Tags
Alam nating kailangan nating magawa ang kalooban ng Dios upang tamuhin natin ang Kaniyang pangakong buhay na walang hanggan. At tanging ang gumaganap lamang ng Kaniyang kalooban ang makakapasok sa Kaniyang kaharian. (Mateo 7:21) “Hindi lahat ng tumatawag sa akin, ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa kaharian ng langit, kundi ang mga tao lamang na sumusunod sa kalooban ng aking Ama na nasa langit.”
Subalit alam din nating hindi magiging madali ang lahat pagdating sa pagtupad ng Kaniyang mga kalooban. Nariyan ang maraming kahadlangan, pagsubok at tukso na kailangan nating malagpasan at mapagtagumpayan upang maging karapatdapat sa Dios. Bukod dito, kailangan din nating isaalang-alang na tayo ay pansamantala lamang na maninirahan sa sanlibutang ito. Ang ating kalagayan ay pawang manlalakbay lamang na kailangang batahin at pagdaanan ang anumang bagay na nakatakda nating maranasan samantalang tayo ay nasa kalagayang ito.
Bilang mga tao, hindi maiiwasan na makaranas tayo ng mga kabalisahan na karaniwang umiinis sa atin sa araw-araw. Ang mga kabalisahang ito ay normal lamang na maranasan, sapagkat dapat nating maunawaan na ang disenyo ng kalagayan natin sa sanlibutang ay hungkag o hindi kumpleto upang hindi tayo lubos na mangunyapit o yumakap sa mga bagay ng sanlibutang ito kundi ganap o lubos tayong mangailangan sa mga bagay na pawang tanging Dios lamang ang makapagbibigay sa atin.
Karaniwan sa ikinababalisa natin ay yaong ipinahayag ng Panginoong Hesus, samakatuwid baga ay ang mga pangunahing kailangan natin sa araw-araw. (Mateo 6: 31-33) “Kaya’t huwag kayong mag-alalang baka kayo kapusin sa pagkain, inumin o damit. Hindi ba’t ang mga Hentil ang nababahala tungkol sa mga bagay na iyan? Alam na ng inyong Ama na nasa langit na kailangan ninyo ang lahat ng iyan. Ngunit higit sa lahat ay pagsikapan ninyo na kayo’y pagharian ng Diyos at mamuhay nang ayon sa kanyang kalooban, at ibibigay niya sa inyo ang lahat ng inyong pangangailangan.
At huwag nating sabihin na tayo lamang ang lubhang nakakaranas ng maraming kahirapan at kadalamhatian, sapagkat ipinahayag pa din ng Biblia na ang buong sanlibutan ay humihibik o dumadaing ng kahirapan sa buhay na ito. (Roma 8: 22-23) “Alam nating hanggang ngayo’y dumaraing ang sangnilikha dahil sa matinding hirap na tulad ng isang nanganganak. At hindi lamang ito, kundi tayong mga tumanggap na ng Espiritu bilang unang kaloob ng Diyos ay dumaraing din habang hinihintay natin ang paghahayag ng ating pagiging mga anak ng Diyos at ang paglaya ng ating mga katawan.”
Nagpasimulang maranasan natin ang kahirapan o kahungkagan sa buhay natin na ito dahil sa ipinataw na parusa ng Dios sa tao. Hindi magiging madali para sa atin ang pamumuhay, sapagkat sa pawis ng ating mukha ay kakain tayo ng tinapay. Ibig sabihin, kailangan nating pagtrabahuhan ang lahat upang tayo ay makakalap ng pantakip sa ating mga araw-araw na kailangan. Mula noon ay nararanasan na natin ang lubhang kahirapan ng pamumuhay. (Genesis 3:16-19) “Sinabi niya sa babae, Pararamihin kong lubha ang iyong kalumbayan at ang iyong paglilihi; manganganak kang may kahirapan; at sa iyong asawa ay pahihinuhod ang iyong kalooban, at siya’y papapanginoon sa iyo. At kay Adam ay sinabi, Sapagka’t iyong dininig ang tinig ng iyong asawa, at kumain ka ng bunga ng punong kahoy na aking iniutos sa iyo na sinabi, Huwag kang kakain niyaon; sumpain ang lupa dahil sa iyo; kakain ka sa kaniya sa pamamagitan ng iyong pagpapagal sa lahat ng mga araw ng iyong buhay; Ang isisibol niyaon sa iyo ay mga tinik at mga dawag; at kakain ka ng pananim sa parang; Sa pawis ng iyong mukha ay kakain ka ng tinapay, hanggang sa ikaw ay mauwi sa lupa; sapagka’t diyan ka kinuha: sapagka’t ikaw ay alabok at sa alabok ka uuwi.
