Tags

, , , ,

Give-Thanks-to-the-Lord-Copy2

TEACHER  (Rabbi -Heb., Di-da’skalos-The title demanded by some of the learned men, scribes, teachers of the law- Mat. 23:6-8)

Talastas nating mahalaga ang mga aral ng Dios. Ang mga salita Niya ang gumagabay, tumatanglaw sa ating mga landas na nilalakaran. At tayong mga lingkod Niya ang inaasahang magpapahalaga sa Kaniyang mga aral. Kumbaga, tinatawag tayong mga tinuturuan sa mga aral ng Dios.

At dahil tinuturuan tayo sa Kaniyang mga aral, malaki ang ating pananagutan na ipakitang tayo ay tunay na natututo. Sa pagkakataong ito, muling sasariwain sa atin ang mga kahalagahan ng mga pagtuturong ito, kung paano tayo dapat magpahalaga, ano ang dapat maging epekto sa atin ng mga salitang itinuturo sa atin, at paano lalong magkakaroon ng kabuluhan ang mga salita ng Dios sa ating buhay.

Kapag pinaguusapan ang tungkol sa mga salita ng Dios, hindi maikakailang hindi maiiwasang pagusapan ang Panginoong Hesus. Mayroong ilan na naniniwalang hindi totoong may Hesus na nabuhay, mayroon namang ilan na nagsasabing si Hesus ay isang “impostor” lamang. At bagaman sinasabi ng ilan na inimbento lamang ang pagka-Dios ni Hesus, hindi maikakailang marami ang nagsasabi na si Hesus ay Dakilang Guro (Great Teacher).

Hindi matatawaran ang Kaniyang ginawang pangangaral na sa loob lamang ng mahigit kumulang tatlong taon ay nagmarka sa marami ang Kaniyang mga katuruan, at magpasahanggang ngayon ay kinikilala ang mga halimbawa, paghahambing, at higit sa lahat pagpapahalaga sa moralidad at pantay na karapatan ng bawat tao.

Mababasa natin sa Lukas 18:18 – “At tinanong siya ng isang pinuno, na sinasabi, Mabuting Guro, anong gagawin ko upang magmana ng walang hanggang buhay?” Ito ang nagpapatunay na kahit pinuno sa panahon na yaon ay kinikilala Siya bilang isang Mabuting Guro.

Sa edad na tatumpung taong gulang, nagpasimula Siyang mangaral at ang Kaniyang ministeryo ay nilakipan Niya ng makapangyarihang mga gawa, na sa iba ay tinatawag na “himala.”  Halos lahat ng mga scholars ay kumbinsido na si HESUS ay isang DAKILANG GURO kapag moralidad ang pag-uusapan. Ang Kaniyang mga pananaw ukol sa moralidad nating tao ay walang kapintasan at kinikilala kahit ng mga ibang Relihiyon.

Sa kaniyang aklat na Jesus of Nazareth, ang Jewish scholar na si Joseph Klausner ay sumulat na, “It is universally admitted … that Christ taught the purest and sublimest ethics … which throws the moral precepts and maxims of the wisest men of antiquity far into the shade.” (Quoted in Josh McDowell, Evidence That Demands a Verdict, vol. 1 (Nashville: Nelson, 1979), 127.) Sa katunayan ang tinatawag natin sa ngayon na “EQUAL RIGHTS” ay hinango lamang sa mga KATURUAN ni HESUS.

Paano pa inilarawan ang pangangaral ni Hesus?

Ang pagsasalita ng Panginoong Hesus ay may kapamahalaan o awtoridad. Ito ang sinasabi maging ng mga punong kawal na hindi Siya magawang hulihin. (Juan 7:45-46) At ibig ng ilan sa kanila na siya’y hulihin; datapuwa’t walang taong sumunggab sa kaniya. Nagsidating nga ang mga punong kawal sa mga pangulong saserdote at sa mga Fariseo; at sinabi nila sa kanila, Bakit hindi ninyo siya dinala? Nagsisagot ang mga punong kawal, Kailan ma’y walang taong nagsalita ng gayon.

Ilan sa mga katangian ng Kaniyang mga pamamaraan ay ang pangangaral na napakasimple ngunit napaka-epektibo, ang Kaniyang mga lohika ay hindi kayang tutulan ng sinuman, ang Kaniyang mga katanungan ay tunay na pagiisipan, ang paggamit Niya ng mga piguratibong pangungusap o mga salitang may laman ay epektibo sa Kanilang pinaguukulan nito, at higit sa lahat ay ang paggamit Niya ng mga halimbawang akma at pamilyar sa panig ng mga tagapakinig.

