Tags

, ,

Ang salitang paghamak ay paglalagay sa isang bagay sa isang mababang kalagayan. Kadalasan ginagamit ang salitang ito gaya ng “paghamak sa kapuwa” na ang kahulugan ay pagturing sa kapuwa sa kaaba-abang kalagayan. Sinumang gumagawa nito ay maaaring nasa mataas na kalagayan at masasabi natin na hindi mabuti ang ganitong uri ng pagtingin sapagkat wala tayong karapatang gawin ito sa kahit sinuman, anuman ang ating kalagayan sa buhay. (Kawikaan 21:4) “Ang mapagmataas na tingin, at ang palalong puso, siyang ilaw ng masama, ay kasalanan.”

Ngunit ano ang kahulugan ng paghamak ng tao sa kaniyang sariling kaluluwa? Paano nagagawa ng isang tao na hamakin ang kaniyang sariling? Paano nagagawa ng tao na ilagay ang kaniyang kaluluwa sa kaaba-abang kalagayan? At ano ang maaaring maging bunga kung ganito ang magawa ng tao sa kaniyang sarili?

Paano ipinakilala ng Biblia ang mga taong humahamak sa kanilang sariling kaluluwa?

Sinabi ni Solomon, Siyang tumatanggi sa saway ay humahamak sa kaniyang sariling kaluluwa: nguni’t siyang nakikinig sa saway ay nagtatamo ng kaawaan.” (Kawikaan 15: 32)

Malinaw sa talatang ito ang pahayag ng Biblia na ang mga taong tumatanggi sa saway ay humahamak sa kanilang sariling kaluluwa. Ang saway na tinutukoy dito ay ang mga saway ng Dios, na siyang Kaniyang mga salita ng pagtutuwid at pagpapaalala sa atin. Nakalulungkot, subalit totoo na maraming mga tao ang hindi tumalima sa panawagan ng Dios. Maraming mga tao ang tumanggi at winalang kabuluhan ang kalooban ng Dios.

Sadyang may mga taong hindi nakinig sa mga saway ng Panginoon at naging dahilan ito upang ang Dios ay magalit laban sa kanila. “Sapagka’t ako’y tumawag, at kayo’y tumanggi: aking iniunat ang aking kamay, at walang makinig; Kundi inyong iniuwi sa wala ang buo kong payo, at hindi ninyo inibig ang aking saway:” (Kawikaan 1: 24-25)

Sa halip na tanggapin at ganapin ang kalooban ng Dios, mas pinili pa ng mga tao na tumalima sa kanilang sariling kagustuhan. Inaakala ng mga taong ito na higit ang kanilang sariling kaalaman kaysa sa pagtalima sa mga kalooban ng Dios. Ang mga ganitong klase ng tao ay mangmang sa unawa ukol sa tunay na kalooban ng Dios. Kaya’t sa halip na mabuti ang nagagawa, ang namamalas sa kanila ay ang pagpapalalo ukol sa kalooban ng Dios. “Ang palalo at mapagmataas na tao, manglilibak ang kaniyang pangalan, siya’y gumagawa sa kahambugan ng kapalaluan.” (Kawikaan 21:24)

Bukod dito, ayaw pa ng mga taong ito na sila ay sinasaway. Ayaw nilang tumanggap ng pagtutuwid. “Kanilang kinapopootan ang nananaway sa pintuang-bayan, at kanilang kinasusuklaman ang nagsasalita ng matuwid.” (Amos 5: 10)

Ano ang sasapitin ng mga taong humahamak sa kanilang sariling kaluluwa?

Palibhasa sariling kalooban ang ginaganap, huwag tayong umasa na matutupad ng mga taong ito ang kalooban ng Dios. Kaya sa halip na buti, ay pawang kasamaan ang ipinapakita ng mga ito. Ito ang ibubunga ng mga taong hindi marunong tumalima sa mga saway ng Dios. “Magpakita man ng awa sa masama, hindi rin siya matututo ng katuwiran; sa lupain ng katuwiran ay gagawa siyang may kamalian, at hindi niya mapapansin ang kamahalan ng Panginoon.” (Isaias 26:10)

