Ang Katuwiran ng Mahinang Lingkod at ang Kahihinatnan ng mga Nagsilimot sa Dios

(From the Sermons: “Ang Katuwiran ng Mahinang Lingkod” and “Ang Kahihinatnan ng Bawat Kapatid na Nagsilimot sa Dios” – November 8, 2012 and November 11, 2012)

Nang likhain ng Dios ang tao, taglay nito ang katangiang pagiging mahina. “Ang espiritu sa katotohanan ay may ibig, datapuwa’t mahina ang laman.” (Mateo 26:41) Tunay na bawat isa sa atin ay taglay ang kahinaan. Lahat tayo ay nakadarama ng panghihina at pagdaramdam. Lahat tayo ay nakaranas na tuksuhin at napahikayat sa mga tukso. At dahil sa mga kahinaan nating taglay, marami sa atin ang nakagawa ng labag sa kalooban ng Dios at nagkasala sa Kaniyang paningin. (2 Corinto 11:29) Sino ang nanghina, at ako’y hindi nanghina? Sino ang napapatisod, at ako’y di nagdaramdam?

Ang pagiging mahina ay kadalasang nagiging katuwiran ng ilan sa tuwing makagagawa ng kamalian at kasalanan sa paningin ng Dios. Dahil dito, ano ang naging resulta o bunga ng ganitong katuwiran?

Produkto tayo ng laman ng ating isipan at prinsipyo. Kung ano ang lagi nating iniisip, kadalasan nahahayag ito sa ating pagkatao. Kung positibo ang laging tumatakbo sa ating isipan, nagbubunga din ito ng positibong resulta. Ngunit kung negatibo naman ang laging laman nito, negatibo din ang nagiging bunga ng ating mga gawa. Ibig sabihin, kung ang laging katuwiran ng ating isipan ay taglay natin ang kahinaan, kung magkagayon ay mahahayag ito sa atin. (1 Corinto 11:30) Dahil dito’y marami sa inyo ang mahihina at mga masasaktin.

Dahil nga sa kahinaan, nagiging sakitin kumbaga sa katawan. Mayroong mga dalubhasang nagpapahayag na karaniwan sa mga karamdamang taglay ay bunga lamang ng takbo ng isipan o psikolohikal. At sinasabi ng ilan na naaapektuhan ang ibang sangkap ng katawan bunga ng dikta ng ating isipan.

Mahirap gamutin ang ganitong uri ng karamdaman. Para magamot ito, kailangang baguhin ang pinakaugat o sanhi, samakatuwid baga ay baguhin ang tinatakbo ng isipan. Kung hindi ito mababago, huwag tayong umasa na may pagunlad sa pananampalataya at pakikipagugnay natin sa Dios. (Jeremias 7:24) Nguni’t hindi nila dininig, o ikiniling man ang kanilang pakinig, kundi nagsilakad sa kanilang sariling mga payo at sa pagmamatigas ng kanilang masamang puso, at nagsiyaong paurong at hindi pasulong.

Ano ang dapat na masumpungang nagiging laman ng ating puso at isipan?

Baguhin natin ang takbo ng ating isipan mula sa kaisipang taglay natin ang kahinaan patungo sa kaisipang lahat ng bagay ay ating magagawa dahil sa ang Dios ang nagpapalakas sa atin. (Filipos 4:13) Walang imposible sa Dios. Tinawag tayo ng Dios upang maglingkod sa Kaniya. Taglay man natin ang kahinaan subalit itinuro sa atin ang mga hakbang para masumpungan natin ang lakas upang maganap ang Kaniyang mga kalooban.

Kailangang huwag tayong magkaroon ng katuwiran sa ating mga sarili. Nagsisimula ang sariling katuwiran sa ating mga kaisipan, kaya’t ito ang dapat nating maituwid. (Filipos 3:9) At ako’y masumpungan sa kaniya, na walang katuwirang aking sarili, sa makatuwid baga’y sa kautusan, kundi ang katuwirang sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo, ang katuwiran ngang buhat sa Dios sa pamamagitan ng pananampalataya:

Ang lagi nating idikta sa ating isipan ay ito, “Magsabi ang mahina, ako ay malakas!” (Joel 3:10) Sa karanasan ni Apostol Pablo, bawat pagkakataon at bawat pangyayari ay nagiging tungtungan niya upang lalong maging matatag at malakas sa pananampalataya. (2 Corinto 12:10) Kaya nga ako’y nagagalak sa mga kahinaan, sa mga pagkaapi, sa mga pangangailangan, sa mga pagkakausig, sa mga paghihinagpis, dahil kay Cristo: sapagka’t pagka ako’y mahina, ako nga’y malakas.

