Tags

, , , , ,

From the Sermon “Ang mga Nakalulugod sa Panginoong Dios” (7th, 8th, 9th and 10th part) Dated December 20, 22, 27, 29, 2012

pleasing God

Maaaring marami ang nagtatanong kung bakit pinahihintulutan ng Dios na maranasan natin ang maraming mga pagtitiis sa buhay na ito. Bakit nga ba kailangan pa nating maranasan ang mga sari-saring tiisin at bagabag ng buhay gayong  maaari namang mabuhay nang sagana, maligaya at marangya kung tutuusin at kung loloobin ng Dios?

Hindi naunawaan ng marami na kalakip na ng pagiging lingkod ng Dios ang maranasan ang maraming kapighatian sa buhay na ito. Ipinahayag ng Biblia, “Sapagka’t sa ganitong bagay kayo’y tinawag: sapagka’t si Cristo man ay nagbata dahil sa inyo, na kayo’y iniwanan ng halimbawa, upang kayo’y mangagsisunod sa mga hakbang niya:” (1 Pedro 2:21)

Kaya sinabi ng Panginoong Hesus sa Kaniyang mga alagad noon, “Ang mga bagay na ito ay sinalita ko sa inyo, upang kayo’y magkaroon sa akin ng kapayapaan. Sa sanglibutan ay mayroon kayong kapighatian: nguni’t laksan ninyo ang loob; aking dinaig ang sanglibutan.” (Juan 16:33) Ang mga salitang ito’y hindi lamang nagpapahayag ng inspirasyon upang magkaroon tayo ng lakas at kapayapaan sa Dios, kundi nagpapatunay din naman na marami talaga tayong pagdadaanang pagtitiis. (Juan 14:27, 29) Ang kapayapaan ay iniiwan ko sa inyo; ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo: hindi gaya ng ibinibigay ng sanglibutan, ang ibinibigay ko sa inyo. Huwag magulumihanan ang inyong puso, ni matakot man. At ngayon ay sinabi ko sa inyo bago mangyari, upang, kung ito’y mangyari, ay magsisampalataya kayo.

Maging ang mga unang Kristiyano noon ay naniniwala na sa pamamagitan ng maraming mga kapighatian ay magiging karapatdapat tayo sa kaharian ng Dios. Ang dahilan sapagkat, nakalilikha tayo ng ibayong kabanalan sa panahon na nakararanas tayo ng mga pagtitiis. (Gawa 14:22) Na pinatitibay ang mga kaluluwa ng mga alagad, at inaaralan sila na magsipanatili sa pananampalataya, at sa pamamagitan ng maraming mga kapighatian ay kinakailangang magsipasok tayo sa kaharian ng Dios. (2 Tesalonica 1:4-5) Ano pa’t kami sa aming sarili ay nangagkakapuri sa inyo sa mga iglesia ng Dios dahil sa inyong pagtitiis at pananampalataya sa lahat ng mga paguusig sa inyo at sa mga kapighatiang inyong tinitiis; Na isang tandang hayag ng matuwid na paghukom ng Dios; upang kayo’y ariing karapatdapat sa kaharian ng Dios, na dahil dito’y nangagbabata rin naman kayo.

Ngunit hindi lahat ng kapighatian na nararanasan ng tao ay naaayon sa kalooban ng Dios. Mayroong kapighatiang bunga ng pagkakasala. Mayroon namang bunga ng katamaran sa paggawa at pagsisikap sa buhay na ito. Ang kapighatiang ayon sa kalooban ng Dios ay yaong dahil sa pagtataglay ng pananampalataya at dahil sa pagtalima sa Kaniyang mga kautusan at kalooban. (Marcos 10:29-30) Sinabi ni Jesus, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Walang taong nagiwan ng bahay, o mga kapatid na lalake, o mga kapatid na babae, o ina, o ama, o mga anak, o mga lupa, dahil sa akin, at dahil sa evangelio, Na hindi siya tatanggap ng tigisang daan ngayon sa panahong ito, ng mga bahay, at mga kapatid na lalake, at mga kapatid na babae, at mga ina, at mga anak, at mga lupa, kalakip ng mga paguusig; at sa sanglibutang darating ay ng walang hanggang buhay.

Kaya naman, malaking hamon sa atin na magtagumpay sa mga tiising ito na kailangan nating maranasan. Nakasalalay ang pagmamana ng kaharian ng Dios sa pagtatagumpay sa mga kapighatiang ito. (Roma 8:37) Hindi, kundi sa lahat ng mga bagay na ito tayo’y higit pa sa mga mapagtagumpay sa pamamagitan niyaong sa atin ay umibig.

