Ang Buhay na Patungo sa Kamatayan at ang Kamatayan na Patungo sa Buhay

Isa sa mga katotohanang hindi kayang tutulan ay ang pagdating ng kamatayan. Ang Biblia ay nagsasabi na ang buhay ay kaloob ng Dios, at ang kamatayan ay mararanasan ng lahat sapagkat itinakda ito sa mga tao.

At kung paanong itinakda sa mga tao ang mamatay na minsan, at pagkatapos nito ay ang paghuhukom. (Hebrew 9:27) At palibhasa nakatakda ang katapusan ng buhay, sinuman ay hindi makapagdaragdag nito, maliban mismo sa nagkaloob nito, walang iba kundi ang Dios.  At alin sa inyo ang sa pagkabalisa ay makapagdaragdag ng isang siko sa sukat ng kaniyang buhay? (Mat. 6:27)

Alam nating dadating sa atin ang kamatayan, subalit walang nakakaalam sa atin kung kailan ito darating. Tanging ang Dios lamang ang nakakaalam. Ecc 9:5-6 Sapagka’t nalalaman ng mga buhay, na sila’y mangamamatay: nguni’t hindi nalalaman ng patay ang anomang bagay ni mayroon pa man silang kagantihan; sapagka’t ang alaala sa kanila ay nakalimutan. Maging ang kanilang pagibig, gaya ng kanilang pagtatanim at ng kanilang pananaghili ay nawala ngayon; na wala man silang anomang bahagi pa na magpakailan man sa anomang bagay na nagawa sa ilalim ng araw.

Sinasabi dito na kapag namatay tayo, wala na tayong magiging bahagi sa buhay na dati nating taglay. Kaya ipinayo ng Biblia, na habang tayo ay buhay pa, gawin na natin ang ibig nating gawin, sapagkat wala nang gawa sa libingan na ating paroroonan. Ecc 9:10 Anomang masumpungang gawain ng iyong kamay, gawin mo ng iyong kapangyarihan; sapagka’t walang gawa, ni katha man, ni kaalaman man, ni karunungan man, sa Sheol, na iyong pinaparunan.

Subalit hindi nangangahulugan na lahat ng bagay na naisin natin ay karapatdapat gawin sa paningin ng Dios. Hindi lahat ng gusto natin ay matuwid sa Kaniya. Alalahanin natin na lahat ng bagay na ating ginagawa, sinasalita at nagiging buhay sa sanlibutang ito ay mayroong karampatang kagantihan.

Dalawa ang maaaring patunguhan ng ating buhay – ang buhay at ang kamatayan. Hindi literal na buhay at kamatayan ang tinutukoy dito. Deu 30:19  Aking tinatawag ang langit at ang lupa na pinakasaksi laban sa inyo sa araw na ito, na aking ilagay sa harap mo ang buhay at ang kamatayan, ang pagpapala at ang sumpa; kaya’t piliin mo ang buhay, upang ikaw ay mabuhay

Ang payo ng Biblia upang makapanangan sa buhay, na siyang tunay na buhay ay ito, I Tim. 6 : 19 - Na mangagtipon sa kanilang sarili ng isang mabuting kinasasaligan para sa panahong darating, upang sila’y makapanangan sa buhay na tunay na buhay. Ang buhay na ito, na kaloob ng Dios, ay gagamitin sa pagtitipon ng mabubuting saligan.

Paano niliwanag ng Biblia ang pagtitipon ng mabuting kinasasaligan?

Paano matitiyak na ang buhay na ito, kung matapos man ay patungo sa tunay na buhay? Bakit tinatawag itong tunay na buhay?

Tinawag itong tunay na buhay sapagkat ang buhay na kaloob sa atin ay pansamantala lamang. Mayroong buhay na sadyang nakalaan para sa mga tatalima sa kalooban ng Dios. Ito ang buhay na wala nang katapusan, buhay na kung saan ay hindi na mararanasan ang mga hirap, dusa, panambitan o pagluha man.

