Tags

, ,

(From the Sermons entitled, “Ang Banal na Pamumuhay ayon sa Pagtuturo ng Biblia” and “Ang Banal na Hindi Makakakita ng Kabulukan ayon sa Biblia” for dates May 30, 2013 and June 2, 2013)

wives

Ang Dios ay banal.

At tayong Kaniyang mga lingkod ay tinawag upang magpakabanal sa lahat ng paraan ng ating pamumuhay. Noon at magpahanggang ngayon, ang hangad ng Dios ay makita ang pagpapakabanal ng Kaniyang mga lingkod sa pamamagitan ng paglakad sa Kaniyang mga kalooban.

Sinabi Niya sa Israel, “Sapagka’t ako ang Panginoon ninyong Dios: magpakabanal nga kayo at kayo’y maging mga banal; sapagka’t ako’y banal: ni huwag kayong magpakahawa sa anomang umuusad na gumagalaw sa ibabaw ng lupa.” (Levitico 11:44)

At maging sa panahon ng mga Kristiyano, ipinayo ni Apostol Pedro ang pagpapakabanal. “Nguni’t yamang banal ang sa inyo’y tumawag, ay mangagpakabanal naman kayo sa lahat ng paraan ng pamumuhay; Sapagka’t nasusulat, Kayo’y mangagpakabanal; sapagka’t ako’y banal.” (1 Pedro 1:15-16)

Kaya’t lahat ng mga taong ibig maglingkod sa Dios ay kailangang italagang lubos ang kanilang sarili sa pamumuhay na taglay ang kabanalan.

Papasok tayo sa iglesia, para paglingkuran ang Dios.

Maglilingkod tayo sa Dios sa pamamagitan ng pagtupad sa Kaniyang mga utos at kalooban. At lilikha tayo ng kabanalan sapagkat ito ang pangunahing layunin ng pagkakatawag Niya sa atin.  Ito ang ipinahayag ni Apostol Pablo na siya ay tinawag sa iglesia. Sinabi niya, “Si Pablo, na tinawag na maging apostol ni Jesucristo sa pamamagitan ng kalooban ng Dios, at si Sostenes na ating kapatid, Sa iglesia ng Dios na nasa Corinto, sa makatuwid baga’y sa mga pinapagingbanal kay Cristo Jesus, na tinawag na mangagbanal, na kasama ng lahat ng mga nagsisitawag sa bawa’t dako, sa pangalan ng ating Panginoong Jesucristo, na kanila at ating Panginoon.” (1 Corinto 1:1-2)

Paano nararapat isagawa ang banal na pamumuhay ayon sa pagtuturo ng Biblia?

Gaya nang pahayag, ang pagpapakabanal ay sa lahat ng paraan ng pamumuhay. Ibig sabihin, hindi lamang tayo gagawa ng mabuti sa paningin ng Dios samantalang tayo ay nasa bahay sambahan at nagkakatipon.

Hindi lamang tayo gagawa ng kabanalan kung mayroong nakakakitang kapatid o kapuwa tao para masabing tayo ay maka-Dios at relihiyoso. Ang kabanalan ay sa lahat ng panahon isinasagawa, may nakakakita man o wala. Walang pinipiling dako ang paggawa ng kabanalan, kapag kinailangang isagawa ito, dapat lamang na pagsikapang matupad. Sabi ni Apostol Pablo, “Kaya’t ang amin namang pinagsisikapan, maging sa tahanan man o di man, ay maging kalugodlugod kami sa kaniya.” (2 Corinto 5:9)

Sa Dios tayo magbibigay lugod at hindi sa ating kapuwa tao upang makalikha tayo ng kabanalan.

Kung gagawa tayo ng kabanalan sa panahong tayo ay nasa pagsamba o pagkakatipon lamang, kung gayon ay nagagaya tayo sa iba na nagpapakitang tao lamang at wala sa puso ang pagtupad sa kalooban ng Dios.

Ang tunay na tagatupad ay hindi lumilimot at hindi gaya nang isang taong naaalala lamang ang kaniyang sarili kapag nasa harapan ng salamin, at kung wala na sa harap ng salamin ay nalilimutan na niya kung ano siya.