Dagdag pa dito ang pagsagana ng kasamaan ng tao na naging daan naman upang lalong maging mahirap ang ating mga pamumuhay. Noon pa man ay hinulaan na ng Panginoong Hesus ang mga kasakunaan, digmaan at pagsagana ng katampalasanan na siyang magiging pasimula ng lahat ng lalo pang kapighatian nating mga tao dito sa lupa. (Mateo 24:6) “At mangakakarinig kayo ng mga digmaan at mga alingawngaw ng mga digmaan; ingatan ninyo na huwag kayong magulumihanan: sapagka’t kinakailangang ito’y mangyari datapuwa’t hindi pa ang wakas. Sapagka’t magsisitindig ang bansa laban sa bansa, at ang kaharian laban sa kaharian; at magkakagutom at lilindol sa iba’t ibang dako. Datapuwa’t ang lahat ng mga bagay na ito ay siyang pasimula ng kahirapan.”
At sapagkat ipinaunawa sa mga lingkod ng Dios ang mga bagay na ito, talastas natin na mahalaga ang magtiwala sa Dios sa lahat ng panahon. Ang tunay na lingkod ay lubos na nagtitiwala sa Dios at walang anumang kinatatakutan sa buhay na ito. (Awit 112:7) “Siya’y hindi matatakot sa mga masamang balita: ang kaniyang puso ay matatag, na tumitiwala sa Panginoon.“
Gaano ba kahalaga ang magtiwala sa Panginoon? Ano ang garantiya ng Dios sa mga taong tumitiwala sa Kaniya?
Kapag Dios ang nangako, makakaasa tayong lubos na ang Kaniyang pangako ay tapat at totoo. Sinumang nagtitiwala sa Dios ay makakaasa ng Kaniyang pagsaklolo sa lahat ng panahon. Ang Kaniyang pangako ay malinaw na ang Kaniyang mga lingkod ay hindi Niya pababayaan sa anumang paraan. (Hebreo 13: 6) “Mangilag kayo sa pagibig sa salapi; mangagkasiya kayo sa inyong tinatangkilik: sapagka’t siya rin ang nagsabi, Sa anomang paraan ay hindi kita papagkukulangin, sa anomang paraan ni hindi kita pababayaan. Ano pa’t ating masasabi ng buong tapang, Ang Panginoon ang aking katulong; hindi ako matatakot: Anong magagawa sa akin ng tao?”
Bukod sa pagtitiwala sa Dios, ano ang kinakailangan nating taglayin at gawin upang magawa ang Kaniyang kalooban?
Gaya nang una nating pahayag, hindi madali ang magtagumpay sa buhay na ito samantalang ginaganap ang kalooban ng Dios. Kailangan natin ang ibayong “pagtitiis.” (Hebreo 10:36) “Sapagka’t kayo’y nangangailangan ng pagtitiis, upang kung inyong magawa ang kalooban ng Dios, ay magsitanggap kayo ng pangako.”
Ang salitang pagtitiis ay pagdaranas ng matinding hirap at sakripisyo samantalang nananatiling umaayon sa Kalooban ng Dios ang ating mga pamumuhay. Binabata natin ang maraming mga bagay, gaya ng tukso, kalayawan, kasalanan at iba pang mga bagay na maaaring humadlang sa atin sa ikapagigindapat sa Dios. Isinasakripisyo natin ang pamumuhay na maaari naman sana nating maranasan alang-alang sa pagganap ng kalooban ng Dios. At pinahihintulutan nating maranasan ang mga kalumbayan bunga ng mga pagsubok sapagkat alam nating ang makikinabang nito ay ang paglago o pag-unlad ng ating mga tinaglay na pananampalataya. (1 Pedro 1: 6-7) “Na ito ang inyong totoong ikinagagalak, bagama’t ngayo’y sa sangdaling panahon, kung kailangan, ay pinalumbay kayo sa muli’t muling pagsubok, Upang ang pagsubok sa inyong pananampalataya na lalong mahalaga kay sa ginto na nasisira bagama’t ito’y sinusubok sa pamamagitan ng apoy, ay masumpungan sa ikapupuri at ikaluluwalhati at ikararangal sa pagpapakahayag ni Jesucristo:” (1 Pedro 2: 20-21) Sapagka’t anong kapurihan nga, kung kayo’y nangagkakasala, at kayo’y tinatampal ay inyong tanggapin na may pagtitiis? nguni’t kung kayo’y gumagawa ng mabuti, at kayo’y nagbabata, ay inyong tanggapin na may pagtitiis, ito’y kalugodlugod sa Dios. Sapagka’t sa ganitong bagay kayo’y tinawag: sapagka’t si Cristo man ay nagbata dahil sa inyo, na kayo’y iniwanan ng halimbawa, upang kayo’y mangagsisunod sa mga hakbang niya:
Ang pagtitiis na nararanasan ng mga lingkod ay pagkakataon upang makagawa ng malaking kabanalan sa harap ng Dios. Kung walang pagtitiis, walang kabanalan. (2 Pedro 1: 5-6) “Oo, at dahil din dito, sa pagkaragdag sa ganang inyo ng buong sikap, ay ipamahagi ninyo sa inyong pananampalataya ang kagalingan; at sa kagalingan ay ang kaalaman; At sa kaalaman ay ang pagpipigil; at sa pagpipigil ay ang pagtitiis; at sa pagtitiis ay ang kabanalan;”
Kaya naman, ipinayo ng Biblia na hindi tayo dapat magalinlangan at mawalan ng pagasa sa tuwing makakaranas ng mga tiisin. Hindi tayo pababayaan ng Dios sa anumang paraan, ang kailangan lamang ay tumawag tayo sa Kaniya upang ipakilalang sa Kaniya tayo lubos na nagtitiwala. (Filipos 4: 6) Huwag kayong mangabalisa sa anomang bagay; kundi sa lahat ng mga bagay sa pamamagitan ng panalangin at daing na may pagpapasalamat ay ipakilala ninyo ang inyong mga kahilingan sa Dios.
