Tags

,

jesus-on-cross

Hindi naunawa ng marami na ang ilan sa mga pinakamahalagang ARAL na iniwan ng Panginoong Hesus ay noong Siya’y nasa KRUS. Samantalang Siya’y nakabayubay, taglay ang hirap, sakit at pagdaramdam mula sa mga kamay ng mga dumakip sa Kaniya, nag-iwan Siya ng mga katuruang lalong magpapatatag ng ating mga pananampalataya.

Ang mga pangungusap sa KRUS ay kapangyarihan ng Dios sa ikaliligtas. (1 Corinto 1:18) Sapagka’t ang salita ng krus ay kamangmangan sa kanila na nangapapahamak; nguni’t ito’y kapangyarihan ng Dios sa atin na nangaliligtas.

Sa pag-aaral na ito, ipaliliwanag sa atin ang mga HULING WIKA ng Panginoong Hesus sa KRUS, at mauunawaan nating hindi lamang ito karaniwang mga salita ng pamama-alam, kundi ng mga mahahalagang aral sa lalong ikapagigindapat sa Dios.

Gagabayan tayo ng mga salitang ito at bibigyan ng lakas upang patuloy tayong makapaglingkod sa Dios. Ang pananampalataya, gaya nang ating naunawa, ay nagbubuhat sa pakikinig ng mga salita ng Dios, at sa pamamagitan ng mga WIKA SA KRUS, ay lubos nating makikilala ang mga tunay na kalooban ng Dios.

UNANG WIKA:

(Note: Walang nakakatiyak ng pagkakasunod-sunod ng mga winika sa KRUS)

(Mateo 27:46) “Eli, Eli, lama sabachthani? sa makatuwid baga’y, Dios ko, Dios ko bakit mo ako pinabayaan?”

Samantalang si Hesus ay nakabayubay sa KRUS, inihayag Niya ang panimulang mga talata sa aklat ng Awit 22:1-2, na sinasabi, “Dios ko, Dios ko, bakit mo ako pinabayaan? Bakit ka napaka layo sa pagtulong sa akin, at sa mga salita ng aking pagangal? Oh Dios ko, ako’y humihiyaw sa araw, nguni’t hindi ka sumasagot: at sa gabi, at hindi ako tahimik.”

Panambitan ng bayang Israel ang inilalarawan dito. At sa kabanatang ito, (Awit 22) ay nahayag ang hula tungkol sa pagpako sa KRUS ng MESIYAS, na kung saan, ito’y panahon na hindi pa ipinatutupad ang parusang ito. (Awit 22: 16-18) “binutasan nila ang aking mga kamay at ang aking mga paa. Aking maisasaysay ang lahat ng aking mga buto; kanilang minamasdan, at pinapansin ako: Hinapak nila ang aking mga kasuutan sa gitna nila, at kanilang pinagsapalaran ang aking kasuutan.”

Ang kahulugan ng salitang Hebreo na “ELI” ay “Dios”. Ang “LAMA” ay nangangahulugang “bakit.” At ang “SABACHTANI” naman ay pananawagan ng paghingi ng saklolo, pagdaing o panambitan, “bakit mo ako pinabayaan.”

Kung babasahin natin ang talatang ito, maaaring sabihin nating ang naganap sa Panginoong Hesus ay hindi inaasahan, na para bagang Siya ay nabigla. Subalit alam nating nalalaman ni Hesus ang lahat ng magaganap sa Kaniya. Alam Niya na kailangan Niyang inuman ang sarong ito, gaano man ito kapait.

Ipinahayag na Niya nang una, ipagkakanulo Siya ng isa sa Kaniyang mga alagad (Hudas Iscariote), na Siya ay dadakpin ng mga sundalong Romano. Alam Niyang kailangan Niyang ganapin ang lahat ng mga isinulat patungkol sa Kaniya. (Lukas 24:44) “Ito ang aking mga salitang sinabi ko sa inyo, nang ako’y sumasa inyo pa, na kinakailangang matupad ang lahat ng mga bagay na nangasusulat tungkol sa akin sa kautusan ni Moises, at sa mga propeta, at sa mga awit.”

Samakatuwid, nalalaman ng Panginoong Hesus ang lahat ng magaganap sa Kaniya.

Ang tanong natin, “bakit sinabi ni Hesus na pinabayaan Siya ng Dios?”