Ang Dios ang ating kalakasan at tagumpay. Walang kahinaang magtatagumpay sa atin kung patuloy tayong magtitiwala sa Kaniya. (Awit 28:7) Ang Panginoon ay aking kalakasan at aking kalasag; ang aking puso ay tumiwala sa kaniya, at ako’y nasaklolohan: kaya’t ang aking puso ay nagagalak na mainam; at aking pupurihin siya ng aking awit.

At kung patuloy nating nasusumpungan ang kalakasang mula sa Kaniya, marapat lamang na ibalik natin ang karangalan at kapurihan sa pamamagitan ng walang katapusang pagpapasalamat. (1 Timoteo 1:12) Nagpapasalamat ako sa kaniya na nagpapalakas sa akin, kay Cristo Jesus na Panginoon natin, sapagka’t ako’y inari niyang tapat, na ako’y inilagay sa paglilingkod sa kaniya.

Ano ang magiging kapalaran ng ilan na nagpadala sa kanilang sariling kahinaan?

Karaniwan sa mga nadala ng kahinaan ay nagkasala sa paningin ng Dios. Kapag inalipin na ang tao ng kasalanan, lingkod man ng Dios ay magagawang lumimot sa kaniyang tungkulin at sa mga pagganap ng kalooban ng Dios.

Karaniwan sa nagiging dahilan ng paglimot sa Dios ay ang hindi pagganap ng Kaniyang kalooban. Dahil nga sa kahinaan, nahihikayat ang tao sa paggawa ng mali. At kung kamalian na ang laging nagagawa, huwag tayong umasa na makagagawa pa ito ng Kaniyang kalooban.

Noon pa man ay nagbilin na ang Biblia tungkol sa pag-iingat ng Kaniyang mga kautusan. Bukod sa hindi pagganap ng Kaniyang mga utos, karaniwang nagiging sanhi ng paglimot ay ang pagsagana ng mga tinatangkilik sa buhay. (Deuteronomio 8:10-14) Magingat ka na baka iyong malimutan ang Panginoon mong Dios, sa hindi mo pagtupad ng kaniyang mga utos, at ng kaniyang mga kahatulan, at ng kaniyang mga palatuntunan, na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito: Baka pagka ikaw ay nakakain at nabusog, at nakapagtayo ng mabubuting bahay, at iyong natahanan; At pagka ang iyong mga bakahan at ang iyong mga kawan ay dumami at ang iyong pilak at ang iyong ginto ay dumami at ang lahat ng tinatangkilik mo ay dumami; Ay magmataas ang iyong puso, at iyong malimutan ang Panginoon mong Dios.

Kung noon man ay nasumpungan ang mga lingkod na lumimot sa mga palatuntunan at kautusan ng Dios, maging sa panahon ito ay maaaring makita din ang ilan sa paglimot. Kapag ang mga salita ng Dios ay ligaya lamang na pakinggan at hindi naman ginaganap, walang bisa ito sa kahit sinuman. Nagkakaroon lamang ng bisa at kapangyarihan ang mga salita ng Dios kung ginaganap ito sa ating buhay. (Santiago 1:23-24) Sapagka’t kung ang sinoman ay tagapakinig ng salita at hindi tagatupad, ay katulad siya ng isang tao na tinitingnan ang kaniyang talagang mukha sa salamin: Sapagka’t minamasdan niya ang kaniyang sarili, at siya’y umaalis at pagdaka’y kaniyang nalilimutan kung ano siya.

Ano ang nagiging kalagayan sa paningin ng Dios ang mga lingkod na lumilimot sa Kaniya?

