Tags

, , ,

Ang salitang sakdal ay nangangahulugan ng kawalang dungis o kapintasan, at sa paglilingkod sa Dios, mahalagang maipakita natin ang pagpapaka-sakdal sapagkat isa sa mga pangunahing utos ng Dios ay ang pagpapakasakdal natin sa Kaniyang harapan. Siya ay Dios na sakdal at lahat ng Kaniyang mga lingkod ay nararapat din namang maging sakdal sa Kaniyang harapan. (Mateo 5: 48) Kayo nga’y mangagpakasakdal, na gaya ng inyong Ama sa kalangitan na sakdal. 

Maaaring sa iba ay napaka-imposible na maging sakdal o perpekto, subalit sa paningin ng Dios ay maaaring maging sakdal tayo dahil sa Kaniyang kahabagan sa atin. Sinasabi ng iba na walang taong perpekto, subalit sa tulong ng Dios, maaabot natin ang kasakdalan na Kaniyang hinihingi sa atin, sapagkat Siya ang mag-aaring sakdal sa bawat isa.

Subalit kung pag-aaralan natin, maraming mga naglingkod sa Dios noon na naging sakdal sa Kaniyang paningin. Maaaring sa interpretasyon ng marami, ang salitang “sakdal” ay wala kahit kaunting bahid o kapintasan subalit mababakas natin sa Biblia ang pakahulugan at kung paano ibilang ng Dios na sakdal ang Kaniyang mga lingkod.

Si Noe ay ipinakilala na matuwid at sakdal sa kaniyang kapanahunan. Sa paningin ng Dios, si Noe ay sakdal sapagkat lahat ng Kaniyang iniutos sa kaniya ay sinunod ni Noe. (Gen 6:9, 22) Si Noe ay lalaking matuwid at sakdal noong kapanahunan niya: si Noe ay lumalakad na kasama ng Dios. Gayon ginawa ni Noe; ayon sa lahat na iniutos sa kaniya ng Dios, ay gayon ang ginawa niya.

Si Job ay sakdal at matuwid nang ipakilala ng Biblia. At dahil dito ay hinamon ng Dios si Satanas na mananatili itong matuwid bagaman kaniyang subukin. (Job 1: 8, 22)  At sinabi ng Panginoon kay Satanas, Iyo bang pinansin ang aking lingkod na si Job? sapagka’t walang gaya niya sa lupa, na sakdal at matuwid na lalake, na natatakot sa Dios at humihiwalay sa kasamaan. Sa lahat ng ito ay hindi nagkasala si Job, ni inari mang mangmang ang Dios. 

Nang utusan ng Dios si Abraham na magpakasakdal, ginanap niya ito at pinatotohanan maging ng Panginoong Hesus. (Gen.17:1) At nang si Abram ay may siyam na pu’t siyam na taon, ay napakita ang Panginoon kay Abram, at sa kaniya’y nagsabi, Ako ang Dios na Makapangyarihan sa lahat lumakad ka sa harapan ko, at magpakasakdal ka. (Juan 8:39) Sila’y nagsisagot at sa kaniya’y sinabi, Si Abraham ang aming ama. Sa kanila’y sinabi ni Jesus, Kung kayo’y mga anak ni Abraham, ay gagawin ninyo ang mga gawa ni Abraham.

Nang magkasakit si Haring Ezekias isinamo niya sa Dios na alalahananin ang sakdal niyang pamumuhay at dahil dito at dininig ng Dios ang kaniyang samo. (2 Hari 20:3) Idinadalangin ko sa iyo, Oh Panginoon, na iyong alalahanin, kung paanong ako’y lumakad sa harap mo sa katotohanan, at may dalisay na puso at gumawa ng mabuti sa iyong paningin. At si Ezechias ay umiyak na mainam.

Ngunit lahat ba ng mga naglingkod sa Dios ay naging sakdal sa gawaing paglilingkod?

