Tags

, , , , , ,

(From the Sermons entitled, “Ang mga Tinawag sa Pakikisama sa Panginoong Hesukristo” and “Ang mga Lingkod ng Dios na Kaniyang Tinubos na Naging Aba o Lalong Kahabaghabag,” for dates July 18 and 21, 2013)

felloship neAng salitang pakikisama ay may katumbas na salitang Griyego na “koinonia” na ang ibig sabihin ay “fellowship.” Ang kahulugan nito ay ang “close relationship” ng mga lingkod sa iglesia, kalakip ang pagdadamayan, pagmamalasakitan at pagiibigan.

“Ang Dios ay tapat, na sa pamamagitan niya ay tinawag kayo sa pakikisama ng kaniyang anak na si Jesucristo na Panginoon natin. Ngayo’y ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid, sa pamamagitan ng pangalan ng ating Panginoong Jesucristo, na kayong lahat ay mangagsalita ng isa lamang bagay, at huwag mangagkaroon sa inyo ng mga pagkakabahabahagi; kundi kayo’y mangalubos sa isa lamang pagiisip at isa lamang paghatol.” (1 Corinto 1:9-10)

Bawat kapatid na tinawag sa iglesia ng Dios ay kailangang sama-samang magsilago at makamit ang kasakdalan ng pananampalataya, sa ikatitibay ng katawan ni Kristo (iglesia) at ang “fellowship” ay isang paraan upang magkaroon tayo ng lubos na kaisahan sa pananampalataya at pagkaunawa sa mga kalooban ng Dios.

Ang pakikisama sa mga kapatid ay pakikisama sa Panginoong Hesus, sapagkat ang katawan ni Kristo ay binubuo ng mga kapatid na tinawag sa loob ng iglesia. At ito ay bahagi ng pagganap ng utos, na ibigin ang bawat isa gaya nang pagibig na inukol Niya sa atin (Juan 13:34). Ang pagdadalahan ng pasan ng isa’t isa ay palatandaan ng tunay at ganap na pakikisama (Galacia 6:2).

Pansinin nating, ang tunay na pagkakaisa ay makakamit kung magkakaroon ng kaisahan ang bawat isa sa mga turo at aral ng ating dakilang Dios. Nakakatulong ang fellowship upang magkaroon ng positibong interaksyon ang bawat isa sa iglesia.

Sa pakikisama natin natututunan ang kahabagan, kabaitan, kababaang-loob, kaamuan, pagpapahinuhod, pagtitiis at pagpapatawad sa kapatid. Sa pakikisama din natin matututunan ang patibayin, aliwin, tulungan ang mga kapatid na mahihina, at gayundin ang ating mga sarili. Kung walang pakikisama, saan natin matututunan ang mga ito?

Tinawag tayo sa pagibig sa isa’t isa sa pamamagitan ng kalooban ng Dios at sa pamamagitan ng fellowship ay nagaganap natin ito. “Ang pagibig ay maging walang pagpapaimbabaw. Kapootan ninyo ang masama; makisanib kayo sa mabuti. Sa pagibig sa mga kapatid ay mangagmahalan kayo; sa kapurihan ay ipagpauna ng isa’t isa ang iba.” (Roma 12:9-10)

Kung may pagibig sa isa’t isa, makikilala ng marami na tayo ay tunay na mga lingkod ng Dios. Sa Biblia, ang pagibig na dapat iukol ay hindi lamang sa pamamagitan ng emosyon o damdamin, kundi sa pamamagitan ng mga gawang paglilingkod sa isa’t isa, paglilingkod na hindi makasarili kundi patungkol sa iba. Paano natin magagawa ito kung walang kapiling na kapatid? Kung walang kilalang kapatid?

Kaya’t mahalaga ang bawat pagkakatipon (Hebreo 10:25), sapagkat hindi madaling magtagumpay sa ganang ating mga sarili lamang, hindi magiging madali na marating ang kasakdalang hinahanap Niyang maabot natin, kailangan natin ang bawat isa.

Lahat ba ng naanib sa iglesia ng Dios ay nagkaroon ng mabuting pakikisama sa Dios at sa mga kapatid?

