Tags

,

Maraming mga kapangyarihang taglay ang Dios na tanging Siya lamang ang nagtataglay.  Sinumang nagbabasa at nagsasaliksik ng Biblia ay hindi maikakaila ang lawak at kadakilaan ng Kaniyang kapangyarihan. Ang Dios ay Makapangyarihan sa lahat. Ang katotohanang ito ay nahayag sa maraming mga tauhan ng Biblia noong araw at maging sa ating kapanahunang ito.

Isa sa dakilang katangian at kapangyarihan ng Dios ay ang pagiging Hukom. Siya ang nag-iisang Hukom na ipinakikilala ng Biblia. (Awit 50: 6)  At ipahahayag ng langit ang kaniyang katuwiran; sapagka’t ang Dios ay siyang hukom. (Awit 75:7) Kundi ang Dios ay siyang hukom: kaniyang ibinababa ang isa, at itinataas ang isa.

Kaya noon pa man ay ipinaalam na sa ating mga tao ang layunin at dahilan kung bakit tayo nilikha, samakatuwid ay ang matakot sa Dios at sundin ang Kaniyang mga utos. Dadalhin ng Dios ang lahat ng ating mga gawa sa kahatulan, (Ecles. 12: 13)at Siya mismo ang Hukom na maggagawad sa ating mga nagawa, pati bawat kubling bagay, maging ito man ay mabuti o maging ito man ay masama. (Ecles 3: 17) Sinabi ko sa puso ko, Hahatulan ng Dios ang matuwid at ang masama: sapagka’t may panahon doon sa bawa’t panukala at sa bawa’t gawa.

Ang ipinakikilalang Hukom ay walang iba kundi ang Panginoong Hesus. (2 Tim. 4: 1, 8) Ipinagbibilin ko sa iyo sa paningin ng Dios, at ni Cristo Jesus, na siyang huhukom sa mga buhay at sa mga patay, sa pamamagitan ng kaniyang pagpapakita at sa kaniyang kaharian: Buhat ngayon ay natataan sa akin ang putong na katuwiran, na ibibigay sa akin ng Panginoon na tapat na hukom sa araw na yaon; at hindi lamang sa akin, kundi sa lahat din naman ng mga naghahangad sa kaniyang pagpapakita.

Mayroong sadyang itinakdang araw na ipaghuhukom ang Dios. Ang araw na ito ay inilaan upang hatulan ang lahat ng mga tao ayon sa kanilang mga gawa, mabuti man o masama, hayag man o lihim. (Gawa 17: 31) Sapagka’t siya’y nagtakda ng isang araw na kaniyang ipaghuhukom sa sanglibutan ayon sa katuwiran sa pamamagitan ng lalaking kaniyang itinalaga; na ito’y pinatunayan niya sa lahat ng mga tao, nang siya’y buhayin niyang maguli sa mga patay.

Bilang katunayan, nakasaad sa pangitaing nakita ni Apostol Juan ang paghatol na gagawin ng Dios. (Apoc. 19: 11) At nakita ko ang mga patay, malalaki at maliliit, na nangakatayo sa harapan ng luklukan; at nangabuksan ang mga aklat: at nabuksan ang ibang aklat, na siyang aklat ng buhay: at ang mga patay ay hinatulan ayon sa mga bagay na nasusulat sa mga aklat, ayon sa kanilang mga gawa.

Hindi lahat ng mga tao ay huhukuman sa araw na yaon. Sapagkat mayroong paghuhukom na nagaganap na at ito ay walang iba kundi sa bahay ng Dios, (1 Ped. 4: 17) Sapagka’t dumating na ang panahon ng pasimula ng paghuhukom sa bahay ng Dios: at kung mauna sa atin, ano kaya ang wakas ng mga hindi nagsisitalima sa evangelio ng Dios? Ang bahay ng Dios na tinutukoy dito ay walang iba kundi ang iglesia ng Dios. (1 Tim. 3: 15)

Paano nagagawang taglayin ng ilan ang katangiang ito ng Dios?

Hindi kaila sa atin na mayroong ilan na kay daling humahatol sa kanilang kapuwa tao. Ang ganitong pag-uugali ay noon pa man ay hayag ayon sa Biblia, kaya ipinayo na (Santiago 4: 11-12) Huwag kayong mangagsalita ng laban sa isa’t isa, mga kapatid. Ang nagsasalita laban sa kapatid, o humahatol sa kaniyang kapatid, ay nagsasalita laban sa kautusan, at humahatol sa kautusan: datapuwa’t kung ikaw ay humahatol sa kautusan, hindi ka na tagatupad ng kautusan, kundi hukom. Iisa ang tagapagbigay ng kautusan at hukom, sa makatuwid baga’y ang makapagliligtas at makapagwawasak: datapuwa’t sino ka na humahatol sa iyong kapuwa?

