Ang Kaaway ng Dios

Mula pa sa pasimula, ang karaniwang alam nating mga tao kapag pinag-uusapan ang kaaway ng Dios, ang unang bumabangon sa ating isipan ay si Satanas. 

Si Satanas ay walang iba kundi si Lucifer na dating anghel ng kaliwanagan, subalit nagrebelde laban sa Dios. Hinangad niyang mapantayan ang kalagayan ng Dios, kaya’t hinikayat niya ang ikatlong bilang ng mga anghel sa langit. Hindi sila nanalo laban sa mga anghel ng kaliwanagan sa pangunguna ni Miguel Arkanghel kaya’t sila ay ibinagsak dito sa lupa. Ang mga nahikayat niyang mga anghel ay tinatawag ngayong mga demonyo.

Buhat noon, ang diablo na tinatawag na Satanas kasama ang mga demonyo ay nagpagalagala na dito sa lupa upang kalabanin ang Dios at humikayat ng magiging kakampi. Ibig niyang ang mga tao ay kaniyang mahikayat na tumalikod sa tunay na Dios at ang mga nahikayat ay itinuturing din na mga kaaway ng Dios.

Sa paanong paraan nahihikayat ang mga tao ng mga lalang ng diablo at nagiging kaaway ng Dios? 

Jas 4:4 Kayong mga mangangalunya, hindi baga ninyo nalalaman na ang pakikipagkaibigan sa sanglibutan ay pakikipagaway sa Dios? Sinoman ngang magibig na maging kaibigan ng sanglibutan ay nagiging kaaway ng Dios.

Sa katotohanan, ipinakikita dito ni Apostol Santiago ang pagsira ng mga Hudyo sa pakikipagtipan ng kanilang mga magulang sa Dios. Dahil sa tipan ay naging esposa ng Dios ang Israel, at ang pagkakaroon nila ng ibang dios ay naging daan ng kanilang pangangalunya laban sa Dios.

At bagaman hindi na sila kumikilala sa ibang mga dios pagkatapos na maalipin ng emperyong Babilonia, ang kanilang mga puso naman ay nagpakalayo-layo sa Dios. Nagawa nilang makipagkaibigan sa mundo sapagkat kinilala nila ito bilang kanilang dios.

Nakakalungkot subalit katotohanan, mayroong mga nagpapakilalang sila ay mga Kristiyano na dapat sana ay nabubuhay sa panuntunang espirituwal subalit ang ilan ay nasusumpungang nabubuhay pa din ng ayon sa gawi ng sanlibutang ito, at inaakala na sa pamamagitan ng pagsamba, panalangin at pagtawag sa Dios ay magiging daan ng kanilang kaligtasan.

Paanong maliligtas ang isang taong nakikipagkaibigan sa sanlibutang ito? Ang pakikipagkaibigan ay normal at mabuti. Ito ay pakikipagpayapaan o pakikipagkasundo. Subalit kapag ang naging kaibigan ng tao ay yaong mga gawa o mga lalang ng kaaway ng Dios, nagiging kaaway na din Niya ang mga nagsisigawa nito.

Ano ang nagiging kaisipan ng mga taong nagiging kaibigan ng sanlibutang ito? Ano ang karaniwang nakikita sa kanila?

Gal 5:19-21 At hayag ang mga gawa ng laman, sa makatuwid ay ang mga ito: pakikiapid, karumihan, kalibugan, Pagsamba sa diosdiosan, pangkukulam, mga pagtataniman, mga pagtatalo, mga paninibugho, mga pagkakaalitan, mga pagkakampikampi, mga pagkakabahabahagi, mga hidwang pananampalataya, Mga kapanaghilian, mga paglalasing, mga kalayawan, at ang mga katulad nito; tungkol sa mga bagay na ito ay aking ipinagpapaunang ipaalaala sa inyo, tulad sa aking pagpapaalaala nang una sa inyo, na ang mga nagsisigawa ng gayong mga bagay ay hindi magsisipagmana ng kaharian ng Dios.

Ito ang mga gawang karaniwang nasusumpungan sa mga umayon at nagawang makipagkaibigan sa sanlibutang ito. Ang mga gawang ito ay tuwirang pakikiapid o pangangalunyang espirituwal at tunay na ikinagagalit ng Dios. Hindi magmamana ng Kaniyang kaharian ang mga nagsisigawa ng mga ganitong gawa.