Paano ito matatamo ng tao?

Ang tunay na buhay ay matatamo lamang kung matutugunan natin ang dahil ng pagkakalikha sa atin. Ang layunin ng Dios sa atin ay ang paggawa ng mabuti, yaong mabuti sa Dios ay ang Kaniyang mga utos. Samakatuwid, ang layunin Niya ay lumakad tayo sa Kaniyang mga utos, yaong magkaroon tayo ng takot sa Kaniya, ito ang buong tungkulin nating mga tao. Ecc 12:13 Ito ang wakas ng bagay; lahat ay narinig: ikaw ay matakot sa Dios, at sundin mo ang kaniyang mga utos; sapagka’t ito ang buong katungkulan ng tao.

Kung lalakad tayo sa mga kautusan ng Dios, at tatalima tayo sa Kaniyang mga kalooban, nabibigyan natin ng kaluguran ang Dios. Ang paglapit sa Kaniya upang maghandog ng mga hain o paglilingkod na karapatdapat ay nagbibigay ng kaluguran sa Kaniya. 1Pe 2:4-5  Na kayo’y magsilapit sa kaniya, na isang batong buhay, na sa katotohana’y itinakuwil ng mga tao, datapuwa’t sa Dios ay hirang, mahalaga, Kayo rin naman, na gaya ng mga batong buhay, ay natatayong bahay na ukol sa espiritu, upang maging pagkasaserdoteng banal, upang maghandog ng mga hain na ukol sa espiritu, na nangakalulugod sa Dios sa pamamagitan ni Jesucristo.

Kaya ang pangunahing tungkulin ng mga taong lumalapit sa Kaniya upang maglingkod ay ipahayag ang Kaniyang karangalan at kaluwalhatian. 1Pe 2:9 Datapuwa’t kayo’y isang lahing hirang, isang makaharing pagkasaserdote, bansang banal, bayang pag-aaring sarili ng Dios, upang inyong ipahayag ang mga karangalan niyaong tumawag sa inyo mula sa kadiliman, hanggang sa kaniyang kagilagilalas na kaliwanagan:

Kung magagampanan natin ang layunin ng pagkakalikha sa atin, magiging daan ito upang tamuhin natin ang tunay na buhay. Dumating man sa atin ang kamatayang ang Dios ang nagtakda, nakatitiyak tayo na magiging mahalaga para sa Kaniya ang naging kamatayan natin.  Awit 116:15 Mahalaga sa paningin ng Panginoon ang kamatayan ng kaniyang mga banal.

Paano natin matitiyak na ang kamatayan natin ay magiging mahalaga sa Paningin ng Dios? 

Marami na din ang nakatiyak na ang kamatayan ay naging mahalaga sa paningin ng Dios. Sila ang mga nangamatay na nanatili sa paglakad sa mga kalooban ng Dios. Sila ang mga namatay dahil sa pagtatanggol ng katuwiran o ng mga salita ng Dios.

Ilan sa mga halimbawa ng mga ito ay ang sinasabi ng Biblia na mga lingkod ng Dios na namatay dahil sa pananampalataya. (Heb 11:35-40)  Tinanggap ng mga babae ang kanilang mga patay sa pamamagitan ng pagkabuhay na maguli: at ang iba’y nangamatay sa hampas, na hindi tinanggap ang kanilang katubusan; upang kamtin nila ang lalong mabuting pagkabuhay na maguli: At ang iba’y nangagkaroon ng pagsubok sa pagkalibak at pagkahampas, oo, bukod dito’y sa mga tanikala at bilangguan naman: Sila’y pinagbabato, pinaglagari, pinagtutukso, pinagpapatay sa tabak: sila’y nagsilakad na paroo’t parito na may balat ng mga tupa’t kambing: na mga salat, nangapipighati, tinatampalasan; (Na sa mga yaon ay hindi karapatdapat ang sanglibutan), na nangaliligaw sa mga ilang at sa mga kabundukan at sa mga yungib, at sa mga lungga ng lupa. At ang lahat ng mga ito, nang sila’y mapatotohanan na dahil sa kanilang pananampalataya, ay hindi kinamtan ang pangako, ipinaghanda ng Dios ng lalong mabuting bagay tungkol sa atin, upang sila’y huwag maging sakdal ng bukod sa atin.

