sa pandaraya at kasinungalingan ng diablo, pumasok ang kasalanan at ang kamatayan. Rom 5:12 Kaya, kung paano na sa pamamagitan ng isang tao ay pumasok ang kasalanan sa sanglibutan, at ang kamataya’y sa pamamagitan ng kasalanan; at sa ganito’y ang kamatayan ay naranasan ng lahat ng mga tao, sapagka’t ang lahat ay nangagkasala: At dahil sa kalagayang ito, na lahat tayo ay nangagkakasala sa harapan ng Dios, higit na nangangailangan tayo ng kaligtasan at buhaying muli sa pamamagitan ni Hesus. Sapagkat tayo ay mga patay dahil sa ating mga kasalanan at tayo ay kailangang mabuhay muli upang magkaroon ng pagkakataon na maiugnay muli sa Dios. Eph 2:5 Bagama’t tayo’y mga patay dahil sa ating mga kasalanan, tayo’y binuhay na kalakip ni Cristo (sa pamamagitan ng biyaya kayo’y nangaligtas)
Ito ang kahulugan ng salitang relihiyon, na tayo ay mabigyan ng pagkakataong magkaroong muli ng kaugnayan sa Dios. At ito ay hindi simple lamang na sabihing tayo ay nanampalataya at tinanggap si Hesus. Mayroong kailangang gawin ang tao na higit sa pagsampalataya at pagtanggap. Kailangan ang pagsampalataya at pagtanggap, ngunit hindi ito sapat para makumpleto ang muling pakikipag-ugnay sa Dios.
At kung sinasabi ng iba na hindi mahalaga ang relihiyon, bakit nagtayo pa si Hesus ng iglesia na ang layunin ay tawagin at bulurin sa isang pananampalataya ang Kaniyang mga lingkod? Maging si Apostol Santiago ay nagpahayag na mayroong tunay na relihiyon, at ito ay yaong pag-uukol nnang tunay na pag-ibig at pagmamalasakit sa kapuwa. Jas 1:27 Ang dalisay na relihion at walang dungis sa harapan ng ating Dios at Ama ay ito, dalawin ang mga ulila at mga babaing bao sa kanilang kapighatian, at pagingatang walang dungis ang kaniyang sarili sa sanglibutan.
Sa panahon ng mga Apostol, naharap sila sa mga sekta ng relihiyon ng mga Hudyo at kabilang dito ang sekta ng mga Pariseo at sekta ng mga Saduceo. Mga sekta o grupo ito ng mga pananampalataya na nagkahiwa-hiwalay bunga ng pagkakaiba ng paniniwala sa ilang mga bagay. Datapuwat ang mga ito ay pawang mga relihiyon ng Hudyo o Hudaismo. Si Apostol Pablo ay aminadong siya man ay isang kaanib sa isang mahigpit na sekta ng pananampalataya. Act 26:5 Na napagtatalastas nila mula pa nang una, kung ibig nilang magsisaksi, na alinsunod sa lalong mahigpit na sekta ng aming relihion ay nabuhay akong isang Fariseo.
Samantala ang Daan, ay isang pamamaraan ng pamumuhay at niliwanag na ito ay katumbas din ng sekta. Niliwanag ito ni Apostol Pablo – Act 24:14 Nguni’t ito ang ipinahahayag ko sa iyo, na ayon sa Daan na kanilang tinatawag na sekta, ay gayon ang paglilingkod ko sa Dios ng aming mga magulang, na sinasampalatayanan ang lahat ng mga bagay na alinsunod sa kautusan, at nangasusulat sa mga propeta. Naniniwala si Apostol Pablo na sinusunod niya ang daan o pamamaraan ng paglilingkod na kaniya lamang natutunan sa kaniyang mga magulang at ito ay nang nasa sekta pa siya ng mga Pariseo. Nagtataglay sila ng pag-asa sa kapangakuan ng Dios sa pananatili sa daan o pamamaraan ng paglilingkod na kanilang ginagawa. Act 26:5 Na napagtatalastas nila mula pa nang una, kung ibig nilang magsisaksi, na alinsunod sa lalong mahigpit na sekta ng aming relihion ay nabuhay akong isang Fariseo. Act 26:6 At ngayo’y nakatayo ako upang hatulan dahil sa pagasa sa pangakong ginawa ng Dios sa aming mga magulang;
Ano ang kaugnayan ng sekta, daan at relihiyon sa Iglesia ng Dios o ekklesia?
