Ang Dalawang Uri ng Pasan at ang Tagubilin sa mga Tagapakinig ng Salita ng Dios

From the Sermons “Ang Dalawang Uri ng Pasan at ang Magagawa nito sa Buhay ng Tao” and “Ang Tagubilin ni Apostol Pablo sa mga Nagsisipakinig ng mga Salita ng Dios” dated April 11 and 14, 2013)

Ang salitang pasan ay nangangahulugan ng gawain o paglilingkod. Isinalin ito mula sa wikang Griyego na “phortion” na ang kahulugan ay burden or load (Strongs Hebrew and Greek Dictionary). At ayon kay Apostol Pablo, bawat isa ay mayroong kanikaniyang pasan na kailangang dalhin. “Sapagka’t ang bawa’t tao ay magpapasan ng kaniyang sariling pasan.” (Galacia 6:5)

Bilang mga lingkod, inatasan tayong magdalahan ng pasanin ng bawat isa. (Galacia 6:2) “Mangagdalahan kayo ng mga pasanin ng isa’t isa, at tuparin ninyong gayon ang kautusan ni Cristo.” Sa talatang ito, makikita natin na tungkulin ng bawat isa na tulungang pasanin ang pasan na maaaring hindi makayang pasanin ng ibang kapatid. Bahagi ito ng paguukol ng pagibig sa isa’t isa, na siya namang palatandaan ng tunay na lingkod, at bahagi ng pagtupad sa mga kautusan ng ating Panginoong Hesus. Magiging magaan ang lahat kung mayroong pagibig, gaya nang pahayag, “Sapagka’t malambot ang aking pamatok, at magaan ang aking pasan.” (Mateo 11:30)

Ngunit hindi lahat ng pasan ay patungkol sa gawaing paglilingkod at pagtupad sa mga kautusan ng Dios. Mayroong pasan na ang tinutukoy ay ang mga kasamaang taglay, samakatuwid ay ang mga kasalanang nagagawa bunga ng pagsalansang sa mga utos. Ibig sabihin, ang hindi pagganap ng kautusan ay nangangahulugan ng pagpasan ng kasalanan.

Inilarawan ito ni David nang kaniyang sabihin, “Sapagka’t ang aking mga kasamaan ay nagsidaan sa ibabaw ng aking ulo: gaya ng isang pasang mabigat ay napakabigat sa akin.” (Awit 38:4)

Bakit nagiging mabigat na pasan ang kasalanang nagagawa?

Malinaw ang pahayag ng Biblia, ang kasalanan ang pumipigil sa atin sa lalong ikapagigindapat sa Dios. Hindi tayo kailanman magiging karapatdapat kung ang pagkakasala ay nasa atin. “Kaya’t yamang nakukubkob tayo ng makapal na bilang ng mga saksi, itabi namang walang liwag ang bawa’t pasan, at ang pagkakasalang pumipigil sa atin, at ating takbuhing may pagtitiis ang takbuhing inilagay sa harapan natin.” (Hebreo 12:1)

At kung ang kasalanan ay nangingibabaw sa atin, kahit hindi natin gusto ay patuloy nating magagawa ang kamalian. “Sapagka’t ang mabuti na aking ibig, ay hindi ko ginagawa: nguni’t ang masama na hindi ko ibig, ay siya kong ginagawa. Datapuwa’t kung ang hindi ko ibig, ang siya kong ginagawa, ay hindi na ako ang gumagawa nito, kundi ang kasalanang tumitira sa akin.” (Roma 7:19-20)

Kaya marami ang nagawang tumalikod sa paglilingkod. Hindi nila napigilan ang paggawa ng kasalanan at patuloy silang inalipin nito. Ilan sa kanila ay naging mahina, kumbaga sa pisikal na katawan ay naging sakitin. “Dahil dito’y marami sa inyo ang mahihina at mga masasaktin, at hindi kakaunti ang nangatutulog.”(1 Corinto 11:30)