Kung napagtatagumpayan natin ang maraming tiisin sa buhay na ito, ano ang idinudulot nito sa Dios?

Anumang pagbabata ang nararanasan natin, na tinatanggap nating may pagtitiis at nalalagpasan natin o napagwawagian, nagdudulot ito ng kapurihan sa Dios. Ibig sabihin, kalugodlugod sa Dios na makita Niyang ang bawat isa sa atin na nagbabata sa bawat tiisin, dahilan sa nagagawa nating manatili sa pananampalataya anuman ang tiisin na ating napagdadaanan. (1 Pedro 2:19-20) Sapagka’t ito’y kalugodlugod, kung dahil sa budhing ukol sa Dios ay magtiis ang sinoman ng mga kalumbayan, na magbata ng di matuwid. Sapagka’t anong kapurihan nga, kung kayo’y nangagkakasala, at kayo’y tinatampal ay inyong tanggapin na may pagtitiis? nguni’t kung kayo’y gumagawa ng mabuti, at kayo’y nagbabata, ay inyong tanggapin na may pagtitiis, ito’y kalugodlugod sa Dios.

Marami sa mga unang Kristiyano na dahil sa mga pagtiiis na kanilang binata ay nagdulot ng kaluguran sa Dios. Ilan sa kanila ay tiniis ang kalugihan upang tamuhin ang ikapagigindapat sa Dios sa pamamagitan ni Hesus. (Filipos 3:8) Oo nga, at lahat ng mga bagay ay inaari kong kalugihan dahil sa dakilang kagalingan ng pagkakilala kay Cristo Jesus na Panginoon ko: na alangalang sa kaniya’y tiniis ko ang kalugihan ng lahat ng mga bagay, at inari kong sukal lamang, upang tamuhin ko si Cristo.

At kung mapagtagumpayan hanggang sa kawakasan ang maraming tiisin, ano ang tinitiyak ng Biblia na ating makakamit?

Hindi mawawalan ng kabuluhan ang mga pagtitiis at pagbabata ng mga lingkod ng Dios. Kaluguran ng Dios na pagdaanan natin ang mga ito, hindi dahil sa ibig Niyang makita na tayo’y nahihirapan kundi upang huwag tayong mangunyapit nang lubos sa mga bagay ng sanlibutan, at huwag tayong manangan sa ating mga sarili lamang. Hangad ng Dios na magtagumpay tayo subalit ang ibig Niya ay umasa at manalig tayo sa Kaniya upang makamit natin ang tagumpay. (Awit 126:5-6) Sila na nagsisipaghasik na may luha ay magsisiani na may kagalakan. Siyang lumalabas at umiiyak, na nagdadala ng binhing itatanim; siya’y di sasalang babalik na may kagalakan, na dala ang kaniyang mga tangkas.

Kaya’t ano ang ating magagawa na lalong ikagagalak ng Dios?

Kung mayroon man tayong marapat na ipagkaloob at ihandog sa Dios ay walang iba kundi ang kaayaaya at nakalulugod na pagsamba at paglilingkod. Sa pamamagitan ng samasamang tinig ng pagpupuri, pagpapasalamat at pagpaparangal ay ating ipaabot sa Dios ang ating malabis na hangaring maipagkaloob ang ating wagas at natatanging pagpapasalamat sapagkat Siya ang sa ati’y umaalalay at nagbibigay ng lakas at pagasa upang mapagtagumpayan ang lahat ng mga tiisin natin sa buhay na ito. (Filipos 4:18) Datapuwa’t mayroon ako ng lahat ng bagay, at sumasagana: ako’y busog, palibhasa’y tumanggap kay Epafrodito ng mga bagay na galing sa inyo, na isang samyo ng masarap na amoy, isang handog na kaayaaya, na lubhang nakalulugod sa Dios. (Awit 107: 22) At mangaghandog sila ng mga hain na pasalamat, at ipahayag ang kaniyang mga gawa na may awitan.

