Ang Kaloob ng Dios na Dapat Pahalagahan

Maraming mga bagay na kaloob sa atin ang Dios. Hubad tayong ipinanganak at hubad din tayong mamamatay, wala tayong dinalang anumang bagay sa sanlibutang ito. Bagaman bunga ng ating pagpapagal ang mga bagay na ating tinatamasa sa ngayon, hindi maikakailang nagbuhat ito sa Dios. Lahat ng bagay ay tunay na nagmumula sa Kaniya, gaya ng ating buhay (hininga) na ipinahiram sa atin (Genesis 2:7).

Ang mga biyayang gaya ng pagkain at pananamit ay pawang nagbubuhat din sa Dios. (Ecc 3:13)  At ang bawa’t tao rin naman ay marapat kumain at uminom, at magalak sa kabutihan sa lahat niyang gawa, siyang kaloob ng Dios.

Kaya lahat ng bagay ay sa Dios pawang nagmumula. (Ecc 5:18-19)  Narito, na aking nakita na mabuti at ukol sa isa ang kumain at uminom, at magalak sa kabutihan sa lahat niyang gawa na kaniyang ginawa sa ilalim ng araw lahat ng mga kaarawan ng kaniyang buhay na ibinigay sa kaniya ng Dios: sapagka’t ito’y kaniyang bahagi. Bawa’t tao rin naman na binigyan ng Dios ng mga kayamanan at mga pag-aari, at binigyan ng kapangyarihan na kumain niyaon, at kumuha ng kaniyang bahagi, at magalak sa kaniyang gawa, ito’y kaloob ng Dios.

Subalit alam po ba natin na mayroong mga bagay na ibinibigay ang Dios na hindi lahat ng mga tao ay tumatanggap? Anong biyaya ang ibinibigay ng Dios na hindi lahat ay tumanggap?

Ang tinutukoy ng ating katanungan ay biyayang tinanggap lamang ng mga taong kumilala at tumanggap sa ating Panginoong Dios. Nagkatawang tao ang Dios sa pamamagitan ni Hesus ngunit hindi Siya tinanggap ng marami. Ang mga tumanggap at kumilala sa Kaniya ay pinagkalooban ng karapatang maging mga anak ng Dios. Dito’y mapapatunayan natin na hindi lahat ng mga tao ay kinikilala ng Dios na Kaniyang mga anak.

(Joh 1:11-13)  Siya’y naparito sa sariling kaniya, at siya’y hindi tinanggap ng mga sariling kaniya. Datapuwa’t ang lahat ng sa kaniya’y nagsitanggap, ay pinagkalooban niya sila ng karapatang maging mga anak ng Dios, sa makatuwid baga’y ang mga nagsisisampalataya sa kaniyang pangalan: Na mga ipinanganak na hindi sa dugo, ni sa kalooban ng laman, ni sa kalooban ng tao, kundi ng Dios.

At ayon kay Apostol Pablo, ang mga tinawag ng Dios ay inaring ganap Niya, at ang mga inaaring ganap ay niluwalhati naman Niya. (Roma 8:30) At yaong mga itinalaga niya, ay kaniyang tinawag naman: at ang mga tinawag ay inaring-ganap naman niya: at ang mga inaring-ganap ay niluwalhati din naman niya.

At kung kinilalang anak ng Dios, ang pagtanggap ay nangangahulugan ng pagsampalataya at pagkakatawag ay nangangahulugan naman ng pagkakaanib sa Iglesia ng Dios sa pamamagitan ng bautismo. (Gal 3:26-27, 29)  Sapagka’t kayong lahat ay mga anak ng Dios, sa pamamagitan ng pananampalataya, kay Cristo Jesus. Sapagka’t ang lahat na sa inyo ay binautismuhan kay Cristo ay ibinihis si Cristo. At kung kayo’y kay Cristo, kayo nga’y binhi ni Abraham, at mga tagapagmana ayon sa pangako.

Ngunit ano ang pangunahing naging pananagutan ng mga inaring ganap at kinilalang mga anak ng Dios?

Bilang mga anak sa ating mga magulang, tungkulin nating gantihin at tanawan ng utang na loob ang lahat ng kabutihang ipinakikita sa atin ng ating mga magulang. Tungkulin nating sila ay parangalan sa pamamagitan ng pagtalima, pag-uukol ng respeto at higit sa lahat ay ang pag-ibig.

Ganito din ang hinihingi sa atin ng Dios. Kasiyahan ng Dios na Makita sa atin ang pagtalima sa Kaniyang mga kalooban. Ang pagtalima ng Kaniyang mga lingkod ay nagbibigay kapurihan sa Kaniya. (Kaw 15:20) Ang pantas na anak ay nagpapasaya ng ama: nguni’t hinahamak ng mangmang ang kaniyang ina.

Sa paanong paraan natin mabibigyan ng kasiyahan ang Dios?

