Mahalaga ang kaligtasan sa bawat tao. Ito ang dahilan kung bakit maraming mga tao ang nagsisipaglingkod sa Dios. Nananalig tayo na ang Dios lamang ang makapagbibigay sa atin ng Kaligtasang ating inaasam. Ito din ang naging pag-asa ng mga naunang naglingkod sa atin.
Isa 61:10 Ako’y magagalak na mainam sa Panginoon, ang aking kaluluwa ay magagalak sa aking Dios; sapagka’t binihisan niya ako ng mga damit ng kaligtasan; kaniyang tinakpan ako ng balabal ng katuwiran, gaya ng kasintahang lalake na nagpuputong ng putong na bulaklak, at gaya ng kasintahang babae na naggagayak ng kaniyang mga hiyas.
Sa Biblia, and damit ng kaligtasan ay nangangahulugan ng pagkakaloob ng tungkuling ipangaral ang kautusan o ang mga salita ng Dios. Una nang pinagkaloob ang mga ito sa mga saserdote ng Dios na ang tungkulin ay mangasiwa sa banal na Templo o bahay ng Dios.
Psa 132:9 Magsipagsuot ang iyong mga saserdote ng katuwiran; at magsihiyaw ang iyong mga banal dahil sa kagalakan.
Psa 132:16 Ang kaniya namang mga saserdote ay susuutan ko ng kaligtasan: at ang kaniyang mga banal ay magsisihiyaw ng malakas sa kagalakan.
Sa Bagong Tipan, itinuro ni Apostol Pedro na ang mga hinirang ng Dios, ang mga naanib sa Iglesia ng Dios, ay ang mga pinili upang maging mga pangunahing tagapaglingkod sa bahay ng Dios na siyang Iglesia ng Dios. Ang mga ito, gaya nang pahayag sa Lumang Tipan ay may katungkulan ding mga saserdote datapuwat sila ay mga tagapaglingkod na sa Iglesia ng Dios. Lahat ng mga tinawag sa iglesia, mga apostol, mga guro, propeta at mga karaniwang kaanib ay nagtaglay ng tungkuling pagkasaserdote.
Ang tungkuling pagkasaserdote ay hindi lamang maghandog sa Dios ng mga haing nakalulugod sa Kaniya kundi upang ipahayag ang karangalan ng Dios, sa pamamagitan pangangaral ng Kaniyang mga salita.
1Pe 2:9-10, 5 Datapuwa’t kayo’y isang lahing hirang, isang makaharing pagkasaserdote, bansang banal, bayang pag-aaring sarili ng Dios, upang inyong ipahayag ang mga karangalan niyaong tumawag sa inyo mula sa kadiliman, hanggang sa kaniyang kagilagilalas na kaliwanagan: Na nang nakaraang panahon ay hindi bayan, datapuwa’t ngayo’y bayan ng Dios: na hindi nagsipagkamit ng awa, datapuwa’t ngayo’y nagsipagkamit ng awa. Kayo rin naman, na gaya ng mga batong buhay, ay natatayong bahay na ukol sa espiritu, upang maging pagkasaserdoteng banal, upang maghandog ng mga hain na ukol sa espiritu, na nangakalulugod sa Dios sa pamamagitan ni Jesucristo.
Ipinaliwanag naman ni Apostol Pablo na ang bahay ng Dios ay ang iglesia ng Dios, na siyang pinagtawagan sa kaniya bilang mga apostol, at hindi lamang siya kundi maging ang mga kapatid na tinawag upang magbanal. (1 Tim. 3: 15 at 1 Cor. 1: 1-2)
Sinumang naanib sa iglesia, na siyang bahay ng Dios ay nagtataglay ng tungkuling pagkasaserdote na mag-alay ng paglilingkod (gumawa ng kabanalan) at ipahayag ang karangalan ng Dios (sa pamamagitan ng pangangaral ng mga salita ng Dios).
1Co 12:28 At ang Dios ay naglagay ng ilan sa iglesia, una-una’y mga apostol, ikalawa’y mga propeta, ikatlo’y mga guro, saka mga himala, saka mga kaloob na pagpapagaling, mga pagtulong, mga pamamahala, at iba’t ibang mga wika.