Ilan sa halimbawa ay ang mga sumusunod:

  1. Ang pagtuturo ukol sa pagasang dapat taglayin na hindi tayo pababayaan ng Dios sa anumang paraan: Mateo 6:25-30 – Kaya nga sinasabi ko sa inyo, Huwag kayong mangabalisa sa inyong pamumuhay, kung ano baga ang inyong kakanin, o kung ano ang inyong iinumin; kahit ang sa inyong katawan, kung ano ang inyong daramtin. Hindi baga mahigit ang buhay kay sa pagkain, at ang katawan kay sa pananamit? Masdan ninyo ang mga ibon sa langit, na hindi sila nangaghahasik, ni nagsisigapas, ni nangagtitipon man sa mga bangan; at sila’y pinakakain ng inyong Ama sa kalangitan. Hindi baga lalong higit ang halaga ninyo kay sa kanila? At alin sa inyo ang sa pagkabalisa ay makapagdaragdag ng isang siko sa sukat ng kaniyang buhay? At tungkol sa pananamit, bakit kayo nangababalisa? Wariin ninyo ang mga lirio sa parang, kung paanong nagsisilaki; hindi nangagpapagal, ni nangagsusulid man: Gayon ma’y sinasabi ko sa inyo, na kahit si Salomon man sa buong kaluwalhatian niya ay hindi nakapaggayak na gaya ng isa sa mga ito. Nguni’t kung pinararamtan ng Dios ng ganito ang damo sa parang, na ngayon ay buhay, at sa kinabukasa’y iginagatong sa kalan, hindi baga lalonglalo na kayong pararamtan niya, Oh kayong mga kakaunti ang pananampalataya? 
  2. Ang pagtuturo ukol sa paghatol sa Kapuwa tao: Mateo 7:3-5 – At bakit mo tinitingnan ang puwing na nasa mata ng inyong kapatid, nguni’t hindi mo pinapansin ang tahilan na nasa iyong sariling mata? O paanong sasabihin mo sa iyong kapatid, Pabayaan mong alisin ko ang puwing sa mata mo; at narito, ang tahilan sa iyong sariling mata? Ikaw na mapagpaimbabaw, alisin mo muna ang tahilan sa iyong sariling mata; at kung magkagayo’y makikita mong malinaw ang pag-aalis mo ng puwing sa mata ng iyong kapatid. 
  3. Siya mismo ang nagsilbing halimbawa sa Kaniyang mga itinuturo: Juan 13:15 – Sapagka’t kayo’y binigyan ko ng halimbawa, upang gawin naman ninyo ayon sa ginawa ko sa inyo. Si Hesus ay hindi gaya ng mga Eskriba at Fariseo na nagtuturo sa mga tao ngunit hindi naman ginagawa ang kanilang mga itinuturo. (Mateo 23:3 ) Lahat nga ng mga bagay na sa inyo’y kanilang ipagutos, ay gawin ninyo at ganapin: datapuwa’t huwag kayong magsigawa ng alinsunod sa kanilang mga gawa; sapagka’t kanilang sinasabi, at hindi ginagawa. 

Sa loob ng halos tatlong taon ay tinuruan Niya ang Kaniyang mga alagad sapagkat ang mga ito ang magpapatuloy ng Kaniyang Ministeryo. Sa pamamagitan ng Espiritu Santo na ipinangako, ang mga alagad ay magkakaroon ng gabay upang patuloy nilang maipangaral ang Kaniyang mga Ebanghelyo. (Juan 14:26) Datapuwa’t ang Mangaaliw, sa makatuwid baga’y ang Espiritu Santo, na susuguin ng Ama sa aking pangalan, siya ang magtuturo sa inyo ng lahat ng mga bagay, at magpapaalaala ng lahat na sa inyo’y aking sinabi.

At bago Siya umakyat ng langit, nagbilin Siya sa mga na kanilang ituro ang lahat ng mga itinuro Niya sa kanila. (Mateo 28:30) Na ituro ninyo sa kanila na kanilang ganapin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo: at narito, ako’y sumasa inyong palagi, hanggang sa katapusan ng sanglibutan.