Nalalaman nating ang lahat ng mga ito ay halimbawang iniwan sa atin ng Panginoong Hesus. Lahat ng mga ito ay hiwaga ng Kaniyang pagka-Dios, at ayon sa Kaniyang ipinasiya sa Kaniyang sarili. (Efeso 1:9) “Na ipinakikilala niya sa atin ang hiwaga ng kaniyang kalooban, ayon sa kaniyang minagaling na ipinasiya niya sa kaniya rin.”

Nalalaman din nating ang pagkakapako Niya sa KRUS ay simbolo ng pagdadala ng kasalanan ng marami. Bagaman Siya, sa Kaniyang sarili ay hindi nagtataglay ng kasalanan, pinasan Niya ang ating mga kasalanan, upang magkaroon ng bahagi sa ating mga pagsalansang. (2 Corinto 5:21) “Yaong hindi nakakilala ng kasalanan ay kaniyang inaring may sala dahil sa atin: upang tayo’y maging sa kaniya’y katuwiran ng Dios.”

At sapagkat dinala Niya ang kasalanan ng marami, inilagay Niya ang Kaniyang sarili sa kalagayang karapatdapat na pabayaan. Sa Biblia, ang Israel ay pinabayaan ng Dios dahil sa kanilang mga pagsalansang at pagtalikod sa Kaniya. (1 Hari 14:16) “At kaniyang pababayaan ang Israel dahil sa mga kasalanan ni Jeroboam, na kaniyang ipinagkasala, at ipinapagkasala sa Israel.”

Maaaring sabihin ng iba, “Pinabayaan ng Dios ang sarili Niyang anak?”

Ipinakikita lamang dito na magagawang pabayaan ng Dios maging ang Kaniyang mga anak o mga lingkod, kung hindi nila gaganapin ang Kaniyang kalooban.

Subalit, kabaligtaran naman nito, hindi naman magagawang pabayaan ng Dios ang sinumang gaganap ng Kaniyang kalooban at mga kautusan. (Awit 9:10) “At silang nangakakaalam ng iyong pangalan ay maglalagak ng kanilang tiwala sa iyo; sapagka’t ikaw, Panginoon, ay hindi mo pinabayaan sila na nagsisihanap sa iyo.”  (Awit 37:28) “Sapagka’t iniibig ng Panginoon ang kahatulan, at hindi pinababayaan ang kaniyang mga banal; sila’y iniingatan magpakailan man.”

Buod: Pinababayaan ng Dios ang mga makasalanan, ngunit hindi kaylanman ang mga lingkod Niya na patuloy na gumaganap ng Kaniyang mga kalooban at kautusan.

Jesus-on-Cross (1)

“Nauuhaw Ako”

 

(Juan 19:28) “Pagkatapos nito, pagkaalam ni Jesus na ang lahat ng mga bagay ay naganap na nga, upang matupad ang kasulatan, ay sinabi, Nauuhaw ako.”

Isinalin ito sa wikang Hebreo na “dipsao” na ang kahulugan ay “to thirst.”

At gaya nang pahayag sa talata, kailangang maganap ang nakasulat. Lahat ng detalye, lahat ng sinalita, at isinagawa ni Hesus ay kahayagan ng mga bagay na kailangang maganap tungkol sa Kaniya. Kalakip dito ang mga hirap at sakit na kailangan Niyang pagdaanan.

Ano ang kahulugan ng ipinahayag Niyang, “Nauuhaw ako” ?

Sa katotohanan, maraming dugo ang tumagas kay Hesus, at dahil nakabitin Siya sa KRUS, sa tindi ng hirap at init ng araw, marahil ay ito ang dahilan ng Kaniyang pagkauhaw.

Sa halip na bigyan Siya ng tubig na papawi sa Kaniyang uhaw, suka na may apdong mapait ang idinulot sa Kaniya ng mga kawal, bilang karagdagang pang-insulto sa Kaniya. Ito’y kaganapan ng hula patungkol sa Kaniya, mababasa sa Awit 69:21, “Binigyan naman nila ako ng pagkaing mapait; at sa aking kauhawan ay binigyan nila ako ng suka na mainom.”

Sapagkat nasa kalagayang laman, ang pagkauhaw ni Hesus ay maaaring bunga ng hirap at sakit na Kaniyang pinagdaanan. Subalit, alam nating higit dito ang ibig Niyang ipaunawa. Higit sa pisikal na pagkauhaw ang Kaniyang naramdaman.