Inilarawan ni Hesus sa pamamagitan ng talinhaga ang tunay na natamnan ng katuwiran. At dito’y ipinakilala Niya na ang mga tunay na iningatan ang napakinggang salita ay nagbubungang may lakip na pagtitiis. (Lucas 8: 13-15) “At ang mga sa batuhan, ay yaong mga pagkarinig, ay tinatanggap na may galak ang salita; at ang mga ito’y walang ugat, na sila sa sangdaling panaho’y nagsisisampalataya, at sa panahon ng tukso ay nagsisihiwalay. At ang nahulog sa dawagan, ay ito ang nangakinig, at samantalang sila’y nagsisiyaon sa kanilang lakad ay iniinis sila ng mga pagsusumakit at mga kayamanan at mga kalayawan sa buhay na ito, at hindi nangagbubunga ng kasakdalan. At ang sa mabuting lupa ay ang mga pusong timtiman at mabuti, na iniingatan ang salita pagkarinig, at nangagbubunga may pagtitiis.”
Bakit itinulot ng Dios na maranasan ng Kaniyang mga lingkod ang mga pagtitiis na ito?
Kalooban ng Dios na iparanas sa atin ang hindi kakaunting mga tiiisin upang lubos nating kailanganin ang Kaniyang tulong sa tuwina, at huwag tayong magtiwala sa ganang ating mga sarili lamang. Bukod dito, hangad din ng Dios na iparanas ang mga ito upang hindi tayo lubos na yumakap sa mga bagay ng sanlibutang ito. Sa pamamagitan nito, ay ating maunawaan na ang buhay natin sa sanlibutang ito ay hungkag at hindi ganap, na ang ating higit na dapat na pakaasamin ay ang tunay na buhay na ipinangako ng Dios, ang buhay na walang hanggan.
Ang pagtitiis na ating nararanasan ay kaparaanan din ng Dios upang tayo ay subukin at salaing mabuti upang lalong maging karapatdapat sa Kaniya. Walang marumi at karumaldumal na papasok sa Kaniyang kaharian, kung kaya’t kailangang dito pa lamang sa lupa ay linisin na natin ang ating mga sarili at pagsikapang maging karapatdapat sa Kaniya sa pamamagitan ng pagbabata at mga pagtitiis sa pamamalagi sa pagganap ng Kaniyang mga kalooban. (2 Tesalonica 1: 4-5) “Ano pa’t kami sa aming sarili ay nangagkakapuri sa inyo sa mga iglesia ng Dios dahil sa inyong pagtitiis at pananampalataya sa lahat ng mga paguusig sa inyo at sa mga kapighatiang inyong tinitiis; Na isang tandang hayag ng matuwid na paghukom ng Dios; upang kayo’y ariing karapatdapat sa kaharian ng Dios, na dahil dito’y nangagbabata rin naman kayo:”
Alalahanin natin ang panahong ipinagkaloob sa atin ang liwanag ng pananampalataya. Sapagkat kailangan nating ipaglaban ang pananampalatayang ito sa pamamagitan ng malaking pakikipaglaban din ng mga pagbabata. (Hebreo 10: 32) “Datapuwa’t alalahanin ang mga nakaraang araw, na sa mga yaon, pagkatapos na kayo’y maliwanagan, ay nangagtiis kayo ng malaking pakikilaban ng mga pagbabata;”
At anumang maaaring maging hadlang ay pagsikapan nating alisin sa ating mga daraaanan sapagkat maaaring ito ang maging dahilan upang tayo ay hindi magtagumpay sa ating mga mithiin. (Hebreo 12: 1) “Kaya’t yamang nakukubkob tayo ng makapal na bilang ng mga saksi, itabi namang walang liwag ang bawa’t pasan, at ang pagkakasalang pumipigil sa atin, at ating takbuhing may pagtitiis ang takbuhing inilagay sa harapan natin,”
