Tags

, , , ,

Bawat kaanib sa loob ng iglesia ng Dios ay bahagi sa pagtawag ng kalangitan. Hindi dahil sa ito ay kagustuhan lamang natin, kundi ang Dios na makapangyarihan sa lahat ang tumatawag, ang pumipili at nahahabag. Ang mga tinawag ay kinilala ng Biblia na mga “banal na kapatid.” (Hebreo 3: 1) Kaya, mga banal na kapatid, mga may bahagi sa pagtawag ng kalangitan, inyong isipin ang Apostol at Dakilang Saserdote na ating kinikilala, si Jesus.

Tinawag silang mga banal na kapatid sapagkat ang mga ito ay nilinis na ng ating dakilang Dios. Ang tinaglay na pananampalataya ay sapat upang ariing karapatdapat ng ating Panginoong Dios. Ang mga salita ng Dios ay nagbabanal at lumilinis, at ito ang naranasan nating lahat na mga tumanggap ng mga salita at naging bahagi ng banal na Bautismo. (Efeso 5: 26) Upang kaniyang pakabanalin ito, na nilinis sa pamamagitan ng paghuhugas ng tubig na may salita. Ang Bautismo ay simbolo ng paglilinis ng kasalanan, at hudyat ng ganap na pag-aaring ganap ng ating dakilang Dios. (Gawa 2: 38-39) At sinabi sa kanila ni Pedro, Mangagsisi kayo, at mangagbautismo ang bawa’t isa sa inyo sa pangalan ni Jesucristo sa ikapagpapatawad ng inyong mga kasalanan; at tatanggapin ninyo ang kaloob ng Espiritu Santo. Sapagka’t sa inyo ang pangako, at sa inyong mga anak, at sa lahat ng nangasa malayo, maging ilan man ang tawagin ng Panginoon nating Dios sa kaniya. 

Alin ang gantimpalang tinutukoy na nakalaan sa mga tinawag?

Kalakip ng pagtawag ng Dios ay ang pangakong handa Niyang ipagkaloob sa sinumang magiging karapatdapat. Ang gantimpala ay hindi materyal kundi gantimpalang walang pagkasira, hindi kumukupas at walang dungis. (1 Pedro 1: 4) Sa isang manang di nasisira, at walang dungis, at hindi kumukupas, na inilaan sa langit para sa inyo. Pansinin nating ang mana ay hindi dito sa lupa masusumpungan kundi sa langit sapagkat ang magkakaloob ay walang iba kundi ang ating Panginoong Dios.

Inilarawan ng Biblia ang gantimpala ay dala-dala ng Panginoong Dios sa Kaniyang muling pagbabalik. Sapagkat sa Kaniyang muling pagdating ay ipagkakaloob Niya ang gantimpalang nakalaan sa lahat ng mga nagtagumpay. (Isaias 40: 10) Narito, ang Panginoong Dios ay darating na gaya ng makapangyarihan, at ang kaniyang kamay ay magpupuno sa ganang kaniya: Narito, ang kaniyang ganting pala ay dala niya, at ang kaniyang ganti ay nasa harap niya. (Apocalipsis 21: 7) Ang magtagumpay ay magmamana ng mga bagay na ito; at ako’y magiging Dios niya, at siya’y magiging anak ko.

Kaya naman lahat ng mga tinawag ay mapalad sapagkat ang mamanahin ay ang inihandang kaharian ng Dios na makapangyarihan sa lahat. (Santiago 2: 5) Dinggin ninyo, mga minamahal kong kapatid; hindi baga pinili ng Dios ang mga dukha sa sanglibutang ito upang maging mayayaman sa pananampalataya, at mga tagapagmana ng kahariang ipinangako niya sa mga nagsisiibig sa kaniya? (Daniel 2: 44) At sa mga kaarawan ng mga haring yaon ay maglalagay ang Dios sa langit ng isang kaharian, na hindi magigiba kailan man, o ang kapangyarihan man niyao’y iiwan sa ibang bayan; kundi pagpuputolputulin at lilipulin niya ang lahat na kahariang ito, at yao’y lalagi magpakailan man.