Paano naman inilarawan ang mga layunin at kahalagahan ng mga aral na mula sa Dios?

Gabay ang mga salita ng Dios upang tayo ay makarating sa ibig Niyang marating natin, samakatuwid ay ang maging sakdal tayo. Ang Dios ay sakdal, at hangad Niya na marating natin ang kasakdalan sa pamamagitan ng Kaniyang mga aral. (2 Timoteo 3:15-17) At mula sa pagkasanggol ay iyong nalalaman ang mga banal na kasulatan na makapagpadunong sa iyo sa ikaliligtas sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus. Ang lahat ng mga kasulatan na kinasihan ng Dios ay mapapakinabangan din naman sa pagtuturo, sa pagsansala, sa pagsaway, sa ikatututo na nasa katuwiran: Upang ang tao ng Dios ay maging sakdal, tinuruang lubos sa lahat ng mga gawang mabuti.

At sa pamamagitan ng mga salita ng Dios, bawat lingkod ay magiging sakdal sa kaniyang paglilingkod na ipamamalas sa Dios. Ngunit upang ito ay mangyari, naglagay ang Dios ng mga magiging tagapagturo upang ang mga lingkod ay magkaroon ng mga gurong magtuturo sa kanila kung paano lubos na makalalakad sa Kaniyang mga salita. (Efeso 4:11-12) At pinagkalooban niya ang mga iba na maging mga apostol; at ang mga iba’y propeta; at ang mga iba’y evangelista; at ang mga iba’y pastor at mga guro; Sa ikasasakdal ng mga banal, sa gawaing paglilingkod sa ikatitibay ng katawan ni Cristo:

Sa pamamagitan nito ay matupad ang sinasabi ng kasulatan na, “Sila namang nangamamali sa diwa ay darating sa pagkaunawa, at silang mga mapag-upasala ay mangatututo ng aral.” (Isaias 19:24) Ang salita ng Dios ang magpapamulat sa mga maling paniniwala na kinagisnan, at sasaway sa hiduwang pananampalataya na pinaniniwalaan ng marami.

Kung magkagayon, darating sa lubos na pagkaunawa ang mga sasampalataya sa Kaniyang mga salita. Ibig sabihin, ang dating maling kinagisnan ay maitutuwid ng Kaniyang mga salita, ang mga maling pagtuturo ay sasansalain ng mga tunay na aral at darating ang mga lingkod sa kasakdalan ng pagkatuto at pagkaunawa sa Kaniyang mga salita. (1 Corinto 13:9-12) Sapagka’t nangakakakilala tayo ng bahagya, at nanganghuhula tayo ng bahagya; Datapuwa’t kung dumating ang sakdal, ang bahagya ay matatapos. Nang ako’y bata pa, ay nagsasalita akong gaya ng bata, nagdaramdam akong gaya ng bata, nagiisip akong gaya ng bata: ngayong maganap ang aking pagkatao, ay iniwan ko na ang mga bagay ng pagkabata. Sapagka’t ngayo’y malabo tayong nakakikita sa isang salamin; nguni’t pagkatapos ay makikita natin sa mukhaan: ngayo’y nakikilala ko ng bahagya, nguni’t pagkatapos ay makikilala ko ng gaya naman ng pagkakilala sa akin.

Ngunit upang marating ang kasakdalan, kailangan nating magpatuloy sa ating paglilingkod. Huwag nating tingnan kung ano ang nagawa na natin sa mga nagdaang panahon, kundi ipamalas natin sa Dios na tayo ay patuloy na nagsisikap na maabot ang kasakdalang dapat nating maabot. (Filipos 3:12) Hindi sa ako’y nagtamo na, o ako’y nalubos na: kundi nagpapatuloy ako, baka sakaling maabot ko yaong ikinaaabot naman sa akin ni Cristo Jesus. 

Mahalaga ang pagpapatuloy, sapagkat walang nagtagumpay na tumalikod o tumigil sa paglilingkod. Ang tanging nagtatagumpay ay yaong nananatiling nagtitiis, nagsasakripisyo at nagsisikap sapagkat alam naman nating hindi madalian ang pagtanggap ng kaligtasan. Bagaman ang kaligtasan ay biyayang walang bayad, makakamit lamang ito kung pagsisikapan.

