Tags

, , ,

(From the Sermon: “Ang mga Nakalulugod sa Panginoong Dios (Una at Ikalawang bahagi) dated November 29, 2012 and December 02, 2012)

preaching-a-sermon

Bilang mga lingkod ng Dios, nalalaman nating nabibigyan natin Siya ng kaluguran kung ginagawa natin ang mga bagay na ayon sa Kaniyang mga kalooban. Taliwas dito, anumang hindi ayon sa Kaniyang kalooban ay hindi nakalulugod sa Kaniya.

Ano nga ba ang halaga na mabigyan natin Siya ng kaluguran? Bakit kailangan nating pakahangarin na bigyang kaluguran ang Dios? Paano ba nabibigyan ng kaluguran ang Dios?

Sa maraming tala ng Biblia, maraming mga lingkod ng Dios ang nakapagbigay ng kaluguran sapagkat ginawa nila ang mga ipinagutos sa kanila ng Dios. Ilan sa mga halimbawa ay ang mga sumusunod:

  • Si Enoc, nang maging kalugodlugod sa Dios ay hindi pinahintulutang makakita ng kamatayan. (Hebreo 11:5) Sa pananampalataya si Enoc ay inilipat upang huwag niyang makita ang kamatayan; at hindi siya nasumpungan, sapagka’t siya’y inilipat ng Dios: sapagka’t bago siya inilipat ay pinatotohanan sa kaniyang siya’y naging kalugodlugod sa Dios:
  • Ang pagtalima ni Abraham ay naging daan upang maging kalugodlugod siya sa Dios. (Hebreo 11:8) Sa pananampalataya si Abraham, nang tawagin, ay tumalima upang pumaroon sa isang dakong kaniyang tatanggaping mana; at siya’y yumaon na di nalalaman kung saan siya paroroon.
  • Si Noe ay naging tagapagmana ng katuwiran bunga ng kaniyang pagtalima sa utos ng Dios. (Hebreo 11:7) Sa pananampalataya si Noe, nang paunawaan ng Dios tungkol sa mga bagay na hindi pa nakikita, dala ng banal na takot, ay naghanda ng isang daong sa ikaliligtas ng kaniyang sangbahayan; na sa pamamagitan nito ay hinatulan niya ang sanglibutan, at naging tagapagmana ng katuwiran na ayon sa pananampalataya.
  • Si Sara na asawa ni Abraham ay tumanggap ng lakas palibhasa’y inari niyang tapat ang nangako. (Hebreo 11:11) Sa pananampalataya si Sara rin ay tumanggap ng lakas upang ipaglihi ang binhi, nang lipas na ang kaniyang gulang, palibhasa’y inari niyang tapat ang nangako:
  • Si David ay naging hari sapagkat nakalugod sa Dios bunga ng pagganap ng Kaniyang mga kalooban. (Gawa 13:22) At nang siya’y alisin niya, ay ibinangon niya si David upang maging hari nila; na siya rin namang pinatotohanan niya at sinabi, Nasumpungan ko si David na anak ni Jesse na isang lalaking kinalulugdan ng aking puso, na gagawa ng buong kalooban ko.
  • Ang mga unang Kristiyano ay nagsikap na maging kalugodlugod sa Dios. (2 Corinto 5:9) Kaya’t ang amin namang pinagsisikapan, maging sa tahanan man o di man, ay maging kalugodlugod kami sa kaniya.

 

Sa katotohanan, kung mayroon mang lubos na ikinalulugod ang Dios ay walang iba kundi ang paggawa o paglakad natin ng katotohanan. Nakasaad sa Biblia na “ang nagsisigawang may katotohanan ay kaniyang kaluguran.” (Kawikaan 12:22)

Ang katotohanan o mga salita ng Dios ang tinutukoy dito na dapat nating lakaran. Ang paglilingkod sa Dios ay dapat nakabatay sa paglakad sa mga ito. Ang mga salita ng Dios na pawang mga katotohanang ang siya ding babanal sa ating mga pagkatao. (Juan 17:17) Pakabanalin mo sila sa katotohanan: ang salita mo’y katotohanan. (Awit 31:5) Sa iyong kamay ay inihabilin ko ang aking diwa; iyong tinubos ako, Oh Panginoon, ikaw na Dios ng katotohanan.

Ang katotohanang mula sa Dios ay ikaliligtas. Ito din ang magtutuwid sa bawat kamaliang ating nagagawa. (2 Timoteo 3:15-17) At mula sa pagkasanggol ay iyong nalalaman ang mga banal na kasulatan na makapagpadunong sa iyo sa ikaliligtas sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus. Ang lahat ng mga kasulatan na kinasihan ng Dios ay mapapakinabangan din naman sa pagtuturo, sa pagsansala, sa pagsaway, sa ikatututo na nasa katuwiran: Upang ang tao ng Dios ay maging sakdal, tinuruang lubos sa lahat ng mga gawang mabuti.

Ang aralin na ito ay upang bigyang paalala ang bawat isa na naghahangad na maging kalugod-lugod sa Dios. Sapagkat marami ang tumalikod sa Dios noong araw at kanilang nalimutan ang mga dakila at kagilagilalas na mga gawa Niya sa kanilang buhay. Naging masuwayin sila sa Dios at sa Kaniyang mga katuwiran. (Awit 78:7-8) Upang kanilang mailagak ang kanilang pagasa sa Dios, at huwag kalimutan ang mga gawa ng Dios, Kundi ingatan ang kaniyang mga utos: At huwag maging gaya ng kanilang mga magulang, may matigas na ulo at mapanghimagsik na lahi; isang lahing di naglagay sa matuwid ng kanilang puso, at ang kanilang diwa ay hindi tapat sa Dios.

Ngunit sa mga handang tumalima sa mga katotohanan, makaaasang ang Dios ay mabibigyan ng kaluguran sapagkat sinumang tumatalima sa Kaniyang mga katuwiran at kalooban ay magkakaroon nang lubos na unawa at takot. (Awit 111:10) Ang pagkatakot sa Panginoon ay pasimula ng karunungan; may mabuting pagkaunawa ang lahat na nagsisisunod ng kaniyang mga utos. Ang kaniyang kapurihan ay nananatili magpakailan man. Kaya mabuting kapalaran ang naghihintay sa sinumang gumaganap ng mga katotohanang ito. (Awit 112:1) Purihin ninyo ang Panginoon. Mapalad ang tao na natatakot sa Panginoon, na naliligayang mainam sa kaniyang mga utos. (Kawikaan 6:22-23) Pagka ikaw ay lumalakad, papatnubay sa iyo; pagka ikaw ay natutulog, babantay sa iyo; at pagka ikaw ay gumigising, makikipagusap sa iyo. Sapagka’t ang utos ay tanglaw; at ang kautusan ay liwanag; at ang mga saway na turo ay daan ng buhay:

 

Ano pa ang isa sa magagawa ng isang lingkod na ikinalulugod ng Dios?

Isa sa hinahanap ng Dios sa atin ay ang pagbibigay ng papuri sa Kaniya. (Awit 147:1) Purihin ninyo ang Panginoon; sapagka’t mabuting umawit ng mga pagpuri sa ating Dios; sapagka’t maligaya, at ang pagpuri ay nakalulugod. 

Ang aklat ng mga Awit ay naglalaman ng pagbibigay kapurihan sa Dios, at nagbibigay sa atin ng maraming kadahilanan kung bakit mahalaga ang pagpupuri sa Kaniya.

Kung iisa-isahin natin ang mga dahilan kung bakit kailangan nating purihin ang Dios, matatagpuan natin ang maraming katangian Niya na sapat upang Siya ay bigyang papuri. Siya ay Dios na puno ng kaluwalhatian (Awit 138:5), Siya ay dakila (Awit 145:3), pantas at makapangyarihan sa lahat (Daniel 2:20), Mabuting Dios (Awit 107:8), Mahabagin at tapat (Awit 89:1) at marami pang iba.

Ang mga tala ng mga katangian Niyang ito ay pinatutunayan ng Kaniyang mga kagilagilalas na mga gawa. Siya lamang ang Dios na makapagliligtas (Awit 18:46), na Tumutupad ng Kaniyang mga kapangakuan (1 Hari 8:56), nagpapatawad sa ating mga kasalanan (Awit 103:1-3), at Siya ding nagkakaloob ng ating mga pangangailangan sa araw-araw (Awit 136: 25).

Ano ang nagawa ni David na lalong nagbigay ng kapurihan sa Dios ?

Ang kalakhan ng kaniyang pagtitiwala at pananampalataya sa Dios ang lalong nagbigay ng kapurihan sa Dios. Paslit pa lamang si David ay kinakitaan na siya ng kakaibang pananampalataya sa Dios na hindi nasumpungan sa mga ibang kabataan  na gaya niya. Nang hamunin ng mga Filisteo ang hukbo ng Israel, walang nagawa ang hukbo ng Israel sapagkat ang kanilang pambato ay malaki at kinatatakutan (Goliath).

rubens_david_goliath

Subalit si David ay hindi natakot o naduwag man lamang. (1 Samuel 17:26) At nagsalita si David sa mga lalaking nakatayo sa siping niya, na nagsasabi, Ano ang gagawin sa lalaking makapatay sa Filisteong ito, at mag- alis sa Israel ng kadustaang ito? sapagka’t sinong Filisteong ito na hindi tuli na siya’y humahamon sa mga hukbo ng buhay na Dios?

Maging sa harap ni Haring Saul ay hindi nagbago ang paninidigan at kalakhan ng Kaniyang pananampalataya at pagtitiwala sa Dios. (1 Samuel 17: 31-37) At nang marinig ang mga salita na sinalita ni David, ay sinaysay nila sa harap ni Saul; at siya’y ipinasundo niya. At sinabi ni David kay Saul, Huwag manglupaypay ang puso ng sinoman dahil sa kaniya; ang iyong lingkod ay yayaon at makikipaglaban sa Filisteong ito. At sinabi ni Saul kay David: Hindi ka makaparoroon laban sa Filisteong ito upang makipaglaban sa kaniya: sapagka’t ikaw ay isang bata, at siya’y isang lalaking mangdidigma mula sa kaniyang pagkabata. At sinabi ni David kay Saul, Ang iyong lingkod ay nagaalaga ng mga tupa ng kaniyang ama; at pagka pumaroon ang isang leon, o isang oso, at kinukuha ang isang kordero sa kawan, Ay lumalabas akong hinahabol ko siya, at aking sinasaktan, at aking inililigtas sa kaniyang bibig: at pagka dinadaluhong ako ay aking pinapangahan, at aking sinasaktan, at aking pinapatay. Pinapatay ng iyong lingkod ang leon at gayon din ang oso: at ang Filisteong ito na hindi tuli ay magiging isa sa kanila, yamang kaniyang hinahamon ang mga hukbo ng Dios na buhay. At sinabi ni David, Ang Panginoon na nagligtas sa akin sa mga pangamot ng leon, at sa pangamot ng oso, ay siyang magliligtas sa akin sa kamay ng Filisteong ito. At sinabi ni Saul kay David, Yumaon ka, at ang Panginoon ay sasa iyo.

Kaya’t nang magharap si David at Goliath, ipinakita nito ang laki ng Kaniyang pananampalataya sa Dios. (1 Samuel 17: 41-47) At nagpatuloy ang Filisteo at lumapit kay David; at ang lalake na may dala ng kalasag ay nangunguna sa kaniya. At nang tumingin ang Filisteo, at makita si David, ay kaniyang niwalan ng kabuluhan siya; sapagka’t siya’y bata pa, at mapula ang pisngi, at may magandang bikas. At sinabi ng Filisteo kay David, Ako ba ay aso, na ikaw ay paririto sa akin na may mga tungkod? At nilait ng Filisteo si David sa pamamagitan ng kaniyang mga dios. At sinabi ng Filisteo kay David, Halika, at aking ibibigay ang iyong laman sa mga ibon sa himpapawid at sa mga hayop sa parang. Nang magkagayo’y sinabi ni David sa Filisteo, Ikaw ay naparirito sa akin na may tabak, at may malaking sibat at may kalasag; nguni’t ako’y naparirito laban sa iyo sa pangalan ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng mga kawal ng Israel na iyong hinahamon.  Sa araw na ito ay ibibigay ka ng Panginoon sa aking kamay; at sasaktan kita, at pupugutin ko ang ulo mo; at ibibigay ko ang mga bangkay sa hukbo ng mga Filisteo sa mga ibon sa himpapawid sa araw na ito, at sa mababangis na hayop sa lupa; upang maalaman ng buong lupa na may Dios sa Israel: At upang maalaman ng buong kapisanang ito na hindi nagliligtas ang Panginoon sa pamamagitan ng tabak o ng sibat: sapagka’t ang pagbabakang ito ay sa Panginoon, at ibibigay niya kayo sa aming kamay.

Nalalaman ni David, na sinumang nagtitiwala sa Dios ay kaylanman hindi Niya pababayaan. (Awit 37: 24 –26) Bagaman siya’y mabuwal, hindi siya lubos na mapapahiga: Sapagka’t inaalalayan siya ng Panginoon ng kaniyang kamay. Ako’y naging bata, at ngayo’y matanda; gayon ma’y hindi ko nakita ang matuwid na pinabayaan, ni ang kaniyang lahi man ay nagpapalimos ng tinapay. Lahat ng araw ay nahahabag, at nagpapahiram; at ang kaniyang lahi ay pinagpapala.

 

Ano ang dapat nating maunawaan sa bahaging ito ng ating aralin?

Sinumang natatakot at nagtitiwala sa Dios ay mapalad sapagkat masusumpungan nila ang Kaniyang lingap, patnubay at pagliligtas. (Awit 34:8-9) Oh inyong tikman at tingnan ninyo na ang Panginoon ay mabuti: mapalad ang tao na nanganganlong sa kaniya. Oh mangatakot kayo sa Panginoon, kayong mga banal niya: sapagka’t walang kakulangan sa kanila na nangatatakot sa kaniya. (Awit 40:4) Mapalad ang tao na ginagawang kaniyang tiwala ang Panginoon, at hindi iginagalang ang palalo, ni ang mga naliligaw man sa pagsunod sa mga kabulaanan.

Sa sanlibutang ito’y maaaring maraming mga pangyayaring sukat nating ikatakot bilang mga tao. Kabilang dito ang pagdating ng sari-saring mabibigat na karamdaman at mga pagsubok ng buhay. Maaaring iba ang Goliath natin sa ating buhay. Maaaring ito ay mga problema, bagabag at mga pagsubok na nagiging dahilan kung pagkaminsan ng ating kawalan ng pagtitiwala. Ngunit kailangan natin ang pananampalatayang tinaglay ni David upang magtagumpay tayo sa mga Goliath ng ating buhay.

Ang Dios ang ating tiwala at pagasa. Wala tayong anumang bagay na dapat katakutan sapagkat nalalaman nating mayroong Dios na handang sumaklolo sa atin. (Kawikaan 3: 3-5) Huwag kang pabayaan ng kaawaan at katotohanan: itali mo sa palibot ng iyong leeg; ikintal mo sa iyong puso: Sa gayo’y makakasumpong ka ng lingap at mabuting kaunawaan, sa paningin ng Dios at ng tao. Tumiwala ka sa Panginoon ng buong puso mo, at huwag kang manalig sa iyong sariling kaunawaan: (Kawikaan 3:25-26) Huwag kang matakot ng biglang pagkatakot, ni sa pagkabuwal man ng masama, pagka dumarating: Sapagka’t ang Panginoon ay magiging iyong pagtitiwala, at iingatan ang iyong paa sa pagkahuli.

Bukod pa sa rito, ano pa ang maaaring magawa ng mga lingkod upang ikalugod ng Dios? Sa susunod.

About these ads