Kaya naman, paano natin dapat na pakaasamin ang kapangakuang ito ng ating dakilang Dios?

Kung mayroon man tayong dapat na ipamalas ay ang lubos nating paghahangad na makamit ang pangakong buhay na walang hanggan. Ibayong pagsisikap ang dapat nating ipakita sapagkat ang pangako ay walang hanggan. Walang bagay na maaaring maitumbas sa pangakong ito, kaya naman dapat na magtumulin tayo hanggang sa hangganan. (Filipos 3: 17, 14-15) Mga kapatid, kayo’y mangagkaisang tumulad sa akin, at tandaan ninyo ang mga nagsisilakad ng gayon, ayon sa halimbawang nakikita ninyo sa akin. Nagtutumulin ako sa hangganan sa ganting-pala ng dakilang pagtawag ng Dios na kay Cristo Jesus. Kaya nga, kung ilan tayong mga sakdal, ay magisip ng gayon: at kung sa anoma’y nangagkakaiba kayo ng iniisip ay ipahahayag naman ito sa inyo ng Dios. 

Ang pagtutumulin sa hangganan ay nangangahulugan ng pagsisikap na marating ang ibig ng Dios na marating natin, samakatuwid ay yaong makapagtagumpay tayo sa ating mga paglilingkod sa Kaniya. Ang kalagayan ng mga lingkod ay gaya ng tumatakbo sa takbuhan, at kailangang matapos ang takbo upang makamit ang gantimpala.

Ngunit hindi ganun kadali ang magtagumpay at makamit ang buhay na walang hanggan. Upang magtagumpay, kailangan nating maging walang sala at walang dungis sa paningin ng mga tao at sa paningin ng Dios. (Filipos 2: 15) Upang kayo’y maging walang sala at walang malay, mga anak ng Dios na walang dungis sa gitna ng isang lahing liko at masama, na sa gitna nila’y lumiliwanag kayong tulad sa mga ilaw sa sanglibutan. Kumbaga sa atletang tumatakbo sa takbuhan, dinidisiplina natin ang ating sarili, lalayo tayo sa lahat ng anyo ng kasamaan at hindi natin papayagang magapi tayo ng sari-saring kaway ng sanlibutan.

Ang sinumang naghahangad na maging matagumpay ay nagiging mapagpigil sa maraming mga bagay. Isinasakripisyo ang lahat alang-alang sa mitihiin. Ganito din sa paglilingkod sa Dios, kailangan nating ipakita ang pagpipigil natin sa maraming mga bagay alang-alang sa mithiing maging karapatdapat sa Dios, at maging matagumpay sa larangan ng pananampalataya. (1 Corinto 9: 24-26) Hindi baga ninyo nalalaman na ang mga nagsisitakbo sa takbuhan ay tumatakbong lahat, nguni’t iisa lamang ang tumatanggap ng ganting-pala? Magsitakbo kayo ng gayon; upang magsipagtamo kayo. At ang bawa’t tao na nakikipaglaban sa mga palaruan ay mapagpigil sa lahat ng mga bagay. Ginagawa nga nila ito upang magsipagtamo ng isang putong na may pagkasira; nguni’t tayo’y niyaong walang pagkasira. Ako nga’y tumatakbo sa ganitong paraan, na hindi gaya ng nagsasapalaran; sa ganito rin ako’y sumusuntok, na hindi gaya ng sumusuntok sa hangin:

Sinumang may kakayahang pumigil sa kaniyang sarili ay umuunlad at lumalago ang pananampalataya, hanggang sa marating ang kasakdalan ng paglilingkod sa Dios. (Santiago 3: 2) Sapagka’t sa maraming mga bagay tayong lahat ay nangatitisod. Kung ang sinoman ay hindi natitisod sa salita, ay isang taong sakdal ang gayon, may kaya rin namang makapigil ng buong katawan.