Bukod dito, madaming kahadlangan sa ikapagtatagumpay natin. Nariyan ang mga tukso at higit sa lahat ay ang mga katitisuran na sa tuwina ay nagiging hadlang upang tayo ay makadama kung pagkaminsan ng panghihina ng pananampalataya. Maraming katitisuran sa ating paligid, at kung mahina ang ating pananampalataya, malulugmok tayo sa pagkakadapa. (Santiago 3:2) Sapagka’t sa maraming mga bagay tayong lahat ay nangatitisod. Kung ang sinoman ay hindi natitisod sa salita, ay isang taong sakdal ang gayon, may kaya rin namang makapigil ng buong katawan.

Isa sa halimbawa ng kinatitisuran ng kapatid ay ang pakikinig ng aral. Inaakala minsan ng ilan na mayroong mga tagapangaral na pini-personal sila sa kanilang mga kamalian, at nasasaktan sila sa tuwing nakakapakinig ng aral. Kaya’t ang ibang kapatid ay namimili ng tagapangaral. Hindi na bago ito sapagkat noon pa man ay naganap na ito sa mga unang Kristiyano. (1 Corinto 1:12-13)  Ibig ko ngang sabihin ito, na ang bawa’t isa sa inyo ay nagsasabi, Ako’y kay Pablo; at ako’y kay Apolos; at ako’y kay Cefas; at ako’y kay Cristo. Nabahagi baga si Cristo? ipinako baga sa krus si Pablo dahil sa inyo? o binautismuhan baga kayo sa pangalan ni Pablo?

Hindi matuwid na mamili tayo ng tagapangaral, sapagkat ang mga aral sa iglesia ng Dios ay sa lahat ipinapangaral at nalilikha bunga ng espirituwal na pagsisiyasat ng mga tagapangaral mula sa mga salita ng Dios. Hindi nagawa ang sermon para lamang sa isang kapatid kundi ang mga aral ay pangkalahatan.

Paano natin dapat pahalagahan ang mga salitang inaaral sa atin?

Maraming paraan para mabigyan natin ng pagpapahalaga ang mga aral na itinuturo sa atin. Isa na dito ang pagdamay sa mga nagtuturo sa atin, samakatuwid ay sa ating mga tagapangaral. (Galacia 6:6) Datapuwa’t ang tinuturuan sa aral ng Dios ay makidamay doon sa nagtuturo sa lahat ng mga bagay na mabuti. Ang mga unang Kristiyano ay naging bahagi ng pagdamay sa mga tagapangaral sa pamamagitan ng pagsama sa mga Apostol.

Ngunit kung mayroon mang higit na inaasahan sa ating lubos na pagpapahalaga ay sa pamamagitan ng paglakad sa mga aral na tinanggap. Sa pamamagitan ng mga aral na tinanggap ay magkakaroon tayo ng mabuting ugnayan sa ating mga mahal sa buhay, kaibigan, at sa ating mga kapuwa tao.

Ilan sa mga pagpapayo ng Biblia na pangunahing katuruan sa atin na dapat nating pahalagahan ay ang mga sumusunod:

  1. Sa lahat ng kapatid, ipinapayong magkaroon ng timtimang ugali. (1 Pedro 2:12) Na kayo’y mangagkaroon ng timtimang ugali sa gitna ng mga Gentil; upang, sa mga bagay na ipinagsasalita nila laban sa inyong tulad sa nagsisigawa ng masama, dahil sa inyong mabubuting gawa na kanilang nakikita, ay purihin nila ang Dios sa araw ng pagdalaw.
  1. Ipinapayo din na magtinginan sa isa’t isa. (Hebreo 10:24) At tayo’y mangagtinginan upang tayo’y mangaudyok sa pagiibigan at mabubuting gawa. 
  1. Pasakop sa mga namiminuno. (Tito 3:1)Ipaalala mo sa kanilang pasakop sa mga pinuno, sa mga may kapangyarihan, na mangagmasunurin, na humanda sa bawa’t gawang mabuti.
  2. Sa mga anak ay bilin na tumalima sa mga magulang. (Efeso 6:1) Mga anak, magsitalima kayo sa inyong mga magulang sa Panginoon: sapagka’t ito’y matuwid. (Colosas 3:20) Mga anak, magsitalima kayo sa inyong magulang sa lahat ng mga bagay, sapagka’t ito’y totoong nakalulugod sa Panginoon. 
  1. Sa mga magulang, huwag mungkahiin sa galit ang mga anak. (Efeso 6:4) At, kayong mga ama, huwag ninyong ipamungkahi sa galit ang inyong mga anak: kundi inyong turuan sila ayon sa saway at aral ng Panginoon. (Colosas 3:21) Mga ama, huwag ninyong ipamungkahi sa galit ang inyong mga anak, upang huwag manghina ang loob nila.
  1. Maglingkod na may mabuting kalooban. (Efeso 6:7-8) Maglingkod na may mabuting kalooban, na gaya ng sa Panginoon, at hindi sa mga tao: Yamang napagaalaman na anomang mabuting bagay na gawin ng bawa’t isa, ay gayon din ang muling tatanggapin niya sa Panginoon, maging alipin o laya.