Hindi lahat ng naanib sa iglesia ay nasumpungan sa mabuting pakikipagrelasyon sa mga kapatid at higit sa lahat sa Dios. Ang iba ay nangagbubulaan, lumalakad sa kadiliman at hindi nagsisigawa ng katotohanan. (1 Juan 1:5-6)

At palibhasa lumalakad sa kadiliman, ang mga ito ay hindi nalalaman kung saan tutungo (Juan 12:35). Ganito ang nasumpungan sa ilang mga kapatid, na nagsasabing sila ay may pagibig na taglay subalit ikinakaila sa pamamagitan ng kawalan ng pagpapatawad sa kapuwa. Ang ganito ay nasa kadiliman pa hanggang ngayon. (1 Juan 2:9-11)

Hindi nakapanatili ang mga ganitong lingkod, sapagkat marami sa kanila ang nangatisod bunga ng paglakad sa kadiliman. Sinumang lumalakad sa dilim ay matitisod at hindi nila mauunawaan ang naging daan ng kanilang pagkakadapa sapagkat sila’y nasa kadiliman. (Juan 11:9-10)

Ano ang naging kalagayan ng mga ganitong klase ng lingkod sa paningin ng ating dakilang Dios?

Sinabi ng Biblia, “Sa aba nila! sapagka’t sila’y nagsilayas sa akin; kagibaa’y suma kanila! sapagka’t sila’y nagsisalangsang laban sa akin: bagaman sila’y aking tinubos, gayon ma’y nangagsalita ng kasinungalingan sila laban sa akin.” (Oseas 7:13)

Tunay na nasa abang kalagayan ang mga nahiwalay sa ating dakilang Dios. Sinumang lingkod na dati’y kinukupkop, iniingatan, kinakandili at minamahal ng Dios at pagkatapos ay mahiwalay sa Kaniya, tunay na magiging kahabaghabag ang magiging kalagayan nila. Ang pagtalikod nila sa Dios ay magiging daan ng pagtalikod sa kanila ng Dios.

Ang naging katulad nila ay yaong mga naglilingkod sa Dios dahil lamang sa materyal na pakinabang, na kaya lamang may Dios sa kanilang buhay sapagkat sila ay umaasang pagpapalain ng Dios. Sinabi ni Apostol Pablo, “Kung sa buhay lamang na ito tayo nagsisiasa kay Cristo, ay tayo sa lahat ng mga tao ang lalong kahabaghabag.” (1 Corinto 15:19)

Habag lamang ng Dios ang naging dahilan kung bakit tayo nasangkap sa Kaniyang katawan at nagbubunga tayo ng gawang mabuti at kabanalan sapagkat tayo ay nakaugnay sa Kaniya. Kung tayo ay mahihiwalay kay Kristo, tunay na hindi tayo magsisipagbunga kahit kailan. Sinabi ni Hesus, “Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga: Ang nananatili sa akin, at ako’y sa kaniya, ay siyang nagbubunga ng marami: sapagka’t kung kayo’y hiwalay sa akin ay wala kayong magagawa.” (Juan 15:5)

Hindi natin layunin sa paglilingkod sa Dios na tayo ay Kaniyang pagpalain sa materyal na bagay. Kung pagpalain man tayo ng Dios, ito ay Kaniyang kagustuhan. Hindi dapat maging pangunahing mithiin ng isang kapatid ang pagpapala sa laman.

Ang paglilingkod sa Dios ay espirituwal, at ang pagpapalang dapat nating hangarin ay espirituwal, samakatuwid ay ang mga bagay na hindi kayang tumbasan ng kahit anong materyal na bagay, gaya nang pagpapatawad Niya sa ating mga kasalanan, ang matutunan natin ang magtiis at magsakripisyo sa buhay na ito alang-alang sa pagganap natin ng Kaniyang mga kalooban, at patuloy Niya tayong kahabagan na manatili ang banal na Espiritu na ipinagkaloob Niya sa atin bagaman tayo’y maraming pagkukulang at pagkakasala.

Kung pagpalain man tayo sa laman, anumang pagpapala ito ay maaari nating magamit upang lalo pa nating pagyamanin ang ating pananampalataya, at gayundin na lalong pasiglahin ang ating paglilingkod sa Kaniya.

About these ads