Tags

, , ,

From the Sermons: “Ang Katuwiran Kung Bakit Hindi Dapat Ikait ang Mabuti sa Kinauukulan” (November 22, 2012) and “Ang Pagkakaloob ng Pitagan sa Tipan” (November 25, 2012)

 

Mahalaga sa paningin ng Dios na makita tayo sa paggawa ng mabuti. Sinabi ng Biblia, kapag nasa atin ang kakayahan at pagkakataon na gumawa ng mabuti, huwag nating pigilan ang ating mga sarili. (Kawikaan 3:27) Huwag mong ikait ang mabuti sa kinauukulan, pagka nasa kapangyarihan ng iyong kamay na ito’y gawin.

Sa anong dahilan? Bakit hindi natin dapat ipagkait ang mabuti sa kinauukulan?

Simple at payak ang pahayag ng Biblia kung bakit hindi natin dapat ipagkait sa ating mga sarili ang paggawa ng mabuti. Ang dahilan, sapagkat nilikha tayo ng Dios upang gumawa nito. Ito ang layunin kung bakit tayo narito sa sanlibutang ito. Ito ang pagkakadisenyo Niya sa atin. Ito ang katalagahan sa ating mga tao, samakatuwid baga’y ang paggawa ng mabuti. (Efeso 2:10) Sapagka’t tayo’y kaniyang gawa, na nilalang kay Cristo Jesus para sa mabubuting gawa, na mga inihanda ng Dios nang una upang siya nating lakaran.

Ang mabuting tinutukoy dito ay ang mga kautusan ng Dios. (Roma 7:12) Kaya nga ang kautusan ay banal, at ang utos ay banal, at matuwid, at mabuti. Hindi ang mabuti na nalalaman natin at kung ano lamang ang naiisip natin ang dapat nating gawin kundi ang pagganap ng mga kautusan ng Dios.

At upang hindi mahirapan ang tao, ipinagkaloob sa atin ang mga Banal na Kasulatan upang gumabay at magsilbing liwanag sa ating mga landas na lalakaran upang makalakad tayo nang naaayon sa Kaniyang mga kalooban. Ang kaniyang mga salita ang magtuturo sa atin kung ano ang ating tutuparin, kung paano natin tutuparin at kung gaano kahalaga ang pagtupad sa mga ito. (2 Timoteo 3:15-17) At mula sa pagkasanggol ay iyong nalalaman ang mga banal na kasulatan na makapagpadunong sa iyo sa ikaliligtas sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus. Ang lahat ng mga kasulatan na kinasihan ng Dios ay mapapakinabangan din naman sa pagtuturo, sa pagsansala, sa pagsaway, sa ikatututo na nasa katuwiran: Upang ang tao ng Dios ay maging sakdal, tinuruang lubos sa lahat ng mga gawang mabuti.

Bagaman binigyan tayo ng kalayaang gawin ang anumang bagay na naisin natin, ibig ng Dios na piliin natin ang paglakad sa Kaniyang mga daan at palatuntunan. (Deuteronomio 30:19) Aking tinatawag ang langit at ang lupa na pinakasaksi laban sa inyo sa araw na ito, na aking ilagay sa harap mo ang buhay at ang kamatayan, ang pagpapala at ang sumpa; kaya’t piliin mo ang buhay, upang ikaw ay mabuhay.

Ano ang ilan sa mabuting bagay na hindi natin dapat ipagkait sa kinauukulan nito?

Isa sa mabuting bagay na dapat nating pagsikapang gawin ay ang pangangaral ng mga salita ng Dios. Ang pakikibahagi sa Gawaing Ministeryal ay mabuti at nakalulugod sa Dios at ang pagganap nito ay bahagi ng ating mga pangunahing tungkulin bilang mga lingkod ng Dios. (1 Timoteo 2:3-4) Ito’y mabuti at nakalulugod sa paningin ng Dios na ating Tagapagligtas; Na siyang may ibig na ang lahat ng mga tao’y mangaligtas, at mangakaalam ng katotohanan.

