Ano ba ang nagiging kalagayan ng mga taong tinatawag ng Dios para maglingkod sa Kaniya?
Bawat tinawag sa loob ng Iglesia ay inaaring ganap ng Dios. Ang inaaring ganap ng Dios ay inaaring matuwid, na ibinibilang gaya ng mga nagsisiganap ng kautusan. Ito ay isang biyayang kaloob ng Dios sa sinumang tumanggap at sumampalataya sa Kaniyang mga salita. “At yaong mga itinalaga niya, ay kaniyang tinawag naman: at ang mga tinawag ay inaring-ganap naman niya: at ang mga inaring-ganap ay niluwalhati din naman niya.” (Roma 8:30)
Ariing ganap man ng Dios ay hindi nangangahulugang wala nang gagawin ang mga tinawag. Ang layunin ng pagtawag ng Dios ay para gumawa ng mga kabanalang karapatdapat sa Kaniya. Gaya nang pahayag ni Apostol Pablo, tinawag siya at ang mga kapatid upang mangagbanal sa loob ng iglesia ng Dios. Ang paggawa ng kabanalan o pagpapakabanal ng pamumuhay ay base sa paglakad sa Kaniyang mga kalooban at pagtupad ng Kaniyang mga kautusan. (1 Corinto 1: 1-2) “Si Pablo, na tinawag na maging apostol ni Jesucristo sa pamamagitan ng kalooban ng Dios, at si Sostenes na ating kapatid, Sa iglesia ng Dios na nasa Corinto, sa makatuwid baga’y sa mga pinapagingbanal kay Cristo Jesus, na tinawag na mangagbanal, na kasama ng lahat ng mga nagsisitawag sa bawa’t dako, sa pangalan ng ating Panginoong Jesucristo, na kanila at ating Panginoon”
Ang paglakad sa kabanalan ay hindi madali. Kailangang talikuran natin ang dati nating pamumuhay, lalo pa nga ang mga bagay na masama sa paningin ng Dios, gaya nang bisyo, kalayawan, masamang ugali, masamang kaisipan at lahat ng mga kasamaang dati nating nagagawa nang hindi pa natin nakikilala ang Dios. Kaya, kailangang ipakita natin ang malaking pagbabago n gating buhay, sapagkat kailangang kumumporme ang pamumuhay natin sa kalagayang karapatdapat sa Dios at hindi sa kasalukuyang takbo ng sanlibutang ito. (2 Corinto 5:17) “Kaya’t kung ang sinoman ay na kay Cristo, siya’y bagong nilalang: ang mga dating bagay ay nagsilipas na; narito, sila’y pawang naging mga bago.” (Efeso 4: 21-24) “Kung tunay na siya’y inyong pinakinggan, at kayo’y tinuruan sa kaniya, gaya ng katotohanan na kay Jesus. At inyong iwan, tungkol sa paraan ng inyong pamumuhay na nakaraan, ang dating pagkatao, na sumama ng sumama ayon sa mga kahalayan ng pagdaraya; At kayo’y mangagbago sa espiritu ng inyong pagiisip, At kayo’y mangagbihis ng bagong pagkatao, na ayon sa Dios ay nilalang sa katuwiran at sa kabanalan ng katotohanan.”
Kaya sinumang naaralan, nabautismuhan at tinawag ay idinadagdag sa iglesia. Ganito pawang naiparagdag ang mga kapatid at ibinilang na mga lingkod sa panahon ng mga Apostol. (Gawa 2: 38, 41,47) “At sinabi sa kanila ni Pedro, Mangagsisi kayo, at mangagbautismo ang bawa’t isa sa inyo sa pangalan ni Jesucristo sa ikapagpapatawad ng inyong mga kasalanan; at tatanggapin ninyo ang kaloob ng Espiritu Santo. Yaon ngang nagsitanggap ng kaniyang salita ay nangabautismuhan: at nangaparagdag sa kanila nang araw na yaon ang may tatlong libong kaluluwa. Na nangagpupuri sa Dios, at nangagtatamo ng paglingap ng buong bayan. At idinaragdag sa kanila ng Panginoon araw-araw yaong nangaliligtas.”