At kung mayroon mang halimbawa na dapat nating lakaran at tularan ay yaong iniwang ehemplo ng Panginoong Hesus. Sa Kaniyang pagkakatawang-tao ay ipinakita sa atin ang halimbawa ng lubos na pagtalima sa kalooban ng Dios hanggang sa Kaniyang kamatayan sa Krus. (1Pe 2:21-23)  Sapagka’t sa ganitong bagay kayo’y tinawag: sapagka’t si Cristo man ay nagbata dahil sa inyo, na kayo’y iniwanan ng halimbawa, upang kayo’y mangagsisunod sa mga hakbang niya: Na siya’y hindi nagkasala, o kinasumpungan man ng daya ang kaniyang bibig: Na, nang siya’y alipustain, ay hindi gumanti ng pagalipusta; nang siya’y magbata, ay hindi nagbala; kundi ipinagkatiwala ang kaniyang sarili doon sa humahatol ng matuwid:

Mahalagang maipakita ang pagtatapat sa Dios anuman ang dumating sa ating buhay, sapagkat ang pangako ay maliwanag, (Apoc. 2:10) … Magtapat ka hanggang sa kamatayan, at bibigyan kita ng putong ng buhay.

At mawalan man ng buhay o mamatay dahil sa pagtatapat sa Dios ay nangangahulugan ng pagtatamo ng tunay na buhay. Ito ay bilang katuparan ng pahayag ni Hesus na ang mawalan ng buhay dahil sa Kaniya, ay magtatamo ng buhay. (Mat. 16:25) Sapagka’t ang sinomang magibig iligtas ang kaniyang buhay ay mawawalan nito: at ang sinomang mawalan ng kaniyang buhay dahil sa akin ay makakasumpong niyaon.

Hindi lahat ng mga tao ay naunawa ang dahilan ng pagkakalikha sa kanila. Marami ang ginugugol ang kanilang buhay sa sarili lamang nilang kagustuhan at hindi sa kagustuhan ng Dios. Kaya hindi lahat ng tao ay naging kalugodlugod sa Dios.

Hindi madali ang mabuhay sa mundo. Maraming hirap at sakit na kailangang pagdaanan. Lahat ay makakaranas nito, mayaman man o mahirap, sapagkat nakatalaga na maranasan nating mga tao ang kapighatian. (Job 14:1)  Taong ipinanganak ng babae ay sa kaunting araw, at lipos ng kabagabagan. 

Subalit ang Dios naman ay hindi marunong magpabaya sa Kaniyang mga lingkod. Handa Siyang umagapay sa panahon ng ating pangangailangan. At ipinayo Niyang laksan natin ang ating mga kalooban sapagkat nang Siya ay magpakita ng halimbawa, ay Kaniyang dinaig ang sanlibutan. (Juan 6:33)  Ang mga bagay na ito ay sinalita ko sa inyo, upang kayo’y magkaroon sa akin ng kapayapaan. Sa sanglibutan ay mayroon kayong kapighatian: nguni’t laksan ninyo ang loob; aking dinaig ang sanglibutan.

Ano ang mararanasan ng taong ginugol ang buhay sa sariling kagustuhan at hindi sa kalooban ng Dios? 

Hindi lahat ng tao ay lumakad sa daang pinalalakaran ng Dios samakatuwid ay sa Kaniyang mga katuwiran. Ang iba ay lumakad sa sarili nilang kalooban, at ang iba naman ay lumakad sa kagustuhan ng kanilang kapuwa tao.