Ang pagkauhaw ay hindi lamang sa tubig o inumin. Maraming uri ang pagkauhaw, gaya nang pagkauhaw sa kapangyarihan, karangalan, kayamanan at iba pang bagay. Ngunit sa Biblia, isa sa pagkauhaw ay ang pagkauhaw sa mga salita ng Dios. (Amos 8:11)

Ipinahayag na ni Hesus noon, mapalad ang mga nauuhaw sa katuwiran ng Dios. Karaniwan, ang kinauuhawan ng mga tao ay material na bagay at ito marahil ang dahilan kung bakit inakala ng mga tao na tubig ang kinauuhawan Niya.

Sa katunayan, nauuhaw din ang Dios, subalit hindi sa materyal na bagay. Kinauuhawan ng Dios ang ating paglilingkod, pagpupuri, pag-aawitan, pananalangin at pagpapasalamat. Hangad Niyang makita tayo sa tuwing nagkakatipon sa Kaniyang pangalan. (Juan 4:23) “Datapuwa’t dumarating ang oras, at ngayon nga, na sasambahin ng mga tunay na mananamba ang Ama sa espiritu at katotohanan: sapagka’t hinahanap ng Ama ang mga gayon na maging mananamba sa kaniya.”

Ang tunay na kinauuhawan ni Hesus ay ang ating paglilingkod. Paano natin tutugunin ang kauhawan Niyang ito? Gaya ba ng idinulot sa Kaniya ng mga kawal, suka na may mapait na apdo? Ano ang ating maibibigay sa Dios na Kaniyang kinauuhawan?

Marami mang tao ang lumimot sa Dios, tumalikod sa Kaniya at mas pinili ang sanlibutang ito, ngunit nananatiling hanggang ngayon ay nauuhaw ang Dios sa paglilingkod nating mga tao. Nilikha tayo ng Dios upang Siya’y paglingkuran, kaya’t inaasahan Niya ang ating paglilingkod.

Paano natin matutugunan ang kauhawan ng Dios? Anong uri ng buhay at paglilingkod ang maaari nating itumbas o ipagkaloob? Ang pahayag ng Biblia, “Nguni’t yamang banal ang sa inyo’y tumawag, ay mangagpakabanal naman kayo sa lahat ng paraan ng pamumuhay.” (1 Pedro 1:15)

Buod: Pawiin natin ang kinauuhawan ng Dios sa pamamagitan ng matapat na paglilingkod.

 

jesus_cross

Lukas 23:34 – “At sinabi ni Jesus, Ama, patawarin mo sila; sapagka’t hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa. At sa pagbabahabahagi nila ng kaniyang mga suot ay kanilang pinagsapalaranan. “

Bagaman nahihirapan bunga ng pagpapakasakit, ang ipinahayag Niyang ito ay nagbabadya ng pagibig. Sa magkabila ay kasama ang mga tulisan na kapuwa Niya nakapako din sa KRUS. At hanggan sa huling bahagi ng Kaniyang buhay ay pagibig ang Kaniyang itinuturo.

Ang pagpapatawad ay simbolo ng pagibig. At ang sinumang handang magpatawad ay handa din namang umibig. Ang pagibig ang pinakadakila sa lahat ng kautusan.

Ngunit sino ang tinutukoy dito ni Hesus na dapat pagukulan ng pagpapatawad?

Ito ba ay patungkol sa mga Alagad Niyang iniwan Siya nang Siya ay dakpin?

O ito ba’y patungkol sa mga sundalong Romano na lumapastangan sa Kaniya?

Ito ba’y patungkol sa mga Saserdote na nagplano ng Kaniyang kamatayan?

O kay Judas Iscariote na nagkanulo sa Kaniya?

Hindi kaya ito patungkol sa atin, na karaniwang nakakalimot sa bawat araw ng ating buhay?

Sa lahat ng sakit at hirap na Kaniyang tiniis, si Hesus ay naging gaya ng tupa sa patayan. Hindi Siya nagsalita ng anumang masakit na salita, o gumanti laban sa mga kumutya at nanakit sa Kaniya. Manapa, hinangad Niya ang kapatawaran ng Ama patungkol sa kanilang mga nagawang kasalanan.

Maaaring magkamali ang ilan dito.

Muli, ipaalala nating lahat ng mga ito ay halimbawang iniwan ni Hesus sa atin, na matutunan nating magpatawad anuman ang kalagayan at pagkakataon. (1 Pedro 2:21) “Sapagka’t sa ganitong bagay kayo’y tinawag: sapagka’t si Cristo man ay nagbata dahil sa inyo, na kayo’y iniwanan ng halimbawa, upang kayo’y mangagsisunod sa mga hakbang niya. “

Sa kasukdulan ng Kaniyang hirap at sakit, nanaig ang pagibig ni Hesus sa marami.

