Tags

, , , ,

(From the Sermon dated February 21 and 24, 2013)

Sa iba’t ibang aspeto ng ating pagkatao at pagiging lingkod ng Dios, hangad ng Dios na ugaliin natin ang nararapat lamang at isantabi ang mga bagay na hindi nararapat. Maging sa ating kaisipan, pagpa-plano at pagde-desisyon kailangang nararapat lamang ang ating uugaliin.

Ngunit hindi humahangga sa paggawa at pagiisip ang hangarin ng Dios na tayo ay maging karapatdapat. Maging sa mga bagay na ating sinasalita ay ay mayroong mga mahahalagang bagay na kailangan nating maunawaan. Kadalasan, may mga pagkakataong hindi natin napagiisipan kung ano ang ating mga sinasabi. Mabilis kasi ang bibig, at kadalasan wala itong preno. At dahil dito, hindi natin namamalayan na hindi na pala tama ang lumalabas dito. Tandaan natin ang sinabi ng Biblia, “sa kasaganaan ng puso nagsasalita ang bibig,”  ibig lamang sabihin ay nahahayag sa ating bibig ang kadalasang laman ng ating puso at isipan.

tongue-of-fire

Makapangyarihan ang ating salita. May kakayahan itong bumuo at may kakayahan ding gumiba o sumira. Sinabi ng Biblia, “Kung atin ngang inilalagay ang mga preno ng kabayo sa kanilang mga bibig, upang tayo’y talimahin, ay ibinabaling din naman natin ang kanilang buong katawan. Narito, ang mga daong naman, bagama’t lubhang malalaki at itinutulak ng malalakas na hangin, gayon ma’y sa pamamagitan ng isang lubhang maliit na ugit ay napapabaling kung saan ibig ng tagaugit. Gayon din naman ang dila ay isang maliit na sangkap, at nagpapalalo ng malalaking bagay. Narito, kung gaano kalaking gubat ang pinagaalab ng lubhang maliit na apoy! At ang dila’y isang apoy: ang sanglibutan ng kasamaan sa ating mga sangkap ay dili iba’t ang dila, na nakakahawa sa buong katawan, at pinagningas ang gulong ng katalagahan, at ang dila’y pinagniningas ng impierno.” (Santiago 3:3-6)

Ipinaliwanag ni Apostol Santiago na ang dila natin ay maliit lamang na sangkap ng ating katawan ngunit mayroong kakayahang ipahamak ang ating kaluluwa sa impiyerno kung ito ay hindi natin mapipigil. “Sapagka’t ang bawa’t uri ng mga hayop at mga ibon, ng mga nagsisiusad at mga bagay sa dagat, ay pinaaamo, at napaaamo ng tao: Datapuwa’t ang dila ay hindi napaaamo ng sinomang tao; isang masamang hindi nagpapahinga, na puno ng lasong nakamamatay.” (Santiago 3:7-8)

Bagaman sinasabing hindi kayang paamuin ng tao ang dila, sa tulong ng katuwiran ng Dios ay magagawa nating maingatan ang ating mga pananalita. Itinuturo ng Biblia na ang kapangyarihan ng buhay at kamatayan ay nasa dila. Bilang mga tagasunod ni Hesus, binigyan tayo ng kapangyarihan at kakayahan na makapagsalita ng ukol sa “buhay” sa pamamagitan ng pagpili sa mga bagay nating sasabihin at gagamitin. Kung bubuksan natin ang ating mga paningin, makikita natin ang maraming pangangailangan sa paligid. Kailangan ng ating kapuwa at ng ating mga kapatid ang pagibig, ang katapangan, at matutunan nilang sila ay nagtataglay ng malaking halaga sa paningin ng ating dakilang Dios.

Ang dila ay apoy na nakapapahamak at gumigiba ng mabuting ugnayan. (Kawikaan 16:27-28) Ang walang kabuluhang tao ay kumakatha ng kahirapan: at sa kaniyang mga labi ay may masilakbong apoy. Ang magdarayang tao ay nagkakalat ng pagtatalo: at ang mapaghatid- dumapit ay naghihiwalay ng magkakaibigang matalik.

