Tags
“Kaya huwag kayong maging mga mangmang, kundi unawain ninyo kung ano ang kalooban ng Panginoon.” Ipinahayag ito ni Apostol Pablo sa mga kapatid sa Efeso (5:17), sapagkat nalalaman niyang mahalaga ang magkaroon ng kaalaman sa mga kalooban ng Dios.
At bukod dito nalalaman nating hindi kinalulugdan ng Dios ang mga mangmang. Sapagkat ang kamangmangan ay naghahatid sa atin sa pagkakasala sa paningin ng ating Panginoon. (Kawikaan 19:3) Ang kamangmangan ng tao ay sumisira ng kaniyang lakad; at ang kaniyang puso ay nagagalit laban sa Panginoon.
Kaya nga mahalaga na magkaroon ng kaalaman sa mga kalooban ng ating dakilang Dios, sapagkat ito naman ay maghahatid sa atin sa pagiging pantas o marunong.
Ngunit paano nga ba ipinakilala ng Biblia ang mga pantas?
Ang pantas sa Biblia ay hindi lamang yaong nagtataglay ng kaalaman, ang pagiging pantas ay pagtataglay ng magaling na karunungan, at ito ay walang iba kundi ang pagtataglay ng unawa sa mga kalooban ng ating Panginoon na nagmumula sa Kaniyang mga salita. (Kawikaan 2: 7) Kaniyang pinapagtataglay ang matuwid ng magaling na karunungan, siya’y kalasag sa nagsisilakad sa pagtatapat.
At sapagkat nauunawaan ang mga kalooban ng ating Panginoon, ang mga pantas ay binigyan ng Dios ng sapat na kaalaman at kakayahan upang sila naman ay lumayo sa lahat ng uri ng kasamaan at kasalanan. Ang takot sa Dios ay pasimula ng kaalaman, at ito ang malaking kaibahan ng mga pantas sa mga mangmang, sapagkat ang mangmang ay nagpapakita ng kapalaluan sa kanilang mga sarili, walang takot at madaling mahikayat ng paggawa ng kasamaan. (Kawikaan 14: 16) Ang pantas ay natatakot at humihiwalay sa kasamaan: nguni’t ang mangmang ay nagpapakilalang palalo, at timawa.
Ang pantas ay nagtataglay ng kautusan, at laging ito ang nasa kanilang mga pananalita, lumalakad na kasama ng Dios sa katuwiran at kapayapaan. (Malakias 2: 5-6) Ang aking tipan ay buhay at kapayapaan sa kaniya; at aking mga ibinigay sa kaniya upang siya’y matakot; at siya’y natakot sa akin, at siya’y nagpakababa sa aking pangalan. Ang kautusan tungkol sa katotohanan ay nasa kaniyang bibig, at ang kalikuan ay hindi nasumpungan sa kaniyang mga labi: siya’y lumakad na kasama ko sa kapayapaan at katuwiran, at inilayo sa kasamaan ang marami.
Ang pantas kapag nagkamali ay marunong tumanggap ng pagsaway. Nalalaman nilang ang disiplina ng Dios ay pagtutuwid, at palatandaan ng Kaniyang dakilang pag-ibig. Kaya naman, mas gusto nila na sila ay sinasaway sapagkat nalalaman nilang ang pagtutuwid ay sa kanilang kaligtasan. (Kawikaan 9: 8) Huwag mong sawayin ang manglilibak, baka ipagtanim ka niya: sawayin mo ang pantas, at kaniyang iibigin ka.
At sapagkat ang kautusan ay nasa kanilang buhay, nakapananatili ang mga ito sa paglakad sa katotohanan, na siya namang tunay na kinalulugdan ng ating Panginoong Dios. (Eclesiastes 2: 26) Sapagka’t ang tao na kinaluluguran niya, binibigyan ng Dios ng karunungan, at kaalaman, at kagalakan: nguni’t ang makasalanan ay binibigyan niya ng damdam, na magpisan at magbunton, upang maibigay sa kaniya na kinaluluguran ng Dios. Ito man ay walang kabuluhan at nauuwi sa wala.
Ang pagiging pantas ay isinasakabuhayan at ipinapakita sa pamamagitan ng pananampalataya. Ang lingkod ng Dios ay nabubuhay sa pananampalataya, na ang ibig sabihin ay lumalakad sila ng ayon sa mga kalooban ng Dios sa lahat ng kaparaanan ng kanilang buhay. Hindi sila marunong tumakas at umurong sa lahat ng uri ng maaaring maranasan sa kanilang buhay. (Hebreo 10: 38) Nguni’t ang aking lingkod na matuwid ay mabubuhay sa pananampalataya: At kung siya ay umurong, ay hindi kalulugdan ng aking kaluluwa.
