Tags

, ,

Bawat aral sa Biblia ay mahalaga. Iba-iba ang tema o paksa na maaaring matutunan dito subalit iisa ang layunin, ang ihatid tayo patungo sa ikapagigindapat sa Dios.

Ang mga aralin sa Biblia ay sapat na makapagtuturo sa atin. Ang kailangan lamang ay saliksikin ito at basahin sapagkat mahalaga ang pagtutuon ng ibayong pansin sa mga ito.

Sinabi ni Apostol Pablo, (2 Timoteo 3: 15-17) At mula sa pagkasanggol ay iyong nalalaman ang mga banal na kasulatan na makapagpadunong sa iyo sa ikaliligtas sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus. Ang lahat ng mga kasulatan na kinasihan ng Dios ay mapapakinabangan din naman sa pagtuturo, sa pagsansala, sa pagsaway, sa ikatututo na nasa katuwiran: Upang ang tao ng Dios ay maging sakdal, tinuruang lubos sa lahat ng mga gawang mabuti.

Sapat ang mga aralin upang patibayin ang pananampalatayang ipinagkaloob sa atin. Ang pananampalataya natin ay nagmula sa pakikinig ng mga salita ng Dios (Roma 10:17) at ang mga salita din ng Dios ang kailangan upang ang ating mga pananampalataya ay lumago at tumibay. (Roma 16:25)

Noon pa man ay ipinayo na ng Biblia ang matibay na pag-iingat at pagpapahalaga sa mga aral ng mga salita ng Dios sapagkat pawang maghahatid at magkakaloob sa atin ng pagkakataon upang magkaroon ng tunay na buhay, ang buhay na walang hanggan. (Kawikaan 4: 20-23) Anak ko, makinig ka sa aking mga salita; ikiling mo ang iyong pakinig sa aking mga sabi. Huwag mangahiwalay sa iyong mga mata; Ingatan mo sa kaibuturan ng iyong puso. Sapagka’t buhay sa nangakakasumpong, at kagalingan sa buo nilang katawan. Ingatan mo ang iyong puso ng buong sikap; sapagka’t dinadaluyan ng buhay.

Isa sa mga aral ng mga salita ng Dios ay ang tungkol sa pagkagalit o kagalitan. Ang “galit” ay bahagi ng ating emosyon na kusang nahahayag kapag ito ay nahihila. Kadalasan, hindi man natin kagustuhan, ang galit ay nagdudulot sa atin ng sari-saring reaksyon.

Dahil dito, ano ang dapat nating matutunan tungkol sa pagkagalit at ano ang maaaring masamang maidulot nito sa atin?

Bawat normal na tao ay hindi makakaiwas sa pagkagalit. Sa ayaw man natin o hindi, mayroong isang bagay na maaaring humila sa atin upang mawalan tayo ng pasensiya o pagpipigil. Ipinalalagay na dalawang klase ang pagkagalit. Ang una ay yaong mabilis na pagkagalit na sa ilang saglit lamang ay naaabot ang rurok nito. At mayroon namang mabagal na pagkagalit na bibilang muna ng ilang pagkakataon bago marating ang pinakamataas na antas nito.

Ang mga taong madaling magalit ay ipinakikilala ng Biblia na palatandaan ng kakulangan ng kaalaman o pagpipigil sa sarili. (Kawikaan 14:29) Siyang makupad sa pagkagalit ay may dakilang paguunawa: nguni’t siyang madaling magalit ay nagbubunyi ng kamangmangan. (Ecles. 7: 9) Huwag kang magagalitin sa iyong kalooban: sapagka’t ang galit ay nagpapahinga sa sinapupunan ng mga mangmang.

Kapag nangibabaw sa tao ang kamangmangan, ano ang posibleng maging resulta nito? Ayon sa Biblia, ang kamangmangan nating mga tao ang kadalasang nagiging dahilan ng pagkakasala natin sa mga kautusan ng Dios. Kapag pinairal natin ang kamangmangan, sinisira nito ang ating mga lakad at pawang paglabag sa kalooban ng Dios ang ating nagagawa. (Kaw. 19:3) Ang kamangmangan ng tao ay sumisira ng kaniyang lakad; at ang kaniyang puso ay nagagalit laban sa Panginoon.

Kapag nahila na ng kamangmangan ang ating puso, at tuluyan na itong nagpa-alipin sa galit, hihilahin ng galit ang lahat ng negatibong bagay na maaari nitong magawa. (Kawikaan 29:22) Ang taong magagalitin ay humihila ng kaalitan, at ang mainiting tao ay nananagana sa pagsalangsang. Tayo ang lubos na nakakaalam na kaydami na ang napahamak dahil sa hindi mapigilang galit. At kapag galit ang nangibabaw, ang pagsalansang ay sumasagana.  Gaano karami na ang napatay ng taong hindi napigilan ang galit sa kaniyang puso? (Kaw 27:4) Poot ay mabagsik, at ang galit ay mamumugnaw…

Ano ang mga ipinapayo ng Biblia sa atin kung nakadadama tayo ng pagkagalit?

Bagaman hindi maiiwasan ang magalit, hindi naman nagkulang ang Biblia ng aral kung ang galit ay ating madama. Ang kailangan lamang natin ay isapuso ang mga pagpapayo ng Biblia upang kung ang galit man ay dumating sa atin, ang mga pagpapayong ito ang mananayo sa atin.