Ang pananalita din ang ginagamit ng ilan upang humikayat ng tao na paniwalaan ang kanilang sariling pagtuturo, mga turong katha lamang nila, at hindi ayon sa kalooban ng Dios. “Na ang kanilang mga bibig ay nararapat matikom; mga taong nagsisipanggulo sa buong mga sangbahayan, na nangagtuturo ng mga bagay na di nararapat, dahil sa mahalay na kapakinabangan.” (Tito 1:11)

Kaya naman, pinagiingat tayo ng Panginoong Hesus, sapagkat ipinahayag Niyang nakakahawa ang bawat lumalabas sa bibig ng tao. (Mateo 15:11) “Hindi ang pumapasok sa bibig ang siyang nakakahawa sa tao; kundi ang lumalabas sa bibig, ito ang nakakahawa sa tao.” Bawat lumalabas sa ating bibig ay may kakayahang magpatibay ngunit kadalasan ay nagagamit ng ilan sa hindi nararapat na mga pananalita.

Tandaan nating ang bibig ay ginagamit natin sa pagpupuri sa Dios, at hindi matuwid na ito ay gamitin din natin sa panlalait at paninira ng kapuwa at sa pagsisinungaling. (Santiago 3:9-11) “Siyang ating ipinagpupuri sa Panginoon at Ama; at siyang ating ipinanglalait sa mga taong ginawang ayon sa larawan ng Dios: Sa bibig din lumalabas ang pagpuri’t paglait. Mga kapatid ko, ang mga bagay na ito ay hindi nararapat magkagayon. Ang bukal baga’y sa isa lamang siwang ay binubukalan ng matamis at mapait?”

Kaya naman, bawat sandali ay pagisipan natin kung ano ang ating nararapat na salitain. Tanungin natin ang ating sarili, tayo ba ay bumubuo o gumigiba? Magkaroon tayo ng ganap na kamalayan sa mga bagay na sinasabi natin upang maging tagapagbigay tayo ng buhay at hindi ng ikapapahamak.

Bawat pananalita ng isang mananampalataya ay dapat magkaroon ng biyaya sa mga nakakapakinig nito. At kung baga maaari, upang makapagpatibay ng kapuwa, ay mula sa mga salita ng Dios ang maging laman ng ating mga pananalita. (Colosas 4:6) Ang inyong pananalita nawa’y laging may biyaya, na magkalasang asin, upang inyong maalaman kung ano ang nararapat ninyong isagot sa bawa’t isa. (Tito 2:1) Nguni’t magsalita ka ng mga bagay na nauukol sa aral na magaling:

Tandaan nating, mayroon tayong dalawang mata ngunit mayroon lamang isang dila, na ang ibig sabihin, tingnan muna natin ng dalawang beses, at saka tayo magsalita nang minsan. Mayroon tayong dalawang tainga, ngunit isang bibig, na ang ibig sabihin ay, dapat na humihigit ang ating pakikinig, kaysa sa ating pagsasalita.

At kung ating magagawa, iwasan natin ang sinasabi ni Pablo sa mga taga-Roma, “Ngayo’y ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid, na tandaan ninyo yaong mga pinanggagalingan ng pagkakabahabahagi at ng mga katitisuran, laban sa mga aral na inyong nangapagaralan: at kayo’y magsilayo sa kanila.” (Roma 16:17)

Ano ang lubos nating dapat na magawa sa paningin ng Dios?

Tungkol sa mga bagay na napakinggan natin, samakatuwid ay ang mga aral nating tinanggap, lubos natin itong unawain at pagaralan kung paano maisasakatuparan sa ating buhay. Kailangan nating gawin ito sapagkat marami ang napahamak sa hindi pagtupad ng katuwiran ng ating dakilang Dios. Mayroong ilan na matapos mapakinggan ang aral ay kaydaling lumilimot. (Hebreo 2:1) “Kaya’t nararapat nating pagkatantuin ang mga bagay na narinig, baka sakaling tayo’y makahagpos.”

Kung makikinig lamang tayo at hindi natin gaganapin ang ating napakinggang aral, baka ang tainga lamang natin ang maligtas. Ang tunay na natututo ay kinakikitaan ng malaking pagbabago, at ng lubos na paglakad sa mga kautusan ng Dios. (2 Juan 6) At ito ang pagibig, na tayo’y mangagsilakad ayon sa kaniyang mga utos. Ito ang utos, na tayo’y mangagsilakad sa kaniya, gaya ng inyong narinig nang pasimula.