Eph 3:9-10 At maipakita sa lahat ng mga tao kung ano ang pagiging katiwala sa hiwaga na sa lahat ng panahon ay inilihim ng Dios na lumalang ng lahat ng mga bagay; Upang ngayo’y sa pamamagitan ng iglesia, ay maipakikilala sa mga pamunuan at sa mga kapangyarihan sa sangkalangitan ang kapuspusan ng karunungan ng Dios,
Upang lalong patunayan ang mga kapahayagang ito ni Apostol Pablo, binanggit din ito ni Apostol Juan sa aklat ng Apocalipsis. Rev 1:6, 11 At ginawa tayong kaharian, mga saserdote sa kaniyang Dios at Ama; Na nagsasabi, Ang iyong nakikita, ay isulat mo sa isang aklat at iyong ipadala sa pitong iglesia: sa Efeso, at sa Smirna, at sa Pergamo, at sa Tiatira, at sa Sardis, at sa Filadelfia, at sa Laodicea.
Sa Isaias 61:10, binabanggit doon na “sapagka’t binihisan niya ako ng mga damit ng kaligtasan; kaniyang tinakpan ako ng balabal ng katuwiran, gaya ng kasintahang lalake na nagpuputong ng putong na bulaklak, at gaya ng kasintahang babae na naggagayak ng kaniyang mga hiyas.” inilalarawan dito na ang pagbibihis ng kaligtasan ay gaya ng pagpuputong ng kasintahang lalake ng bulaklak at gaya ng kasintahang babae na may kagayakan ng mga hiyas. Simboliko lamang ito na ang paghahambing ay paglalarawan ng isang magandang tanawin sa paningin ng Dios. Magugunitang ang paglilingkod sa Dios ay magandang tanawin sa Kaniyang paningin, ang kabanalan ay tunay na maganda sa Kaniya.
Sa literal na kahulugan, saliksikin man natin ang Biblia, ang mga saserdote na nangangasiwa sa Templo ng Dios ay may kasuotang maririlag at magaganda, na sadyang inilaan nilang isuot sa pangangasiwa sa bahay ng Dios (Exodo 29:6 at Exodo 28: 40 ).
Hindi lamang paglilingkod ang maganda sa paningin ng Dios. Maging ang kaligtasang ipagkakaloob ng Dios sa mga taong sinuotan ng damit ng kaligtasan, samakatuwid ay ang mga naatangan ng tungkuling ipahayag ang Kaniyang karangalan at maglingkod sa Kaniya.
Gaano kaganda ang kaligtasang binabanggit ng Biblia?
Ganito ang paliwanag ng Biblia sa kaligtasang ipagkakaloob.
1Co 15:40-41 Mayroon namang mga katawang ukol sa langit, at mga katawang ukol sa lupa: datapuwa’t iba ang kaluwalhatian ng ukol sa langit, at iba ang ukol sa lupa. Iba ang kaluwalhatian ng araw, at iba ang kaluwalhatian ng buwan, at iba ang kaluwalhatian ng mga bituin; sapagka’t ang isang bituin ay naiiba sa ibang bituin sa kaluwalhatian.
1Co 15:51-54 Narito, sinasaysay ko sa inyo ang isang hiwaga: hindi tayong lahat ay mangatutulog, nguni’t tayong lahat ay babaguhin, Sa isang sangdali, sa isang kisap-mata, sa huling pagtunog ng pakakak: sapagka’t tutunog ang pakakak, at ang mga patay ay mangabubuhay na maguli na walang kasiraan, at tayo’y babaguhin. Sapagka’t kinakailangan na itong may kasiraan ay magbihis ng walang kasiraan, at itong may kamatayan ay magbihis ng walang kamatayan. Datapuwa’t pagka itong may kasiraan ay mabihisan ng walang kasiraan, at itong may kamatayan ay mabihisan ng walang kamatayan, kung magkakagayon ay mangyayari ang wikang nasusulat, Nilamon ng pagtatagumpay ang kamatayan.
Sa pamamagitan ng mga salita ng Dios o ng Kaniyang katuwiran, ang mga nagsipaglingkod ay magdadaan sa prosesong ito ng dakilang pagbabago.
At ang kauuwian ng pagbabagong ito ay ang pagkakamit ng kaligtasang minimithi, ang buhay na walang hanggan na ipagkakaloob ng Dios.
Rev 7:15-17 Kaya’t sila’y nasa harapan ng luklukan ng Dios; at nangaglilingkod sa kaniya araw at gabi sa kaniyang templo: at siyang nakaupo sa luklukan, ay lulukuban sila ng kaniyang tabernakulo. Sila’y hindi na magugutom pa, ni mauuhaw pa man; ni hindi na sila tatamaan ng araw, o ng anomang init: Sapagka’t ang Cordero na nasa gitna ng luklukan ay siyang magiging pastor nila, at sila’y papatnugutan sa mga bukal ng tubig ng buhay: at papahirin ng Dios ang bawa’t luha ng kanilang mga mata.