Ang tunay na lingkod ay lingkod sa lahat ng panahon, saan man siya naroon. Dinadaya lamang natin ang ating sarili at napipintasan ang ating relihiyon kapag hindi tayo nagpapaka-seryoso sa pagpapakabanal o paglilingkod sa Dios.

Isa sa halimbawa ay yaong pahayag ni Apostol Santiago, “Kung ang sinoman ay nagiisip na siya’y relihioso samantalang hindi pinipigil ang kaniyang dila, kundi dinadaya ang kaniyang puso, ang relihion ng taong ito ay walang kabuluhan.” (Santiago 1:26)

At ang hindi natin alam, ang pangalan ng Dios ay nawawalan ng karangalan kung hindi natin ilalagay sa tama ang ating paglilingkod. “Ikaw na nagmamapuri sa kautusan, sa iyong pagsuway sa kautusan ay niwawalan mo ng puri ang Dios? Sapagka’t ang pangalan ng Dios ay nalalait ng mga Gentil dahil sa iyo, gaya ng nasusulat.” (Roma 2:23-24)

Kaya’t ano ang dapat nating lubos na maipakita sa Dios na tumawag sa atin sa pagpapakabanal?

Ang kabanalan ay hindi sa isip at salita lamang.

Hindi natin maaaring sabihin na nasa puso naman natin lagi ang pagpapakabanal.

Ang kabanalan ay isinasagawa ng isang taong sumasampalataya. At gaya nang pananampalataya, ipinakikita ito sa pamamagitan ng paggawa. “Sino ang marunong at matalino sa inyo? ipakita niya sa pamamagitan ng mabuting kabuhayan ang kaniyang mga gawa sa kaamuan ng karunungan.” (Santiago 3:13)

Hamon sa ating lahat ang pagpapakabanal sa lahat ng paraan ng pamumuhay. Gagawin natin ito at ipapakita sa harap ng ating asawa, mga magulang, mga anak, mga kapatid, mga kaibigan at kapuwa tao.

Higit sa lahat, ipapakita natin sa harap ng Dios na tayo ay tunay na natuto. Ang tunay na natuto ay ipinakikita ang pagbabago. Ang pagbabagong ito ay hangad na makita ng Dios sa ating lahat. “Kung tunay na siya’y inyong pinakinggan, at kayo’y tinuruan sa kaniya, gaya ng katotohanan na kay Jesus. At inyong iwan, tungkol sa paraan ng inyong pamumuhay na nakaraan, ang dating pagkatao, na sumama ng sumama ayon sa mga kahalayan ng pagdaraya; At kayo’y mangagbago sa espiritu ng inyong pagiisip, At kayo’y mangagbihis ng bagong pagkatao, na ayon sa Dios ay nilalang sa katuwiran at sa kabanalan ng katotohanan.” (Efeso 4:21-24)

Ano ang maidudulot sa atin ng pagpapakabanal?

Ang paggawa ng kabanalan ay magdudulot sa atin ng malaking pakinabang. Hindi lamang ito mapapakinabangan sa buhay nating ito, kundi higit sa lahat ay mayroong malaking pakinabang upang tamuhin ang buhay na darating, samakatuwid ay ang buhay na walang hanggan. Sinabi ni Apostol Pablo, “Sapagka’t sa pagsasanay ng katawan ay may kaunting pakinabang, nguni’t ang kabanalang sa lahat ng mga bagay ay pinakikinabangan, na may pangako sa buhay na ito, at sa darating.” (2 Timoteo 4:8)

Bagaman kung minsan ay kailangan nating magsakripisyo at magtiis, nakapag-iipon tayo ng kayamanan na siyang magiging saligan ng sinumang lingkod upang siya ay maging karapatdapat sa inaalok ng Dios na buhay na walang hanggan.