Magugunitang itinuro Niya ang bahagi ng panalanging ito, “At ipatawad mo sa amin ang aming mga utang, gaya naman namin na nagpatawad sa mga may utang sa amin.” (Mateo 6:12) At nang itanong ni Apostol Pedro kung makailang beses dapat patawarin ang kapatid, sinabi Niya, “pitong pung pitong beses” (Mateo 18: 21-22), na ang kahulugan ay walang hanggang pagpapatawad.

Sa huling hapunan, ipinaliwanag ni Hesus ang pagpako sa Kaniya sa KRUS, na kailangang tumigis ang Kaniyang dugo sa ikapagpapatawad ng kasalanan. (Mateo 26:27-28) “At dumampot siya ng isang saro, at nagpasalamat, at ibinigay sa kanila, na nagsasabi, Magsiinom kayong lahat diyan; Sapagka’t ito ang aking dugo ng tipan, na nabubuhos dahil sa marami, sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan.”

Bilang pagpapakita ng halimbawa, pinatawad Niya at pinagaling ang lumpo sa Capernaum (Marcos 2:5), gayundin ang babaeng nahuli sa pangangalunya at pinagtangkaang batuhin ng mga tao (Juan 8:1-11).

At maging sa pagkabuhay Niyang maguli, ang unang itinuro Niya sa mga alagad ay ang pagpapatawad, “At nang masabi niya ito, sila’y hiningahan niya, at sa kanila’y sinabi, Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo: Sinomang inyong patawarin ng mga kasalanan, ay ipinatatawad sa kanila.”

Maraming nagpapatawad subalit mayroong kondisyon. Ang pagibig ng Dios ay unconditional, at maging ang Kaniyang pagpapatawad ay gayundin. Ito ang ibig Niyang ituro sa atin bilang mga Kristiyano, na matutunan nating magpatawad sa kaninuman, sa kahit anumang kadahilanan, sa kahit alinmang panahon at pagkakataon.

At magpapatawad tayo dahil ito ay kautusan ng Dios na kailangan nating sundin.

Magpapatawad tayo dahil kung ito’y gawin natin ay kakamtin din natin ang kapatawaran ng Dios.

Magpapatawad tayo sapagkat ito ay palatandaan ng pagibig.

Magpapatawad tayo sapagkat ang Dios ang unang nagpatawad at tumanggap sa atin.

Buod: Pagpapatawad, isang kautusan at palatandaan ng pagibig.

jesus-on-cross-2_1693151915

 

Lukas 23:34 – “At sinabi niya sa kaniya, Katotohanang sinasabi ko sa iyo, Ngayon ay kakasamahin kita sa Paraiso. “

Hindi lamang ang humahamak sa Kaniya ay ang mga kawal na naroroon, kundi maging ng kriminal na kapuwa Niya nakapako sa KRUS.

Subalit ang isang kriminal, palibhasa’y nauunawang walang kasalanan si Hesus, ay nagsabi sa Kaniya, “alalahanin mo ako, pagdating mo sa iyong kaharian.”

Ang salitang paraiso, na mula sa wikang Griyego na “paradeisos” ay may kahulugang dako ng kaligayahan. Sa Lumang Tipan, karaniwan itong tumutukoy sa Hardin ng Eden.

Ang paraisong tinutukoy ni Hesus ay ang langit, na Siyang tahanan ng Dios, na ipinangako naman ni Hesus na nahahanda sa Kaniyang muling pagbabalik. (Juan 14:1-2) “Huwag magulumihanan ang inyong puso: magsisampalataya kayo sa Dios, magsisampalataya naman kayo sa akin. Sa bahay ng aking Ama ay maraming tahanan; kung di gayon, ay sinabi ko sana sa inyo; sapagka’t ako’y paroroon upang ipaghanda ko kayo ng dakong kalalagyan. At kung ako’y pumaroon at kayo’y maipaghanda ng kalalagyan, ay muling paririto ako, at kayo’y tatanggapin ko sa aking sarili; upang kung saan ako naroroon, kayo naman ay dumoon.”

 

Dito, ipinakikilala ng Biblia ang katangian ni Hesus na may kapangyarihang magligtas. At marahil ito ang naging pamantayan ng maraming naniniwala na sumampalataya lamang kay Hesus at tanggapin Siya bilang tagapagligtas ay sapat na upang magtamo ng kaligtasan.

Ngunit ito nga ba ang kahulugan ng talatang ito?

Makapagkakaloob nga ba ng kaligtasan si Hesus?

