Isa sa mga iniutos ng Dios sa bayang Israel ay huwag nilang lilimutin ang mga kasaysayan tungkol sa Kaniyang mga kagilagilalas na mga gawa at pagliligtas. Ito ay kailangan nilang ituro o ikuwento sa kanilang mga anak at sa mga susunod pang salinlahi upang kanilang maalala ang mga ginawa ng Dios sa kanilang mga magulang. Hindi lamang ang mga kasaysayan ang iniutos na ingatan kundi maging ang Kaniyang mga kautusan.
Ang hangad ng Dios ay matutunan ito ng Kanilang mga anak.
Psa 78:5-7 Sapagka’t siya’y nagtatag ng patotoo sa Jacob, at nagtakda ng kautusan sa Israel, na kaniyang iniutos sa aming mga magulang, na kanilang ipabatid sa kanilang mga anak: Upang maalaman ng lahing darating, sa makatuwid baga’y ng mga anak na ipanganganak; na siyang magsisibangon, at mangagsasaysay sa kanilang mga anak: Upang kanilang mailagak ang kanilang pagasa sa Dios, at huwag kalimutan ang mga gawa ng Dios, Kundi ingatan ang kaniyang mga utos:
Ipinakikita dito ang kahalagahan ng tinatawag na religious education: na magawang ipahayag at ituro sa bawat hererasyon na matutunang sumunod sa mga kalooban ng Dios, magtiwala at maglingkod sa Kaniya. Mahalaga din na matutunan ng mga anak na huwag lakaran ang mga naunang pagkakamali ng kanilang mga magulang upang silang mga anak ay hindi maligaw gaya nang pagkaligaw ng ilan sa kanilang mga magulang.
Psa 78:3-4 Na aming narinig at naalaman, at isinaysay sa amin ng aming mga magulang. Hindi namin ikukubli sa kanilang mga anak, na isasaysay sa salin ng lahing darating ang mga pagpuri sa Panginoon, at ang kaniyang kalakasan, at ang kaniyang mga kagilagilalas na mga gawa na kaniyang ginawa.
Ang kautusang ito ng Dios ay hindi tradisyon na gaya nang maraming mga paniniwala na ipinamana sa atin ng ating mga ninuno. Ang ipinatuturo ng Dios sa kanilang mga anak ay ang mga makapangayarihang mga gawa na Kaniyang ipinamalas sa bayang Israel, kung paano Niya ito iniligtas mula sa kamay ng Egipto, kung paano Niya ito inihatid sa lupang Canaan – na siyang lupang ipinangako sa kanila, at sa maraming mga taon ay Kaniyang inalalayan, pinatnubayan, pinagpala at iniligtas sila sa kamay ng kanilang mga kaaway.
Sa gayong kaparaanan, magugunita ng mga susunod na lahi ang mga kagilagilalas na mga gawa ng Dios. Isa 38:19 Ang buhay, ang buhay, siya’y pupuri sa iyo, gaya ng ginagawa ko sa araw na ito: Ang ama sa mga anak ay magpapatalastas ng iyong katotohanan. Ganito din ang pahayag ni Apostol Pablo: Eph 6:4 At, kayong mga ama, huwag ninyong ipamungkahi sa galit ang inyong mga anak: kundi inyong turuan sila ayon sa saway at aral ng Panginoon.
Bakit mahalaga ang kasaysayan?
Ang kasaysayan ay mahalaga sapagkat mauunawaan natin ang kasalukuyan sa pamamagitan nito. Upang malaman natin kung bakit ganito ang takbo ng panahon ngayon, kailangang alamin natin ang nagdaan. Sapagkat ang kasalukuyan ay bunga ng mga ginawa sa nagdaan. At ang hinaharap naman ay bunga ng mga ginagawa natin sa kasalukuyan. Magkakaugnay ang lahat ng mga ito.
Sa Biblia, ang nagdaan ay mahalaga upang mapag-aralan ang mga pagkakamaling nagawa ng mga unang naglingkod sa Dios. Kailangang matutunan natin ang mga pagkakamaling ito upang maiwasan natin na sa magkamali din tayo sa mga pagkakamaling yaon na kanilang nagawa.
1Co 10:11 Ang mga bagay na ito nga’y nangyari sa kanila na pinakahalimbawa; at pawang nangasulat sa pagpapaalaala sa atin, na mga dinatnan ng katapusan ng mga panahon. Ito ang layunin ng Dios kung bakit kailangang matutunan natin ang kasaysayan – upang magsilbing halimbawa sa atin ang kanilang mga nagawa. Gayahin kung mabuti ang kanilang nilakaran at naging karapatdapat sa Dios, subalit maiwasan naman kung ang kanilang mga nilakaran ay masama. Nagsisilbing paalala o babala sa atin ang mga mali nilang nagawa sapagkat ang mga ito ang naging dahilan upang magalit ang Dios.
Rom 15:4 Sapagka’t ang anomang mga bagay na isinulat nang una ay nangasulat dahil sa ikatututo natin, upang sa pamamagitan ng pagtitiis at pagaliw ng mga kasulatan ay mangagkaroon tayo ng pagasa. Hangad ng Dios na mapaalalahanan tayo sa ating mga pamumuhay. Ang ilan sa kanila ay napahamak bunga ng pagsuway sa kalooban at mga kautusan ng Dios. Ayaw ng Dios na mangyari ang mga ito sa atin kung kaya’t mahalaga na malaman natin ang kuwento ng pagsuway ng ilan sa kanila. Ang Biblia ay kinapapalooban ng mga kasaysayan na nagsasaad hindi lamang ng pagtalima ng mga unang naglingkod sa Kaniya, kundi maging ng paglabag, pagiging suwail at pagsuway sa kalooban ng Dios.
Nagsisilbing huwaran din naman sa atin ang ginawa ng ilan sa kanila, gaya ng kanilang mga pagtitiis. Ang ilan sa kanila ay ibinuwis ang buhay, nagawang magpakasakit alang-alang sa pagganap ng kalooban ng Dios.
Tungkulin nating mga magulang na ituro ang mga kasaysayang ito sa ating mga anak upang sila naman ay magkaroon ng huwaran na gaya natin na sumunod sa mga huwaran ng mga nauna sa atin. Pro 4:1-2 Dinggin ninyo, mga anak ko, ang turo ng ama, at makinig kayo upang matuto ng kaunawaan: Sapagka’t bibigyan ko kayo ng mabuting aral; huwag ninyong bayaan ang aking kautusan.
At ang pinakamalaking pakinabang o biyaya kapag ang kasaysayan at ang mga kautusan ng Dios ay ating naituro sa ating mga anak – ay ang buhay, buhay na walang hanggan. Pro 4:13 Hawakan mong mahigpit ang turo; huwag mong bitawan: iyong ingatan; sapagka’t siya’y iyong buhay.
Pro 6:20-23 Anak ko, ingatan mo ang utos ng iyong ama, at huwag mong kalimutan ang kautusan ng iyong ina: Ikintal mong lagi sa iyong puso, itali mo sa iyong leeg. Pagka ikaw ay lumalakad, papatnubay sa iyo; pagka ikaw ay natutulog, babantay sa iyo; at pagka ikaw ay gumigising, makikipagusap sa iyo. Sapagka’t ang utos ay tanglaw; at ang kautusan ay liwanag; at ang mga saway na turo ay daan ng buhay: