Ang Dahilan kung Bakit Itinulad sa mga Sangkap ng Katawan ang Bawat Kaanib sa Iglesia ng Dios

Sinumang maanib sa Iglesia ng Dios ay nagkakaroon ng Bagong Pagkatao.

Pagkatao na nilalang sa kabanalan at katotohanan ng mga salita ng Dios.

Eph 4:24  At kayo’y mangagbihis ng bagong pagkatao, na ayon sa Dios ay nilalang sa katuwiran at sa kabanalan ng katotohanan.

Ang pagkatao na nilalang sa katuwiran at kabanalan ng katotohanan ay ilan lamang sa magiging kaakibat na pagkakakilanlan ng sinumang maaanib. Ngunit isa sa mga pagtutulad ni Apostol Pablo na ginawa sa lahat ng mga maaanib sa iglesia ay ang pagtutulad sa mga sangkap ng katawan.

Ang katawan ay IISA ngunit napakaraming mga sangkap nito. Bawat isa ay mahalaga sa kaniyang sarili at nagtutulong-tulong sa bawat pagkilos ng katawan.

Rom 12:4  Sapagka’t kung paanong sa isang katawan ay mayroong tayong maraming mga sangkap, at ang lahat ng mga sangkap ay hindi pareho ang gawain: Rom 12:5  Ay gayon din tayo, na marami, ay iisang katawan kay Cristo, at mga sangkap na samasama sa isa’t isa.

Ang katawan na tinutukoy dito ni Apostol Pablo ay hindi karaniwang katawan lamang, kundi ito ay tumutukoy sa katawan ni Kristo, na siyang iglesia. 1Co 12:27  Kayo nga ang katawan ni Cristo, at bawa’t isa’y samasamang mga sangkap niya. 1Co 12:28  At ang Dios ay naglagay ng ilan sa iglesia, una-una’y mga apostol, ikalawa’y mga propeta, ikatlo’y mga guro, saka mga himala, saka mga kaloob na pagpapagaling, mga pagtulong, mga pamamahala, at iba’t ibang mga wika.

At gaya ng sangkap ng ating mga katawan, lahat ng mga ito ay minagaling ng Dios. Siya ang pumili, siya ang naglagay ng lahat ng mga sangkap na ito ayon sa kaniyang kagamitan o tungkulin. Bawat isa ay mahalaga. 1Co 12:18  Datapuwa’t ngayo’y inilagay ng Dios ang bawa’t isa sa mga sangkap ng katawan, ayon sa kaniyang minagaling. 1Co 12:20  Datapuwa’t maraming mga sangkap nga, nguni’t iisa ang katawan.

At kung paanong ang bawat sangkap ng katawan ay mayroong kani-kaniyang gamit, ang iglesia ng Panginoon ay gayundin. Ang iglesia bagaman iisang katawan ay maraming mga gawain. At gaya ng katawan, hindi lamang iisa ang sangkap nito. Mayroong iba’t ibang mga sangkap sa iglesia.

Mapapansin, na ang katawan ay kumikilos sa pagkakaisa. Anuman ang ginagawa ng katawan, kumikilos ito sa tulong ng iba’t ibang sangkap nito upang maisakatuparan ang kaniyang gawain. Kapag may sangkap na na hindi nakikiisa, halimbawa’y nagkaroon ng depekto sa sangkap ng katawan, gaya nang pagkakasakit, nahihirapan sa kabuoan ang katawan.

Gaya ng sinasabi ng kasabihan, “ang sakit ng kalingkingan, ramdam ng buong katawan.”

Ito ay sa kadahilanang ang mga sangkap ng katawan ay kumikilos ayon sa pagkakaisa nito. At kung ang ilang sangkap o kahit isang sangkap nito ay hindi makikiisa, magkakaroon ng kahirapan sa pagkilos nito.

Sa iglesia, ang tawag dito ay pagkilos o paggawa sa iisang espiritu. 1Co 12:4  Ngayo’y may iba’t ibang mga kaloob, datapuwa’t iisang Espiritu. 1Co 12:11  Datapuwa’t ang lahat ng ito ay ginagawa ng isa at ng gayon ding Espiritu, na binabahagi sa bawa’t isa ayon sa kaniyang ibig.

Bakit ang mga sangkap ng Katawan ang pinagkunang halimbawa sa bawat kaanib ng iglesia?

Ang bawat naanib sa iglesia ay ibinibilang na sangkap ng katawan. Gaya nang katawan, ang bawat sangkap nito ay kaisa sa layunin ng kabuoan nito. Ginawa ito ng Dios upang huwag mag-isip ang bawat sangkap na hiwalay sa layunin ng kabuoan ng katawan.

Sinabi ni Pablo, 1Co 12:17  Kung ang buong katawan ay pawang mata, saan naroroon ang pakinig? Kung ang lahat ay pawang pakinig, saan naroroon ang pangamoy. 1Co 12:18  Datapuwa’t ngayo’y inilagay ng Dios ang bawa’t isa sa mga sangkap ng katawan, ayon sa kaniyang minagaling.

Kung magkakani-kaniya ng galaw ang mga sangkap, ano ang mangyayari?

Hindi magkakaroon ng magandang “inter-action” sa pagitan ng iba pang mga sangkap. Ganito ang nangyayari kapag nagkakaroon ng depekto o sakit ang ibang mga sangkap ng katawan. Kapag hindi na ito kumikilos ng maayos napipinsala at nadadamay ang ibang sangkap.

Halimbawa, kapag naputukan ng ugat o veins ang tao, bagaman ito ay maliit na sangkap lamang ng katawan, malaki ang nagiging epekto nito sa kabuoan ng katawan.

Ang iglesia na siyang katawan ni Kristo ay mayroon ding ganitong pagkakatulad. 1Co 12:26  At kung ang isang sangkap ay nagdaramdam, ang lahat ng mga sangkap ay nangagdaramdam na kasama niya; o kung ang isang sangkap ay nagkakapuri, ang lahat ng mga sangkap ay nangagagalak na kasama niya.

Kaya nga tinawag ang mga kaanib sa isang katawan o iglesia sa layuning magkaroon ng pagkakaisa. Kung magkakani-kaniya ang mga sangkap, hindi nito natutugunan ang layunin ng pagkakatawag. 1Co 12:25  Upang huwag magkaroon ng pagkakabahabahagi sa katawan; kundi ang mga sangkap ay mangagkaroon ng magkasing-isang pagiingat sa isa’t isa.

Kaya tungkulin ng bawat isa na ingatan ang kaniyang kasangkap, ang kaniyang kapatid sa pananampalataya, kung magkagayon ay huwag mabahagi ang katawan o iglesia kundi kumilos ito nang ayon sa kalooban ng Dios o ayon sa kaniyang pagkakatawag.

Kaya bawat isa ay mamahalin ang bawat kasangkap. Tinatawag ito na “fellowship in the church.” Pag-iingatan sa isa’t isa, pagmamahalan sa isat’ isa bilang mga sangkap ng iglesia ang isa sa mga pangunahing tungkulin ng bawat sangkap. Eph 5:29  Sapagka’t walang sinoman na napoot kailan man sa kaniyang sariling katawan; kundi kinakandili at minamahal, gaya naman ni Cristo sa iglesia;

Pansinin natin kung paano minahal ni Kristo ang iglesia, sa gayunding paraan Niya ibig na ang bawat sangkap ay magmahalan.

Ang lubos na layunin ay upang ang bawat sangkap ay maging lapat sa isa’t isa. Bawat isa ay magkakapatid at ang Dios ay ang ating AMA. Hangad Niya na makita tayo sa pagkakaisa, pagmamahalan at kapayapaan.

Eph 4:16  Na dahil sa kaniya’y ang buong katawan na nakalapat na mabuti at nagkakalakip sa pamamagitan ng tulong ng bawa’t kasukasuan, ayon sa paggawang nauukol sa bawa’t iba’t ibang sangkap, ay nagpapalaki sa katawan sa ikatitibay ng kaniyang sarili sa pagibig.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 58 other followers