Kung bakit ganito sapagkat hangad Niya na ang mga tinawag ay maging mga tao ng Dios, na tinuruang lubos sa mga gawang mabuti at upang marating ang kasakdalan ng Kaniyang inaasahan. “At mula sa pagkasanggol ay iyong nalalaman ang mga banal na kasulatan na makapagpadunong sa iyo sa ikaliligtas sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus. Ang lahat ng mga kasulatan na kinasihan ng Dios ay mapapakinabangan din naman sa pagtuturo, sa pagsansala, sa pagsaway, sa ikatututo na nasa katuwiran: Upang ang tao ng Dios ay maging sakdal, tinuruang lubos sa lahat ng mga gawang mabuti.”
Subalit ano yaong mga bagay na hindi maaaring baguhin ng sinumang tatawagin sa loob ng Iglesia?
Maraming mga bagay ang hindi natin kayang baguhin at kontrolin sa ating buhay bilang tao. At bilang mga tinawag ng Dios sa paglilingkod na ito, may mga bagay na kailangan nating tanggapin, harapin at talimahin sapagkat ang mga ito ang kalooban ng Dios para sa atin. Sinumang hindi tumalima sa mga kaloobang ito ay nagkakasala sa Kaniya.
Lahat ng tinawag sa iglesia ay mayroong “pag-uugaling” dinatnan na kailangang talimahin. Ito ang kaugaliang umiiral sa loob ng Kaniyang bahay, na siyang iglesia ng Dios. Ang pag-uugaling ito ay ang pamantayang Kaniyang pinaiiral upang ang bawat lingkod ay maging sakdal. Kaya naman, bawat tinawag ay dapat na sumang-ayon at lubos na magpailalim sa mga pag-uugaling ito, sapagkat ang pagtalikod, paglaban at ‘di pagsunod ay nangangahulugan ng hindi pagpapasakop. (1 Timoteo 3: 15) “Nguni’t kung ako’y magluwat ng mahabang panahon, ay upang maalaman mo kung paano ang dapat sa mga tao na ugaliin nila sa bahay ng Dios, na siyang iglesia ng Dios na buhay, at haligi at suhay ng katotohanan.”
Ang mga pag-uugaling ito ay hindi mula sa mga pamantayang natutunan natin nang wala pa tayo sa loob ng iglesia. Walang puwang sa bahay ng Dios na pairalin ang pamantayang hindi Dios ang nagtakda. Kaya bawat kapatid ay inaaralan ng mga Doktrina, at mga araling ukol sa pananampalataya na pawang nagmula sa mga Banal na Kasulatan upang makatiyak na ang bawat isa ay lumalakad sa mga pag-uugaling ang Dios ang nagtakda. (2 Timoteo 3: 14-15) “Datapuwa’t manatili ka sa mga bagay na iyong pinagaralan at sa pinagkaroonan mo ng katunayan, yamang nalalaman mo kung kanino mo nangatutuhan; At mula sa pagkasanggol ay iyong nalalaman ang mga banal na kasulatan na makapagpadunong sa iyo sa ikaliligtas sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus.”
Nagmula lamang ba ang mga aral na ito sa mga tao? Hindi, sapagkat ayon sa Biblia, ang mga ito ay pawang nagmula sa Dios at hindi sa mga tao. (Galacia 1: 11-12) “ Sapagka’t aking ipinatatalastas sa inyo, mga kapatid, tungkol sa evangelio na aking ipinangaral, na ito’y hindi ayon sa tao. Sapagka’t hindi ko tinanggap ito sa tao, ni itinuro man sa akin, kundi aking tinanggap sa pamamagitan ng pahayag ni Jesucristo.”