Hindi lahat ng naglingkod sa Dios ay naging sakdal sa mga gawaing paglilingkod. Mayroong mga lingkod na kinakitaan ng kasamaan at nahiwalay sa bayan ng Dios. Ipinahayag ng Biblia na ang mga nagsisigawa ng kasamaan ay walang puwang sa harapan ng Dios. (Awit 37: 37-38) Tandaan mo ang sakdal na tao, at masdan mo ang matuwid: sapagka’t may isang maligayang wakas sa taong may kapayapaan. Tungkol sa mga mananalangsang, mangalilipol silang magkakasama: ang huling wakas ng masama ay mahihiwalay.

At ito ay pinatutunayan maging sa mga sulat ni Apostol Pablo na mayroong mga lingkod o naging kapatid na naanib sa iglesia ng Dios na gumagawa ng kasamaan sa paningin ng Dios. Dapat sana’y wala nang puwang sa mga lingkod ang mga kasamaan, subalit mayroon pa ding mas pinili ang gumawa ng masama. (1 Corinto 6: 8, 11) Nguni’t kayo rin ang mga nagsisigawa ng kalikuan, at nangagdaraya, at ito’y sa mga kapatid ninyo. At ganyan ang mga ilan sa inyo: nguni’t nangahugasan na kayo, nguni’t binanal na kayo, nguni’t inaring-ganap na kayo sa pangalan ng Panginoong Jesucristo, at sa Espiritu ng ating Dios. (Galacia 3:3) Napakamangmang na baga kayo? kayong nagpasimula sa Espiritu, ngayo’y nangagpapakasakdal kayo sa laman?

Maging si Apostol Pedro ay nagpahayag tungkol sa mga kapatid na nagsisigawa ng kasamaan sa halip na lumakad na may kasakdalan sa paningin ng Dios. (2 Pedro 2: 13-14) Na nangagbabata ng masama na kabayaran ng gawang masama; palibhasa’y inaari nilang isang kaligayahan ang magpakalayaw kung araw, mga dungis at kapintasan, na nangagpapakalayaw sa kanilang mga daya, samantalang sila’y nangakikipagpiging sa inyo; Na may mga matang puspos ng pangangalunya, at hindi maaaring maglikat sa pagkakasala; na umaakit sa mga kaluluwang walang tiyaga; na may pusong sanay sa kasakiman; mga anak ng paglait.

Tiniyak ng Biblia na mahahayag ang mga ganitong klase ng naglilingkod sa Dios. Makikilala sila at tiniyak na kaylanman ay hindi pahihintulutang makapagpatuloy na naglilingkod sa Dios. (Kawikaan 26:26) Bagaman ang kaniyang pagtatanim ay magtakip ng karayaan, at ang kaniyang kasamaan ay lubos na makikilala sa harap ng kapisanan. (2 Timoteo 3:9) Nguni’t sila’y hindi mangagpapatuloy: sapagka’t mangahahayag sa lahat ng mga tao ang kanilang kamangmangan, gaya naman ng pagkahayag ng sa mga yaon.

Ang kahihinatnan ng mga ito ay tiyak na kapahamakan. Ipinahayag ng Panginoong Hesus, (Mateo 24: 48-51) Datapuwa’t kung ang masamang aliping yaon ay magsabi sa kaniyang puso, Magtatagal ang aking panginoon; At magsimulang bugbugin ang kaniyang mga kapuwa alipin, at makipagkainan at makipaginuman sa mga lasing; Darating ang panginoon ng aliping yaon sa araw na hindi niya hinihintay, at oras na hindi niya nalalaman, At siya’y babaakin, at isasama ang kaniyang bahagi sa mga mapagpaimbabaw: doon na nga ang pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin.

Papaano magiging sakdal sa gawaing paglilingkod sa Dios ang mga naanib sa iglesia ng Dios?