Sinumang tumalikod ay hindi kailanman kalulugdan ng Dios. “Nguni’t ang aking lingkod na matuwid ay mabubuhay sa pananampalataya: At kung siya ay umurong, ay hindi kalulugdan ng aking kaluluwa.” (Hebreo 10:38) Ang mga naduwag sa paglilingkod ay hahantong sa mabigat na parusa, samakatuwid ay ang parusang walang hanggan. (Apocalipsis 21:8)

Mapalad yaong mga nakapananatili sa pagtatapat at ligaya ang patuloy na ganapin ang mga salita ng Dios sa kanilang buhay. Kaya ipinayo ng Biblia na hawakan nating mahigpit ang mga katuruang patuloy na ibinibigay sa atin, sapagkat sa pamamagitan nito ay magiging banal tayo, at sa pamamagitan nito ay mararating natin ang kasakdalan ng pananampalataya.

Kaya nga sa tuwing tayo ay dadalo ng pagkakatipon, ay sikapin nating hindi lamang tayo nagiging tagapakinig ng mga salita ng Dios. Ang higit nating dapat na pagsikapan ay maging tagatupad tayo ng mga ito.

Gaano kahalaga ang pakikinig ng mga salita ng Dios?

Mahalaga ang pakikinig. Ang pananampalataya ay bumabangon sa pamamagitan ng pakikinig ng mga salita ng Dios (Roma 10:17). Makikilala ang isang tao kung siya ay sa Dios, kung pinakikinggan niya  ang mga salita ng Dios (Ang sa Dios ay nakikinig ng mga salita ng Dios – Juan 8:7).

602856_10152372841215710_1374457855_n

Ang mga salita ng Dios ay pinakinggan at tinupad ng mga unang lingkod. Sa bawat panahon, ang pakikinig sa mga salita ng Dios ay naging mahalagang sangkap ng paglilingkod sapagkat sa pamamagitan nito ay naipararating ng Dios ang Kaniyang mga kalooban. Nang una ay nagsugo Siya ng mga propeta, sumunod ay naghirang Siya ng mga Apostol upang ipaunawa ang Kaniyang mga Ebanghelyo. At sa huli’t naglagay Siya ng mga Tagapangaral upang magturo. (1 Corinto 12:28) “At ang Dios ay naglagay ng ilan sa iglesia, una-una’y mga apostol, ikalawa’y mga propeta, ikatlo’y mga guro, saka mga himala, saka mga kaloob na pagpapagaling, mga pagtulong, mga pamamahala, at iba’t ibang mga wika.”

Ang mga ito ang magtuturo sa mga lingkod ng mga kaalamang ukol sa Dios patungo sa ikapagigindapat sa Kaniya. (Jeremias 3:15) “At bibigyan ko kayo ng mga pastor ayon sa aking kalooban, na kakandili sa inyo ng kaalaman at unawa.”

Ngunit gaano kahalaga ang pakikinig ng mga salita ng Dios? Ano ang tagubilin ng Biblia hinggil sa pakikinig ng Kaniyang mga salita?

Ang pakikinig ng salita ng Dios ay sangkap ng kaligtasan. Dito nanggagaling ang pananampalataya at pagkaunawa na tutulong naman sa atin sa pagganap ng Kaniyang mga kalooban. Ibig sabihin, kung ang pakikinig ay babalewalain lamang o hindi bibigyang halaga, ano pa ang gagabay sa atin sa paglilingkod?

Gaano man kaganda ang layunin ng mga salita ng Dios, hindi ito pakikinabangan kung hindi naman binibigyang halaga ng mga nagsisipakinig. (Hebreo 4:2) “Sapagka’t tunay na tayo’y pinangaralan ng mabubuting balita, gaya rin naman nila: nguni’t hindi nila pinakinabangan ang salitang napakinggan, dahil sa walang kalakip na pananampalataya ang nangakarinig.”