Kalakip ng paghahandog ng kapurihan sa Dios sa pamamagitan ng pagsamba ay huwag nating kalimutan ang haing nagbibigay kapurihan at tunay na ikinalulugod Niya samakatuwid ay ang paggawa ng mabuti at pag-aabuloy. (Hebreo 13:16) Datapuwa’t ang paggawa ng mabuti at ang pagabuloy ay huwag ninyong kalimutan: sapagka’t sa mga gayong hain ang Dios ay totoong nalulugod. Sa pamamagitan ng abuloy ay patuloy na naipapangaral ang mga salita ng Panginoong Dios at siyang tumatakip sa lahat ng pangangailangan ng mga banal. (2 Corinto 9:12) Sapagka’t ang pangangasiwa sa paglilingkod na ito ay hindi lamang tumatakip sa pangangailangan ng mga banal, kundi naman umaapaw sa pamamagitan ng maraming pagpapasalamat sa Dios.

Bukod sa pag-aabuloy at pagaawitan, ano pa ang mahalagang hain na maaari nating ipagkaloob sa Dios?

Ang ating katawan, na mahalaga sa Dios ay maaari nating iharap sa Dios bilang isang haing tunay na nakalulugod sa Kaniya at siya naman nating katampatang pagsamba. (Roma 12:1) Kaya nga, mga kapatid, ipinamamanhik ko sa inyo, alangalang sa mga kahabagan ng Dios, na inyong iharap ang inyong mga katawan na isang haing buhay, banal, na kaayaaya sa Dios, na siya ninyong katampatang pagsamba. (Roma 6:13) At huwag din naman ninyong ihandog ang inyong mga sangkap sa kasalanan na pinaka kasangkapan ng kalikuan; kundi ihandog ninyo ang inyong sarili sa Dios, na tulad sa nangabuhay sa mga patay, at ang inyong mga sangkap na pinaka kasangkapan ng katuwiran sa Dios.

Mayroon lamang tayong dapat maunawaan sa pagharap sa Dios, na kung maaalala natin na ang kapatid ay mayroong anumang laban sa atin, tungkulin nating makipagkasundo muna sa kanila bago tayo humarap sa Dios upang tayo ay lubos na maging karapatdapat. (Mateo 5:23-24)

Paano ang matuwid na paraan ng pakikipagkasundo na itinuturo ng Biblia?

Mababasa sa Mateo 18:15-17, At kung magkasala laban sa iyo ang kapatid mo, pumaroon ka, at ipakilala mo sa kaniya ang kaniyang kasalanan na ikaw at siyang magisa: kung ikaw ay pakinggan niya, ay nagwagi ka sa iyong kapatid. Datapuwa’t kung hindi ka niya pakinggan, ay magsama ka pa ng isa o dalawa, upang sa bibig ng dalawang saksi o tatlo ay mapagtibay ang bawa’t salita. At kung ayaw niyang pakinggan sila, ay sabihin mo sa iglesia: at kung ayaw rin niyang pakinggan ang iglesia, ay ipalagay mo siyang tulad sa Gentil at maniningil ng buwis.

Bakit itinulad sa mga Gentil at maniningil ng buwis ang mga kapatid na ayaw sundin ang pakikipagkasundo na itinuturo ng Biblia? Ang dahilan sapagkat ang mga maniningil ng buwis ay umiibig lamang sa mga nagsisiibig sa kanila, at ang mga Gentil naman ay binabati lamang yaong katulad lamang nila na mga Gentil. (Mateo 5:46-47)

Mga Gentil ang tawag sa mga taong hindi kabilang sa lahi ng Israel. Sila’y mga hiwalay sa Dios, mga taga ibang lupa, walang tipan, walang pangako at walang Dios. Ngunit binigyan sila ng pagkakataon na magkaroon ng pagasa at kaligtasan. (Efeso 2:11-12) Kaya’t sinumang Gentil na nagbalik loob sa Dios ay inaasahang magagawa ang tamang kaparaanan ng pakikipagkasundo sa kapatid upang hindi matulad sa dating kalagayan na maka-sanlibutan.

Saan pa po nalulugod ang Panginoong Dios?

Ang Dios ay nalulugod sa Kaniyang mga lingkod. At ang Kaniyang mga lingkod ay nasa loob ng Kaniyang bayan. (Awit 149:4) Sapagka’t ang Panginoon ay nalulugod sa kaniyang bayan: At ang Kaniyang mga lingkod ay mga tupa sa Kaniyang pastulan. (Awit 100:3) Alamin ninyo na ang Panginoon ay siyang Dios; siya ang lumalang sa atin, at tayo’y kaniya: tayo’y kaniyang bayan, at mga tupa ng kaniyang pastulan. At ang mga tupa ay mga tao- (Ezekiel 34:31) At kayong mga tupa ko, na mga tupa sa aking pastulan ay mga tao, at ako’y inyong Dios, sabi ng Panginoong Dios.