Sa maraming talata ng Biblia, ipinakilala Siya bilang manunubos. Siya ang tanging daan patungo sa Ama. At walang makaparoon sa Ama, maliban sa Kaniya. Siya ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Siya ang Alpha at ang Omega.

 

Siya ang katuparan ng hula ni Isaias, “Sapagka’t sa atin ay ipinanganak ang isang bata, sa atin ay ibinigay ang isang anak na lalake; at ang pamamahala ay maaatang sa kaniyang balikat: at ang kaniyang pangalan ay tatawaging Kamanghamangha, Tagapayo, Makapangyarihang Dios, Walang hanggang Ama, Pangulo ng Kapayapaan.” (Isaias 9:6)  

Ito ang dahilan kung bakit ang paniniwala natin, si Kristo at ang Ama ay IISA. (Juan 10: 30). Si Hesus ay ang AMA na nagkatawang tao, nahayag sa laman at nagiwan ng halimbawa upang ating sundin.

Kaya ang sagot sa katanungan kung may kakayahan ba si Hesus na magligtas, ang sagot ay “OO.” Sapagkat Siya at ang Ama ay IISA.

Sa kalagayan ng kriminal, sinasabi ng ilan na ito ay isang desperadong hakbang upang matamo ang kaligtasan. Subalit hindi mahalaga kung ito’y desperadong hakbang, ang importante ay ang kaniyang pagsampalataya kay Hesus, na magagawang iligtas Siya.

Bagaman ang kaligtasan ay binubuo ng mga sangkap, (1) pakikinig sa mga salita ng Dios, (2) pagsampalataya sa mga salitang napakinggan (3) pagsisisi at bautismo, (4) paganib sa iglesiang Kaniyang itinayo, (5) paglakad sa panibagong buhay at pagtalikod sa mga nagawang kamalian; subalit si Hesus na mismo, na Siyang may-ari ng kaligtasan ang nagkaloob sa Kaniya nito.

Tayong may pagkakataon at may kalayaang gumanap ay inaasahang gaganap ng mga ito sa ating ikaliligtas.

Buod: Si Hesus ang ating Kaligtasan.

stock-footage-jesus-on-cross-meadow-and-timelapse-sunset

Nakatayong malapit kay Hesus ang Kaniyang ina, si Maria, katabi ang Kaniyang kapatid, si Maria na asawa ni Cleopas at si Maria Magdalena.

(Juan 19: 26-27) “Pagkakita nga ni Jesus sa kanyang ina, at sa nakatayong alagad na kaniyang iniibig, ay sinabi niya sa kaniyang ina, Babae, narito, ang iyong anak! Nang magkagayo’y sinabi niya sa alagad, Narito, ang iyong ina!”

Bilang pinakahuling pangungusap sa Kaniyang ina sa pagkakatawang-tao, itinagubilin ni Hesus si Maria sa Kaniyang alagad na iniibig (Apostol Juan). Subalit ito’y hindi karaniwang paghahabilin. Sa kabila nito ay mayroong malalim na kahulugan ang ginawa ni Hesus, higit na malalim na relasyon sa pagitan ng isang ina at ng kaniyang anak.

Ang tunay na kahulugan nito ay ang ugnayan na dapat masumpungan sa lahat ng kaanib ng iglesia na Kaniyang itinayo.

Bakit ang ugnayan ng ina sa anak ay kasing-halaga ng ugnayan ng mga kaanib ng iglesia?

Alam nating, ang pagmamahal ng isang ina ay isa sa pinakadakila. Pumapangalawa ito sa pagibig ng Dios sa atin, na kapuwa walang hinihinging kapalit. Maaaring ang pusod ay pinuputol sa sanggol mula sa sinapupunan ng ina, subalit ang ugnayan ng ina at anak ay tila isang makapangyarihang puwersa na walang makapagpapawalang kabuluhan.

Ang kakayahan ng mga ina na palakihin turuan ang kanilang mga anak ng tungkol sa pananampalataya ay isang kaloob na mula sa Dios, bagay na nararapat taglayin ng lahat ng mga ina. (2 Timoteo 1:5) “Na inaalaala ko ang pananampalatayang hindi pakunwari na nasa iyo; na namalagi muna kay Loida na iyong lelang, at kay Eunice na iyong ina; at, ako’y naniniwalang lubos, na nasa iyo rin naman.”