Ipinangaral ng Panginoong Hesus, sinumang maglingkod sa Dios at tumupad ng Kaniyang mga salita ay hindi makakakita ng kamatayan. “Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Kung ang sinoman ay tutupad ng aking salita, ay hindi siya makakakita magpakailan man ng kamatayan.” (Juan 8:51)

Alam nating ang kamatayang tinutukoy dito ay hindi lamang pisikal na kamatayan kundi ang ikalawang kamatayan na ipinaliliwanag sa aklat ng Apocalipsis na siyang walang hanggang kaparusahan na ibibigay ng Dios sa mga nagsigawa ng kasamaan.

Gayunpaman, mayroong paliwanag ang Biblia na hindi lahat ay makakakita ng pisikal na kamatayan. Sapagkat ipinahayag ng Panginoong Hesus noon, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, May ilan sa nangakatayo rito, na hindi matitikman sa anomang paraan ang kamatayan, hanggang sa kanilang makita ang Anak ng tao na pumaparito sa kaniyang kaharian.” (Mateo 16:28)

Ito ay sapagkat mayroong dadatnang buhay ang Panginoong Hesus sa Kaniyang muling pagbabalik at ang mga ito ay hindi makakaranas ng pisikal na kamatayan kundi sila ay dadalhin sa dakong ipinangako ng Dios, samakatuwid ay sa Kaniyang kaharian.

Niliwanag ito ni Apostol Pablo sa mga kapatid noon na sinasabi, “Sapagka’t ito’y sinasabi namin sa inyo sa salita ng Panginoon, na tayong nangabubuhay, na nangatitira hanggang sa pagparito ng Panginoon, ay hindi tayo mangauuna sa anomang paraan sa nangatutulog. Sapagka’t ang Panginoon din ang bababang mula sa langit, na may isang sigaw, may tinig ng arkanghel, at may pakakak ng Dios: at ang nangamatay kay Cristo ay unang mangabubuhay na maguli; Kung magkagayon, tayong nangabubuhay, na nangatitira, ay aagawing kasama nila sa mga alapaap, upang salubungin ang Panginoon sa hangin: at sa ganito’y sasa Panginoon tayo magpakailan man.” (1 Tesalonica 4:15-17)

Ito ay isang hiwaga na magaganap sa pagbabalik ng ating Panginoong Hesus na ang tanging makikinabang lamang ay ang Kaniyang mga lingkod, mga lingkod na nabuhay na may kabanalan sa pamamagitan ng lubos na pagtupad sa Kaniyang mga utos. “Narito, sinasaysay ko sa inyo ang isang hiwaga: hindi tayong lahat ay mangatutulog, nguni’t tayong lahat ay babaguhin, Sa isang sangdali, sa isang kisap- mata, sa huling pagtunog ng pakakak: sapagka’t tutunog ang pakakak, at ang mga patay ay mangabubuhay na maguli na walang kasiraan, at tayo’y babaguhin.”(1 Corinto 15:51-52)

Ano ngayon ang hamon sa atin ng araling ito?

Pansamantala lamang tayong mabubuhay sa sanlibutang ito.

Matuwid lamang na gamitin ang buhay sa kabanalan sapagkat ito ang kalooban ng Dios sa ating lahat. Kung hindi natin ito matutugunan, mapapahamak tayo. Subalit kung tayo naman ay tutugon, higit pa sa ninanasa natin sa buhay na ito ang ipagkakaloob Niya sa atin.

Kaya naman, kung tinatawag natin ang ating mga sarili na mga lingkod ng Dios, marapat lamang na iakma natin ang ating pamumuhay sa kabanalan na siyang pinagtawagan sa atin sa iglesia ng Dios. “Yamang ang lahat ng mga bagay na ito ay mapupugnaw ng ganito, ano ngang anyo ng mga pagkatao ang nararapat sa inyo sa banal na pamumuhay at pagkamaawain, Na ating hinihintay at pinakananasa ang pagdating ng kaarawan ng Dios.” (2 Pedro 3:11-12)

Tandaan nating ang pananatili sa aral at sa katuwiran ng Dios ay mahalaga, sapagkat ito ang buhay natin. “Nasa daan ng katuwiran ang buhay; at sa kaniyang landas ay walang kamatayan.” (Kawikaan 12:28)

 

 

 

 

About these ads