Pakatandaan nating sa ganang ating mga sarili ay wala tayong magagawang anumang bagay na sukat nating ikasakdal malibang ang Dios ang magbigay sa atin ng lakas at espiritu upang maging sakdal tayo sa Kaniyang harapan. Ang Dios ang magpapasakdal sa atin sa paraang hindi ayon sa kaisipan nating mga tao kundi sa kaparaanang Siya ang nagpasya at nagtakda. (Awit 18: 32) Ang Dios na nagbibigkis sa akin ng kalakasan, at nagpapasakdal sa aking lakad. (Hebreo 13: 20-21) Ngayon ang Dios ng kapayapaan na muling nagdala mula sa mga patay sa dakilang pastor ng mga tupa sa pamamagitan ng dugo ng walang hanggang tipan, sa makatuwid baga’y ang Panginoon nating si Jesus, Ay pakasakdalin nawa niya kayo sa bawa’t mabuting gawa upang gawin ang kanyang kalooban, na gawin sa atin ang nakalulugod sa paningin niya, sa pamamagitan ni Jesucristo; na mapasa kaniya nawa ang kaluwalhatian magpakailan man. Siya nawa.

Paano ang ginawa ng Dios para makalakad sa kasakdalan ng mga gawaing paglilingkod ang mga lingkod ng Dios?

Naglagay ang Dios ng mga pastor at mga ministro upang ang mga lingkod Niya ay maturuan ng mga araling gagabay sa kanilang mga gawaing paglilingkod. Samakatuwid, tataglayin ng mga lingkod Niya ang sapat na unawa at kaalaman upang magawa ang mga kalooban ng Dios. Ang mga ministro o pastor ang magpapaalala sa kanila sa mga bagay na kinakailangan nilang gawin at siya ding magsisilbing tagapagbigay-babala sa kanilang mga nalilihis ng landas. (Jeremias 23: 4) At ako’y maglalagay ng mga pastor sa kanila na kakandili sa kanila; at hindi na sila matatakot, o manglulupaypay pa, o kukulangin ang sinoman sa kanila, sabi ng Panginoon. (Jeremias 3:15) At bibigyan ko kayo ng mga pastor ayon sa aking kalooban, na kakandili sa inyo ng kaalaman at unawa.

Kung maaaralan, at tatanggapin ng lahat ng mga lingkod ang mga salita ng Dios, walang dahilan para hindi maabot ang kasakdalan ng pananampalataya, sapagkat ang mga salita ng Dios ang magsisilbing gabay at tanglaw sa paanan ng mga lingkod sa kanilang pamumuhay at paglilingkod sa Dios. (Efeso 4: 11-12) At pinagkalooban niya ang mga iba na maging mga apostol; at ang mga iba’y propeta; at ang mga iba’y evangelista; at ang mga iba’y pastor at mga guro; Sa ikasasakdal ng mga banal, sa gawaing paglilingkod sa ikatitibay ng katawan ni Cristo:

Kaya bawat isang kapatid ay pupuspusin ng kaalaman at unawa, upang lubos na magawa ang tunay na kalooban ng Dios. Sa ganito’y matiyak na ang lahat ay makalalakad at makararating sa kasakdalan. (Colosas 1: 9-10) Dahil dito’y kami naman, mula nang araw na aming marinig ito, ay hindi kami nagsisitigil ng pananalangin at ng paghingi na patungkol sa inyo, upang kayo’y puspusin ng kaalaman ng kaniyang kalooban, sa buong karunungan at pagkaunawa ayon sa espiritu, Upang kayo’y magsilakad ng nararapat sa Panginoon, sa buong ikalulugod niya, at magsipamunga sa bawa’t gawang mabuti, at magsilago sa kaalaman ng Dios; (2 Timoteo 3: 15-17) At mula sa pagkasanggol ay iyong nalalaman ang mga banal na kasulatan na makapagpadunong sa iyo sa ikaliligtas sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus. Ang lahat ng mga kasulatan na kinasihan ng Dios ay mapapakinabangan din naman sa pagtuturo, sa pagsansala, sa pagsaway, sa ikatututo na nasa katuwiran: Upang ang tao ng Dios ay maging sakdal, tinuruang lubos sa lahat ng mga gawang mabuti.

