Tags

, , , , , ,

(From the Sermon dated February 14 and 17, 2013)

Hangad ng Dios na tayo’y makita sa pagganap ng buong katuwiran na taglay ang buong pagpapakababa at paglakad nang nang naaayon sa Kaniyang mga kalooban. At upang magawa natin ang mga ito, hindi nagkulang ang Dios na ipagkaloob sa atin ang Kaniyang mga salita, na siya namang magtuturo at gagabay sa atin upang maisakatuparan ang Kaniyang mga kalooban.

Ngunit dapat tayong magingat. Ang kaalaman na taglay natin ay maaaring maging daan ng ating pagpapalalo o pagmamapuri sa ating mga sarili. Kaya naman ipinayo ni Apostol Pablo na huwag nating ipalagay na tayo’y may nalalamang anuman. Kung ganito ang magiging kaisipan natin, maiiwasan nating ilagay ang ating mga sarili sa kalagayang mataas. (1 Corinto 8:2) Nalalaman natin na tayong lahat ay may kaalaman. Ang kaalaman ay nagpapalalo, nguni’t ang pagibig ay nagpapatibay. Kung ang sinoman ay nagaakala na siya’y may nalalamang anoman, ay wala pang nalalaman gaya ng nararapat niyang maalaman.

Samakatuwid, ang ibig ng Dios ay isipin nating wala pa tayong nalalamang anuman, upang lalo tayong maghangad na alamin ang mga bagay na dapat pa nating matutunan. At kung tinanggap naman na natin ang mga kaalamang ito, ay patuloy pa rin nating kauhawan at kasabikan upang lalo tayong sumagana sa mga kaalaman at karunungang ipinagkakaloob sa atin.

Bukod dito, ipinayo ni Apostol Pablo na huwag nating isiping tayo’y nagtamo na, o ligtas na dahil alam naman nating sa dami ng ating mga pagkukulang sa Dios, ay wala pa sa atin ang makapagsasabing nakaabot na sa Kaniyang pamantayan. Katulad ng pahayag niya, “Hindi sa ako’y nagtamo na, o ako’y nalubos na: kundi nagpapatuloy ako, baka sakaling maabot ko yaong ikinaaabot naman sa akin ni Cristo Jesus. Mga kapatid, hindi ko pa inaaring inabot: datapuwa’t isang bagay ang ginagawa ko, na nililimot ang mga bagay na nasa likuran, at tinutungo ang mga bagay na hinaharap.” (Filipos 3:12-13)

Bakit ito nasabi ni Apostol Pablo? Wala ba siyang karapatang magsabi na siya ay ligtas na, sa dami ng kaniyang mga nagawa? Sa dami ng kaniyang mga nahikayat na miyembro ng iglesia? Sa dami ng mga lokal na kaniyang naitayo?

Sa katotohanan, tunay na napakadami nga ng nagawa ni Pablo bilang Apostol ng iglesia. Kung pag-aaralan natin ang kredensiyal ng taong ito, masasabi nating tunay ngang dapat na magmalaki siya sa kaniyang sarili, bagay na hindi nasumpungan sa kaniya.

Sa isang pagkakataon, sinabi niya, “Bagama’t ako’y makapagkakatiwala sa laman: na kung ang iba ay nagaakala na may pagkakatiwala sa laman, ay lalo na ako” (Filipos 3:4) Nasabi niya ito sapagkat mula pa sa kaniyang kabataan ay ipinakita na niya ang pagiging masikap sa paglilingkod sa Dios. Bagaman nang pasimula ay nakasalig siya sa kung ano ang itinuro lamang ng kaniyang mga magulang. (Galacia 1:14) At ako’y nangunguna sa relihion ng mga Judio ng higit kay sa marami sa aking mga kasing gulang sa aking mga kababayan, palibhasa’y totoong masikap ako sa mga sali’t- saling sabi ng aking mga magulang.

At sa kaniyang pagsasanggalang sa harapan ng mga mahal na tao ay kaniyang ipinagtapat na siya’y isang Judio, na nakapag-aral sa paanan ni Gamaliel na isang doktor sa kautusan. (Gawa 22:1-3; 5:34)

Hindi ipinagmalaki ni Pablo ang kaniyang mga katangian at mga nagawa, sapagkat alam niyang lahat tayo ay nananatiling alipin sa paningin ng Dios, na nangangailangang magpatuloy sa paggawa ng kabanalan, upang matamo ang kasakdalan.

Kung tayo’y titigil na sa pagsusumikap sa ngayon, nakatitiyak kaya tayong naabot na natin ang kasakdalan na ibig Niyang marating natin? Sino sa atin ang nakakatiyak?