Kakailanganin natin ang lakas na magmumula sa Dios upang lahat ng mga bagay ay ating magawa sa tulong ng Dios. (Filipos 4: 13) Lahat ng mga bagay ay aking magagawa doon sa nagpapalakas sa akin. Lahat ng mga pagtitiis at sari-saring bagabag ay ating malalampasan kung taglay natin ang lakas. (Colosas 1: 11-12) Na kayo’y palakasin ng buong kapangyarihan, ayon sa kalakasan ng kaniyang kaluwalhatian, sa buong pagtitiis at pagpapahinuhod na may galak.

At upang masumpungan natin ang kalakasan, kailangan nating maglingkod sa Dios. Kailangang ilagay tayo o tawagin tayo ng Dios sa paglilingkod upang magtaglay tayo ng kalakasan. (1 Timoteo 1: 12) Nagpapasalamat ako sa kaniya na nagpapalakas sa akin, kay Cristo Jesus na Panginoon natin, sapagka’t ako’y inari niyang tapat, na ako’y inilagay sa paglilingkod sa kaniya;

Bukod sa mga ito, paano pa ang pagpapakita ng pagtutumulin sa hangganan?

Ang isang lingkod ay magiging matagumpay kung mapagpatuloy siya sa paglilingkod. Ibig sabihin, magtatagumpay lamang tayo kung hindi tayo titigil sa paglilingkod. Ang umaayaw ay kaylanman hindi magtatagumpay. Ganito ang payo ni Apostol Pablo sa mga kapatid noon, na magpatuloy upang maabot yaong ibig ng Dios na maabot natin. (Filipos 3: 12) Hindi sa ako’y nagtamo na, o ako’y nalubos na: kundi nagpapatuloy ako, baka sakaling maabot ko yaong ikinaaabot naman sa akin ni Cristo Jesus. Ipakita natin ang kasipagan sapagkat ito ang maghahatid sa atin sa pagtatagumpay. (1 Timoteo 4: 15) Magsipag ka sa mga bagay na ito; tumalaga kang lubos sa mga ito; upang ang iyong pagkasulong ay mahayag sa lahat

Ang pagpapatuloy sa paglilingkod ay nangangahulugan ng pagsulong ng pananampalataya. May pag-unlad na kailangang ipakita sa Dios, at huwag na muling magbalik sa mga masasamang paraan ng pamumuhay. (Hebreo 6: 1) Kaya’t tayo’y tumigil na ng pagsasalita ng mga unang simulain ng aral ni Cristo, at tayo’y mangagpatuloy sa kasakdalan; na huwag nating ilagay na muli ang kinasasaligan ng pagsisisi sa mga patay na gawa, at ng pananampalataya sa Dios.. 

Ang pagpapatuloy ay nangangahulugan din ng paglimot sa mga bagay na nasa likuran, na ang ibig sabihin ay huwag nating tingnan ang mga bagay na nagawa na natin sa mga nagdaang panahon. Huwag nating bilangin ang mga nagagawa natin sa paglilingkod sa Dios. Sa halip, isipin nating wala pa tayong nagagawang anuman upang patuloy pa tayong magsikap at magpagal nang lubos. (Filipos 3: 13) Mga kapatid, hindi ko pa inaaring inabot: datapuwa’t isang bagay ang ginagawa ko, na nililimot ang mga bagay na nasa likuran, at tinutungo ang mga bagay na hinaharap.

Hindi din tayo makapagpapatuloy kung lilingunin pa natin o babalikan pa ang mga dating mga bagay na humihikayat sa atin sa paggawa ng masama. Alalahanin nating nilinis na tayo at binanal ng Dios, huwag nating pahintulutang madungisan pa tayong muli. (Job 36: 21) Ikaw ay magingat, huwag mong lingunin ang kasamaan; sapagka’t ito’y iyong pinili sa halip ng kadalamhatian. (Hebreo 12: 1) Kaya’t yamang nakukubkob tayo ng makapal na bilang ng mga saksi, itabi namang walang liwag ang bawa’t pasan, at ang pagkakasalang pumipigil sa atin, at ating takbuhing may pagtitiis ang takbuhing inilagay sa harapan natin.