Ang mga salitang ito, ang mga kapangakuang ito ang dahilan kung bakit sa kabila ng maraming mga pagsubok, pagtitiis at sakripisyo ay nagpapatuloy pa din tayo sa paglilingkod sa Dios.
1Pe 1:5-8 Na sa kapangyarihan ng Dios ay iniingatan sa pamamagitan ng pananampalataya sa ikaliligtas na nahanda upang ihayag sa huling panahon. Na ito ang inyong totoong ikinagagalak, bagama’t ngayo’y sa sangdaling panahon, kung kailangan, ay pinalumbay kayo sa muli’t muling pagsubok, Upang ang pagsubok sa inyong pananampalataya na lalong mahalaga kay sa ginto na nasisira bagama’t ito’y sinusubok sa pamamagitan ng apoy, ay masumpungan sa ikapupuri at ikaluluwalhati at ikararangal sa pagpapakahayag ni Jesucristo: Na hindi ninyo nakita ay inyong iniibig; na bagama’t ngayon ay hindi ninyo siya nakikita, gayon ma’y inyong sinasampalatayanan, na kayo’y nangagagalak na totoo na may galak na di masayod at puspos ng kaluwalhatian:
At ang pahayag ni Apostol Pablo, walang kapantay ang kaluwalhatiang mahahayag sa magkakamit ng tagumpay. Rom 8:18 Sapagka’t napatutunayan ko na ang pagtitiis sa panahong ito’y hindi karapatdapat maitumbas sa kaluwalhatiang mahahayag sa atin.
Ano lamang ang kailangan upang makatiyak sa kaligtasang ito na binabanggit ng Banal na Kasulatan?
Hindi nangangahulugang nang ibihis ang damit ng kaligtasan ay natamo na ang kaligtasan. Ang pagbibihis ay pag-aatang pa lamang ng tungkulin at kailangang ang tungkulin ay maisagawa upang matiyak ang kaligtasan.
Upang makatiyak, kailangang isagawa natin ang mga sumusunod na hakbang:
- Dapat maging kagalakan ang mga salita ng Dios - Psa 1:1-3 Mapalad ang tao na hindi lumalakad sa payo ng masama, ni tumatayo man sa daan ng mga makasalanan, ni nauupo man sa upuan ng mga manglilibak. Kundi ang kaniyang kasayahan ay nasa kautusan ng Panginoon; at sa kautusan niya nagbubulaybulay siya araw at gabi. At siya’y magiging parang punong kahoy na itinanim sa siping ng mga agos ng tubig, na nagbubunga sa kaniyang kapanahunan, ang kaniyang dahon nama’y hindi malalanta; at anumang kaniyang gawin ay giginhawa.
- Iwan ang dating pagkatao at magbihis ng bagong pagkatao- Eph 4:21-24 Kung tunay na siya’y inyong pinakinggan, at kayo’y tinuruan sa kaniya, gaya ng katotohanan na kay Jesus. At inyong iwan, tungkol sa paraan ng inyong pamumuhay na nakaraan, ang dating pagkatao, na sumama ng sumama ayon sa mga kahalayan ng pagdaraya; At kayo’y mangagbago sa espiritu ng inyong pagiisip, At kayo’y mangagbihis ng bagong pagkatao, na ayon sa Dios ay nilalang sa katuwiran at sa kabanalan ng katotohanan.
- Palaguin ang pakikipag-ugnayan sa Dios (relasyon) - 2Pe 3:18 Datapuwa’t magsilago kayo sa biyaya at sa pagkakilala sa ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo. Sumakaniya nawa ang kaluwalhatian ngayon at magpakailan man. Siya nawa. Maraming paraan upang mapalago ang pananampalataya at pagkakilala sa Dios. Ilan sa mga ito ang patuloy na pagtawag sa Kaniya, pagbubulaybulay sa Kaniyang mga gawa at mga salita, pag-aayuno, pangangaral ng Ebanghelyo, at ang pakikinig at paglakad sa Kaniyang mga katuwiran.
Kung patuloy na maisagawa ang mga ito, matatamo natin ang kaligtasang hinahangad. Rev 22:14 Mapapalad ang nangaghuhugas ng kanilang damit, upang sila’y magkaroon ng karapatan sa punong kahoy ng buhay, at makapasok sa bayan sa pamamagitan ng mga pintuan.