Ang Iglesia ng Dios, ayon na din sa mga naging kumpisal ni Apostol Pablo ay ang sekta na kaniyang pinag-usig at pinagmalupitan. Sa pag-aakalang ang dati niyang pananampalataya ang katotohanan, anumang relihiyon o sekta na labas sa pagiging Pariseo ay mali. Ito ang nagtulak sa kaniya upang pag-usigin ang mga kaaanib ng Iglesia ng Dios, maging ito man ay babae o lalake na kaniyang tinatalian at iba ay nagawa pa niyang ipapatay. Act 22:4 At aking pinagusig ang Daang ito hanggang sa mamatay, na tinatalian at ipinapasok sa mga bilangguan ang mga lalake at gayon din ang mga babae. Gal 1:13 Sapagka’t inyong nabalitaan ang aking pamumuhay nang nakaraang panahon sa relihion ng mga Judio, kung paanong aking inuusig na malabis, at nilipol ang iglesia ng Dios:
Ang Daan na ito na siyang Iglesia ng Dios, ay siyang espirituwal na katawan ni Hesus na bumubuo ng mga mananampalatayang tinawag upang mabuklod sa isang pananampalataya. Col 1:24 Ngayo’y nagagalak ako sa aking mga hirap dahil sa inyo, at aking pinupunan sa akin ang kakulangan ng mga hirap ni Cristo sa aking laman dahil sa kaniyang katawan, na siyang iglesia;
Niliwanag pa ito nang husto ni Pablo na ang pagtawag ay sa pamamagitan ng “kalooban ng Dios” na ang bawat tatawagin ay magiging sangkap ng katawan o iglesia, sekta o daan upang magkaroon ng pagkakataong gumawa ng kabanalan bilang pakikiisa sa ating Panginoong Hesus. 1Co 1:1 Si Pablo, na tinawag na maging apostol ni Jesucristo sa pamamagitan ng kalooban ng Dios, at si Sostenes na ating kapatid, 1Co 1:2 Sa iglesia ng Dios na nasa Corinto, sa makatuwid baga’y sa mga pinapagingbanal kay Cristo Jesus, na tinawag na mangagbanal, na kasama ng lahat ng mga nagsisitawag sa bawa’t dako, sa pangalan ng ating Panginoong Jesucristo, na kanila at ating Panginoon: 1Co 12:27 Kayo nga ang katawan ni Cristo, at bawa’t isa’y samasamang mga sangkap niya. 1Co 12:28 At ang Dios ay naglagay ng ilan sa iglesia, una-una’y mga apostol, ikalawa’y mga propeta, ikatlo’y mga guro, saka mga himala, saka mga kaloob na pagpapagaling, mga pagtulong, mga pamamahala, at iba’t ibang mga wika.
Inihayag ni Pablo kung paano siya natawag bilang Apostol ng Iglesia ng Dios. Mula sa pagiging masikap sa sekta ng Pariseo ay inilagay siya ng Dios bilang maging tagapangaral sa mga Kahentilan o sa mga hindi kabilang sa lahi ng Israel. Sa kaniyang pahayag, ang tinig na kaniyang narinig ay mula kay Hesus.
Act 9:1 Datapuwa’t si Saulo, na sumisilakbo pa ng mga pagbabanta at pagpatay laban sa mga alagad ng Panginoon, ay naparoon sa dakilang saserdote,
Act 9:2 At humingi sa kaniya ng mga sulat sa Damasco sa mga sinagoga, upang kung siya’y makasumpong ng sinoman sa mga nasa Daan, maging mga lalake o mga babae, ay kaniya silang madalang gapos sa Jerusalem.
Act 9:3 At sa kaniyang paglalakad, ay nangyari na siya’y malapit sa Damasco: at pagdaka’y nagliwanag sa palibot niya ang isang ilaw mula sa langit:
Act 9:4 At siya’y nasubasob sa lupa, at nakarinig ng isang tinig na sa kaniya’y nagsasabi, Saulo, Saulo, bakit mo ako pinaguusig?
Act 9:5 At sinabi niya, Sino ka baga, Panginoon? At sinabi niya, Ako’y si Jesus na iyong pinaguusig:
Aminado si Pablo na pinag-usig niya ang Iglesia ng Dios – (Galacia 1:13), subalit bakit sinabi ni Hesus na Siya ang kaniyang pinag-uusig? Ito ay sa kadahilanang ang iglesia ay ang Kaniyang katawan, Siya ang ulo ng katawan na siyang iglesia. Kapag inusig ang iglesia ay si Hesus ang inuusig. Kaya kapag hindi pinahalagahan ang iglesia, nangangahulugan na hindi din pinahalagahan si Hesus. Hindi maaaring paghiwalayin si Hesus at ang iglesia. May mga relihiyon, sekta o samahan ng pananampalataya na itinataas si Hesus, subalit winawalang-kabuluhan ang iglesia.
Bakit ganito na lamang ang pag-ibig ni Hesus sa Iglesia ng Dios?
Ang sagot, sapagkat hindi lamang ito ang Kaniyang espirituwal na katawan, kundi ang iglesia ay ang Kaniyang esposa o asawa. Eph 5:23 Sapagka’t ang lalake ay pangulo ng kaniyang asawa, gaya naman ni Cristo na pangulo ng iglesia, na siya rin ang tagapagligtas ng katawan. Eph 5:24 Datapuwa’t kung paanong ang iglesia ay nasasakop ni Cristo, ay gayon din naman ang mga babae ay pasakop sa kani-kaniyang asawa sa lahat ng mga bagay. Eph 5:25 Mga lalake, ibigin ninyo ang inyo-inyong asawa, gaya naman ni Cristo na umibig sa iglesia, at ibinigay ang kaniyang sarili dahil sa kaniya; Eph 5:26 Upang kaniyang pakabanalin ito, na nilinis sa pamamagitan ng paghuhugas ng tubig na may salita.