At yaong mga bagay na kailangan nating isakripisyo ay huwag nating panghinayangan kung makahahadlang naman sa atin sa ating mga ikapagigindapat sa Dios. Alalahanin natin ang asawa ni Lot, na nilingon ang kaniyang likuran, sapagkat hindi niya magawang iwan ang mga materyal na bagay na kanilang tinatamasa sa lupain  na kanilang pinanggalingan. (Luc. 17: 32 ; Gen. 19 : 26)

Ang pagpapakalugi alang-alang sa gantimpalang nakalaan ay nangangahulugan ng pagtitiis, na maghahatid  sa atin sa tiyak na tagumpay. (Filipos 3: 7-9) Gayon man ang mga bagay na sa akin ay pakinabang, ay inari kong kalugihan, alangalang kay Cristo. Oo nga, at lahat ng mga bagay ay inaari kong kalugihan dahil sa dakilang kagalingan ng pagkakilala kay Cristo Jesus na Panginoon ko: na alangalang sa kaniya’y tiniis ko ang kalugihan ng lahat ng mga bagay, at inari kong sukal lamang, upang tamuhin ko si Cristo, At ako’y masumpungan sa kaniya, na walang katuwirang aking sarili, sa makatuwid baga’y sa kautusan, kundi ang katuwirang sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo, ang katuwiran ngang buhat sa Dios sa pamamagitan ng pananampalataya: 

Bukod sa mga ito, kailangan nating lumakad ng nararapat sa pagkakatawag sa atin. Taglay ang pag-ibig at pagpapakababa, ipadama natin ang pagmamalasakit sa lahat ng mga kapatid. (Efeso 4: 1-3) Namamanhik nga sa inyo akong bilanggo sa Panginoon, na kayo’y magsilakad ng nararapat sa pagkatawag na sa inyo’y itinawag, Ng buong kapakumbabaan at kaamuan, na may pagpapahinuhod, na mangagbatahan kayo-kayo sa pagibig; Na pagsakitan ninyong ingatan ang pakikipagkaisa sa Espiritu sa tali ng kapayapaan. 

Ipakita nating sagana ang paggawa natin ng kabutihan sa lahat, lalong lalo na sa mga kasambahay sa pananampalataya. At gagawin natin ito upang lubos na mabigyan natin ng kaluguran ang Dios na tumawag sa bawat isa sa atin. (Colosas 1: 9-10) Dahil dito’y kami naman, mula nang araw na aming marinig ito, ay hindi kami nagsisitigil ng pananalangin at ng paghingi na patungkol sa inyo, upang kayo’y puspusin ng kaalaman ng kaniyang kalooban, sa buong karunungan at pagkaunawa ayon sa espiritu, Upang kayo’y magsilakad ng nararapat sa Panginoon, sa buong ikalulugod niya, at magsipamunga sa bawa’t gawang mabuti, at magsilago sa kaalaman ng Dios.

At kung mayroon man tayong dapat tularan, ay yaong mga naunang nagsikap at naglingkod na makapagtagumpay sa paglilingkod sa Dios. Tularan natin ang kanilang pananampalataya at kung paano nila ginanap ang kanilang mga katungkulang tinanggap mula sa Dios. (Hebreo 13: 7) Alalahanin ninyo ang nangagkaroon ng pagpupuno sa inyo na siyang nangagsalita sa inyo ng salita ng Dios; at sa pagdidilidili ng wakas ng kanilang pamumuhay, ay inyong tularan ang kanilang pananampalataya.

Gaya nang iniwang halimbawa ni Apostol Pablo, ang kaniyang pakikipagbaka at ang kaniyang takbo, kalakip ng pag-iingat ng kaniyang pananampalataya ay sapat upang matiyak na makakamit niya ang gantimpalang nakalaan sa lahat ng magtatagumpay. (2 Timoteo 4: 6-8) Sapagka’t ako’y iniaalay na, at ang panahon ng aking pagpanaw ay dumating na. Nakipagbaka ako ng mabuting pakikipagbaka, natapos ko na ang aking takbo, iningatan ko ang pananampalataya: Buhat ngayon ay natataan sa akin ang putong na katuwiran, na ibibigay sa akin ng Panginoon na tapat na hukom sa araw na yaon; at hindi lamang sa akin, kundi sa lahat din naman ng mga naghahangad sa kaniyang pagpapakita.

About these ads