Ang katangiang ito ng mga ina ay gaya ng katangian ng inang iglesia. Gaya nang itinuro ni Apostol Pablo, ang hiwaga ni Hesus at ng Kaniyang iglesia, ay itinulad sa lalake at sa kaniyang esposa. Tungkulin ng iglesia na turuan ang mga kaanib nito na maging matatag, matibay sa pananampalataya at paglilingkod sa Dios. (Efeso 5:23, 25, 32) Sapagka’t ang lalake ay pangulo ng kaniyang asawa, gaya naman ni Cristo na pangulo ng iglesia, na siya rin ang tagapagligtas ng katawan. Mga lalake, ibigin ninyo ang inyo-inyong asawa, gaya naman ni Cristo na umibig sa iglesia, at ibinigay ang kaniyang sarili dahil sa kaniya; Ang hiwagang ito ay dakila: datapuwa’t sinasalita ko ang tungkol kay Cristo at tungkol sa iglesia.

Sa paningin ni Hesus, ang mga ina at mga anak ay mahalaga, kasinghalaga ng Kaniyang iglesia, na itinuturing Niyang esposa. Kaya naman, bawat sangkap ng iglesia ay may tungkulin, na ipahayag ang mga banal na katuwiran, palaganapin ito at iaral sa kanilang mga naliligaw ng landas.

Bawat sangkap ay tungkulin ding ibigin ang isa’t isa. Itinagubilin ni Hesus ang Kaniyang ina sa Kaniyang alagad, na siyang tanda ng pagibig. Ang ganitong pagibig ang ibig Niya na masumpungan sa ating lahat.

Buod: Ibigin ang isa’t isa, ibigin ang iglesia.

stock-footage-jesus-on-cross-close-up-time-lapse-sunset-day-to-night

 

“Naganap Na”

John 19:30 - Nang matanggap nga ni Jesus ang suka, ay sinabi niya, Naganap na: at iniyukayok ang kaniyang ulo, at nalagot ang kaniyang hininga.

Maraming nagsasabi na nang Siya’y malagutan ng hininga sa KRUS, nabigo Siya sa Kaniyang misyon o layunin.

Ngunit si Hesus, na nalalaman ang lahat ng magaganap sa Kaniya, at lahat ay kaganapan lamang ng mga bagay na nasusulat patungkol sa Kaniya, ay nagpahayag na “NAGANAP NA.”

Mula sa wikang Griyego na “teleo,” nangangahulugan ito na natapos na. At ang hindi alam ng marami, ang pangungusap na ito ni Hesus ay hudyat ng TAGUMPAY, sapagkat lahat ng nasusulat patungkol sa Kaniya, at lahat ng kalooban ng AMA ay naganap Niya. Kasama ang lahat ng mga hirap at sakit na kailangan Niyang tiisin, at ang lahat ng mga ito ay pagpapakita ng dakilang halimbawa sa lahat kung paano ang pagtalima na dapat ipakita ng isang anak o lingkod. (Filipos 2:5-8) “Mangagkaroon kayo sa inyo ng pagiisip, na ito’y na kay Cristo Jesus din naman: Na siya, bagama’t nasa anyong Dios, ay hindi niya inaring isang bagay na nararapat panangnan ang pagkapantay niya sa Dios, Kundi bagkus hinubad niya ito, at naganyong alipin, na nakitulad sa mga tao: At palibhasa’y nasumpungan sa anyong tao, siya’y nagpakababa sa kaniyang sarili, na nagmasunurin hanggang sa kamatayan, oo, sa kamatayan sa krus.”

Sa sulat ni Apostol Pedro, ipinaliwanag niya na ang halimbawang iniwan ni Hesus ay ukol sa mga Kristiyano, na nararapat ipamalas nang buong kapakumbabaan. Ibig Niyang maging masunurin tayo sa AMA, at ganapin din naman ang ating mga tungkuling tinanggap mula sa Kaniya. (1 Pedro 2:21-24) “Sapagka’t sa ganitong bagay kayo’y tinawag: sapagka’t si Cristo man ay nagbata dahil sa inyo, na kayo’y iniwanan ng halimbawa, upang kayo’y mangagsisunod sa mga hakbang niya: Na siya’y hindi nagkasala, o kinasumpungan man ng daya ang kaniyang bibig: Na, nang siya’y alipustain, ay hindi gumanti ng pagalipusta; nang siya’y magbata, ay hindi nagbala; kundi ipinagkatiwala ang kaniyang sarili doon sa humahatol ng matuwid: Na siya rin ang nagdala ng ating mga kasalanan sa kaniyang katawan sa ibabaw ng kahoy, upang pagkamatay natin sa mga kasalanan, ay mangabuhay tayo sa katuwiran; na dahil sa kaniyang mga sugat ay nangagsigaling kayo.”

