Ang Dapat Maging Pananalita

Kapag tayo ay naging lingkod ng Dios, may mga bagay na kailangan nating baguhin sa ating mga sarili. Hindi na dapat makita sa atin ang dating pagkatao na lumalakad sa pagkakasala. Lalakad tayo sa katuwiran, sa katotohanan at sa kabanalan.

Mayroong mga pananalita na kailangan din nating baguhin sa ating mga sarili. Lahat ng ating sasabihin ay dapat nang pinag-iisipan at hindi na tayo magiging padalos-dalos sa pagsasalita. Iingatan na natin ang ating mga salita upang hindi makasugat ng kalooban ng ibang tao at higit sa lahat, may mga bagay na kailangan nating panindigan, lalo pa nga sa ating mga pahayag o sinumpaan sa harap ng ating dakilang Dios.

Ang isang lingkod ng Dios ay dapat na mayroong paninindigan sa kaniyang mga salita. Lalo pa nga kung ang sinalita ay sumpang binitiwan sa Dios. Mat 5:37  Datapuwa’t ang magiging pananalita ninyo’y, Oo, oo; Hindi, hindi; sapagka’t ang humigit pa rito ay buhat sa masama. Ang pinag-uusapan dito ay paninindigan, o pagganap sa bagay na sinalita sa harap ng Dios. Kailangang ganapin natin ang mga bagay na sinang-ayunan nating gawin.

Ngunit bakit napakahalaga na makita sa atin ang paninindigan?

Sa paningin ng Dios, hindi lamang ang laman ng puso ang mahalaga. Tinitingnan din Niya ang mga salitang lumalabas sa ating mga bibig. Bakit? Sapagkat ang bibig natin ay lagusan ng mga bagay na siyang nilalaman ng ating mga puso. Nagsasalita ang bibig sa kasaganaan ng puso. At anumang bagay na sinasabi natin ay nagmumula sa ating mga puso at kalooban. Kaya kung walang kabuluhan ang mga laman nito, ay maaaring pagsulitan natin sa Dios. Mat 12:36-37  At sinasabi ko sa inyo, na ang bawa’t salitang walang kabuluhang sabihin ng mga tao ay ipagsusulit nila sa araw ng paghuhukom. Sapagka’t sa iyong mga salita ikaw ay magiging banal, at sa iyong mga salita ay hahatulan ka.

Kapag tayo ay mayroong naipangako sa Dios, o mayroong naipanata na ating gagawin at sinambit ng ating mga labi, kailangan natin itong ganapin at isakatuparan sapagkat ayaw ng Dios na tayo ay mananata at hindi naman natin gagawin. Ecc 5:4  Pagka ikaw ay nananata ng panata sa Dios, huwag kang magliban ng pagtupad; sapagka’t siya’y walang kaligayahan sa mga mangmang: tuparin mo ang iyong ipinanata. Mas makabubuting huwag na lamang manata o manumpa, kaysa manata o manumpa at hindi naman gaganapin.

Kaya bago tayo manumpa o manata, pakaisipin muna nating mabuti sapagkat maaaring maging daan ito ng pagsisisi natin. Pro 20:25  Think carefully before you promise an offering to God. You might regret it later. At gaya nang pahayag ni Hesus, sapagka’t ang humigit pa rito ay buhat sa masama (Mateo 5:37b). Ibig sabihin, maaaring magkasala tayo kung hindi natin pakakaiisipin muna ang ating ipapanata sa Dios.

Paano at kailan lalong dapat manindigan ang isang lingkod ng Dios?

Pagdating sa pananampalataya, kailangang maging matatag, malakas at mayroong paninindigan ang isang lingkod na gaya nang paninindigan ng isang lalake. 1Co 16:13  Magsipagingat kayo, mangagpakatibay kayo sa pananampalataya, kayo’y mangagpakalalake, kayo’y mangagpakalakas.

Ang isang lingkod na mayroong paninindigan sa pananampalataya ay hindi madaling makilos. Anuman ang dumating sa kaniyang buhay, anuman ang kaniyang maranasan, nananatili siya sa kaniyang pananampalataya. 1Co 15:58  Kaya nga, mga kapatid kong minamahal, kayo’y magsitatag, huwag makilos, na laging sumasagana sa gawa ng Panginoon, yamang nalalaman ninyo na hindi walang kabuluhan ang inyong gawa sa Panginoon.

At anumang tukso ang dumating sa kaniyang buhay, hindi ito napatutukso o napahihikayat sa paggawa ng kasamaan. Mahusay siyang magpigil sa kaniyang sarili sapagkat alam niyang kailangan niyang manatili sa mga katuwiran at palatuntunan ng Dios. Hindi siya napadadaig sa kasamaan, kundi ang kabutihan niyang taglay ay may kapangyarihan upang mapagbago ang kasamaan. Rom 12:21  Huwag kang padaig sa masama, kundi bagkus daigin mo ng mabuti ang masama.

Hindi lamang ang pagsang-ayon sa paggawa ng mabuti ang makikita sa isang lingkod ng Dios. Tinatanggihan din naman niya ang lahat ng uri ng panghihikayat ng kasamaan. Marunong siyang sumagot ng “hindi” lalo pa nga kung hihikayatin siya nito sa kasalanan. Pro 1:10-15  Anak ko, kung ikaw ay hikayatin ng mga makasalanan, huwag mong tulutan. Kung kanilang sabihin, sumama ka sa amin, tayo’y magsibakay sa pagbububo ng dugo, tayo’y mangagkubli ng silo na walang anomang kadahilanan sa walang sala; Sla’y lamunin nating buhay na gaya ng Sheol. At buo, na gaya ng nagsibaba sa lungaw; Tayo’y makakasumpong ng lahat na mahalagang pag-aari, ating pupunuin ang ating mga bahay ng samsam; Ikaw ay makikipagsapalaran sa gitna namin; magkakaroon tayong lahat ng isang supot:  Anak ko, huwag kang lumakad sa daan na kasama nila; pigilin mo ang iyong paa sa kanilang landas:

At kung dati ay hangad niyang makaganti sa kasamaang nagawa sa kaniya ng kaniyang kapuwa, ngayon ay nagpipigil na siya sa sarili at tinatanggihan na ang lahat ng uri ng mga gawang hindi ayon sa kalooban ng Dios.

Pro 24:29  Huwag mong sabihin, gagawin kong gayon sa kaniya na gaya ng ginawa niya sa akin: aking ibibigay sa tao ang ayon sa kaniyang gawa.
Pro 20:22  Huwag mong sabihin, ako’y gaganti ng kasamaan: maghintay ka sa Panginoon, at kaniyang ililigtas ka.

Ano ang Pananalitang lalong Magpapatatag ng Paninindigan ng Isang Lingod ng Dios?

Ang wika ni Apostol Pablo,  sapagka’t mabuti pa sa akin ang mamatay, kay sa pawalang kabuluhan ninoman ang aking karangalan. (1 Cor. 9:15b) Mahalaga kay Pablo, bilang lingkod at tinawag na Apostol na maipakita ang kaniyang pagpapahalaga sa tungkuling tinanggap mula sa Dios. Ito’y ibinibilang niyang karangalan na higit sa anumang karangalang maaring tanggapin sa buhay na ito sapagkat ang karangalang ito ay nagmula sa Dios. Heb 5:4  At sinoman ay hindi tumatanggap sa kaniyang sarili ng karangalang ito, liban na kung tawagin siya ng Dios, na gaya ni Aaron.

Kaya para sa kaniya, sa kaniyang pananalita at paninindigan, hindi baleng ibigay niya ang kaniyang buhay maganap lamang niya nang may katapatan ang kaniyang tungkulin sa harap ng Dios. Ito ang paninindigan ng isang tunay na naglilingkod sa Dios. Act 20:24  Datapuwa’t hindi ko minamahal ang aking buhay na waring sa akin ay mahalaga, maganap ko lamang ang aking katungkulan, at ang ministeriong tinanggap ko sa Panginoong Jesus, na magpatotoo ng evangelio ng biyaya ng Dios.

Nahahayag ito sa pamamagitan ng taus-pusong pagganap ng anumang sinalita sa harap ng Dios. Anumang tungkuling sinumpaan at tinanggap sa Dios ay dapat nating ganapin, sapagkat ang hindi pagganap ay nangangahulugan ng pagsira sa bagay na sinalita o sinumpaan sa Dios.

Ang isang lingkod ng Dios ay hindi dapat kakitaan ng pag-aalinlangan sa pagtupad sa kaniyang tungkulin. Mat 21:28-30 Datapuwa’t ano sa akala ninyo? Isang taong may dalawang anak; at lumapit siya sa una, at sinabi, Anak, pumaroon at gumawa ka ngayon sa ubasan. At sinagot niya at sinabi, Ayaw ko: datapuwa’t nagsisi siya pagkatapos, at naparoon. At siya’y lumapit sa ikalawa, at gayon din ang sinabi. At sumagot siya at sinabi, Ginoo, ako’y paroroon: at hindi naparoon.

At hindi din dapat na magkaroon tayo ng katuwiran sa hindi natin pagganap, sapagkat dapat nating maunawa na kung mayroon mang priyoridad ang mga lingkod ng Dios, ito ay walang iba kundi ang pagganap ng tungkuling sinumpaan sa Dios. Sinumang nagkakaroon ng katuwiran sa kaniyang sarili ay hindi kaylanman magiging karapatdapat sa Dios. Luk 9:59-62  At sinabi niya sa iba, Sumunod ka sa akin. Datapuwa’t siya’y nagsabi, Panginoon, tulutan mo muna akong makauwi at mailibing ko ang aking ama. Datapuwa’t sinabi niya sa kaniya, Pabayaan mong ilibing ng mga patay ang kanilang sariling mga patay; datapuwa’t yumaon ka at ibalita mo ang kaharian ng Dios. At ang iba nama’y nagsabi, Susunod ako sa iyo, Panginoon; datapuwa’t pabayaan mo akong magpaalam muna sa mga kasangbahay ko. Datapuwa’t sinabi sa kaniya ni Jesus, Walang taong pagkahawak sa araro, at lumilingon sa likod, ay karapatdapat sa kaharian ng Dios.

Ang pagganap sa sinumpaang panata ay pagbabayad sa panata at ito ay bagay na inaasahan sa atin bilang mga lingkod ng Dios. Psa 116:18  Aking babayaran ang mga panata ko sa Panginoon, Oo, sa harapan ng buo niyang bayan

 

2 thoughts on “Ang Dapat Maging Pananalita”

  1. pa share po :) )salamat

  2. save ku lang sa draft ku salamat

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 57 other followers