Paano Niya ipinakita ang Kaniyang pag-iibig sa Iglesia ng Dios? Nabuhos ang Kaniyang banal na dugo dahil sa iglesia. Act 20:28 Ingatan ninyo ang inyong sarili, at ang buong kawan, na sa kanila’y ginawa kayo ng Espiritu Santo na mga obispo, upang pakanin ninyo ang iglesia ng Panginoon na binili niya ng kaniyang sariling dugo. Kung ang iglesia ng Dios ay binili ng Kaniyang dugo, masasabi ba nating hindi ito mahalaga? Bakit sinasabi ng iba na hindi ito mahalaga? Ano ang dahilan kaya nabuhos ang dugo ni Hesus? Ang dugo ay panglinis, ang pagkakabuhos ng dugo ay nangangahulugan na sinumang maaanib sa Iglesia ay makakaramay sa pagtubos na ito na ginawa ni Hesus. Dito magkakaroon ng pagkakataon ang sinuman na maging mga anak ng Dios, at magkaroong muli ng pakikipag-ugnay sa Dios.
Eph 2:12 Na kayo nang panahong yaon ay mga hiwalay kay Cristo, na mga di kabilang sa bansa ng Israel, at mga taga ibang lupa tungkol sa mga tipan ng pangako, na walang pagasa at walang Dios sa sanglibutan.
Eph 2:13 Datapuwa’t ngayon kay Cristo Jesus kayo na noong panahon ay nalalayo ay inilapit sa dugo ni Cristo.
Eph 2:14 Sapagka’t siya ang ating kapayapaan, na kaniyang pinagisa ang dalawa, at iginiba ang pader na nasa gitna na nagpapahiwalay,
Eph 2:15 Na inalis ang pagkakaalit sa pamamagitan ng kaniyang laman, kahit kautusan na may mga batas at ang palatuntunan; upang sa dalawa ay lalangin sa kaniyang sarili ang isang taong bago, sa ganito’y ginagawa ang kapayapaan;
Eph 2:16 At upang papagkasunduin silang dalawa sa isang katawan sa Dios sa pamamagitan ng krus, na sa kaniya’y pinatay ang pagkakaalit.
Gaano kahalaga na maging kaanib sa Iglesia ng Dios? Dito ginagawa ang pakikipagpayapaan sa Dios. Inalis Niya ang pader na nagpapahiwalay (samakatuwid ay ang mga kasalanan), na giniba ito sa pamamagitan ng pagkakabuhos ng Kaniyang banal na dugo. Naniniwala kami, at lagi naming sinasabi na hindi kami nagtatayo ng ibang iglesia. Ang iglesia ng Dios, na itinayo nin Hesus ay ang aming inanibang relihiyon o sekta. Gaya din naman ng mga Tesalonica na tinularan ang iglesia na naitayo sa Judea. 1Th 2:14 Sapagka’t kayo, mga kapatid, ay nagsitulad sa mga iglesia ng Dios na nasa Judea kay Cristo Jesus: sapagka’t nagsipagbata naman kayo sa inyong sariling mga kababayan, gaya naman nila sa mga Judio;
Sa pamamagitan ng pagsama o pagtulad sa iglesiang ito, naniniwala kami na ito ang daan, isang bagong kaparaanan ng pamumuhay na inilaan o inihanda ng Dios na malakaran ng sinumang handang yumakap sa pananampalatayang ito. Heb 10:19 Mga kapatid, yamang may kalayaan ngang makapasok sa dakong banal sa pamamagitan ng dugo ni Jesus, Heb 10:20 Sa pamamagitan ng daang bago at buhay na kaniyang itinalaga sa atin, sa pamamagitan ng tabing, sa makatuwid baga’y sa kaniyang laman;
At ito ang biyaya ng Dios sa ikaliligtas ng bawat sumasampalataya at yumayakap sa Kaniyang mga katuruan upang mangagbunga ng karapatdapat na pagbubunga patungo sa Kristiyanong pamumuhay na hahanapin Niya sa bawat isa satin. 1Co 15:9 Ako nga ang pinakamaliit sa mga apostol, at hindi ako karapatdapat na tawaging apostol, sapagka’t pinagusig ko ang iglesia ng Dios. 1Co 15:10 Datapuwa’t sa pamamagitan ng biyaya ng Dios, ako nga’y ako; at ang kaniyang biyaya na ibinigay sa akin ay hindi nawawalan ng kabuluhan; bagkus ako’y malabis na nagpagal kay sa kanilang lahat: bagaman hindi ako, kundi ang biyaya ng Dios na sumasa akin.