Tags

, ,

Hindi lahat ng mga tao ay gustong gumawa ng kabanalan sa paningin ng Dios. Hindi din naman lahat ng inaakala nating kabanalan ay nagiging karapatdapat na sa Dios. Sadyang mayroong mga taong may kakayahang gumawa ng kabanalan na nagiging karapatdapat sa Dios. Kapag sinabing karapatdapat sa Dios, nangangahulugan ito ng mga gawang ayon sa Kaniyang kalooban.

Bakit nga ba kailangan nating gumawa ng kabanalan sa paningin ng Dios?

Sa katotohanan, ang kalooban ng Dios sa ating lahat ay ang ating pagpapakabanal. Mababasa ito sa 1 Tesalonica 4: 3 – “Sapagkat ito ang kalooban ng Dios, samakatuwid baga’y ang inyong pagpapakabanal…” At ang pagpapakabanal ay hindi lamang dapat Makita na ginaganap sa panahong tayo ay sumasamba o nasa bahay panalanginan, kundi ang paggawa ng kabanalan ay dapat isagawa sa lahat ng kaparaanan ng ating mga pamumuhay. (1 Pedro 1: 15-16) “Ngunit yamang banal ang sa inyo’y tumawag, ay mangagpakabanal naman kayo sa lahat ng paraan ng pamumuhay; sapagkat nasusulat, Kayo’y mangagpakabanal; sapagkat ako’y banal.”

Maliwanag na ang paggawa ng kabanalan ay dapat maging paraan ng ating pamumuhay. Ang pagre-relihiyon o paglilingkod sa Dios ay pamamaraan ng pamumuhay. Kaya naman, anuman ang ating ginagawa, anuman ang ating iniisip, anuman ang ating sasabihin, paiiralin natin ang pananampalataya, sapagkat ang pananampalataya ang magdidikta sa atin sa tamang paraan ng pamumuhay na naaayon sa kalooban ng Dios.

At kung tama ang paraan ng ating pamumuhay na ipinamamalas sa paningin ng ating mga kapuwa tao at higit sa lahat sa paningin ng Dios, ang pamumuhay na ito ang maghahatid sa atin sa kaligtasan, na siya namang ipagkakaloob ng Dios. (Filipos 2: 12) Kaya nga, mga minamahal ko, kung paano ang inyong laging pagsunod, na hindi lamang sa harapan ko, kundi bagkus pa ngayong ako’y wala, ay lubusin ninyo ang gawain ng inyong sariling pagkaligtas na may takot at panginginig;

Sinabi ng Biblia na ang matuwid ay mabubuhay sa pananampalataya, at kung siya ay umurong ay hindi kalulugdan ng Dios ang kaniyang kaluluwa (Hebreo 10:38). Ang mabuhay sa pananampalataya ay nangangahulugan ng lubos na pagtalima sa kalooban ng Dios. At pagdating sa pagtalima sa kalooban ng Dios, hindi ang sariling kalooban o sariling kaparaanan ng paglilingkod ang kailangang masunod. Ang sinusunod dito ay ang tunay na kalooban ng Dios.

Matatandaang sinabi ni Hesus, “Hindi ang bawa’t nagsasabi sa akin, Panginoon, Panginoon, ay papasok sa kaharian ng langit; kundi ang gumaganap ng kalooban ng aking Ama na nasa langit.” (Mateo 7:21). Tanging ang gumaganap lamang ng kalooban ng Ama ang papasok sa kaharian ng langit. Bagama’t naglilingkod ang marami sa Dios, ngunit hindi naman nila tinatalima ang tunay na kalooban ng Dios, at ang tangi nilang tinatalima ay mga katuruan na gawa lamang ng mga tao, hindi sila kaylanman magmamana ng kaharian ng Dios. Napakasimple ng ipinapahayag ng Biblia patungkol dito, na ang tanging magiging karapatdapat sa Kaniyang kaharian ay ang mga gumaganap ng Kaniyang kalooban.

At kung maganap ang kalooban ng Dios, bawat tao ay lalaya sa kaniyang mga kasalanang nagagawa sapagkat kakamtin ang kapatawaran ng kasalanan. At ang tao ay mabubuhay nang ayon sa kabanalan ng katotohanan at ang magiging hantungan ng ganitong pamumuhay ay ang buhay na walang hanggan. (Roma 6: 22)  Datapuwa’t ngayong mga laya na kayo sa kasalanan at naging mga alipin ng Dios, kayo ay mayroong inyong bunga sa ikababanal, at ang wakas ay ang buhay na walang hanggan.

Ngunit sino ang makagagawa at hindi makagagawa ng Kabanalang karapatdapat sa Dios?

