Ang bahay ng Dios na inilalarawan sa Bagong Tipan ay walang iba kundi ang iglesia ng Dios na itinayo ng ating Panginoong Hesus. Ito ang dako na pinagtawagan sa mga Apostol upang gumawa ng kabanalan at paglilingkod sa Dios. Maliwanag ang pahayag ng Biblia, “ang kabanalan ay nararapat lamang sa bahay ng Dios,” (Ezra 7: 23). (1 Timoteo 3:15) Nguni’t kung ako’y magluwat ng mahabang panahon, ay upang maalaman mo kung paano ang dapat sa mga tao na ugaliin nila sa bahay ng Dios, na siyang iglesia ng Dios na buhay, at haligi at suhay ng katotohanan. (1 Corinto 1: 1-2) Si Pablo, na tinawag na maging apostol ni Jesucristo sa pamamagitan ng kalooban ng Dios, at si Sostenes na ating kapatid, Sa iglesia ng Dios na nasa Corinto, sa makatuwid baga’y sa mga pinapagingbanal kay Cristo Jesus, na tinawag na mangagbanal, na kasama ng lahat ng mga nagsisitawag sa bawa’t dako, sa pangalan ng ating Panginoong Jesucristo, na kanila at ating Panginoon.
Ang layunin ng pagtawag ng Dios ay upang gumawa tayo ng kabanalan, upang magbanal sa paraan ng pagganap ng Kaniyang mga katuwiran. Magugunita nating ipinahayag ng Panginoong Hesus na ang nararapat sa atin ay ang pagganap ng buong katuwiran. (Mateo 3: 15) Nguni’t pagsagot ni Jesus ay sinabi sa kaniya, Payagan mo ngayon: sapagka’t ganyan ang nararapat sa atin, ang pagganap ng buong katuwiran. Nang magkagayo’y pinayagan niya siya. At ito ang inihabilin Niya sa mga Apostol, na ituro sa lahat ang pagganap sa lahat ng mga bagay na iniutos ng Dios. (Mateo 28:20) Na ituro ninyo sa kanila na kanilang ganapin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo: at narito, ako’y sumasa inyong palagi, hanggang sa katapusan ng sanglibutan.
At kung tinanggap natin ang mga katuwiran o katuruan na iniutos sa atin ng Panginoong Dios, katungkulan nating ipamahagi ang mga aral na ito. Upang kung marinig ay bumangon din sa iba ang pananampalatayang hinahanap ng Dios. (2 Pedro 1: 5) Oo, at dahil din dito, sa pagkaragdag sa ganang inyo ng buong sikap, ay ipamahagi ninyo sa inyong pananampalataya ang kagalingan; at sa kagalingan ay ang kaalaman.
Paano inilarawan ng Biblia ang pagsisikap na dapat gawin ng bawat kapatid sa paglilingkod sa loob ng bahay ng Dios?
Inaasahan ng Dios na ang bawat naanib sa Kaniyang bahay (iglesia) ay magsisikap sa lahat ng mga gawang mabuti. Ipinaliwanag ni Apostol Pablo na ang mga naanib sa iglesia ay mga kamanggagawa ng Dios, at ang bukid ay ang iglesia o ang kongregasyon (at mga sangkap ang mga kapatiran), ito din ang gusali ng Dios. (1 Corinto 3: 9) Sapagka’t tayo ay mga kamanggagawa ng Dios: kayo ang bukid ng Dios, ang gusali ng Dios.
Ganito din ang paliwanag ng Panginoong Hesus tungkol sa kaharian ng langit. Ang Kaniyang ubasan ay ang iglesia na kung saan dito lilikha at gagawa ng kabanalan. Ito din ang dako na kung saan ay gaganapin ng mga kaanib ang mga palatuntunan ng Dios. (Mateo 20: 1-2) Sapagka’t ang kaharian ng langit ay tulad sa isang tao na puno ng sangbahayan, na lumabas pagkaumagang-umaga, upang umupa ng manggagawa sa kaniyang ubasan. At nang makipagkasundo na siya sa mga manggagawa sa isang denario sa bawa’t araw, ay isinugo niya sila sa kaniyang ubasan.