Ang paglimot sa mga kautusan ay nangangahulugan ng paglimot sa Kaniya. At sinumang lumilimot ay lumalagay sa isang hindi mabuting kalagayan. Sa paningin ng Dios, ang sinumang naglilingkod sa Kaniya ay nagiging kalugod-lugod, sapagkat inaari Niyang Kaniyang anak at lingkod. Subalit ang sinumang lingkod na lumilimot ay nagbabalik sa dating kalagayan nito nang siya ay hiwalay pa sa Dios. Ang higit na masaklap ay mas masama pa ang maging kalagayan nila bago sila maglingkod sa Dios. (2 Peter 2:21-22) Sapagka’t magaling pa sa kanila ang hindi nakakilala ng daan ng katuwiran, kay sa, pagkatapos na makakilala ito ay tumalikod sa banal na utos na ibinigay sa kanila. Nangyari sa kanila ang ayon sa kawikaang tunay, Nagbabalik na muli ang aso sa kaniyang sariling suka, at sa paglulubalob sa pusali ang babaing baboy na nahugasan.

At sinumang lumilimot sa Dios ay mawawalan ng pagasa at pagtitiwala sa Kaniya. (Job 8:13-14) Gayon ang mga landas ng lahat na nagsisilimot sa Dios; at ang pagasa ng di banal ay mawawala: Na ang kaniyang pagtitiwala ay mapaparam, at ang kaniyang tiwala ay isang bahay gagamba. Siya’y sasandal sa kaniyang bahay, nguni’t hindi tatayo; siya’y pipigil na mahigpit dito, nguni’t hindi makapagmamatigas.

Ang pinakamasamang maaaring kasapitan ng mga lumimot ay ang pagkahiwalay sa Dios. Kapag nahiwalay tayo sa pagkakaugnay natin sa Dios, para na rin nating inalis ang pagasang maging bahagi ng Kaniyang pangako. At huwag tayong umasa na magbubunga pa tayo ng kabanalan, sapagkat sinumang hiwalay sa Kaniya ay walang magagawa.  (Juan 15:5-7) Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga: Ang nananatili sa akin, at ako’y sa kaniya, ay siyang nagbubunga ng marami: sapagka’t kung kayo’y hiwalay sa akin ay wala kayong magagawa. Kung ang sinoman ay hindi manatili sa akin, ay siya’y matatapong katulad ng sanga, at matutuyo; at mga titipunin at mga ihahagis sa apoy, at mangasusunog. Kung kayo’y magsipanatili sa akin, at ang mga salita ko’y magsipanatili sa inyo, ay hingin ninyo ang anomang inyong ibigin, at gagawin sa inyo.

Ano ang payo sa atin upang huwag tayong matulad sa mga lumimot at nangahiwalay sa Dios?

Kung mayroon man tayong dapat gawin ay huwag nating pabayaang ang mga kautusan ng Dios ay mawalan ng kabuluhan sa ating buhay. Isakabuhayan natin ang mga katuwirang ito at huwag natin kaylanman bibitawan, anuman ang maganap sa ating buhay. (Kawikaan 3: 1-3) Anak ko, huwag mong kalimutan ang aking kautusan; kundi ingatan ng iyong puso ang aking mga utos: Sapagka’t karamihan ng mga araw, at mga taon ng buhay, at kapayapaan, ay madadagdag sa iyo. Huwag kang pabayaan ng kaawaan at katotohanan: itali mo sa palibot ng iyong leeg; ikintal mo sa iyong puso:

Kaya habang tayo ay may pagkakataon, samantalahin natin ang pagganap sa mga kautusang ito at sikapin nating ang paggawa ng mabuti pag-aambag ay laging maging bahagi ng ating pagganap, sapagkat sa mga gayong hain, tunay na nalulugod ang Dios (Hebreo 13:16). (Galacia 6:9-10) At huwag tayong mangapagod sa paggawa ng mabuti: sapagka’t sa kapanahunan ay magsisipagani tayo, kung hindi tayo manganghihimagod. Kaya nga, samantalang tayo’y may pagkakataon, ay magsigawa tayo ng mabuti sa lahat, at lalong lalo na sa mga kasangbahay sa pananampalataya. Makaaasa naman tayong hindi liko ang Dios upang limutin ang lahat ng mga kabanalang ito. (Hebreo 6:10) Sapagka’t ang Dios ay hindi liko upang limutin ang inyong gawa at ang pagibig na inyong ipinakita sa kaniyang pangalan, sa inyong paglilingkod sa mga banal, at hanggang ngayo’y nagsisipaglingkod kayo.

About these ads
This entry was posted in Filipino Topics and tagged , , , . Bookmark the permalink.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s