Malaking palad ang maanib sa loob ng iglesia ng Dios, sapagkat dito ipinagkaloob ng Dios ang mga kaalaman at unawa, sapat upang ang bawat kapatid ay maging pantas at sakdal sa gawaing paglilingkod sa ating Panginoon. (1 Corinto 1: 1-2, 4-7) Si Pablo, na tinawag na maging apostol ni Jesucristo sa pamamagitan ng kalooban ng Dios, at si Sostenes na ating kapatid, Sa iglesia ng Dios na nasa Corinto, sa makatuwid baga’y sa mga pinapagingbanal kay Cristo Jesus, na tinawag na mangagbanal, na kasama ng lahat ng mga nagsisitawag sa bawa’t dako, sa pangalan ng ating Panginoong Jesucristo, na kanila at ating Panginoon: Nagpapasalamat akong lagi sa aking Dios tungkol sa inyo, dahil sa biyaya ng Dios na ipinagkaloob sa inyo sa pamamagitan ni Cristo Jesus; Na kayo ay pinayaman sa kanya, sa lahat ng mga bagay sa lahat ng pananalita at sa lahat ng kaalaman; Gaya ng pinagtibay sa inyo ang patotoo ni Cristo: Ano pa’t kayo’y hindi nagkulang sa anomang kaloob; na nagsisipaghintay ng paghahayag ng ating Panginoong Jesucristo.
Ngunit, paano nagagawang iwan ng ilan ang pagiging pantas?
Kung tutuusin, alam ng isang pantas na kailangang manatili sa kaniya ang mga kaalaman at karunungan. Alam din ng isang pantas na ang kautusan ng Dios ay kaniyang buhay at kung ito ay kaniyang hihiwalayan, ay nangangahulugan ng kapahamakan. Ngunit hindi lahat ng mga pantas ay nakapanatili sa kanilang tinaglay na karunungan. Mayroon ilan na iniwan ito at natukso upang kumatha ng kasamaan sa kanilang mga sarili. Dito nagaganap na iwanan ng isang pantas ang kaniyang pagiging marunong. (Awit 36: 3-4) Ang mga salita ng kaniyang bibig ay kasamaan. Siya’y kumakatha ng kasamaan sa kaniyang higaan; siya’y lumagay sa isang daan na hindi mabuti; hindi niya kinayayamutan ang kasamaan at karayaan: iniwan niya ang pagkapantas at paggawa ng mabuti.
Ang mga karunungan at kaalamang ipinagkaloob sa atin ay sapat upang ihiwalay tayo sa paggawa ng kasamaan sa paningin ng Dios. Ngunit nasa ating mga tao kung paano natin paninindigan ang mga kaalamang ito. Kapag ang kaalaman ay hindi natin ginamit at isinakabuhayan, mawawalan ito ng kabuluhan bagaman nagdudulot sa atin ng karunungan.
Ang gamot ay mayroon lamang bisa kung gagamitin sa tamang paraan. Ganito ang kaalaman at karunungang tinataglay ng isang pantas. Makabubuti lamang ang mga kaalamang tinataglay kung gagamitin sa mabuti at paglakad sa mga kalooban ng Dios. Hindi ganito ang nilakaran ng ilang nagtaglay ng unawa. (Job 34: 8) Na yumayaon na kasama ng mga manggagawa ng kasamaan, at lumalakad na kasama ng mga masamang tao?
Kung minsan, ang pagiging pantas ay nagdudulot sa ilan ng pagpapalalo at pagiging matuwid sa kanilang mga sarili. Sa pagaakalang marunong na, ang ilan ay hindi na marunong duminig ng payo at saway. Sila ay nagsilakad sa kanilang sariling mga payo at sa halip na Makita sa pagsulong o pagasenso, pabaliktad ang naging progreso. (Jeremias 7: 24) Nguni’t hindi nila dininig, o ikiniling man ang kanilang pakinig, kundi nagsilakad sa kanilang sariling mga payo at sa pagmamatigas ng kanilang masamang puso, at nagsiyaong paurong at hindi pasulong.
Nangyari ito sa mga unang naglingkod sa ating Panginoon, na ang ilan sa kanila ay tumalikod sa paglakad sa matuwid na paraan ng pamumuhay, tumalikod sa mga banal na aral na kanilang tinanggap at iniwan ang pagiging pantas sapagkat napahikayat sa mga tukso sa kanilang buhay. (Galacia 2: 14) Nguni’t nang aking makita na hindi sila nagsisilakad ng matuwid ayon sa katotohanan ng evangelio, sinabi ko kay Cefas sa harapan nilang lahat, Kung ikaw, na Judio, ay namumuhay gaya ng mga Gentil, at di gaya ng mga Judio, bakit mo pinipilit ang mga Gentil na mamuhay na gaya ng mga Judio? (2 Pedro 2: 15) Na pagkaalis sa daang matuwid ay nangaligaw sila, palibhasa’y nagsisunod sa daan ni Balaam na anak ni Beor, na nagibig ng kabayaran ng gawang masama.