Bukod sa mga ito, ano pa ang mabubuting gawa na maaaring itulong ng mga kapatid bilang pakikiramay sa kanilang mga tagapagturo?

  1. Huwag lumapastangan sa kapatid. (1 Tesalonica 4:1-7) Katapustapusan nga, mga kapatid, kayo’y aming pinamamanhikan at inaaralan sa Panginoong Jesus, na, ayon sa tinanggap ninyo sa amin, na kung paanong kayo’y dapat magsilakad at mangagbigay lugod sa Dios, na gaya ng inyong paglakad, upang kayo’y magsipanagana ng higit at higit. Sapagka’t talastas ninyo kung anong mga tagubilin ang ibinigay namin sa inyo sa pamamagitan ng Panginoong Jesus. Sapagka’t ito ang kalooban ng Dios, sa makatuwid baga’y ang inyong pagpapakabanal, na kayo’y magsiilag sa pakikiapid; Na ang bawa’t isa sa inyo’y makaalam na maging mapagpigil sa kaniyang sariling katawan sa pagpapakabanal at kapurihan, Hindi sa pita ng kahalayan, na gaya ng mga Gentil na hindi nangakakakilala sa Dios; Na sinoma’y huwag lumapastangan at magdaya sa kaniyang kapatid sa bagay na ito: sapagka’t ang Panginoon ay mapaghiganti sa lahat ng mga bagay na ito, na gaya naman ng aming ipinatalastas nang una na sa inyo at pinatotohanan. Sapagka’t tayo’y tinawag ng Dios hindi sa ikarurumi, kundi sa pagpapakabanal.
  2. Tungkulin nating ibigin ang isa’t isa. (1 Juan 4:7) Mga minamahal, mangagibigan tayo sa isa’t isa: sapagka’t ang pagibig ay sa Dios; at ang bawa’t umiibig ay ipinanganak ng Dios, at nakakakilala sa Dios. (1 Juan 4:20-21)   Kung sinasabi ng sinoman, Ako’y umiibig sa Dios, at napopoot sa kaniyang kapatid, ay sinungaling; sapagka’t ang hindi umiibig sa kaniyang kapatid na kaniyang nakita, ay paanong makaiibig siya sa Dios na hindi niya nakita? At ang utos na itong mula sa kaniya ay nasa atin, na ang umiibig sa Dios ay dapat umibig sa kaniyang kapatid.
  3. Paalalahanan silang mga nanggugulo. (1 Tesalonica 5:14-23) At aming ipinamamanhik sa inyo, mga kapatid, na inyong paalalahanan ang mga manggugulo, palakasin ang mga mahihinang-loob, alalayan ang mga mahihina, at maging mapagpahinuhod kayo sa lahat. Tingnan nga ninyo na huwag gumanti ang sinoman masama sa masama; nguni’t sundin ninyong lagi ang mabuti, ang isa’y sa iba, at sa lahat. Mangagalak kayong lagi; Magsipanalangin kayong walang patid; Sa lahat ng mga bagay ay magpasalamat kayo; sapagka’t ito ang kalooban ng Dios kay Cristo tungkol sa inyo. Huwag ninyong patayin ang ningas ng Espiritu; Huwag ninyong hamakin ang mga panghuhula; Subukin ninyo ang lahat ng mga bagay, ingatan ninyo ang mabuti; Layuan ninyo ang bawa’t anyo ng masama. At pakabanalin kayong lubos ng Dios din ng kapayapaan; at ang inyong espiritu at kaluluwa at katawan ay ingatang buo, na walang kapintasan sa pagparito ng ating Panginoong Jesucristo. 
  4. Mamamahagi ng tulong sa mga dukha. (Roma 15:24-27) Pagparoon ko sa Espana ay paririyan ako (sapagka’t inaasahan kong makikita ko kayo sa aking paglalakbay, at ako’y sasamahan ninyo patungo doon, pagkatapos na magkamit ng kaunting kasiyahan sa pakikisama sa inyo). Nguni’t ngayon, sinasabi ko, ako’y pasasa-Jerusalem, upang mamahagi sa mga banal. Sapagka’t minagaling ng Macedonia at ng Acaya na gumawa ng isang ambagang laan sa mga dukha sa mga banal na nasa Jerusalem. Oo, ito’y kalugodlugod sa kanila; at sila’y may utang na loob sa kanila. Sapagka’t kung ang mga Gentil ay naging mga kabahagi sa kanilang mga bagay na ayon sa Espiritu, nararapat naman nilang paglingkuran ang mga yaon sa mga bagay na ayon sa laman. 
  5. Kilalanin, igalang at mahalin ang mga nagpupuno. (1 Tesalonica 5:12-13) Datapuwa’t ipinamamanhik namin sa inyo, mga kapatid, na inyong kilalanin ang nangagpapagal sa inyo, at nangamumuno sa inyo sa Panginoon, at nangagpapaalaala sa inyo; At inyong lubos na pakamahalin sila sa pagibig, dahil sa kanilang gawa. Magkaroon kayo-kayo ng kapayapaan. Tungkulin nating idalangin ang mga tagapangaral upang magkaroon sila ng kagalakan sa panahong ginaganap nila ang kanilang mga tungkulin sa harap ng Dios at ng mga kapatid. (Colosas 4:3) Na tuloy idalangin din ninyo kami, na buksan sa amin ng Dios ang pinto sa salita, upang aming salitain ang hiwaga ni Cristo, na dahil din dito’y may mga tanikala ako.