Ngunit hindi sapat na magtaglay ng kaalaman at unawa ang isang lingkod. Kailangang bumangon ang pananampalataya na magpapakilos sa kaniya upang lubos siyang tumalima sa mga kalooban ng Dios. Kung ang pananampalataya ay hindi lubos, hindi din magiging lubos ang pagtalima. Kung may pagaalinlangan sa pananampalataya, ay hindi din magiging ganap ang isang lingkod. At kung ang pananampalataya ay patay o baog, walang bungang kabanalang malilikha at hindi mararating ng isang lingkod ang kasakdalan.

Ano ang pinakamahalagang sangkap na magpapakilos sa pananampalataya ng isang lingkod upang marating nito ang kasakdalan sa mga gawaing paglilingkod sa Dios?

Dapat ding taglayin ng isang lingkod ang pag-ibig. Sapagkat kung mayroong pag-ibig, walang bagay na magiging mahirap. Walang magiging hadlang na hindi magagawang lagpasan at mapagtagumpayan. Kung may pag-ibig, palalayasin nito ang takot at magagawa niya ang mga bagay na dati niyang kinatatakutang gawin. (1 Juan 4: 18) Walang takot sa pagibig: kundi ang sakdal na pagibig ay nagpapalayas ng takot, sapagka’t ang takot ay may kaparusahan; at ang natatakot ay hindi pa pinasasakdal sa pagibig.

Kaya ipinayo na magbihis ng pag-ibig sapagkat ang pagibig ay siyang tali ng kasakdalan. (Colosas 3:14) At sa ibabaw ng lahat ng mga bagay na ito ay mangagbihis kayo ng pagibig na siyang tali ng kasakdalan. Ang pag-ibig ang naguugnay sa isang lingkod at sa Dios, at kung mayroon nito, lahat ng mga gawaing paglilingkod na ikasasakdal sa paningin ng Dios ay magiging madali.

Bukod sa pag-ibig ano pa ang dapat na gawin ng isang lingkod?

Gaya nang pahayag ni Apostol Pablo, marapat nating gawin mula sa puso ang tunay na kalooban ng Dios. Maglilingkod tayo hindi gaya nang naglilingkod sa paningin ng ating mga kapuwa tao, kundi naglilingkod tayo sapagkat alam nating mayroong Dios na nakakakita sa atin. At ang Dios na nakakakita sa atin, na Siyang ating pinaglilingkuran ang Siyang sa atin ay magpapala. (Efeso 6: 6) Hindi ang paglilingkod sa paningin, na gaya ng pagbibigay lugod sa mga tao; kundi bagkus gaya ng mga alipin ni Cristo, na ginagawa mula sa puso ang kalooban ng Dios;

Pakatandaan nating ang pagpapakasakdal o paggawa ng kabanalan sa paningin ng Dios ay hindi lamang sa panahong tayo ay dumadalo ng pagsamba o pagkakatipon. Ang  kabanalan ay sa lahat ng paraan ng pamumuhay. Kaya anuman ang ating ginagawa, sinasabi, iniisip at pinaplano, lagi nating isaalang –alang ang paggawa ng kabanalan sapagkat ito ang tunay na kalooban ng Dios sa atin, samakatuwid ay ang ating pagpapakabanal. (1 Pedro 1: 15-16) Nguni’t yamang banal ang sa inyo’y tumawag, ay mangagpakabanal naman kayo sa lahat ng paraan ng pamumuhay; Sapagka’t nasusulat, Kayo’y mangagpakabanal; sapagka’t ako’y banal.

At upang lubos nating magawa ang mga ito, kailangan nating lubos na talikuran ang paggawa at lahat ng uri ng anyo ng kasamaan. Lahat ng mga masasamang ugali at paraan ng ating pamumuhay noon ay ating tatalikuran. Ang tunay na sakdal at may takot sa Dios ay yaong gaya ni Job na humihiwalay sa kasamaan. (Job 1:1)

About these ads