Ang pakikibahagi sa pangangaral ay pakikiisa gaya ng ginawa ng mga unang Kristiyano sa panahon ni Apostol Pablo. (Filipos 1:5-7) Dahil sa inyong pakikisama sa pagpapalaganap ng evangelio, mula nang unang araw hanggang ngayon; Na ako’y may lubos na pagkakatiwala sa bagay na ito, na ang nagpasimula sa inyo ng mabuting gawa, ay lulubusin hanggang sa araw ni Jesucristo: Gaya ng matuwid na aking isiping gayon tungkol sa inyong lahat, sapagka’t kayo’y nasa aking puso, palibhasa’y, sa aking mga tanikala at pagsasanggalang at sa pagpapatunay naman sa evangelio, kayong lahat na kasama ko ay may bahagi sa biyaya. (Filipos 4:3) Oo, ipinamamanhik ko rin naman sa iyo, tapat na kasama sa pagtulong, na iyong tulungan ang mga babaing ito, sapagka’t sila’y nangagpagal na kasama ko sa evangelio, at kasama rin naman ni Clemente, at ng ibang aking mga kamanggagawa, na ang kanilang pangalan ay nangasa aklat ng buhay.

Hindi man direktang nakakasama sa pangangaral bunga ng kakapusan o kawalan ng pagkakataon, bawat isa ay maaaring umambag sa gastusin ng pangangaral at pangangasiwa na isa pang mabuti at nakalulugod na bagay sa paningin ng Dios. (Hebreo 13:16) Datapuwa’t ang paggawa ng mabuti at ang pagabuloy ay huwag ninyong kalimutan: sapagka’t sa mga gayong hain ang Dios ay totoong nalulugod.

Sa ibabaw ng lahat ng mga ito, inaasahan tayong laging nahahanda sa paggawa ng mabuti at pagtulong sa mga nangangailangan. (2 Timoteo 2:20-21) Datapuwa’t sa isang malaking bahay ay hindi lamang may mga sisidlang ginto at pilak, kundi mayroon din namang kahoy at lupa; at ang iba’y sa ikapupuri, at ang iba’y sa ikasisirang- puri. Kung ang sinoman nga ay malinis sa alin man sa mga ito, ay magiging sisidlang ikapupuri, pinakabanal, marapat gamitin ng mayari, nahahanda sa lahat ng gawang mabuti.

 

Ano ang ginawa ng Dios upang lalo nating bigyang halaga ang pagganap ng mga banal na gampaning ito? 

Upang lalong bigyang halaga nating mga tao ang paggawa ng mabuti, nakipagtipan ang Dios sa Kaniyang mga nilikha. Ang salitang “tipan” ay nangangahulugan ng kasunduan o kontrata sa pagitan ng Dios at ng mga tao, na ang layunin ay   lalong mapalapit ang pakikipagugnayan ng tao sa Dios sa pamamagitan ng lubos na pagtalima sa Kaniyang mga kalooban. Covenant – is a contract between God and man, of continued life and favour on condition of obedience.

Sa aklat ng Genesis 17:1-8, mababasa natin ang pakikipagtipan na ginawa ng Dios kay Abraham. Siyam na pu’t siyam na taon si Abraham nang makipagtipan sa Kaniya ang Panginoon sa kondisyong siya ay kailangang lumakad na sakdal sa harapan ng Dios. At kung gagawin niya ito, nangako ang Dios na siya ay pararamihing mainam, at siya ay magiging ama ng maraming bansa. Kalakip din ng tipang ito ay ang kapangakuang ibibigay sa kaniyang mga anak ang lupain ng Canaan at ang Dios ay sasakanila at magiging kanilang Dios.

Ang pakikipagtipan ay kasunduan sa pagitan ng Dios at ng mga tao. Sa panig ng Dios, handa Niyang ipagkaloob ang Kaniyang kapangakuan kung tatalimahin ng mga tao ang kasunduan o tipan. Subalit nagbigay ng babala ang Dios, na kung hindi gaganapin ng mga tao ang kanilang kasunduan o tipan ay may nakalaang kaparusahan sa kanila. Nang makipagtipan ang bayang Israel sa Dios, hindi nila nagawang makapanatili sa kanilang pakikipagtipan sa Kaniya. Kalaunan ay pumihit sila sa ibang mga dios, na naging dahilan upang magalit at isumpa sila ng ating Panginoong Dios. Ito ay matutunghayan sa Deuteronomio 31:16-18. At sinabi ng Panginoon kay Moises, Narito, ikaw ay matutulog na kasama ng iyong mga magulang; at ang bayang ito’y babangon, at sasamba sa kakaibang mga dios sa lupain, na kanilang pinaroroonan upang sumagitna nila, at ako’y pababayaan, at sisirain ang aking tipan na aking ipinakipagtipan sa kanila. Kung magkagayo’y ang aking galit ay magaalab laban sa kanila sa araw na yaon, at aking pababayaan sila, at aking ikukubli ang aking mukha sa kanila, at sila’y sasakmalin, at maraming kasamaan at kabagabagan ang darating sa kanila; na anopa’t kanilang sasabihin sa araw na yaon, Hindi ba ang mga kasamaang ito ay dumating sa atin dahil sa ang ating Dios ay wala sa gitna natin? At ikukubli ko nga ang aking mukha sa araw na yaon dahil sa buong kasamaang kanilang ginawa, sa paraang sila’y pumihit sa ibang mga dios.