At marami sa mga lingkod ng Dios noong araw na hindi nagpahalaga sa Kaniyang mga salita. Ang ilan sa kanila ay nalipol dahil sa kakulangan at kawalan ng pananampalataya sa Dios. Anupa’t kung babasahin natin ang Biblia ay maraming pangyayaring nagsasaad ng mga masasamang pangyayari nilang mga hindi nagpahalaga sa Kaniyang mga salita at kautusan. At lahat ng mga ito ay halimbawa na kailangan nating mapagingatan. (1 Corinto 10:11) “Ang mga bagay na ito nga’y nangyari sa kanila na pinakahalimbawa; at pawang nangasulat sa pagpapaalaala sa atin, na mga dinatnan ng katapusan ng mga panahon.”

Kaya’t ano ang payo sa ating lahat ng araling ito?

Una sa lahat, magingat tayo lalo na sa panahong nakikinig tayo ng mga salita ng Dios. Sa tuwing tayo’y haharap upang dumulog sa pagsamba o sa mga pag-aaral ng salita ng Dios, italaga nating lubos ang ating mga puso at pakinig sapagkat ito ang pagkakataong nangungusap ang Dios sa atin.

Sa panalangin ay tayo ang nagpapahayag ng ating mga saloobin at ang Dios ang tagapakinig, ngunit sa pag-aaral ng Kaniyang mga salita ay tayo naman ang tagapakinig at Siya naman ang nagpapahayag ng Kaniyang mga kalooban sa pamamagitan ng mga tagapangaral na nagiging kasangkapan ng Dios sa pagpapahayag. Ang pahayag ng Panginoong Hesus, “Ingatan ninyo kung paano ang inyong pakikinig: sapagka’t sino mang mayroon ay bibigyan; at ang sinomang wala, pati ng inaakala niyang nasa kaniya ay aalisin.” (Lukas 8:18)

Nagiging makabuluhan lamang ang pakikinig kung itinatanim ito sa ating mga puso at kalooban, at pagkatapos nito ay ginaganap ang napakinggang aral. “At nangyari, na nang sinasabi niya ang mga bagay na ito, ang isang babaing mula sa karamihan ay naglakas ng kaniyang tinig at sinabi sa kaniya, Mapalad ang tiyang sa iyo’y nagdala, at ang mga dibdib na iyong sinusuhan. Datapuwa’t sinabi niya, Oo, bagkus na lalong mapapalad ang nangakikinig ng salita ng Dios, at ito’y ginaganap.” (Lukas 11:27-28)

Higit sa lahat, ang tunay na nakikinig at nananatili sa mga aral ay pagpapatunay ng pagiging tunay na lingkod ng ating dakilang Dios. “Sinabi nga ni Jesus sa mga Judiong yaon na nagsisisampalataya sa kaniya, Kung kayo’y magsisipanatili sa aking salita, kung magkagayo’y tunay nga kayong mga alagad ko; At inyong makikilala ang katotohanan, at ang katotohana’y magpapalaya sa inyo.” (Juan 8: 31-32)

At ito ang maghahatid sa atin sa tiyak na kaligtasan at buhay na walang hanggan, Ngunit ang kailangan ay tanggapin, samapalatayanan, at panatilihan ang mga ito. (1 Corinto 15:1-2) “Ngayo’y ipinatatalastas ko sa inyo, mga kapatid, ang evangelio na sa inyo’y aking ipinangaral, na inyo namang tinanggap, na siya naman ninyong pinananatilihan, Sa pamamagitan naman nito’y ligtas kayo kung matiyaga ninyong iingatan ang salitang ipinangaral ko sa inyo, maliban na kung kayo’y nagsipanampalataya nang walang kabuluhan.”

 

 

About these ads
This entry was posted in Filipino Topics and tagged , , , , , , . Bookmark the permalink.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s