Ang Pag-asa sa Kaligtasan at Kapangakuan ng Dios

(From the Sermons entitled, “Ang Pagliliwanag ng Biblia sa Aklat ng Roma 10:13” and “Kung Paanong Makaaasang Matibay ang Kapatid sa Kapangakuan ng Dios” for dates September 5 and 8, 2013)

SalvationImage courtesy of ubfriends.org

Hindi madaling matamo ang kaligtasan. Walang binabanggit sa Biblia na madali lamang itong makamit.

Bagaman ito ay kaloob na walang bayad, gayunpaman, mayroong mga mahalagang bagay na dapat nating malaman tungkol dito. Sinumang naghahangad ng kaligtasan ay dapat na masusi itong pag-aralan.

Karaniwang paniniwala ng marami na tanggapin lamang si Hesus bilang Tagapagligtas ay sapat na diumano upang tamuhin ang kaligtasan. Ang iba naman ay nananangan lamang sa ilang talata ng Biblia, na hindi naman ganap na nauunawaan ang kahulugan nito.

Isa sa mga talatang maaaring gamitin ng ilan ay ang mababasa sa Roma 10:13, ““Sapagka’t, Ang lahat na nagsisitawag sa pangalan ng Panginoon ay mangaliligtas.” Sa talatang ito ay mababasa na lahat ng nagsisitawag sa pangalan ng Panginoon ay maliligtas. Ganito nga ba kasimple ang kaligtasan? Ang pagtawag nga ba sa pangalan ng Dios ay sapat na para maligtas?

Paano kung ang tatawag ay makasalanan? Hindi baga sinabi ng Biblia na hindi tinatanggap ang dalangin ng makasalanan? (Juan 9:31)

Maliligtas baga ang mga taong tumatawag sa Kaniya subalit hindi ginaganap ang Kaniyang kalooban? “At bakit tinatawag ninyo ako, Panginoon, Panginoon, at di ninyo ginagawa ang mga bagay na aking sinasabi?” (Lukas 6:46)

Hindi ang bawat tumatawag sa Kaniya ay maliligtas. Ang gumaganap ng Kalooban ng Dios lamang ang makasusumpong ng kaligtasan. (Mateo 7:21).

Kung gayon, bakit sinabi ni Apostol Pablo sa kaniyang sulat na ang pagtawag sa pangalan ng Panginoon ay magdudulot ng kaligtasan?

Sino ang ipinakikilala ng Biblia na “lahat” na nagsisitawag sa pangalan ng Panginoon na tiyak na maliligtas?

Maliwanag na hindi lahat ng tao ang tinutukoy dito. Kung sasaliksikin ang Biblia, ang lahat ng mga tumatawag sa Kaniya sa “katotohanan,” at sila na mga “nangatatakot sa Kaniya,” at sila na mga “nagsisiibig sa Kaniya” ang tinititiyak lamang na magtatamo nito. “Ang Panginoon ay malapit sa lahat na nagsisitawag sa kaniya, sa lahat na nagsisitawag sa kaniya sa katotohanan. Kaniyang tutuparin ang nasa nila na nangatatakot sa kaniya; kaniya ring didinggin ang kanilang daing, at ililigtas sila. Iniingatan ng Panginoon ang lahat na nagsisiibig sa kaniya; nguni’t lahat ng masama ay lilipulin niya.” (Awit 145:18-20)

Malaking inhustisya kung maging silang hindi tumutupad sa utos ng Dios, silang tumalikod sa Kaniya, silang hindi nagtitiwala at hindi naniniwala sa Dios ay magtatamo ng kaligtasan sa simpleng pagtawag lamang sa Kaniyang Pangalan. Kailangang may lakip na pagtupad at pagganap kung ibig nating mapabilang sa mga taong tatawag lamang sa Kaniyang Pangalan ay maliligtas na.

Ang katotohanang ito ay iniaaaral at iniaaalok sa lahat. Hangad ng Dios na ang lahat ng mga tao ay magtamo ng kaligtasan sa pamamagitan ng Kaniyang mga Salita. Subalit, marami ang ayaw manampalataya, marami ang ayaw makinig at marami ang gumaganap ng sariling pamamaraan ng paglilingkod sa halip na ang sundin ang Kaniyang kalooban.

Ang kaligtasan ay dakilang pangako ng Dios sa lahat ng iibig at tutupad sa Kaniyang mga katuwiran. Hindi baga sinabi ng Dios na, “Mananahan ako sa kanila, at lalakad ako sa kanila; at ako’y magiging kanilang Dios, at sila’y magiging aking bayan. Kaya nga, Magsialis kayo sa kanila, at magsihiwalay kayo, sabi ng Panginoon, At huwag kayong magsihipo ng mga bagay na marumi, At kayo’y aking tatanggapin, At ako sa inyo’y magiging ama, At sa akin kayo’y magiging mga anak na lalake at babae, sabi ng Panginoong Makapangyarihan sa lahat.” (2 Corinto 6: 16-18)

At ang pangakong ito ay bunga ng Kaniyang habag sa atin at hindi dahil sa sarili nating mga gawa. Sa pamamagitan ng Bautismo, tayo ay naging mga Anak ng Kaniyang katuwiran, at kung mga anak ay tunay na tagapagmana. “At kung mga anak, ay mga tagapagmana nga; mga tagapagmana sa Dios, at mga kasamang tagapagmana ni Cristo; kung gayon nga makipagtiis tayo sa kaniya, upang tayo’y lumuwalhati namang kasama niya.” (Roma 8:17)

Paano lubos na matitiyak ang pagtatamo ng matibay na Kapangakuan ng Dios?