Ano lamang ang dapat nating pagingatang huwag magawa?

Ingat tayo sa mga aral na pinapakinggan natin. Hangad ng Dios na mabuhay tayo sa Kaniyang mga aral at ang gusto Niya, ay umuunlad ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng mga aral na inihahasik sa atin.

May mga aral na dapat nating pagingatan at hindi dapat magawa. At ito ay ang mga sumusunod:

  1. Mga pasimulang aral, mahihina at walang bisang aral – Galacia 4:9 – Datapuwa’t ngayon yamang nakikilala na ninyo ang Dios, o ang lalong mabuting sabihin, kayo’y nangakikilala ng Dios, bakit muling nangagbabalik kayo doon sa mahihina at walang bisang mga pasimulang aral, na sa mga yao’y ninanasa ninyong magbalik sa pagkaalipin? (Galacia 4:3) Gayon din naman tayo, nang tayo’y mga bata pa, tayo’y nasasakop ng pagkaalipin sa ilalim ng mga pasimulang aral ng sanglibutan. (Efeso 4:18) Na sa kadiliman ng kanilang pagiisip, ay nangahiwalay sa buhay ng Dios, dahil sa kahangalang nasa kanila, dahil sa pagmamatigas ng kanilang puso;
  2. Mga panghuhula, pamahiin, engkanto at pagpaparaan sa apoy – Deuteronomio 18:9-12 – Pagpasok mo sa lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios, ay huwag kang magaaral gumawa ng ayon sa mga karumaldumal ng mga bansang yaon. Huwag makakasumpong sa iyo ng sinomang nagpaparaan sa apoy ng kaniyang anak na lalake o babae, o nanghuhula o nagmamasid ng mga pamahiin o enkantador, o manggagaway, O enkantador ng mga ahas, o nakikipagsanggunian sa mga masamang espiritu, o mahiko, o sumasangguni sa mga patay. Sapagka’t sinomang gumagawa ng mga bagay na ito ay karumaldumal sa Panginoon: at dahil sa mga karumaldumal na ito ay pinalalayas sila ng Panginoon mong Dios sa harap mo. Galit ang Dios sa mga ganito: (2 Hari 21: 1-2, 5–6) Si Manases ay may labing dalawang taon nang magpasimulang maghari; at siya’y nagharing limangpu’t limang taon sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Hepsi- ba. At siya’y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon, ayon sa mga karumaldumal ng mga bansa. At kaniyang ipinagtayo ng mga dambana ang lahat na natatanaw sa langit sa dalawang looban ng bahay ng Panginoon. At kaniyang pinaraan ang kaniyang anak sa apoy, at nagpamahiin, at nagsanay ng panghuhula, at nakipagsanggunian sa masamang espiritu, at sa mga mahiko: siya’y gumawa ng maraming kasamaan sa paningin ng Panginoon, upang mungkahiin niya siya sa galit.

 

Tandaan nating kinapopootan ng Dios ang mahawa pa tayo sa mga ganitong klase ng aral, gawa at paniniwala. Tayong mga lingkod ay pinalaya na sa ganitong mga pagtuturo at hindi dapat masumpungang nananatili tayo sa mga ganitong bagay.

Katapustapusan, hangad ng Dios na maging kagaya Niya tayo. Sa katunayan, nilikha tayo sa Kaniyang larawan, at hangad Niyang marating natin ang kasakdalan. Ibig Niyang magsalita tayo, makinig tayo, magisip, magplano at kumilos na taglay ang kabanalan upang tayo’y maging banal gaya naman Niya na banal. Sa pamamagitan ng pagtalima sa Kaniyang mga utos at katuruan, na taglay ang buong pagpapasakop at kababaang loob, at higit sa lahat ay sa pamamagitan ng Kaniyang patnubay at kahabagan, ay mararating natin ang inaakala ng ilan na imposible, samakatuwid baga’y ang maging sakdal sa paningin ng ating dakilang Dios.

About these ads