Nagsisimula ang ganitong katangian sa mga taong ang tingin sa kanilang mga sarili ay malinis. Sadyang may mga taong hindi nakikita ang sariling kapintasan, kaya ang lagi nilang napapansin ay ang kapintasan ng iba. Nalilimutan nilang sila man ay may mga kapintasan din na dapat nilang linisin. (Lukas 6: 41-42) At bakit mo tinitingnan ang puwing na nasa mata ng iyong kapatid, datapuwa’t hindi mo pinupuna ang tahilan na nasa iyong sariling mata? O paanong masasabi mo sa iyong kapatid, Kapatid, pabayaan mong alisin ko ang puwing na nasa iyong mata, kundi mo nakikita ang tahilan na nasa iyong sariling mata? Ikaw na mapagpaimbabaw, alisin mo muna ang tahilan na nasa iyong sariling mata, kung magkagayo’y makikita mong malinaw ang pagaalis ng puwing na nasa mata ng iyong kapatid.

Ang ganitong pag-uugali ay tinuligsa ng Panginoong Hesus sa mga Eskriba at mga Fariseo. Sila ay mga mapagmataas sapagkat sila ang mga tinatawag na mga relihiyoso sa panahong yaon. Hindi nalalayo ang ganitong larawan sa panahong ito. Mayroong mga tao na masasabing relihiyoso subalit sila ang mga numero unong pintasero at pintasera, mga mapagmataas sa kanilang sarili, at ang tingin sa iba ay mababa, madumi at makasalanan.

Sinuman sa atin ay walang karapatang humatol sa kaniyang kapuwa. Lahat tayo ay pantay-pantay sa paningin ng Dios at Siya lamang ang may karapatang humatol sa atin, Siya na nagiisang Hukom.

Bukod sa paghatol sa kapuwa, ano pa ang isang kasamaang nagagawa ng ilan?

Sinabi ng Biblia na kung mayroon mang nagtataglay ng karapatan at karangalan sa paghihiganti, ito ay walang iba kundi ang nag-iisang Dios. (Hebreo 10: 30) Sapagka’t ating nakikilala yaong nagsabi, Akin ang paghihiganti, ako ang gaganti. At muli, Huhukuman ng Panginoon ang kaniyang bayan. Ito’y katangian ng Dios bilang bahagi ng Kaniyang pagiging Hukom. Ang Hukom ang hahatol at ang Hukom din ang magbibigay ganti sa anumang gawa na ating ginawa, maging ito man ay mabuti o masama.

Ang kasamaan dito, iniisip ng ilan na kung sila ay nagawan ng kamalian o kasamaan ng kanilang kapuwa ay nagkakaroon na din sila ng karapatang gumanti sa kasamaang yaon. Hindi tayo binigyan ng karapatang gumanti sa ating kapuwa, gaano man kabigat ang ginawang kasamaan sa atin.

Ang halimbawa ng pagtitiis at pagpapakababa ng Panginoong Hesus ay sapat upang tularan natin na ang anumang kasamaang gawin sa atin ay kailangan nating batahin sapagkat dapat nating ipagkaloob ang karangalan at kapurihan ng Dios sa pamamagitan ng pagkilala sa Kaniya bilang Hukom na tagapagbigay ganti sa ating Kaniyang mga lingkod.

Kung tayo ay lalagay sa kalagayang Hukom at tagpagbigay ganti, ano pa ang ibibigay nating karangalan sa Dios?

Isa sa katangian ng Dios na dapat nating makilala ay ang pagiging makatarungan Niya sa lahat ng bagay at pagkakataon. Hindi Siya liko para limutin ang ating mabubuting mga gawa at hindi din naman Siya nakikigalak sa bawat kasamaang ating nagagawa. (Awit 5: 4-6) Sapagka’t ikaw ay di isang Dios na may kaluguran sa kasamaan: ang masama ay hindi tatahang kasama mo. Ang hambog ay hindi tatayo sa iyong paningin: iyong kinapopootan ang lahat na mga manggagawa ng kalikuan.