Hindi pinahihintulutan ng Dios ang mga ganitong klase ng tao na tumahan sa Kaniyang harapan. May habag at awa ang Dios sa mga taong tumatalima sa Kaniyang kalooban, subalit Siya naman ay Dios din ng katarungan sa mga taong hindi marunong tumalima, na sa takdang kapanahunan ay Kaniyang igagawad ang kaniyang kahatulan. “Sapagka’t ako’y tumawag, at kayo’y tumanggi: aking iniunat ang aking kamay, at walang makinig; Kundi inyong iniuwi sa wala ang buo kong payo, at hindi ninyo inibig ang aking saway: Ako naman ay tatawa sa kaarawan ng inyong kasakunaan: ako’y manunuya pagka ang inyong takot ay dumarating; Pagka ang iyong takot ay dumarating na parang bagyo. At ang inyong kasakunaan ay dumarating na parang ipoipo; pagka ang hirap at hapis ay dumating sa inyo. Kung magkagayo’y tatawag sila sa akin, nguni’t hindi ako sasagot; hahanapin nila akong masikap, nguni’t hindi nila ako masusumpungan:” (Kawikaan 1: 24-28)

At ng kanilang magiging kawakasan ay mapait sapagkat tatanggapin nila ang kaparusahan mula sa Dios. Magsisi man sila ay huli na. “At ikaw ay manangis sa iyong huling wakas, pagka ang iyong laman at ang iyong katawan ay natunaw, At iyong sabihin, bakit ko kinayamutan ang turo, at hinamak ng aking puso ang saway: Ni hindi ko man sinunod ang tinig ng aking mga tagapagturo, O ikiling ko man ang aking pakinig sa kanila na mga nagturo sa akin!” (Kawikaan 5: 11-13)

Bawat kasamaang nagagawa ng mga tao ay tatanggap ng parusa mula sa Dios ayon sa kasamaan na kanilang ginawa, maging ito man ay lihim o hayag. “Sapagka’t ang gumagawa ng masama ay tatanggap ng ayon sa masama na kaniyang ginawa; at walang itinatanging mga tao.” (Colosas 3:25)

Sa ganito’y tatanggapin ng lahat ng mga hindi tumalima sa kalooban ng Dios ang parusang nakalaan, samakatuwid baga’y ang parusang walang hanggan. “Na maghihiganti sa hindi nagsisikilala sa Dios, at sa kanila na hindi nagsisitalima sa evangelio ng ating Panginoong Jesus: Na siyang tatanggap ng kaparusahan, na walang hanggang kapahamakang mula sa harapan ng Panginoon at mula sa kaluwalhatian ng kaniyang kapangyarihan.” (2 Tesalonica 1: 8-9)

Subalit ano naman ang matatamo ng mga taong tumanggap ng payo at saway ng Panginoong Dios?

Kung parusa ang igagawad sa mga mga hindi tumalima sa Kaniyang mga saway, gantimpala naman ang naghihintay sa mga taong tumalima sa Kaniyang kalooban. Ganito ang katarungang ibig pairalin ng Dios sa Kaniyang mga nilikha. “Ang taingang nakikinig sa saway ng buhay, ay tatahan sa gitna ng pantas. Siyang tumatanggi sa saway ay humahamak sa kaniyang sariling kaluluwa: nguni’t siyang nakikinig sa saway ay nagtatamo ng kaawaan.” (Kawikaan 15: 31-32) “Nguni’t ang nakikinig sa akin ay tatahang tiwasay. At tatahimik na walang takot sa kasamaan.” (Kawikaan 1: 33)

Ang habag ng Dios ay tatamuhin ng mga taong tumalima sa Kaniyang mga kalooban at sila’y pahihintulutan Niya na tumahan sa Kaniyang bahay, na ang bahay na ito ay walang iba kundi ang Iglesia ng Dios. “Tunay na ang kabutihan at kaawaan ay susunod sa akin sa lahat ng mga kaarawan ng aking buhay: at ako’y tatahan sa bahay ng Panginoon magpakailan man.” (Awit 23:6) (1 Tim. 3: 15)

Noon pa man ay ipinayo na ng Biblia ang pakikinig at pagtalima sa payo ng Panginoong Dios upang tamuhin ang mabuting kawakasan. Sinumang lumalakad at tumatalima sa Kaniyang mga katuwiran ay nag-iingat ng Kaniyang kaluluwa sapagkat ang kahihitnan ng ibayong pagsunod at pagpapasakop sa Dios ay ang pagmamana ng buhay na walang hanggan. “Makinig ka ng payo, at tumanggap ka ng turo, upang ikaw ay maging pantas sa iyong huling wakas.” (Kawikaan 19: 20) “Siyang tumitiwala sa kaniyang sariling puso ay mangmang: nguni’t ang lumakad na may kapantasan, ay maliligtas.” (Kawikaan 28: 26)

About these ads