Ang bayan ng Dios ay Kaniyang sariling pag-aari. Tungkulin nilang ipahayag ang karangalan ng Dios sa pamamagitan ng pagbibigay ng handog at pagsamba sa kagandahan ng Kaniyang kabanalan. Ikinalulugod ng Dios na makitang ang Kaniyang bayan ay namamalas sa Kanilang pagsamba at pagpapasalamat. (Awit 96:6-9) Karangalan at kamahalan ay nasa harap niya: kalakasan at kagandahan ay nasa kaniyang santuario. Magbigay kayo sa Panginoon, kayong mga angkan ng mga bayan, magbigay kayo sa Panginoon ng kaluwalhatian at kalakasan. Magbigay kayo sa Panginoon ng kaluwalhatiang ukol sa kaniyang pangalan; kayo’y mangagdala ng handog, at magsipasok kayo sa kaniyang mga looban. Oh sambahin ninyo ang Panginoon sa kagandahan ng kabanalan: manginig kayo sa harap niya, buong lupa. (1 Pedro 2:9) Datapuwa’t kayo’y isang lahing hirang, isang makaharing pagkasaserdote, bansang banal, bayang pag- aaring sarili ng Dios, upang inyong ipahayag ang mga karangalan niyaong tumawag sa inyo mula sa kadiliman, hanggang sa kaniyang kagilagilalas na kaliwanagan:

Ang Bayan ng Dios ay walang iba kundi ang Iglesia ng Dios, na binili Niya ng Kaniyang sariling dugo. Ang iglesia ay sama-samang mga mananampalataya na tinipon sa iisang kulungan o kawan upang magkaroon ng iisang Pastor (walang iba kundi ang Panginoong Hesus). (Gawa 20:28) Ingatan ninyo ang inyong sarili, at ang buong kawan, na sa kanila’y ginawa kayo ng Espiritu Santo na mga obispo, upang pakanin ninyo ang iglesia ng Panginoon na binili niya ng kaniyang sariling dugo. (Juan 11:52) At hindi dahil sa bansa lamang, kundi upang matipon din naman niya sa isa ang mga anak ng Dios na nagsisipangalat. (Juan 10:16) At mayroon akong ibang mga tupa, na hindi sa kulungang ito: sila’y kailangan din namang dalhin ko, at kanilang diringgin ang aking tinig; at sila’y magiging isang kawan, at magkakaroon ng isang pastor.

 

Ano ang pinakahahangad ng Dios na makita sa atin na nasa loob ng Kaniyang bayan na Kaniyang ikinalulugod?

Hangad ng Dios na makita sa atin ang ibayo at lubos na pagkakaisa sa pagibig, sa katotohanan at pananampalataya. Nasa loob tayo ng iisang katawan, samakatuwid ay ng Iglesia at bawat isa ay sangkap na kailangang nakalapat sa isa’t isa upang kung anuman ang layunin ng pangulo ng katawan, samakatuwid ay si Hesus, ay magkaroon tayo ng pakikipagkaisa sa Kaniya. Sa pamamagitan nito ay magkaroon tayo ng pakikipagkaisa sa Dios. (Juan 17:11) At wala na ako sa sanglibutan, at ang mga ito ay nasa sanglibutan, at ako’y paririyan sa iyo. Amang Banal, ingatan mo sila sa iyong pangalan yaong mga ibinigay mo sa akin, upang sila’y maging isa, na gaya naman natin.

Anumang pagkakabahabahagi ay hindi ipinahihintulot ng Dios na makita sa atin. Kung ito ay katawan, at ang mga sangkap ay nagkakaniya-kaniya, ano ang magiging kalagayan nito? Makakakilos kaya ito ng normal? Makagagagawa kaya ito ng kaniyang layunin? Ang sagot ay hindi, sapagkat malibang tayo ay magkaisa, saka pa lamang natin magagawa ang layunin ng Dios. (1 Corinto 1:10) Ngayo’y ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid, sa pamamagitan ng pangalan ng ating Panginoong Jesucristo, na kayong lahat ay mangagsalita ng isa lamang bagay, at huwag mangagkaroon sa inyo ng mga pagkakabahabahagi; kundi kayo’y mangalubos sa isa lamang pagiisip at isa lamang paghatol.

Ano ang dapat nating gawin upang manatili tayong nakikipagkaisa sa bayan na Kaniyang kinalulugdan?