Hindi tayo dapat magpaalipin sa anumang bagay na maghahatid sa atin patungo sa pagsalansang sa mga kautusan ng Dios. Tandaan nating mga lingkod tayo ng Dios, at bilang Kaniyang mga lingkod, dapat tayong laging mag-ingat sa ating mga sarili kung ano ang ating iisipin, sasabihin at gagawin.

Hangga’t maaari, kung magagawa natin, pigilan natin ang galit. Ayon sa isang artikulong nalathala sa internet, base sa mga nagsisipag-aral tungkol sa anger management seminar, ang galit ay mayroong bahagdan. Ang unang bahagdan ay bahagyang pagkagalit – sinasabing ang estadong ito ang pinakamadaling mapigilan sapagkat ang nagagalit ay mayroong pang kakayahang makinig at mag-isip.

Ang ganitong estado ay mayroon pang kakayahang ipaliwanag ang naging dahilan ng kanilang galit at ang ipinapayong maaaring makatulong sa ganito ay ang pakikinig sa kanila. Sa pamamagitan ng pakikinig sa kanilang paliwanag, maaaring makapagpayo tayo kung paano mapapawi ang kanilang galit.

Ang ikalawang bahagdan ng pagkagalit ay medyo may kahirapan nang supilin. Sa estadong ito, ang taong nagagalit ay wala nang kakayahang tumutok sa naging sanhi ng kaniyang pagkagalit. Karaniwan, ang ganitong pagkagalit ang halos nararanasan nating lahat, subalit iilan lamang sa atin ang may kakayahang supilin ito.

Ang pinakahuli at pinakamalalang estado ay mapanira. May sapat na kakayahan ang ganitong uri ng pagkagalit upang sirain ang anumang mabuting relasyon na namamagitan sa ating mga tao. Ito ang sinasabi ng Biblia na pagkagalit na may kakayahang makagawa ng hindi tama sa paningin ng Dios.

Sa Biblia, ang pagkagalit ay inilarawan ni Apostol Pablo sa talatang ito, (Efeso 4:31) Ang lahat ng kapaitan, at kagalitan, at pagkakaalit, at kadaldalan, at panglilibak, ay mangaalis nawa sa inyo, pati ng lahat ng masasamang akala:

Mula sa anim na bagay na ito na pinaiiwasan sa atin ni Pablo, maaari nating matutunan ang maaaring pagmulan at idulot sa atin ng pagkagalit.

Nagpapasimula ang galit kapag ang anumang bagay ay naging labag sa ating kalooban o kagustuhan. Sa katunayan, normal na maramdaman ito ng bawat tao. At mahalaga na magkaroon nito sapagkat nahuhubog nito ang ating mga pagkatao. Nalalaman natin kung ano ang gusto natin at hindi natin gusto at mahalaga ito sa pagtatamo ng kaunawaaan at karunungan. Kung ang kapaitan ay magagamit sa wastong paraan, makakatulong ito sa madaling pagunawa ng bawat bagay. Makakatulong din ito sa pagsang-ayon sa mga bagay na karaniwang hindi sinasangayunan, pagtanggap sa paniniwala ng iba, at pagtanggap sa mga bagay na hindi natin kayang kontrolin.

Kung hindi ito mapipigilan, kadalasan ang kasunod nito ay ang pagkagalit at pagkakaalit. Sa puntong ito ay hindi na natin mapigilan ang ating mga sarili at hinayaan na nating ang mamayani sa atin ay ang ating galit. Kung walang patnubay at habag ng Dios, napaka-imposible na ang ganitong uri ng galit ay mapagtagumpayan natin.

Kasunod na nito ang kadaldalan, pagiingay at panglilibak. Ibinabadya ng kalagayang ito ang pagsigaw at pagrereklamo. At kapag pinairal ang kawalan ng pagpipigil, karaniwang makikita ang pagtutungayaw o pagmumura, pagsasalita ng masasakit at lubhang nagiging mapanira.

At sa huli ay ang maling akala o malisya. Wala nang matinong bagay o mabuting bagay ang maaaring maisip ng sinumang nasa ganitong kalagayan. Sinumang nasa ganitong kalagayan ay nasa kalagayang nagiging hukom sa kanilang sarili na nagagawa nang hatulan ang kanilang kapuwa at naghahangad na din ng paghihiganti.

Kaya mahigpit ang payo ng Biblia, huwag nating bigyan ng pagkakataon na ang galit ay maging kasangkapan ng Diablo upang tayo ay magkasala sa paningin ng Dios. (Efeso 4: 26-27) Kayo’y mangagalit at huwag kayong mangakasala: huwag lumubog ang araw sa inyong galit:  Ni bigyan daan man ang diablo. Ginagamit ng Diablo ang kahinaan natin upang tayo ay matukso at magkasala sa ating Panginoon.

Magpakatalino tayo at huwag maging mangmang sa mga lalang ng Diablo, sapagkat tunay na hindi siya titigil hanggat hindi tayo napagtatagumpayan. (Kaw. 19: 11) Ang bait ng tao ay nagpapakupad sa galit. At kaniyang kaluwalhatian na paraanin ang pagsalangsang. “If you are sensible, you will control your temper. When someone wrongs you, it is a great virtue to ignore it. “(GNB)

Makakatulong ng malaki ang palagiang pananalangin at pagbubulay-bulay. Ang palagiang pakikipagugnay sa Dios ang susi upang maging matatag ang ating pagtitiwala sa kaniya kaysa sa ating mga sariling kakayahan. Kung lalaki ang ating pagtitiwala sa Dios, lalago din ang ating kakayahan sa pagpipigil sa ating mga sarili, lalo pa nga sa ating mga kahinaan.

 

About these ads