Una, ang hindi paglimot sa Kaniyang mga kautusan ay Kaniyang kabilinbilinang huwag nating kakalimutan. (Kaw 3:1) Anak ko, huwag mong kalimutan ang aking kautusan; kundi ingatan ng iyong puso ang aking mga utos:

Ikalawa, ang pag-uukol ng pagtitiwala at pananampalataya sa Dios ay mahalaga. Anuman ang dumating sa ating buhay, ipakita natin ang ating malaking pagtitiwala sa Kaniyang kapangyarihan. (Kaw. 3:5-6)  Tumiwala ka sa Panginoon ng buong puso mo, at huwag kang manalig sa iyong sariling kaunawaan: Kilalanin mo siya sa lahat ng iyong mga lakad, at kaniyang ituturo ang iyong mga landas.

Ikatlo, ang mga bagay na ating tinatamasa sa buhay ay dapat nating ibalik sa Panginoon. Ito ay magagawa natin sa pamamagitan ng pagbubukas ng ating mga puso sa mga nangangailangan ng tulong, sa ating kapuwa, mahal sa buhay at higit sa lahat sa Kaniyang iglesia. (Kaw 3:9-10)  Parangalin mo ang Panginoon ng iyong tinatangkilik, at ng mga unang bunga ng lahat mong ani: Sa gayo’y mapupuno ang iyong mga kamalig ng sagana, at ang iyong mga alilisan ay aapawan ng bagong alak.

Ikaapat, bawat pagsaway na gawin ng Dios ay dapat nating kilalanin at tanggapin bilang pagpapakita ng Kaniyang pang-unawa at pagmamahal sa ating Kaniyang mga lingkod. Ang pagpaparusa ng Dios ay tanda ng Kaniyang pag-ibig sa atin. (Kaw 3:11-12)  Anak ko, huwag mong hamakin ang parusa ng Panginoon; ni mayamot man sa kaniyang saway: Sapagka’t sinasaway ng Panginoon ang kaniyang iniibig: gaya ng ama sa anak na kaniyang kinaluluguran.

At higit sa lahat, sa lahat ng paraan ng ating buhay ay dapat nating tandaang tayo ay mga anak ng Dios. At bilang mga anak, dapat ay isapuso natin ang paggawa ng kabanalan at pagpapakabanal sapagkat dito tayo tinawag ng Dios. (1 Ped 1:13-16)  Kaya’t inyong bigkisan ang mga baywang ng inyong pagiisip, na maging mapagpigil kayo at inyong ilagak na lubos ang inyong pagasa sa biyayang dadalhin sa inyo sa pagkahayag ni Jesucristo; Na gaya ng mga anak na matalimahin, na huwag kayong mangagasal na ayon sa inyong dating mga masasamang pita nang kayo’y na sa kawalang kaalaman: Nguni’t yamang banal ang sa inyo’y tumawag, ay mangagpakabanal naman kayo sa lahat ng paraan ng pamumuhay; Sapagka’t nasusulat, Kayo’y mangagpakabanal; sapagka’t ako’y banal.

Ano ang ibinibigay ng Panginoon na marapat pahalagahan ng bawa’t lingkod na  binigyang karapatang tawaging mga anak ng Dios?

Hindi kaila sa atin na hindi lamang mga pagpapalang material ang maaari nating tanggapin mula sa Dios. Tumatanggap din tayo ng mga pagsubok na nagbubuhat sa Dios upang subukin ang ating mga pananampalataya.

Ang pagkakatawang tao ni Hesus ay pagpapakita sa atin ng halimbawa. Ang binabanggit Niyang saro na kailangan nating inuman ay ang mga bagay na Kaniyang hinarap, mga kadalamhatiang kailangan Niyang malagpasan upang magsilbing halimbawa sa ating lahat. (Mar 10:39) At sinabi nila sa kaniya, Kaya namin. At sinabi sa kanila ni Jesus, Ang sarong aking iinuman ay iinuman ninyo; at sa bautismo na ibinautismo sa akin ay babautismuhan kayo;

Hindi tayo dakila sa ating Panginoon. Ang Kaniyang pinagdaanan ay pagpapakita ng palatandaang kailangan din naman nating maranasan ang mga kapighatian. (Juan 15:19-20)  Kung kayo’y taga sanglibutan, ay iibigin ng sanglibutan ang kaniyang sarili: nguni’t sapagka’t kayo’y hindi taga sanglibutan, kundi kayo’y hinirang ko sa sanglibutan, kaya napopoot sa inyo ang sanglibutan. Alalahanin ninyo ang salitang sa inyo’y aking sinabi, Ang alipin ay hindi dakila kay sa kaniyang panginoon. Kung ako’y kanilang pinagusig, kayo man ay kanilang paguusigin din; kung tinupad nila ang aking salita, ang inyo man ay tutuparin din.