Inilarawan sa pamamagitan ng talinhagang ito ang magiging kalagayan ng lahat ng mga tatawagin upang maging manggagawa sa ubasan ng Dios. Sa bawat panahon ay tumatawag ang Dios ng mga taong handang maglingkod sa Kaniya. Subalit iba iba man ang panahon ng pagtawag ng Dios, ang gantimpala ay iisa (isang denario) na ang kahulugan ay ang buhay na walang hanggan. Walang sinumang tatanggap ng kulang, o ng kalalabisan, ang magiging gantimpala ay patas-patas na tatanggapin ng lahat ng mga nagpagal. (Mateo 20: 3- 16) At siya’y lumabas nang malapit na ang ikatlong oras, at nakita ang mga iba sa pamilihan na nangakatayong walang ginagawa; At sinabi niya sa kanila, Magsiparoon din naman kayo sa ubasan, at bibigyan ko kayo ng nasa katuwiran. At nagsiyaon ng kanilang lakad sa ubasan. Lumabas siyang muli nang malapit na ang mga oras na ikaanim at ikasiyam, at gayon din ang ginawa. At lumabas siya nang malapit na ang ikalabingisang oras at nakasumpong siya ng mga iba na nangakatayo; at sinabi niya sa kanila, Bakit kayo’y nangakatayo rito sa buong maghapon na walang ginagawa? At sinabi nila sa kaniya, Sapagka’t sinoma’y walang umupa sa amin. Sinabi niya sa kanila, Magsiparito din naman kayo sa ubasan. At nang dumating ang hapon, sinabi ng panginoon ng ubasan sa kaniyang katiwala, Tawagin mo ang mga manggagawa, at bayaran mo sila ng kaupahan sa kanila, na mula sa mga huli hanggang sa mga una. At paglapit ng mga inupahan nang malapit na ang ikalabingisang oras ay tumanggap bawa’t tao ng isang denario. At nang magsilapit ang mga nauna, ang isip nila’y magsisitanggap sila ng higit; at sila’y nagsitanggap din bawa’t tao ng isang denario. At nang kanilang tanggapin ay nangagbulongbulong laban sa puno ng sangbahayan, Na nangagsasabi, Isa lamang oras ang ginugol nitong mga huli, sila’y ipinantay mo sa amin, na aming binata ang hirap sa maghapon at ang init na nakasusunog. Datapuwa’t siya’y sumagot at sinabi sa isa sa kanila, Kaibigan, hindi kita iniiring: hindi baga nakipagkayari ka sa akin sa isang denario? Kunin mo ang ganang iyo, at humayo ka sa iyong lakad; ibig kong bigyan itong huli, nang gaya rin sa iyo. Hindi baga matuwid sa aking gawin ang ibig ko sa aking pag-aari? o masama ang mata mo, sapagka’t ako’y mabuti? Kaya’t ang mga una’y mangahuhuli, at ang mga huli ay mangauuna.
Ang paglilingkod sa Dios ay hindi lamang humahangga sa pagpupuri, pag-aalay ng awit, pananalangin at pagdulog sa harapan ng Dios. Ang paglilingkod sa Dios ay nangangahulugan ng pagbibigay ng Dios ng tiwala sa Kaniyang mga lingkod na ang Kaniyang mga katuwiran o katuruan ay ipalaganap o ipamahagi. Tungkulin ng iglesia at ng mga kaanib nito na maipakilala sa lahat ang kapuspusan ng karunungan ng Dios. (Efeso 3: 9-11) At maipakita sa lahat ng mga tao kung ano ang pagiging katiwala sa hiwaga na sa lahat ng panahon ay inilihim ng Dios na lumalang ng lahat ng mga bagay; Upang ngayo’y sa pamamagitan ng iglesia, ay maipakikilala sa mga pamunuan at sa mga kapangyarihan sa sangkalangitan ang kapuspusan ng karunungan ng Dios, Ayon sa panukalang walang hanggan na ipinanukala kay Cristo Jesus na Panginoon natin:
Bawat sangkap ng iglesia ay pinagkalooban ng iisang espiritung maging bahagi ng pangangaral o pamamahagi ng mga salita ng Dios. Hindi man lahat tagapangaral o Ministro, ngunit bawat isa ay maaaring kumurot sa gawaing pangangaral sa iba’t ibang kaparaanan. Ganito pinuri ni Apostol Pablo ang mga kapatid ng siya ay sumulat sa mga taga-Filipos. Pinuri ni Pablo ang mga kababaihan na nakasama niya sa mga pagpapagal sa evangelio, kasama ng iba pang mga kapatiran na noo’y nauunawaan ang kahalagahan ng pagtulong sa mga gawaing pangangaral. (Filipos 4: 3) Oo, ipinamamanhik ko rin naman sa iyo, tapat na kasama sa pagtulong, na iyong tulungan ang mga babaing ito, sapagka’t sila’y nangagpagal na kasama ko sa evangelio, at kasama rin naman ni Clemente, at ng ibang aking mga kamanggagawa, na ang kanilang pangalan ay nangasa aklat ng buhay.