Ilan sa pag-uugaling hindi maaaring baguhin ay ang “pagpapakababa.” Ito ang ipinakitang halimbawa ng Panginoong Hesus sa ating lahat, na dapat din namang maging pag-uugali ng sinumang tinawag sa loob ng iglesia. Hinubad Niya ang Kaniyang pagka-Dios at lumagay sa kalagayang alipin, upang magpakita ng halimbawa ng pagpapakababa. (Filipos 2: 5-8) Tayo din naman ay dapat na magpakita ng kababaan sa isa’t isa, na huwag tayong magmamataas sa ating mga sarili na gaya nang ginawa ng ilang mga tauhan sa Biblia.
Isa sa halimbawa ng ganito ay ang kasaysayan ni Diotrefes, (3 Juan 9-11) “Ako’y sumulat ng ilang bagay sa iglesia: datapuwa’t si Diotrefes na nagiibig magkaroon ng kataasan sa kanila, ay hindi kami tinatanggap. Kaya’t kung pumariyan ako, ay ipaaalaala ko ang mga gawang kaniyang ginagawa, na nagsasalita ng masasamang salita laban sa amin: at hindi nasisiyahan sa ganito, ni hindi man niya tinatanggap ang mga kapatid, at silang mga ibig tumanggap ay pinagbabawalan niya at pinalalayas sila sa iglesia. Minamahal, huwag mong tularan ang masama, kundi ang mabuti. Ang gumagawa ng mabuti ay sa Dios: ang gumagawa ng masama ay hindi nakakita sa Dios.”
Ano ang ibig ituro sa atin ng araling ito?
Ang pag-anib sa iglesia ay nangangahulugan ng lubos na pagpapailalim o pagpapasakop sa kalooban ng Dios. Hindi natin dapat na pairalin ang ating sariling kalooban. Kaya, anumang pagkatao o pag-uugali na itinakuwil na natin sapagkat hindi umaayon sa pag-uugaling pinaiiral ng Dios, ay huwag na nating muling itayo pa. (Galacia 2:18) “Kung akin ngang muling itayo ang mga bagay na aking sinira, sa aking sarili ay pinatutunayan ko na ako’y suwail.”
Kung mayroon mang humikayat sa atin ay huwag nating pahintulutan na mangibabaw ang kanilang kagustuhan, bagkus ang dapat na manayo ay ang kalooban ng Dios. Tandaan nating hindi lahat ng mga tinawag sa iglesia ay nakapanatili. Marami ang tumalikod at inalis ng Dios sa loob ng Kaniyang bahay sapagkat ang mga ito ay hindi tumalima at hindi lubos na nagpasakop sa Kaniyang mga kalooban. Higit sa lahat, alam nating hindi pahihintulutan ng Dios na manatili sa Kaniyang bahay ang mga nagsisigawa ng kasamaan. (Awit 101: 7-8) “Siyang gumagawa ng karayaan ay hindi tatahan sa loob ng aking bahay: siyang nagsasalita ng kabulaanan ay hindi matatatag sa harap ng aking mga mata. Tuwing umaga ay aking lilipulin ang lahat na masama sa lupain; upang ihiwalay ang lahat na manggagawa ng kasamaan sa bayan ng Panginoon.”
Ingatan natin ang pagkakaisa bilang magkakapatid sapagkat tali ng espiritu ang nagbuklod sa atin upang umiral ang kapayapaan at pag-ibig sa bawat isa. Anumang anyo ng pagmamataas ay mawala nawa sa kalagitnaan natin at pairalin natin ang pagpapakumbaba, pagdadamayan at pagmamalasakitan. (Efeso 4: 1-3) “Namamanhik nga sa inyo akong bilanggo sa Panginoon, na kayo’y magsilakad ng nararapat sa pagkatawag na sa inyo’y itinawag, Ng buong kapakumbabaan at kaamuan, na may pagpapahinuhod, na mangagbatahan kayo-kayo sa pagibig; Na pagsakitan ninyong ingatan ang pakikipagkaisa sa Espiritu sa tali ng kapayapaan.”
Sapagkat kung gawin natin ito ay mamamalas ng marami ang pag-ibig natin sa isa’t isa bilang palatandaan ng tunay na mga lingkod ng ating Panginoong Dios.