Magkaiba ang pakikipagtipan noon ng Dios at sa panahon ng mga Kristiyano. Kaya nga mayroong tinatawag na Lumang Tipan at Bagong Tipan. Ang Lumang Tipan ay palatuntunang ukol sa laman. (Hebreo 9:8-10) Na ipinakikilala ng Espiritu Santo, na hindi pa naihahayag ang pagpasok sa dakong banal samantalang natatayo pa ang unang tabernakulo; Na yao’y isang talinghaga ng panahong kasalukuyan; ayon dito ay inihahandog ang mga kaloob at ang mga hain, tungkol sa budhi, na hindi magpapasakdal sa sumasamba, Palibhasa’y palatuntunan lamang na ukol sa laman, na iniatang hanggang sa panahon ng pagbabago (gaya ng mga pagkain, at mga inumin at sarisaring paglilinis).

Ang Bagong Tipan ay lalong magaling na Tipan sapagkat ang pangako ay hindi sa laman kundi ang lalong mabuting pangako, samakatuwid ay ang buhay na walang hanggan. (Hebreo 8:6) Datapuwa’t ngayo’y kinamtan niya ang ministeriong lalong marangal, palibhasa’y siya nama’y tagapamagitan sa isang tipang lalong magaling, na inilagda sa lalong mabubuting pangako. (Hebreo 11:14-16) Sapagka’t ang mga nagsisipagsabi ng mga gayong bagay ay nagpapakilalang hinahanap nila ang lupaing kanilang sarili. At katotohanang kung kanilang naalaala yaong lupaing kanilang pinanggalingan, ay nagkaroon sana sila ng mabuting pagkakataon upang bumalik. Nguni’t ngayon ay nagnanasa sila ng lalong magaling na lupain, sa makatuwid baga’y ang sa langit: kaya hindi sila ikinahihiya ng Dios na tawaging Dios nila; sapagka’t kaniyang ipinaghanda sila ng isang bayan.

 

Ano ang mahigpit na tagubilin ng Dios sa Kaniyang mga lingkod pagdating sa pakikipagtipan sa Kaniya?

Ang pakikipagtipan sa Dios ay sagrado at banal na Gawain. Itinatali natin ang ating mga kaluluwa sa pamamagitan ng pakikipagkasundo sa Kaniya. Kaya naman, marapat lamang na igalang o irespeto natin ito sa pamamagitan ng pagsunod. (Awit 74:20 – Magkaroong pitagan ka sa tipan) (Deuteronomio 29:9) Ganapin nga ninyo ang mga salita ng tipang ito, at inyong gawin, upang kayo’y guminhawa sa lahat ng inyong ginagawa.

Sinumang nakikipagtipan sa Dios ay nagkakaroon ng pananagutan na ganapin ito. Kalakip ng malaking takot ay ang paggalang na ganapin natin ang anumang tipan na ipinakipagkasundo natin nang tayo ay tawagin bilang mga lingkod ng Dios. (Hebreo 12:28) Kaya’t pagkatanggap ng isang kahariang hindi magagalaw, ay magkaroon tayo ng biyayang sa pamamagitan nito ay makapaghahandog tayong may paggalang at katakutan ng paglilingkod na nakalulugod sa Dios:

Ang Dios ay tapat sa Kaniyang mga pangako at makaaasa tayong ang ating pakikipagtipan sa Kaniya ay mahalaga at walang pagsalang Kaniyang tutuparin anuman ang Kaniyang ipinangako. Ginawa na Niya ito sa Kaniyang mga unang lingkod at gagawin din naman Niya sa mga maglilingkod pa. (Awit 25:10) Lahat na landas ng Panginoon ay kagandahang-loob at katotohanan sa mga gayon na nangagiingat ng kaniyang tipan at kaniyang mga patotoo. (Awit 103:17-18) Nguni’t ang kagandahang-loob ng Panginoon ay mula ng walang pasimula hanggang sa walang hanggan sa nangatatakot sa kaniya, at ang kaniyang katuwiran ay hanggang sa mga anak ng mga anak; Sa gayong nagiingat ng kaniyang tipan, at sa nagsisialaala ng kaniyang mga utos upang gawin

About these ads