At sa halip na mabuhay na karapatdapat sa mga kabanalan ng katuwiran, sila ay lumalakad sa pagpapakasakdal sa laman, sa paggawa ng sari-saring kasamaan sa paningin ng Dios. (Galacia 3: 3) Napakamangmang na baga kayo? kayong nagpasimula sa Espiritu, ngayo’y nangagpapakasakdal kayo sa laman? Ang mga ganitong uri ng kapatid o lingkod ay mahahayag sa gitna ng kapisanan, sapagkat ihahayag sila ng Dios at sila ay hindi kailanman makapagpapatuloy. (2 Timoteo 3: 9) Ngunit sila’y hindi mangagpapatuloy: sapagka’t mangahahayag sa lahat ng mga tao ang kanilang kamangmangan, gaya naman ng pagkahayag ng sa mga yaon.
Ang nakakalungkot, sapagkat hindi nila nagawang panindigan ang mga aral ng Dios, at sila’y hindi nakapanatili sa mga mabubuting katuwiran ng Dios, tiniyak ng Biblia na magiging masama ang kanilang mga kalalagayan kaysa dati. (2 Pedro 2: 20-22) Sapagka’t kung, pagkatapos na sila’y makatakas sa mga pagkahawa sa sanglibutan sa pamamagitan ng pagkakilala sa Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo, ay muling mahalubiluhan at madaig niyaon, ay lalong sumasama ang huling kalagayan nila kay sa nang una. Sapagka’t magaling pa sa kanila ang hindi nakakilala ng daan ng katuwiran, kay sa, pagkatapos na makakilala ito ay tumalikod sa banal na utos na ibinigay sa kanila. Nangyari sa kanila ang ayon sa kawikaang tunay, Nagbabalik na muli ang aso sa kaniyang sariling suka, at sa paglulubalob sa pusali ang babaing baboy na nahugasan.
Ano ang dapat nating matutunan sa araling ito?
Una, sapat na ang unawang ipinagkaloob sa atin upang manatili tayong lumalakad sa kalooban ng Dios. Gamitin natin ang pagiging pantas na taglay ang pagpapakumbaba at iwaksi ang anumang bumabangong kapalaluan sa ating mga sarili. Lagi nating isipin na kaya lamang tayo nakapananatili, kaya lamang tayo nakakaunawa, sapagkat ang habag ng Dios ay laging sumasaatin.
Tandaan nating marami na ang napariwara o napahamak, sila’y inihayag ng Dios at nahiwalay sa hanay ng mga kapatid. Kaya ang payo sa atin, lumakad tayo na kasama ng mga pantas na tao, upang tayo ay maging mga pantas sa paningin ng Dios. (Kawikaan 13: 20) Lumalakad ka na kasama ng mga pantas na tao, at ikaw ay magiging pantas; nguni’t ang kasama ng mga mangmang ay mapapariwara.
At ang huling wakas ng mga nag-iwan ng kapantasan ay mahihiwalay sa bayan ng Dios. (Awit 101: 7-8) Siyang gumagawa ng karayaan ay hindi tatahan sa loob ng aking bahay: siyang nagsasalita ng kabulaanan ay hindi matatatag sa harap ng aking mga mata. Tuwing umaga ay aking lilipulin ang lahat na masama sa lupain; upang ihiwalay ang lahat na manggagawa ng kasamaan sa bayan ng Panginoon.
Ang palatandaan ng tunay na pantas ay laging uhaw sa pagtataglay ng karunungan. (Kawikaan 10: 14) Ang mga pantas ay nagiimbak ng kaalaman: nguni’t ang bibig ng mangmang ay kasalukuyang ikapapahamak. Patuloy nating tanggapin ang mga aral na nagbibigay sa atin ng unawa at kaalaman, sapagkat tunay na maghahatid ito sa atin sa kasakdalan ng pagkaunawa at pananampalataya. (Kawikaan 19: 20) Makinig ka ng payo, at tumanggap ka ng turo, upang ikaw ay maging pantas sa iyong huling wakas.
Ingatan nating huwag mawalan ng kabuluhan ang mga aral na ipinagkaloob sa atin, na atin namang tinanggap. Sa pamamagitan nito ay mahayag sa lahat na tayo ay mga tunay na anak at lingkod ng ating Panginoong Dios. (2 Juan 8-9) Mangagingat kayo sa inyong sarili, upang huwag ninyong iwala ang mga bagay na aming pinagpagalan, kundi upang tanggapin ninyo ang isang lubos na kagantihan. Ang sinomang nagpapatuloy at hindi nananahan sa aral ni Cristo, ay hindi kinaroroonan ng Dios: ang nananahan sa aral, ay kinaroroonan ng Ama at gayon din ng Anak.
Pakatandaan din nating ang matuwid ay bahagya nang makaligtas, kaya dapat ay patuloy pa din ang pagsisikap at pagpupunyagi sa pagganap ng mga kalooban ng ating Panginoong Dios. (1 Pedro 4: 18) At kung ang matuwid ay bahagya ng makaliligtas, ang masama at ang makasalanan ay saan kaya magsisiharap? (Job 34: 2-4) Dinggin ninyo ang aking mga salita, kayong mga pantas; at pakinggan ninyo ako, ninyong may kaalaman. Sapagka’t ang pakinig ay tumitikim ng mga salita, gaya ng ngalangala na lumalasa ng pagkain. Ating piliin sa ganang atin ang matuwid: ating alamin sa gitna natin kung ano ang mabuti.