Upang lubos na matamo ang pangako kailangan nating sundin ang Tipan na nakapaloob dito. Ang kasunduan sa pagitan ng Dios at ng Kaniyang mga anak ay malinaw. Ang kapalit ng pagtalima sa Kaniyang mga kalooban ay pagtatamo ng Kaniyang pangako.

Subalit kailangan nating maging karapatdapat sa Kaniya sa pamamagitan ng paglilinis sa ating mga karumihan. Nang tayo ay nabautismuhan, nilinis tayo ng tubig at ng Espiritu, at tayo’y inaring mga Anak. Sinabi ni Apostol Pablo, “Yamang taglay natin ang mga pangakong ito, mga minamahal, ay magsipaglinis tayo sa lahat ng karumihan ng laman at ng espiritu, na pakasakdalin ang kabanalan sa takot sa Dios.” (2 Corinto 7:1)

Ang mga salita na ating napapakinggan, ang mga ito ang maglilinis sa atin sapagkat kasangkapan sa ikababanal (Juan 17:17). “Upang kaniyang pakabanalin ito, na nilinis sa pamamagitan ng paghuhugas ng tubig na may salita, Upang ang iglesia ay maiharap sa kaniyang sarili na maluwalhati, na walang dungis o kulubot o anomang gayong bagay; kundi ito’y nararapat maging banal at walang kapintasan.” (Efeso 5:26-27)

Kaya naman, patuloy tayong lalakad sa pamumuhay na nararapat lamang sa Kaniya, pamumuhay na naaayon sa Kaniyang mga katuwiran, na siya namang maghahatid sa atin sa tiyak na pangako, ang buhay na walang hanggan.

Kalakip ng paglilinis, sisikapin nating maging sa ikapupuri ng Dios. Magagawa natin ito kung wala tayong ibang paguukulan ng pansin kundi ang laging maging karangalan ng Dios. Tayo’y sa ikararangal Niya kung ginaganap natin ang Kaniyang kalooban. Sa ganito’y maging gaya tayo ng mga kasangkapang kapurihan sa loob ng Kaniyang tahanan, ang iglesia ng Dios. (2 Timoteo 2:21)

Kalakip ng mga ito ang pagsisikap na maging mapagpigil sa maraming bagay, lalo na sa paggawa ng masama at sa mga kaway ng kasamaan. Sa sanlibutang ito’y maraming tukso, kung kaya’t dapat nating pagsikapang maging banal sa Kaniyang paningin. “Mga minamahal, ipinamamanhik ko sa inyong tulad sa mga nangingibang bayan at nagsisipaglakbay, na kayo’y magsipagpigil sa mga masamang pita ng laman, na nakikipaglaban sa kaluluwa.” (1 Pedro 2:11)

Kung bakit ganito, sapagkat nararapat na nakalagak lamang ang ating mga puso at kaisipan sa biyaya ng pangako na ipagkakaloob sa atin ng Dios. Kung sisira tayo sa ating pakikipagtipan sa Dios, hindi natin makakamit ang Kaniyang pangako, subalit handa naman itong ibigay ng Dios kung tayo’y magtitiwala, magtatapat at magtitiis hanggang sa kawakasan.

Kung mayroon man tayong dapat na pagsikapan ay yaong maghintay ng tahimik, samantalang nananatiling naglilingkod sa Dios. “Ang Panginoon ay mabuti sa kanila na nangaghihintay sa kaniya, sa kaluluwa na humahanap sa kaniya. Mabuti nga na ang tao ay umasa at maghintay na tahimik sa pagliligtas ng Panginoon.” (Panaghoy 3:25-26)

Kung magkagayon ay kamtin nating lubos ang matibay na pag-asa ng Kaniyang pangako at ang kaligtasan sa tiyak na kapahamakang nakatadhana sa lahat ng mga nagsigawa ng kasamaan sa sanlibutang ito. “Ikaw ay humiwalay sa kasamaan, at gumawa ka ng mabuti; at manahan ka magpakailan man. Sapagka’t iniibig ng Panginoon ang kahatulan, at hindi pinababayaan ang kaniyang mga banal; sila’y iniingatan magpakailan man: nguni’t ang lahi ng masama ay mahihiwalay.” (Awit 37:27-28)

About these ads
This entry was posted in Filipino Topics and tagged , , . Bookmark the permalink.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s