Hayag sa ating lahat na ang Dios na ating kinikilala at sinasampalatayanan ay Dios na marunong ding magparusa. Sa panahon ni Noe ay kinitil niya ang buhay ng maraming mga taong hindi kumilala sa Kaniya. (Genesis 6: 5-7, 13). Sa panahon ni Lot ay sinunog Niya ang mga taong naging sakdal sa paggawa ng kasamaan. (Genesis 19: 13) At maging ang sinaunang Israel, ang bayan na Kaniyang inibig nang mahabang panahon ay nagawa Niyang talikuran sapagkat paulit-ulit na lamang ang kanilang ginagawang kasamaan sa paningin ng Dios. (Roma 11: 20-22)

Kaya hindi tayo dapat magtaka kung sa panahong ito ay nakaamba sa atin ang muling paggagawad Niya ng Kaniyang galit at poot bunsod ng mga kasamaang naglipana sa sanlibutang ito. (2 Pedro 3: 7, 10) Nguni’t ang sangkalangitan ngayon, at ang lupa, sa pamamagitan ng gayon ding salita ay iningatang talaga sa apoy, na itinataan sa araw ng paghuhukom at ng paglipol sa mga taong masama. Datapuwa’t darating ang araw ng Panginoon na gaya ng magnanakaw; na ang sangkalangitan sa araw na iyan ay mapaparam na kasabay ng malaking ugong, at ang mga bagay sa langit ay mapupugnaw sa matinding init, at ang lupa at ang mga gawang nasa lupa ay pawang masusunog.  

Siya ay Dios ng katarungan, at Siya ay Dios na mamumugnaw, nakahandang magparusa at magbigay ganti lalo na sa mga nagsisigawa ng kasamaan sa Kaniyang paningin. (Hebreo 12: 29)  Sapagka’t ang Dios natin ay isang apoy na mamumugnaw.

Ano ang ipinayo ng Biblia upang maiwasan natin ang mga kasamaang ito?

Ang wika ni Hesus, “Huwag tayong humatol.” (Mateo 7: 1-2) Huwag kayong magsihatol, upang huwag kayong hatulan. Sapagka’t sa hatol na inyong ihahatol, ay hahatulan kayo: at sa panukat na inyong isusukat, ay susukatin kayo.

At sinabi din ni Apostol Pablo, “Dahil dito’y wala kang madadahilan, Oh tao, sino ka man na humahatol: sapagka’t sa iyong paghatol sa iba, ay ang iyong sarili ang hinahatulan mo; sapagka’t ikaw na humahatol ay gumagawa ka ng gayon ding mga bagay.”

Pakatandaan nating hindi tayo binigyang kalayaan na humatol sa ating kapuwa, lalong lalo na sa ating kapatid sa pananampalataya. Maliwanag ang pahayag sa atin na ang paghatol ay nakaukol lamang sa Dios. Siya lamang ang may karapatang humatol at maggawad ng anumang kaparusahang karapatdapat sa anumang ating nagagawa.

Hindi tayo dapat magbigay ng anumang dahilan upang ang sinuman ay manghina o matisod sa atin. Ang paghatol sa kapuwa o kapatid ay posibleng maging daan ng katitisuran o panghihina.  (Roma 14: 10, 12-14) Datapuwa’t ikaw, bakit humahatol ka sa iyong kapatid? at ikaw naman, bakit pinawalaang halaga mo ang iyong kapatid? sapagka’t tayong lahat ay tatayo sa harapan ng hukuman ng Dios. Kaya nga ang bawa’t isa sa atin ay magbibigay sulit sa Dios ng kaniyang sarili. Huwag na nga tayong mangaghatulan pa sa isa’t isa: kundi bagkus ihatol ninyo ito, na ang sinoman ay huwag maglagay ng katitisuran sa daan ng kaniyang kapatid o kadahilanan ng ikararapa.

Bago natin punahin at pansinin ang kapintasan ng iba, makabubuting siyasatin muna natin ang ating mga sarili. Tayo man ay may mga kapintasan ding nagagawa na karapatdapat sa hatol ng Dios.

At huwag na huwag nating isiping gumanti sa anumang kasamaang ginawa laban sa atin. Karangalan at kapurihan ng Dios ang pagganti. Ipagkaloob natin sa Kaniya ang karangalang ito. Sa halip na masama ang ating gawin, gantihin natin ng kabutihan ang ating kapuwa. (1 Pedro 3: 9) Na huwag ninyong gantihin ng masama ang masama, o ng alipusta ang pagalipusta; kundi ng pagpapala; sapagka’t dahil dito kayo’y tinawag, upang kayo’y mangagmana ng pagpapala.

Sa huli ay mauunawaan nating ang bahagi natin ay idalangin ang mga nagsigawa sa atin ng kasamaan at hindi yaong pagganti na tanging sa Dios lamang nakalaan. (Roma 12: 19-21) Huwag kayong mangaghigantihan, mga iniibig, kundi bigyan ninyong daan ang galit ng Dios: sapagka’t nasusulat, Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti, sabi ng Panginoon. Kaya’t kung ang iyong kaaway ay magutom, pakanin mo; kung siya’y mauhaw, painumin mo: sapagka’t sa paggawa mo ng gayon ay mga baga ng apoy ang ibubunton mo sa kaniyang ulo. Huwag kang padaig sa masama, kundi bagkus daigin mo ng mabuti ang masama.

 

About these ads