Isama natin sa panalangin ang pagtatagumpay ng mga gawaing patuloy na inilulunsad ng ating mga tagapangaral upang patuloy na madagdagan ang bilang ng mga labing nagpupuri sa Dios. At higit sa lahat ay patuloy na maipalaganap ang mga salita ng Dios. (2 Tesalonica 3:1)   Katapustapusan, mga kapatid, ay inyong idalangin kami, upang ang salita ng Panginoon ay lumaganap at luwalhatiin nawa na gaya rin naman sa inyo. (Lukas 10:2) At sinabi niya sa kanila, Sa katotohana’y marami ang aanihin, datapuwa’t kakaunti ang mga manggagawa: kaya’t idalangin ninyo sa Panginoon ng aanihin, na magpadala siya ng mga manggagawa sa kaniyang aanihin. (Hebreo 13:18) Idalangin ninyo kami: sapagka’t kami’y naniniwalang lubos na kami ay may mabuting budhi, na nagnanasang mabuhay na marangal sa lahat ng mga bagay.

Ngunit ano ang mahigpit na dahilan at kailangan pang hingin ang tulong o pakikiramay ng mga kapatid sa iglesia?

Hindi upang pamukhaan ang mga kapatid, kundi maipakitang ang mga tagapangaral ay tigib ng sakripisyo sa pagdadala ng kanilang mga tungkulin. Ang sakripisyong taglay nila ay hindi matutularan sapagkat tunay na nagmamalasakit sa kanilang mga tungkulin at sa mga kapatid na kanilang nasasakupan.