Itinulad ang mga lingkod sa isang bagong limpak na walang taglay na lebadura. Alisin natin ang lumang lebadura upang maging mga bagong limpak tayo. (1 Corinto 5:7)  Gaya nang tinapay, ang kaunting lebadura ay nagpapakumbo o nagpapaalsa sa limpak ng tinapay. Ang tinutukoy dito ay ang lebadura ng mga Eskriba at mga Fariseo, samakatuwid ay ang pagmamaganda o pagpapaganda ng panlabas na anyo sa paningin ng kapuwa tao, subalit hindi inaayos o pinapaganda ang panloob na lalong mahalaga sa paningin ng Dios. (Galacia 5:8) Ang paghikayat na ito ay hindi nagmula doon sa tumawag sa inyo. 9 Ang kaunting lebadura ay nagpapakumbo sa buong limpak. (1 Corinto 5:6) Hindi mabuti ang inyong pagmamapuri. Hindi baga ninyo nalalaman na ang kaunting lebadura ay nagpapakumbo sa buong limpak? (Marcos 8:15) At ipinagbilin niya sa kanila, na nagsabi, Tingnan ninyo, mangagingat kayo sa lebadura ng mga Fariseo at sa lebadura ni Herodes. (Mateo 23:27) Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! sapagka’t tulad kayo sa mga libingang pinaputi, na may anyong maganda sa labas, datapuwa’t sa loob ay puno ng mga buto ng mga patay na tao, at ng lahat na karumaldumal.

Kung mayroon man tayong dapat na taglayin ay ang wagas at tunay na pagkakaisa, hindi paimbabaw, hindi pakitang tao lamang kundi sa pamamagitan ng lebadura ng pagtatapat at katotohanan. (1 Corinto 5:8) Kaya nga ipangilin natin ang pista, hindi sa lumang lebadura, ni sa lebadura man ng masamang akala at ng kasamaan, kundi sa tinapay na walang lebadura ng pagtatapat at ng katotohanan.

At upang magawa natin ito, kailangan natin ang pagsisiyasat sa sarili (self-examination), sapagkat kung hindi natin ito gagawin, mawawalan ng kabuluhan ang pakikipagkaisa natin sa mga kapatid at sa Panginoong Dios. (1 Corinto 11:28-31) Datapuwa’t siyasatin ng tao ang kaniyang sarili, at saka kumain ng tinapay, at uminom sa saro.  Sapagka’t ang kumakain at umiinom, ay kumakain at umiinom ng hatol sa kaniyang sarili, kung hindi niya kinikilala ang katawan ng Panginoon. Dahil dito’y marami sa inyo ang mahihina at mga masasaktin, at hindi kakaunti ang nangatutulog. Datapuwa’t kung ating kilalanin ang ating sarili, ay hindi tayo hahatulan.

Pakantandaan nating, anumang pagkakabahagi na masumpungan sa atin ay magiging daan upang tayo ay hind imaging karapatdapat sa ikalulugod ng Dios. (1 Corinto 11:17- 20) Datapuwa’t sa pagtatagubilin sa inyo nito, ay hindi ko kayo pinupuri, sapagka’t kayo’y nangagkakatipon hindi sa lalong mabuti kundi sa lalong masama. Sapagka’t unauna’y nababalitaan ko na kung nangagkakatipon kayo sa iglesia, ay mayroon sa inyong mga pagkakabahabahagi; at may kaunting paniniwala ako. Sapagka’t tunay na sa inyo’y mayroong mga hidwang pananampalataya, upang yaong mga napatunayan na ay mangahayag sa inyo. Kung kayo nga ay nangagkakatipon, ay hindi kayo maaaring magsikain ng hapunan ng Panginoon; Sapagka’t sa inyong pagkain, ang bawa’t isa’y kumukuha ng kanikaniyang sariling hapunan na nagpapauna sa iba; at ang isa ay gutom, at ang iba’y lasing.

Sa ibabaw ng lahat ng mga ito, katapustapusan mga kapatid, gawin natin ang lahat ng bagay sa pagibig (1 Corinto 16:14), at sa tuwina ay masumpungan tayong laging nagpapahayag ng pagpupuri at pagdakila sa Dios sa pamamagitan ng ating pagpapasalamat. (Awit 29:2) Ibigay ninyo sa Panginoon ang kaluwalhatiang marapat sa kaniyang pangalan: inyong sambahin ang Panginoon sa kagandahan ng kabanalan.

About these ads