Napakahalaga ng mensaheng ipinahayag dito ni Hesus, kung naganap Niya ang lahat ng bagay na kailangan Niyang isagawa, gayundin naman dapat nating ganapin ang nararapat sa atin.

 

Natapos Niya ang lahat at NAGTAGUMPAY ang Panginoong Hesus. (Juan 16:33) “Ang mga bagay na ito ay sinalita ko sa inyo, upang kayo’y magkaroon sa akin ng kapayapaan. Sa sanglibutan ay mayroon kayong kapighatian: nguni’t laksan ninyo ang loob; aking dinaig ang sanglibutan.”

Upang magawa ito, kailangan natin ang tulong ng Dios. At ang Biblia ang nagpapayo na upang magawa din nating magtagumpay, kailangang sa lahat ng panahon ay hawak natin ang ating pananampalataya, at ang kalooban ng Dios ang namamayani sa atin. Kaya anuman ang dumating sa ating hirap at sakit, lahat ng ito ay malalagpasan natin. (2 Timoteo 4:5-8) “Nguni’t ikaw ay magpigil sa lahat ng mga bagay, magtiis ka ng mga kahirapan, gawin mo ang gawa ng evangelista, ganapin mo ang iyong ministerio. Sapagka’t ako’y iniaalay na, at ang panahon ng aking pagpanaw ay dumating na. Nakipagbaka ako ng mabuting pakikipagbaka, natapos ko na ang aking takbo, iningatan ko ang pananampalataya: Buhat ngayon ay natataan sa akin ang putong na katuwiran, na ibibigay sa akin ng Panginoon na tapat na hukom sa araw na yaon; at hindi lamang sa akin, kundi sa lahat din naman ng mga naghahangad sa kaniyang pagpapakita.”

Malinaw ang atas, ang papel natin ay ganapin ang kalooban ng Dios, na siyang layunin kung bakit tayo narito sa mundo, at kung ito’y magawa natin hanggang sa huling hininga ng ating buhay, masasabi din natin ang mga katagang “NAGANAP NA.” (Mikas 6:8) “Kaniyang ipinakilala sa iyo, Oh tao, kung ano ang mabuti; at ano ang hinihingi ng Panginoon sa iyo, kundi gumawa na may kaganapan, at ibigin ang kaawaan, at lumakad na may kababaan na kasama ng iyong Dios.”

Buod: Ganapin at tapusin ang ating tungkulin.

stock-footage-jesus-on-cross-meadow-with-olives-timelapse-night-to-day-tilt

Lukas 23:46 – “Ama, sa mga kamay mo ay ipinagtatagubilin ko ang aking espiritu”

Magugunitang lahat ng Kaniyang ipinakita at ipinahayag ay pawang halimbawa na kailangan nating sundan.

Marami ang hindi nakaunawa sa mga ipinahayag ni Hesus tungkol sa Kaniyang AMA. Ito ay sa dahilang ang kanilang pagkakilala, ay iba si Hesus sa AMA. Ang iba’y naniniwala na Siya ay tao lamang, at anak, samakatuwid baga’y iba sa AMA.

Nang itanong kay Hesus kung sino ang Kaniyang AMA, sinagot Niya, “Hindi ninyo nakikilala ako, ni ang aking Ama: kung ako’y inyong makilala, ay makikilala rin ninyo ang aking Ama.” (Juan 8:19) Sa talatang ito, ibig Niyang mangusap sa talinhaga. Ipinakikilala Niya dito ang Kaniyang sarili at ang AMA sa ibang kaparaanan.

Sinabi ni Hesus, “Sinabi ko nga sa inyo, na kayo’y mangamamatay sa inyong mga kasalanan: sapagka’t malibang kayo’y magsisampalataya na ako nga ang Cristo, ay mangamamatay kayo sa inyong mga kasalanan.” (That is why I told you that you will die in your sins. And you will die in your sins if you do not believe that‘I Am Who I Am’.”)

Sa aklat ng Exodus, mababasa natin,  “At sinabi ni Moises sa Dios, Narito, pagdating ko sa mga anak ni Israel, at sasabihin ko sa kanila, Sinugo ako sa inyo ng Dios ng inyong mga magulang; at sasabihin nila sa akin: Ano ang kaniyang pangalan? anong sasabihin ko sa kanila? At sinabi ng Dios kay Moises, AKO YAONG AKO NGA; at kaniyang sinabi, Ganito ang sasabihin mo sa mga anak ni Israel, Sinugo ako sa inyo ni AKO NGA.” (Exodo 3:13) (And God said “I am who I am. You must tell them: ‘The one who is called I AM has sent me to you.)