Ang pakikipagkaibigan ay isang uri ng pakikipag-ugnayan o relasyon. Sa isang relasyon, hindi maiiwasang maging malalim ang ugnayan, hanggang sa hindi namamalayan na hindi na makakawala sa isa’t isa. Ganito ang pakikipag-kaibigan sa sanlibutan, pawang mga gawa ng laman na lamang ang nagagawa ng mga taong naging malalim na ang ugnayan dito. Paano ito niliwanag ni Apostol Pablo?

Rom 7:17-19  Kaya ngayo’y hindi ako ang gumagawa nito, kundi ang kasalanang tumitira sa akin. Sapagka’t nalalaman ko na sa akin, sa makatuwid ay sa aking laman, ay hindi tumitira ang anomang bagay na mabuti: sapagka’t ang pagnanasa ay nasa akin, datapuwa’t ang paggawa ng mabuti ay wala. Sapagka’t ang mabuti na aking ibig, ay hindi ko ginagawa: nguni’t ang masama na hindi ko ibig, ay siya kong ginagawa.

Dito ay makikita natin na hindi na ang sarili ang nangingibabaw sa tao kundi ang kasalanang nakatira sa kaniya bunga ng malalim na pakikipag-ugnayan sa sanlibutang ito. Hindi ito ang kalooban ng Dios sa ating mga tao. Ibig ng Dios na huwag tayong mahalubiluhan ng kasamaan ng sanlibutang ito. Ang mga gawa ng laman ay hindi mula sa Dios, ito ay mula sa sanlibutan, mula sa kaaway ng Dios, ang diablo (Santiago 3: 14-15)

Ito ang mabigat na kalaban ng mga ibig maglingkod sa Dios. Babakahin niya ang kaniyang sarili na huwag mapaglalalangan ng mga gawa ng diablo na kasalukuyang dumadaya sa sanlibutang ito. Ang laban ay espirituwal, kaya kailangang matutunang lumaban din naman sa bahagi ng espirituwal.

Eph 6:12 Sapagka’t ang ating pakikibaka ay hindi laban sa laman at dugo, kundi laban sa mga pamunuan, laban sa mga kapangyarihan, laban sa mga namamahala ng kadilimang ito sa sanglibutan, laban sa mga ukol sa espiritu ng kasamaan sa mga dakong kaitaasan.

Ano ang itinuturong paraan ng Biblia upang makalaban sa mga espiritu ng kasamaan sa sanlibutang ito at nang maiwasang makaalit ang Dios? 

1Co 9:27  Nguni’t hinahampas ko ang aking katawan, at aking sinusupil: baka sakaling sa anomang paraan, pagkapangaral ko sa iba, ay ako rin ay itakuwil. 

Isa sa pinakamabigat na kalaban ay ang ating mga sarili. Bukod sa mga lalang ngdiablo, ang laman natin ay punung-puno ng mga makamundong pagnanasa. Kung hindi natin mapag-aaralang supilin o disiplinahin ang ating mga sarili ay tiyak na magpapaubaya na lamang tayo sa mga gawang sanlibutan.

Mahalaga ang disiplina sa anumang larangan. Ang mga atleta ay nakakamit ang tagumpay sapagkat mayroon silang disiplina sa kanilang mga sarili. Ang isang lingkod ng Dios ay dapat mayroon ding disiplina, may kakayahang pigilan ang sarili lalo na ang mga pagnanasang makasanlibutan.

1Co 9:25 At ang bawa’t tao na nakikipaglaban sa mga palaruan ay mapagpigil sa lahat ng mga bagay. Ginagawa nga nila ito upang magsipagtamo ng isang putong na may pagkasira; nguni’t tayo’y niyaong walang pagkasira.

Ang lohika nito, kung ang mga atleta ay nagsisikap na magkaroon ng disiplina para lamang sa mga korona o gantimpalang nasisira, higit pa ngang dapat na magkaroon ng disiplinang espirituwal upang magtamo ng putong na walang pagkasira, samakatuwid ay ang buhay na walang hanggan.

Sapat ba na magkaroon ng disiplina ang isang tao?