Si Apostol Pablo ay nagpahayag tungkol sa kaniyang mga naging karanasan. Hindi kaunti ang kaniyang mga naging pagtitiis at sakripisyo dahil sa pagdadala ng kaniyang tungkulin. (2 Corinto 6:3-10) Na di nagbibigay ng kadahilanang ikatitisod sa anoman, upang ang aming ministerio ay huwag mapulaan; Datapuwa’t sa lahat ng mga bagay ay ipinagkakapuri namin ang aming sarili, gaya ng mga ministro ng Dios, sa maraming pagtitiis, sa mga kapighatian, sa mga pangangailangan, sa mga paghihinagpis, Sa mga latay, sa mga pagkabilanggo, sa mga kaguluhan, sa mga gawa, sa mga pagpupuyat, sa mga pagaayuno; Sa kalinisan, sa kaalaman, sa pagpapahinuhod, sa kagandahang-loob, sa Espiritu Santo, sa pagibig na hindi pakunwari, Sa salita ng katotohanan, sa kapangyarihan ng Dios; sa pamamagitan ng mga sandata ng katuwiran sa kanan at sa kaliwa, Sa pamamagitan ng karangalan at ng kasiraang puri, sa pamamagitan ng masamang ulat at ng mabuting ulat; gaya ng mga magdaraya gayon ma’y mga mapagtapat; Waring hindi mga kilala, gayon ma’y mga kilalang mabuti; tulad sa nangaghihingalo, at narito, kami ay nangabubuhay; gaya ng mga pinarurusahan, at hindi pinapatay; Tulad sa nangalulungkot, gayon ma’y laging nangagagalak; tulad sa mga dukha, gayon ma’y nangagpapayaman sa marami; gaya ng walang anomang pag-aari, gayon ma’y mayroon ng lahat ng mga bagay. (2 Corinto 11:26) Sa mga paglalakbay ay madalas, sa mga kapanganiban sa mga ilog, sa mga kapanganiban sa mga tulisan, sa mga kapanganiban sa aking mga kababayan, sa mga kapanganiban sa mga Gentil, sa mga kapanganiban sa bayan, sa mga kapanganiban sa mga ilang, sa mga kapanganiban sa dagat, sa mga kapanganiban sa gitna ng mga bulaang kapatid.

Alang-alang sa mga kapatid ang lahat ng mga tinitiis ng mga tagapangaral. Gagawin ang lahat ng mga tagapangaral upang tumibay ang kapatid, upang hindi sila magkulang sa kanilang mga tungkulin. Ang mga tagapangaral ay gaya ng mga magulang sa kanilang mga anak na sukdulang ibigay ang kanilang mga buhay alang-alang sa mga kapatid. (2 Corinto 12:17-19) Kayo baga’y aking dinaya sa pamamagitan ng sinoman sa mga sinugo sa inyo? Pinamanhikan ko si Tito, at sinugo kong kasama niya ang kapatid. Kayo baga’y dinaya ni Tito? Hindi baga kami ay nagsilakad sa isang Espiritu? hindi baga kami ay nagsisunod sa gayon ding mga hakbang? Iniisip ninyo na sa buong panahong ito’y kami ay nangagdadahilan sa inyo. Sa paningin ng Dios ay nangagsasalita kami sa pangalan ni Cristo. Datapuwa’t ang lahat ng mga bagay, mga minamahal, ay sa inyong mga ikatitibay.

Maging sa panig ng ambagan, upang matakpan ang pangangailangan ng ilang kapatid, naranasan ni Apostol Pablo na samsaman ang ibang mga lokal. Bahagi ito ng pangangasiwa na kailangang pairalin niya upang mapangasiwaan ang ibang mga mahihirap na lokal na nangangailangan ng tulong o ambag. (2 Corinto 11:5-8) Sapagka’t inaakala kong sa anoman ay hindi ako huli sa lubhang mga dakilang apostol. Datapuwa’t bagaman ako ay magaspang sa pananalita, gayon ma’y hindi ako sa kaalaman; hindi, kundi sa lahat ng paraan ay ipinahayag namin ito sa inyo. Ako nga baga’y nagkasala sa pagpapakababa ko sa aking sarili, upang kayo’y mangataas dahil sa ipinangaral ko sa inyo na walang bayad ang evangelio ng Dios? Aking sinamsaman ang ibang mga iglesia, sa pagtanggap ko ng upa sa kanila, upang ipangasiwa ko sa inyo.

Kaya maging ang ilang kapatiran na gaya ng mga kapatid sa Macedonia ay nagawang tumulong o mag-ambag nang higit sa kanilang kaya, sapagkat alam nila ang pangangailangan ng ilang mga kapatid. Sa pamamagitan nito ay nakakatulong sila upang maging magaan ang pangangasiwa ng kanilang mga tagapangaral. (2 Corinto 8:1-5) Bukod dito, mga kapatid, ay ipinatatalastas namin sa inyo ang biyaya ng Dios na ipinagkaloob sa mga iglesia ng Macedonia; Kung paanong sa maraming pagsubok sa kapighatian ang kasaganaan ng kanilang katuwaan at ang kanilang malabis na karukhaan ay sumagana sa kayamanan ng kanilang kagandahang-loob. Sapagka’t ayon sa kanilang kaya, ay nagpapatotoo ako at higit pa sa kanilang kaya, ay nagsiabuloy sila sa sariling kalooban, Na lubhang ipinamamanhik sa amin ang tungkol sa biyayang ito at sa pakikisama sa pangangasiwa ng mga abuloy sa mga banal: At ito, ay hindi ayon sa aming inaasahan, kundi ibinigay muna nila ang kanilang sarili sa Panginoon, at sa amin sa pamamagitan ng kalooban ng Dios.

