Hindi maiiwasan sa buhay na ito na mawalan o mamatayan tayo ng mga mahal sa buhay.
At kung wala tayong ganap na pagkaunawa, iisipin nating bakit ang mga unang namamatay o kinukuha ng Dios ay yaong mga mabubuting tao at naglilingkod sa Dios. Maaaring nasasabi pa nating, “bakit hindi pa unahin ang mga masasamang tao?” Para tuloy sumasama ang loob natin kapag naiisip natin ang mga ganitong bagay.
Ngunit dahil alam natin na ang Dios ang nagbibigay ng buhay at kumukuha din nito, alam natin na kung dumating man ang mga ganitong pangyayari ay tinatanggap nating lahat ng mga ito ay kalooban ng Dios.
Sinabi ng Biblia,
Rom 14:8 Sapagka’t kung nangabubuhay tayo, sa Panginoon tayo’y nangabubuhay; o kung nangamamatay tayo, sa Panginoon tayo’y nangamamatay: kaya’t sa mabuhay tayo, o sa mamatay man, tayo’y sa Panginoon.
Hindi tayo dapat magdamdam sa Dios o anupa man sapagkat alam na nating sa pasimula pa lamang ay hiram lamang ang buhay na ito at sa takdang panahon na tanging Dios lamang ang makakaalam ay babawiin din ito ng Dios.
Kung dumating man ito sa buhay natin, hindi man maiwasang malungkot at magdamdam, dapat ay matutunan nating tanggapin na lahat ng ito ay kapahintulutan ng Dios at sadyang kailangang pagdaanan nating lahat.
Deu 32:39 Tingnan ninyo ngayon, na ako, sa makatuwid baga’y ako nga, At walang dios sa akin: Ako’y pumapatay, at ako’y bumubuhay; Ako’y ang sumusugat, at ako’y ang nagpapagaling: At walang makaliligtas sa aking kamay.
Lahat ng tao na nilikha ng Dios ay nakasalalay sa Kaniya. Walang sinuman ang maaaring makaligtas sa Kaniyang kamay, ang buhay at kamatayan ay tanging sa kapasyahan ng Dios nakasalalay.
Bakit kailangang mamatay ang mga tao, lalo na ang mga lingkod ng Dios?
Bawat buhay na ipinagkakaloob ng Dios ay mayroong papel o tungkulin na kailangang ganapin. Ang iba’y maaaring maikli lamang ang papel na gagampanan, at iba naman ay posibleng mahaba o marami. Depende sa kalooban ng Dios, ang buhay natin ay tanging sa Kaniya lamang nakasalalay. Ang tungkuling ito o layunin (na siyang purpose nating mga tao) ay kailangang magampanan natin sa takdang mga araw na ibinigay Niya sa atin.
Tutulungan tayo ng Dios na magampanan ito sapagkat ito ang layunin at dinisenyo Niya para sa atin.
Kung nauna man o kinuha sa atin ang mga kapatid natin sa pananampalataya, gaya nang mga unang naglingkod sa Dios na napasulat sa Biblia, iyon ay sa kadahilanang natapos na nila ang kanilang takbuhin. Gaya nang pahayag ni Pablo,
2Ti 4:6 Sapagka’t ako’y iniaalay na, at ang panahon ng aking pagpanaw ay dumating na.
2Ti 4:7 Nakipagbaka ako ng mabuting pakikipagbaka, natapos ko na ang aking takbo, iningatan ko ang pananampalataya:
2Ti 4:8 Buhat ngayon ay natataan sa akin ang putong na katuwiran, na ibibigay sa akin ng Panginoon na tapat na hukom sa araw na yaon; at hindi lamang sa akin, kundi sa lahat din naman ng mga naghahangad sa kaniyang pagpapakita.
Ang kamatayan ay pagpapahinga sa mga paggawa. May sariling panukat ang Dios. Ang ilalagi ng buhay natin sa sanlibutang ito ay depende sa Kaniyang kalooban. Ang mahalaga ay maunawaan natin na kapag sumapit ang kamatayan, lalo ng isang naglilingkod sa Dios, ito ay pinagpapahinga na ng Dios sa kaniyang mga paggawa. Ibig sabihin ay maaaring sapat na ang mga kabanalan at paglilingkod na kaniyang nagawa sa paningin ng Dios.
Rev 14:12 Narito ang pagtitiyaga ng mga banal, ng mga nagsisitupad ng mga utos ng Dios, at ng pananampalataya kay Jesus.
Rev 14:13 At narinig ko ang isang tinig na mula sa langit na nagsasabi, Isulat mo, Mapapalad ang mga patay na nangamamatay sa Panginoon mula ngayon: oo, sinasabi ng Espiritu, upang sila’y mangagpahinga sa kanilang mga gawa; sapagka’t ang kanilang mga gawa ay sumusunod sa kanila.
Kaya ang kamatayan ay tunay na pagpapahinga. Hindi ba’t sinabi din ni Gat Jose Rizal, “To die is to rest?”
Sinumang namamatay ay nagpapahinga na sa kaniyang mga gawa. Sapagkat wala na siyang gawa o katha man sa libingan na kaniyang pinaparoonan. Wala na ang lahat sapagkat nakalimutan na.
Ano ang aral na dapat nating matutunan kung sumasapit ang kamatayan lalo na sa mga kapatid na naglilingkod sa Dios?
Heb 13:7 Alalahanin ninyo ang nangagkaroon ng pagpupuno sa inyo na siyang nangagsalita sa inyo ng salita ng Dios; at sa pagdidilidili ng wakas ng kanilang pamumuhay, ay inyong tularan ang kanilang pananampalataya.
Walang pinakamabuting paraan ng pag-alaala sa mga namayapang kapatid kundi ang pagtulad sa kanilang mga magagandang ipinakita, masisipag na paglilingkod bunga ng kanilang mga pananampalataya sa Dios. Sila ang magpapa-alala sa atin na ang buhay sa sanlibutang ito ay maigsi lamang at walang katiyakan ang hangganan.
Sa bawat araw ay maging laman ng ating isipan na posibleng bukas o sa isang araw ay tayo naman ang sumunod sa kanila.
Sinong nakakaalam? Tanging Dios lamang.
Kaya nga, huwag nating ikait ang mabuti kapag nasa kapangyarihan ng ating kamay na ito ay gawin.
Anuman ang mga pagkakamaling nagawa sa nakalipas ay limutin at magsilbing araw. Huwag tayong mabuhay sa nakaraan, sapagkat hindi ito makakatulong sa ikapagigindapat natin sa Dios.
Araw-araw ay umibig tayo at matutunan nating magpatawad – sapagkat hindi na natin ito magagawa kung magwawakas ang ating buhay. Ang kasaysayan ng mga unang naglingkod sa atin ay magsilbing buhay na aral upang lalo tayong magtumibay at magsumigla sa paglilingkod natin sa Dios.
At kung loloobin ng Dios, ang mga kapatid na ito na mahal natin at hindi kailanman lilimutin ay makasama natin sa pagmamana ng pangako ng Dios – ang buhay na walang hanggan. Loobin ng Dios na doon sa langit ay muli tayong magkatagpo-tagpo.
(Specially dedicated to all the love ones (Bro. Ador, JP and Mac) of our late sister in Christ – Ruby Mariano Centeno)