Col 3:8-10  Datapuwa’t ngayon ay inyo namang layuan ang lahat ng mga ito: galit, kapootan, paghihinala, panunungayaw, mga salitang kahalay-halay na mula sa inyong bibig: Huwag kayong mangagbubulaan sa isa’t isa; yamang hinubad na ninyo ang datihang pagkatao pati ng kaniyang mga gawa, At kayo’y nangagbihis ng bagong pagkatao, na nagbabago sa kaalaman ayon sa larawan niyaong lumalang sa kaniya:

Ang pagkakaroon ng disiplinang espirituwal ang magtutulak sa atin para layuan ang lahat ng mga gawang lalang ng kasamaan. At ito ay magagawa natin kung ibibihis natin ang bagong pagkatao. Ibig sabihin, huhubarin natin ang datihang pagkatao natin na sumama nang sumama bunga ng malalim na pakikipag-ugnay sa sanlibutan. At ibibihis natin ang pagkataong ayon sa katuwiran o mga salita ng Dios na nilalang sa kabanalan.

Gal 5:16-17  Sinasabi ko nga, Magsilakad kayo ayon sa Espiritu, at hindi ninyo gagawin ang mga pita ng laman. Sapagka’t ang laman ay nagnanasa ng laban sa Espiritu, at ang Espiritu ay laban sa laman; sapagka’t ang mga ito ay nagkakalaban; upang huwag ninyong gawin ang bagay na inyong ibigin.

Kung tuluyang magwagi tayo sa mga lalang ng sanlibutang ito, ano ang higit na magiging pakinabang nito sa atin?

Col 3:5-6  Patayin nga ninyo ang inyong mga sangkap ng katawang nangasa ibabaw ng lupa, pakikiapid, karumihan, masamang pita, masasamang nasa, at kasakiman, na iya’y pagsamba sa mga diosdiosan; Na dahil sa mga bagay na iyan ay dumarating ang kagalitan ng Dios sa mga anak ng pagsuway:

Kaya lang naman nagagalit ang Dios sa ating mga tao ay dahil hindi natin ginaganap ang Kaniyang kalooban, sa halip ang pinagbubuti pa natin ay ang pakikipagrelasyon sa sanlibutang ito.

Kung gagawin natin ang ayon sa Kaniyang kalooban, na ating papatayin ang mga sangkap ng ating katawan na humihila sa atin sa paggawa ng kasalanan, makalalabag pa ba tayo sa Kaniyang kagustuhan? Hindi ba’t lalayo ang poot ng Dios sa atin? Ito ang isa sa mga pakinabang na maaari nating matamo.

At kung ginagawa natin ang mga bagay na ayon sa Kaniyang kalooban, hindi ba’t masisiyahan Siya sa atin? Sa ating mga anak, kapag sila ay nakagagawa ng mabuti, hindi ba’t ginagantihan natin ito ng gantimpala.

Sinabi ni Hesus, Kung kayo nga, bagaman masasama ay marurunong mangagbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama na nasa langit na magbibigay ng mabubuting bagay sa nagsisihingi sa kaniya? (Mateo 7:11)

Kaya kung ibig nating maging karapatdapat sa Dios, kung ibig nating masiyahan Siya sa atin, kung ibig nating huwag makaaway ang Dios, pigilan natin ang ating mga sarili. Magkaroon tayo ng disiplinang espirituwal, hubarin nang dating pagkatao at magbihis ng kagayakan ng Dios base sa paglakad sa Kaniyang mga banal na salita.

Tandaang nabubuhay tayo ngayon sapagkat binigyan tayo ng pagkakataon na magkaroon ng panibagong buhay. Kaya nga, marapat lamang na ang pamumuhay natin ay maging karapatdapat sa pamumuhay na ayon sa kabanalan.

2Co 5:14  -15 Sapagka’t ang pagibig ni Cristo ay pumipilit sa amin; sapagka’t ipinasisiya namin ang ganito, na kung ang isa ay namatay dahil sa lahat, kung gayo’y lahat ay nangamatay; At siya’y namatay dahil sa lahat, upang ang nangabubuhay ay huwag nang mabuhay pa sa kanilang sarili, kundi doon sa namatay dahil sa kanila at muling nabuhay.


Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 57 other followers