Ang mga taga-Acaya naman ay naging inspirasyon sa maraming kapatid sa kanilang ipinakitang paghahanda tungkol sa amabagan. (2 Corinto 9:1-2) Sapagka’t tungkol sa pangangasiwa ng mga abuloy sa mga banal, ay kalabisan na sa akin ang isulat ko pa. Sapagka’t nakikilala ko ang inyong sikap, na aking ipinagmamapuri tungkol sa inyo sa mga taga Macedonia, na ang Acaya ay nahahandang isang taon na; at ang inyong pagsisikap ay nakapagudyok sa lubhang marami sa kanila.

Kung tutuusin ay karapatan ng mga tagapangaral na magkaroon ng bahagi sa mga ambagan. Ngunit hindi nila ginagamit ang karapatang ito. Natutunan nilang magtiis sapagkat alam nilang higit na nangangailangan ang iba at sa halip na gamitin nila ay magamit pa ito sa mga gawaing pang-ministeryo. (1 Corinto 9:11-14, 15-17) Kung sa iba’y hindi ako apostol, sa inyo man lamang ako’y gayon; sapagka’t ang tatak ng aking pagkaapostol ay kayo sa Panginoon. Kung ipinaghasik namin kayo ng mga bagay na ayon sa espiritu, malaking bagay baga na aming anihin ang inyong mga bagay na ayon sa laman? Kung ang iba ay mayroon sa inyong matuwid, hindi baga lalo pa kami? Gayon ma’y hindi namin ginamit ang matuwid na ito; kundi aming tinitiis ang lahat ng mga bagay, upang huwag kaming makahadlang sa evangelio ni Cristo. Hindi baga ninyo nalalaman na ang mga nagsisipangasiwa sa mga bagay na banal, ay nagsisikain ng mga bagay na ukol sa templo, at ang mga nagsisipaglingkod sa dambana ay mga kabahagi ng dambana? Gayon din naman ipinagutos ng Panginoon na ang mga nagsisipangaral ng evangelio ay dapat mangabuhay sa pamamagitan ng evangelio. Nguni’t ako’y hindi gumamit ng anoman sa mga bagay na ito: at hindi ko sinusulat ang mga bagay na ito upang gawin ang gayon sa akin; sapagka’t mabuti pa sa akin ang mamatay, kay sa pawalang kabuluhan ninoman ang aking karangalan. Sapagka’t kung ipinangangaral ko ang evangelio, ay wala akong sukat ipagmapuri; sapagka’t ang pangangailangan ay iniatang sa akin; sapagka’t sa aba ko kung hindi ko ipangaral ang evangelio. Sapagka’t kung ito’y gawin ko sa aking sariling kalooban, ay may ganting-pala ako: nguni’t kung hindi sa aking sariling kalooban, ay mayroon akong isang pamamahala na ipinagkatiwala sa akin

Tandaan nating hindi lamang kayo na aming mga kapatid ang kinakailangang mag-ambag o tumulong. Maging ang inyong mga tagapangaral ay nag-aambag nang higit pa sa aming makakaya upang maging halimbawa sa lahat at ito ay sa kapakinabangan ng mga kapatid.

Kung gawin natin ang mga bagay na ito, mabibigyan natin ng kapurihan ang Dios at natutupad natin ang ating mga pangunahing tungkulin sa Dios at sa isa’t isa sapat upang makamit natin ang magiging ganti ng Dios, samakatuwid ay ang manahin ang ipinangakong kaligtasan, ang makamit ang buhay na walang hanggan. (Filipos 2:12) Kaya nga, mga minamahal ko, kung paano ang inyong laging pagsunod, na hindi lamang sa harapan ko, kundi bagkus pa ngayong ako’y wala, ay lubusin ninyo ang gawain ng inyong sariling pagkaligtas na may takot at panginginig. (1 Pedro 1:9) Na inyong tinatanggap ang layunin ng inyong pananampalataya, ang pagkaligtas ng inyong mga kaluluwa.

About these ads