Mahalaga ang kapighatian sa pagpasok sa kaharian ng Dios. (Gawa 14:22)  Na pinatitibay ang mga kaluluwa ng mga alagad, at inaaralan sila na magsipanatili sa pananampalataya, at sa pamamagitan ng maraming mga kapighatian ay kinakailangang magsipasok tayo sa kaharian ng Dios.

Mahalagang maunawaan natin na ang mga kapighatiang kailangang maranasan natin ay pakikipagkaisa sa ating Panginoong Hesus. Ito ang diwa ng aral na ipinahayag ni Apostol Pablo sa pakikipagkaisa sa tinapay at dugo ng ating Panginoong Hesus. (1 Cor 10:16-17) Ang saro ng pagpapala na ating pinagpapala, hindi baga siyang pakikipagkaisa ng dugo ni Cristo? Ang tinapay na ating pinagpuputolputol, hindi baga siyang pakikipagkaisa ng katawan ni Cristo? Bagaman tayo’y marami, ay iisa lamang tinapay, iisang katawan: sapagka’t tayong lahat ay nakikibahagi sa isa lamang tinapay.

Kapag ang isang lingkod ay nagtaglay ng ganitong pakikiisa sa ating Panginoon, tataglayin nito ang paninindigang matibay at puno ng pag-asa. At ang tunay na nakikiisa sa Panginoon ay yaon lamang mayroon o nagtataglay ng tunay na pag-ibig sa Kaniya. (Rom 8:35-39) Sino ang maghihiwalay sa atin sa pagibig ni Cristo? ang kapighatian, o ang kahapisan, o ang paguusig, o ang kagutum, o ang kahubaran, o ang panganib, o ang tabak? Gaya ng nasusulat, Dahil sa iyo kami’y pinapatay sa buong araw; Kami ay nabilang na parang mga tupa sa patayan. Hindi, kundi sa lahat ng mga bagay na ito tayo’y higit pa sa mga mapagtagumpay sa pamamagitan niyaong sa atin ay umibig. Sapagka’t ako’y naniniwalang lubos, na kahit ang kamatayan man, kahit ang buhay, kahit ang mga anghel, kahit ang mga pamunuan, kahit ang mga bagay na kasalukuyan, kahit ang mga bagay na darating, kahit ang mga kapangyarihan, Kahit ang kataasan, kahit ang kababaan, kahit ang alin mang ibang nilalang, ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pagibig ng Dios, na nasa kay Cristo Jesus na Panginoon natin.

Paano maipapakita ang pakikipagkaisa sa Panginoong Hesus?

Ang pagsasagawa ng pagdiriwang ng Paskua ay isa sa mga gampanin na iniwang halimbawa ng ating Panginoong Hesus. Sa pamamagitan ng pagsasagawa nito ay ating naipapakita ang ating pagkikiisa sa Kaniya. (1 Cor 11:23-26)  Sapagka’t tinanggap ko sa Panginoon ang ibinibigay ko naman sa inyo; na ang Panginoong Jesus nang gabing siya’y ipagkanulo ay dumampot ng tinapay; At nang siya’y makapagpasalamat, ay kaniyang pinagputolputol, at sinabi, Ito’y aking katawan na pinagputolputol dahil sa inyo: gawin ninyo ito sa pagaalaala sa akin. At gayon din naman hinawakan ang saro pagkatapos na makahapon, na sinasabi, Ang sarong ito’y siyang bagong tipan sa aking dugo: gawin ninyo ito sa tuwing kayo’y magsisiinom, sa pagaalaala sa akin. Sapagka’t sa tuwing kanin ninyo ang tinapay na ito, at inuman ninyo ang saro, ay inihahayag ninyo ang pagkamatay ng Panginoon hanggang sa dumating siya.

Isinagawa ito ng mga unang Kristiyano. Itinuro ng mga Apostol sa kanilang kapanahunan bilang paghahayag ng kamatayan ng Panginoong Hesus, na siyang simbolo ng bagong pakikipagtipan Niya sa Kaniyang mga lingkod.

Sa pagsasagawa ng gampaning ito, ipinahayag ng Biblia na ito ay isang bagay na kailangang pagtalagahan o paghandaan ng husto. Kailangang magsiyasat ang sinumang ibig maging bahagi nito upang matiyak na siya ay magiging karapatdapat sa pakikibahagi sa katawan at dugo ng ating Panginoong Hesus, bilang simbolo ng pakikipagkaisa sa Kaniya. (1 Cor 11:28-29)  Datapuwa’t siyasatin ng tao ang kaniyang sarili, at saka kumain ng tinapay, at uminom sa saro. Sapagka’t ang kumakain at umiinom, ay kumakain at umiinom ng hatol sa kaniyang sarili, kung hindi niya kinikilala ang katawan ng Panginoon.


Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s