Ang iba’y ginugol ang kanilang buhay sa palunging paraan. Ang buhay natin ay ipinahiram lamang sa atin ng Dios. Hindi nangangahulugan na ang buhay na ito ay sa atin. Nananatiling ito ay pag-aari pa din ng Dios. Subalit marami ang inari ang kanilang buhay na para bagang sa kanila at ginamit sa kanilang pansariling kagustuhan.

Mayroong nabuhay sa pagbibigay lugod sa sarili sa pamamagitan ng pagpapakalayaw sa sanlibutan at ng mga bagay na narito. Sila ay naging mayaman sa buhay na ito subalit hindi naging mayaman sa mga bagay ng Dios.

Ang iba’y para bagang hindi binangunan ng takot sa kanilang mga sarili sapagkat nagpakasama-sama sa paraan ng kanilang mga pamumuhay sa pag-aakalang walang kabayaran ang lahat ng kanilang mga ginagawa sa kanilang mga buhay. Nakalimutan nila o sadyang kinalimutan na mayroong Dios na magbibigay ganti sa lahat ng mga bagay na ating ginagawa sa sanlibutan, ito man ay mabuti o masama. Tandaan nating dadalhin natin sa kahatulan ang lahat ng ating mga gawa pagdating ng takdang kapanahunan. (Ecc 12:14)  Sapagka’t dadalhin ng Dios ang bawa’t gawa sa kahatulan, pati ng bawa’t kubling bagay, maging ito’y mabuti o maging ito’y masama. 

Ang sabi ng Biblia, sadyang may mga taong kumikiling ang buhay sa kamatayan. Ito’y hindi lamang sa literal nakaukol, kundi sa kamatayang espirituwal. Ang kamatayang tinutukoy ay ang walang hanggang kaparusahan na siyang ikalawang kamatayan. (Kaw. 2:18-19)  Sapagka’t ang kaniyang bahay ay kumikiling sa kamatayan, at ang kaniyang mga landas na sa patay: Walang naparoroon sa kaniya na bumabalik uli, ni kanila mang tinatamo ang mga landas ng buhay:

Rev 20:14 At ang kamatayan at ang Hades ay ibinulid sa dagatdagatang apoy. Ito ang ikalawang kamatayan, sa makatuwid ay ang dagatdagatang apoy.

Ano ang payo sa atin ng araling ito? 

Kung mayroon tayong common sense, pipiliin natin ang buhay sa halip na kamatayan. Ang pagkakadisenyo sa atin ng Dios ay sa ikabubuhay na walang hanggan, at mawawala lamang tayo ng pagkakataong makaparoon sa tunay na buhay kung ang susundin natin ang ating sariling kalooban.

Unawain natin ang pahayag ni Apostol Pablo, na huwag tayong mabuhay sa ating mga sarili, kundi mabuhay tayo nang ayon sa kalooban ng Dios. (Roma14:7-8) Sapagka’t ang sinoman sa atin ay hindi nabubuhay sa kaniyang sarili, at sinoman ay hindi namamatay sa kaniyang sarili. Sapagka’t kung nangabubuhay tayo, sa Panginoon tayo’y nangabubuhay; o kung nangamamatay tayo, sa Panginoon tayo’y nangamamatay: kaya’t sa mabuhay tayo, o sa mamatay man, tayo’y sa Panginoon.

Magpakaligaya tayo sa Panginoon sa lahat ng araw ng ating buhay at magmatiisin tayo anuman ang dumating sa ating buhay. Ang mga ito ang susi upang makapanatili sa pananampalataya at patuloy na makalakad sa kadahilanan ng pagkakalikha Niya sa atin.

Nakatalaga tayo sa buhay na walang hanggan.

1Ti 6:12 Makipagbaka ka ng mabuting pakikipagbaka ng pananampalataya, manangan ka sa buhay na walang hanggan, na dito’y tinawag ka, at ipinahayag mo ang mabuting pagpapahayag sa harapan ng maraming mga saksi.

Manangan tayo sa buhay na walang hanggan.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 57 other followers