Noon pa man, ipinayo na ni Pablo na magpatuloy tayo sa kasakdalan, “Kaya’t tayo’y tumigil na ng pagsasalita ng mga unang simulain ng aral ni Cristo, at tayo’y mangagpatuloy sa kasakdalan; na huwag nating ilagay na muli ang kinasasaligan ng pagsisisi sa mga patay na gawa, at ng pananampalataya sa Dios, Ng aral na tungkol sa mga paglilinis, at ng pagpapatong ng mga kamay, at ng pagkabuhay na maguli ng mga patay, at ng paghuhukom na walang hanggan.” (Hebreo 6:1-2)

 

Ano naman ang hindi marapat na gawin?

Pakatandaan nating iniwan na natin ang mga maling aral ng sanlibutang ito. Hindi na tayo dapat pang paalipin pa ng mga aral ng mga tao na alam naman nating sinsay o mali sa katotohanan. (Tito 1:14) Na huwag mangakinig sa mga katha ng mga Judio, at sa mga utos ng mga tao na nangagsisisinsay sa katotohanan.

Ingatan nating huwag na tayong mahawa pa ng mga maling aral na ito. At kung mayroon man tayong mga kapatid o mga mahal sa buhay na hanggang ngayon ay naaalipin pa ng mga kamalian ng aral ng sanlibutang ito, tungkulin nating sila ay paalalahanan at sawayin. (1 Timoteo 6:20-21) Oh Timoteo, ingatan mo ang ipinagkatiwala sa iyo, na ilagan mo ang mga usapan na walang kabuluhan at ang mga pagsalungat ng maling tawag na kaalaman; Na palibhasa’y pinaniwalaan ng ilan ay nangasinsay tungkol sa pananampalataya. Ang biyaya ay sumainyo nawa. (2 Timoteo 2:25-26) Na sawaying may kaamuan ang mga nagsisisalangsang; baka sakaling sila’y pagkalooban ng Dios ng pagsisisi sa ikaaalam ng katotohanan, At sila’y makawala sa silo ng diablo, na bumihag sa kanila ayon sa kaniyang kalooban. 

Bukod dito, ano pa ang nararapat na gawin natin?

wives

Bawat isa ay mayroong tungkulin sa ating kapuwa at sa sarili. Ang mga tungkuling ito ay nararapat lamang na igalang at talimahin sapagkat magdudulot sa atin ng katiwasayan at kapayapaan maging sa ating mga pakikitungo sa ating kapuwa tao.

Halimbawa ay ang mga sumusunod na tungkulin ng mga babae:

  1. Tungkulin ng mga babaeng pasakop sa kanilang mga asawa. (Colosas 3:18) Mga babae, pasakop kayo sa inyo- inyong asawa, gaya ng nararapat sa Panginoon. Gaya nang iglesia na nasasakop ni Cristo, gayundin dapat pasakop ang mga babae sa kanilang mga asawang lalake. (Efeso 5:22-24) Mga babae, pasakop kayo sa inyo- inyong sariling asawa, na gaya ng sa Panginoon. Sapagka’t ang lalake ay pangulo ng kaniyang asawa, gaya naman ni Cristo na pangulo ng iglesia, na siya rin ang tagapagligtas ng katawan. Datapuwa’t kung paanong ang iglesia ay nasasakop ni Cristo, ay gayon din naman ang mga babae ay pasakop sa kani- kaniyang asawa sa lahat ng mga bagay. Ang pagpapasakop sa asawa ay nangangahulugan ng pagtalima, paggalang at pagtitiis.
  2. Nang likhain ng Dios ang tao, nakita Niyang hindi mabuti na ang lalake ay nag-iisa (Genesis 2:18), kaya ang lalake ay inilalang ng katulong o magiging katuwang sa kaniyang buhay. Hindi nangangahulugang mas mababa ang kalagayan ng babae sa lalake. Pantay – pantay tayo sa paningin ng Dios. May mga bagay na hindi kayang gawing magisa ng mga kalalakihan, kaya’t nilikha ng Dios ang babae, na alam naman nating sila lamang ang may kakayahang magdalang-tao at magparami. (Genesis 1:28)
  3. Kailangang taglayin ng mga babae ang kahinhinan at takot sa Dios. (1 Pedro 3:1-2) Gayon din naman, kayong mga asawang babae, pasakop kayo sa inyong sarisariling asawa; upang, kung ang ilan ay hindi tumalima sa salita, ay mangahikayat ng walang salita sa pamamagitan ng ugali ng kanikaniyang asawang babae; Sa pagkamasid nila ng inyong ugaling mahinhin na may takot.
  4. Sa iglesia’y hindi pinahintulutang magturo o magkaroon ng pamumuno ang mga babae. (1 Timoteo 2:9-14) Gayon din naman, na ang mga babae ay magsigayak ng mahinhing damit na may katimtiman at hinahon; hindi ng mahalagang hiyas ng buhok, at ginto o perlas o damit na mahalaga; Kundi (siyang nararapat sa mga babae na magpakabanal) sa pamamagitan ng mabubuting gawa. Ang babae’y magaral na tumahimik na may buong pagkapasakop. Nguni’t hindi ko ipinahihintulot na ang babae ay magturo, ni magkaroon ng pamumuno sa lalake, kundi tumahimik.