Marami ang hindi nakaunawa na ang tinutukoy ng Panginoong Hesus ay walang iba kundi ang AMA. (Juan 8:24-27) “Sinabi ko nga sa inyo, na kayo’y mangamamatay sa inyong mga kasalanan: sapagka’t malibang kayo’y magsisampalataya na ako nga ang Cristo, ay mangamamatay kayo sa inyong mga kasalanan. Sa kaniya nga’y kanilang sinabi, Sino ka baga? Sinabi sa kanila ni Jesus, Siya rin na sinalita ko sa inyo mula pa nang una. Mayroon akong maraming bagay na sasalitain at hahatulan tungkol sa inyo: gayon pa man ang nagsugo sa akin ay totoo; at ang mga bagay na sa kaniya’y aking narinig, ang mga ito ang sinasalita ko sa sanglibutan. Hindi nila napagunawa na tungkol sa Ama ang kaniyang sinasalita sa kanila.”

Nang tanungin ng isang alagad si Hesus kung sino ang AMA na Kaniyang tinutukoy, sumagot Siya, “Malaon nang panahong ako’y inyong kasama, at hindi mo ako nakikilala, Felipe? ang nakakita sa akin ay nakakita sa Ama; paanong sinasabi mo, Ipakita mo sa amin ang Ama? Hindi ka baga nananampalataya na ako’y nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin? ang mga salitang aking sinasabi sa inyo’y hindi ko sinasalita sa aking sarili: kundi ang Ama na tumatahan sa akin ay gumagawa ng kaniyang mga gawa. Magsisampalataya kayo sa akin na ako’y nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin: o kungdi kaya’y magsisampalataya kayo sa akin dahil sa mga gawa rin. Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang sa akin ay sumasampalataya, ay gagawin din naman niya ang mga gawang aking ginagawa; at lalong dakilang mga gawa kay sa rito ang gagawin niya; sapagka’t ako’y paroroon sa Ama.”

 

Kaya nga, mauunawaan nating lubos ang lahat ng Kaniyang mga ipinahayag at ipinakitang halimbawa kung lubos nating makikilala kung sino SIYA.

Kung paniniwalaan nating magkaiba ang AMA at si Hesus, hindi natin lubos na mauunawaan ang lahat ng Kaniyang mga itinuro.

Sa Kaniyang huling pangungusap, muli niyang sinipi ang nakasaad sa aklat ng mga Awit 31:5, na sinasabi, “Sa iyong kamay ay inihabilin ko ang aking diwa; iyong tinubos ako, Oh Panginoon, ikaw na Dios ng katotohanan.”  

Ito’y halimbawa sa ating lahat, na ang bawat isa ay huwag matutong magtiwala sa sariling kakayahan, kundi matutunan nating magtiwala sa kapangyarihang magagawa ng Dios. At sa bawat sandal ng ating buhay ay lagi nating itagubilin at ipagbigay tiwala ang kaloob Niyang Espiritu sa atin.

 

Nakatalaga tayong mamatay at ang buhay (na siyang Espiritu o hininga na ibinigay sa atin) ay muling babalik sa Dios, sapagkat Siya ang nagkaloob nito. (Eclesiastes 12:7)

Bukod dito, ipinagkaloob sa atin ang Banal na Espiritu nang tayo’y bautismuhan, bilang tanda ng Kaniyang pagtanggap sa atin bilang Kaniyang mga anak. (Gawa 2:38) Ang espiritung ito ang nagtutulak sa atin upang magawa natin ang lahat ng Kaniyang kalooban.

Ang pagtatagubilin ni Hesus ng Kaniyang espiritu sa AMA, ay palatandaan ng lubos na pagtitiwala sa Dios, na ibig din naman Niyang gawin natin. Kaya’t nararapat na sa lahat ng kaparaanan ng ating buhay ay pagtiwalaan natin ang Dios.

Tandaan nating ang Dios ang ating tagapagligtas, ipinamalas Niya ang Kaniyang pagibig, kapangyarihan at pagkukupkop sa mga lingkod Niyang umiibig at nagtitiwala sa Kaniya. Sa ibabaw ng lahat ng ito, ang pagtitiwala natin ay magiging daan upang tayo ay buhayin din namang maguli, gaya nang halimbawang naganap sa Kaniya.

At sa pagkabuhay na maguli, sa piling ng AMA ay kakamtin natin ang Kaniyang pangako, ang buhay na walang hanggan.

Buod: Sa Dios tayo magtiwala, sa mabuhay man o sa mamatay tayo.

 

 

About these ads