Kasama sa inilagay ng Dios sa iglesia ay ang “pagtulong” na tunay na mahalagang sangkap. (1 Corinto 12: 28) At ang Dios ay naglagay ng ilan sa iglesia, una-una’y mga apostol, ikalawa’y mga propeta, ikatlo’y mga guro, saka mga himala, saka mga kaloob na pagpapagaling, mga pagtulong, mga pamamahala, at iba’t ibang mga wika.
Bawat isa ay sama-samang sangkap ng iglesia. Iba-iba man ang ibinigay ng Dios na mga kaloob, kikilos naman ang bawat isa sa iisang espiritu. (1 Corinto 12: 27, 4) Kayo nga ang katawan ni Cristo, at bawa’t isa’y samasamang mga sangkap niya. Ngayo’y may iba’t ibang mga kaloob, datapuwa’t iisang Espiritu.
Ang pagtulong ng bawat isa ay mahalaga upang maabot ang mithiing ipalaganap ang mga katuwiran ng ating Panginoon. Kung walang pagtulong, hindi magaganap ng iilan lamang ang mga pangangaral na ito. Kailangang ang lahat ay magmalasakit sa katungkulang ito.
At ito ay gagawin natin sapagkat ipinagkaloob sa atin ng Dios ang kagandahang loob. Ang kagandahang loob na ito ang humihikayat sa atin upang pagsikapang mabuksan ang kamalayan ng marami at maaralan ng mga matutuwid na mga aral ng Katuwiran ng Dios. (2 Corinto 9: 9-12) Gaya ng nasusulat, Siyang nagsabog, siyang nagbigay sa mga dukha; Ang kaniyang katuwiran ay nananatili magpakailan man. At ang nagbibigay ng binhi sa naghahasik at ng tinapay na pinakapagkain, ay magbibigay at magpaparami ng inyong binhi upang ihasik, at magdaragdag ng mga bunga ng inyong katuwiran: Yamang kayo’y pinayaman sa lahat ng mga bagay na ukol sa lahat ng kagandahang-loob, na nagsisigawa sa pamamagitan namin ng pagpapasalamat sa Dios. Sapagka’t ang pangangasiwa sa paglilingkod na ito ay hindi lamang tumatakip sa pangangailangan ng mga banal, kundi naman umaapaw sa pamamagitan ng maraming pagpapasalamat sa Dios.
Kaya naman, sa lahat ng pinagkalooban ng kagandahang loob na ito, ay inaasahan ang ibayong pagsisikap patungkol sa gawaing pangangaral. Sa kasalukuyang panahon ay malaking papel ang maaaring gampanan ng Internet Technology upang maging maipalaganap ang mga salita ng Dios. Ang teknolohiyang ito ay maaaring maging instrumento upang mabuksan ang kamalayan ng marami. Ang kailangan lamang ay magamit ito ng wasto at magkaroon ng kamalayan ang lahat kung paano natin lubos na mapapakinabangan ang makinaryang ito.
Kung ito ay sama-samang mapagsisikapan ng lahat, ano ang maaaring maging gantimpala nito sa atin?
Hindi liko ang Dios upang hindi gantihin ang kagandahang loob na ipinakikita natin sa Kaniya. Ang Dios ay sagana sa kagandahang loob at handa Niyang bigyang gantimpala ang bawat isa ayon sa ating mga gawa. (Awit 62: 12) Sa iyo naman, Oh Panginoon, ukol ang kagandahang-loob: sapagka’t ikaw ay nagbabayad sa bawa’t tao ayon sa kaniyang gawa.
Ang gantimpala ng Dios ay hindi lingid sa ating kaaalaman, samakatuwid ay ang buhay na walang hanggan, na tiyak Niyang ipagkakaloob sa lahat ng mga matiyaga sa paggawa ng kabutihan, kabanalan at paghahasik ng katuwiran. (Roma 2: 7-8) Sa mga nagsisipagtiyaga sa mabubuting gawa sa paghanap ng kaluwalhatian at puri at ng di pagkasira, ay ang buhay na walang hanggan: Datapuwa’t ang sa mga palaaway, at mga hindi nagsisitalima sa katotohanan, kundi bagkus nagsisisunod sa kalikuan, ay ang kagalitan at kapootan.
Sa ganito, ay hinahamon tayo ng Dios na ipakita nating tayo ay tunay na mga lingkod, na taglay natin ang espiritu at kagandahang loob na ipinagkaloob ng Dios, na ipakita natin ang katunayan ng ating pag-ibig at pagmamalasakit sa mga gawaing pagpapagal na ito. (2 Corinto 8: 24) Inyo ngang ipakita sa kanila sa harapan ng mga iglesia ang katunayan ng inyong pagibig, at ng aming pagmamapuri dahil sa inyo.
Gagawin natin ito sapagkat ang nagtutulak sa atin ay ang pag-ibig, pananampalataya at pag-asa na ang anumang pagpapagal na ating ginagawa ay hindi walang kabuluhan sa paningin ng Dios. Bawat gawaing ating inilulunsad alang-alang sa kapurihan ng Dios ay kabanalang natatala sa aklat ng ating mga gawa, at ito ang magiging saligan natin sa pagmamana ng pangakong buhay na walang hanggan. (1 Timoteo 4: 10) Sapagka’t dahil dito ay nagsisipagpagal kami at nagsisipagsikap, sapagka’t may pagasa kami sa Dios na buhay, na siyang Tagapagligtas sa lahat ng mga tao, lalong lalo na sa mga nagsisisampalataya.
Tandaan nating ang katalagahan ang nagsasabi na ang hirap at sakripisyong maaaring nararanasan natin ngayon dahil sa pagsisikap na magampanan ang mga paglilingkod at pagpapagal na ito ay hindi babalik na hindi dala ang dakilang kagalakan. Kagalakang ang magkakaloob ay walang iba kundi ang Dios. (Awit 126: 5-6) Sila na nagsisipaghasik na may luha ay magsisiani na may kagalakan. Siyang lumalabas at umiiyak, na nagdadala ng binhing itatanim; siya’y di sasalang babalik na may kagalakan, na dala ang kaniyang mga tangkas. (Galacia 6:8) Sapagka’t ang naghahasik ng sa kaniyang sariling laman ay sa laman magaani ng kasiraan; datapuwa’t ang naghahasik ng sa Espiritu ay sa Espiritu magaani ng buhay na walang hanggan.
At ito ay gagawin nating lahat upang kahit paano ay makabayad sa kagandahang loob, sa mga biyaya at pagpapala, sa Kaniyang patnubay at pagliligtas na patuloy nating tinatanggap mula sa Kaniya. Purihin ang Dios sa lahat ng Kaniyang kahabagan sa ating lahat. At bilang pagpapasalamat ay kilusin natin ang ating mga sarili sa patuloy na pagganap ng Kaniyang mga layunin. (Awit 116: 12, 17-18) Ano ang aking ibabayad sa Panginoon dahil sa lahat niyang kabutihan sa akin? Aking ihahandog sa iyo ang hain na pasalamat, at tatawag ako sa pangalan ng Panginoon. Aking babayaran ang mga panata ko sa Panginoon, Oo, sa harapan ng buo niyang bayan.