 

Bukod sa mga ito, ano pa ang mga mahalagang tungkulin ng mga babae sa kanilang asawa?

Ang paliwanag ng Biblia, ang mga babae ay karangalan o putong sa kanilang mga asawang lalake. At sinumang nakakasumpong ng asawa ay nakasumpong ng mabuting bagay at nagtatamo ng lingap ng Dios. (Kawikaan 12:4; 18:22) Ang mabait na babae ay putong sa kaniyang asawa: nguni’t siyang nakahihiya ay parang kabulukan sa kaniyang mga buto.

Ang mabait na asawa ay galing sa Dios (Kawikaan 19:14 – Bahay at mga kayamanan ay minamana sa mga magulang: nguni’t ang mabait na asawa ay galing sa Panginoon.), at ang halaga ay higit sa mahalagang hiyas o bato (Kawikaan 31:10). Bawat kapatid na babae sa loob ng iglesia na mayroong asawa ay dapat taglayin ang mga katangiang ito. At sa mga wala pang asawa, ay dapat na hilingin sa Dios na pagkalooban sila ng mabuting asawa.

Kaya naman, marapat na ang asawa ay magbigay galang at respeto upang sila ay maging karangalan ng kanilang mga asawa. Sa panahon ngayon, sa sanlibutang ang nagpapatakbo ay gawa ng laman at kamangmangan sa mga katuwiran ng Dios, maraming mga kababaihan ang dinudungisan ang karangalan ng kanilang mga asawa.

At hindi marapat na ang mga babae ay maging daan ng kawalan ng kapayapaan sa tahanan. May mga asawang babae na sa halip na magtiis, ay siya pang pinagmumulan ng kawalang kasiyahan sa tahanan. Ang ganitong tanawin ay hindi mabuti lalo pa nga kung ito ay makikita sa tahanan ng mga mananampalataya.

Sa ilang talata ng Biblia, binigyang diin ang kawalan ng respeto ng mga babae ay nagdudulot ng kaguluhan sa tahanan. (Kawikaan 25:24) Maigi ang tumahan sa sulok ng bubungan, kay sa kasama ng palaaway na babae sa maluwang na bahay. (Eclesiastes 7:2) Maigi ang pasa bahay ng tangisan, kay sa bahay ng pistahan: sapagka’t siyang wakas ng lahat ng mga tao; at ilalagak ng may buhay sa kaniyang puso.

Hindi naman nangangahulugan na marapat samantalahin at abusuhin ng mga lalake ang pagpapasakop ng mga babae. Mayroon ding tungkulin ang mga lalake sa kanilang mga asawang babae na kailangan nilang ingatan.

Ano ang mga pangunahing tungkuling ito?

Tungkulin ng mga lalake na ibigin ang kanilang asawa, gaya nang pahayag, “Mga lalake, ibigin ninyo ang inyo- inyong asawa, gaya naman ni Cristo na umibig sa iglesia, at ibinigay ang kaniyang sarili dahil sa kaniya.” (Efeso 5:25, 28-29) Gayon din naman nararapat ibigin ng mga lalake ang kani- kaniyang sariling asawa, na gaya ng kanilang sariling mga katawan. Ang umiibig sa kaniyang sariling asawa ay umiibig sa kaniyang sarili:  Sapagka’t walang sinoman na napoot kailan man sa kaniyang sariling katawan; kundi kinakandili at minamahal, gaya naman ni Cristo sa iglesia. Samakatuwid, pagibig ang dapat isukli ng mga lalake sa pagpapasakop na iuukol sa kanila.

husbands

Sinabi ng Biblia, “Gayon din naman kayong mga lalake, magsipamahay kayong kasama ng inyo- inyong asawa ayon sa pagkakilala, na pakundanganan ang babae, na gaya ng marupok na sisidlan, yamang kayo nama’y kasamang tagapagmana ng biyaya ng kabuhayan: upang ang inyong mga panalangin ay huwag mapigilan.” (1 Pedro 3:7) Tungkulin ng mga lalake na pakisamahan at pakundanganan ang kanilang mga asawa. Dapat lamang na iukol ang ibayong pagibig at respeto.

Tungkulin din ng mga lalake na tugunin ang pangangailangan ng kanilang asawa at ng sambahayan nito. (1 Corinto 7:3- Ibigay ng lalake sa asawa ang sa kaniya’y nararapat: at gayon din naman ang babae sa asawa. ) Sa panahon ngayon, kapuwa kumikilos ang mga lalake at babae upang maitaguyod ang pangangailangan ng kanilang sambahayan.

Ano pa ang nararapat at hindi nararapat gawin? …. Sa susunod

About these ads