Maliwanag ang pahayag ng Biblia, na ang tanging makagagawa ng kabanalang nararapat sa Dios ay yaong mga taong pinagkalooban Niya ng karapatang makalapit sa Kaniya upang Siya ay mapaglingkuran. Hindi lahat ng mga tao ay nabigyan ng pagkakataong makalapit sa Kaniya. Bagaman hangad ng Dios na lahat ng mga tao ay maligtas, hindi naman tumugon ang marami sa panawagan ng Dios na Siya ay talimahin at paglingkuran sa kanilang mga buhay. Pinili nilang sundin ang sarili nilang kagustuhan. (Juan 6:44-45) Walang taong makalalapit sa akin, maliban nang ang Amang nagsugo sa akin ang sa kaniya’y magdala sa akin; at siya’y aking ibabangon sa huling araw. At sinabi niya, Dahil dito’y sinabi ko sa inyo, na walang taong makalalapit sa akin, maliban na ipagkaloob sa kaniya ng Ama.

Ang mga tinawag ng Dios, upang Siya ay paglingkuran ang binigyan ng lakas at pananampalataya upang makagawa ng nararapat na mga kabanalan sa Kaniyang paningin. Sila ay tinawag sa iglesia ng Dios upang magbanal o makagawa ng kabanalang karapatdapat sa Dios. (1 Cor. 1: 1-2) Si Pablo, na tinawag na maging apostol ni Jesucristo sa pamamagitan ng kalooban ng Dios, at si Sostenes na ating kapatid, Sa iglesia ng Dios na nasa Corinto, sa makatuwid baga’y sa mga pinapagingbanal kay Cristo Jesus, na tinawag na mangagbanal, na kasama ng lahat ng mga nagsisitawag sa bawa’t dako, sa pangalan ng ating Panginoong Jesucristo, na kanila at ating Panginoon:

Sadyang sa bahay ng Dios, na siyang iglesia ng Dios nararapat gawin ang mga kabanalan. (Awit 93: 5) Ang iyong mga patotoo ay totoong tunay: ang kabanalan ay nararapat sa iyong bahay, Oh Panginoon, magpakailan man. Ang bahay ng Dios na tinutukoy sa panahon natin ay ang Kaniyang iglesia (1 Timoteo 3: 15). Nguni’t kung ako’y magluwat ng mahabang panahon, ay upang maalaman mo kung paano ang dapat sa mga tao na ugaliin nila sa bahay ng Dios, na siyang iglesia ng Dios na buhay, at haligi at suhay ng katotohanan.

Ang mga lingkod ng Dios sa Banal na Kasulatan ay ang tinutukoy ng ating aralin na mga taong binigyan ng pagkakataong makagawa ng ibayong kabanalan na siya namang nagiging karapatdapat sa Dios. Ang mga lingkod ng Dios na noon pa man ay sumasamba na sa Panginoon sa ganda ng Kaniyang kabanalan. (1 Cro. 16: 29) Inyong ibigay sa Panginoon ang kaluwalhatiang marapat sa kaniyang pangalan: Mangagdala kayo ng handog, at magsiparoon kayo sa harap niya: Inyong sambahin ang Panginoon sa ganda ng kabanalan.

Sa tuwing sila ay humaharap sa Dios upang sumamba, inihaharap nila ang kanilang mga katawan bilang isang haing buhay na kaaya-aya sa paningin ng Dios. Matatandaang mahalaga sa paningin ng Dios ang nilalaman ng puso nating mga tao. Sa puso tumitingin ang Dios kaya’t mahalagang maihanda ang puso at kalooban tuwing tayo ay dudulog sa Kaniya upang sumamba. (Roma 12: 1-2) Kaya nga, mga kapatid, ipinamamanhik ko sa inyo, alangalang sa mga kahabagan ng Dios, na inyong iharap ang inyong mga katawan na isang haing buhay, banal, na kaayaaya sa Dios, na siya ninyong katampatang pagsamba. At huwag kayong magsiayon sa sanglibutang ito: kundi magiba kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pagiisip, upang mapatunayan ninyo kung alin ang mabuti at kaayaaya at lubos na kalooban ng Dios.

Ngunit ang pagsamba sa Dios ay hindi lamang nangangahulugan ng paglilingkod na isinasagawa sa mga templo o bahay dalanginan. Ang pagsamba sa Dios ay paraan ng  pamumuhay. Samakatuwid, ipakikita natin ang pagsamba sa Dios sa pamamagitan ng ating mga pamumuhay. Isasakabuhayan natin ang mga aral at katotohanan na ating tinanggap at sinampalatayanan upang ang ating mga pamumuhay ay maging katampatang pagsamba natin sa Kaniya. (2 Cor. 5:9-10) Kaya’t ang amin namang pinagsisikapan, maging sa tahanan man o di man, ay maging kalugodlugod kami sa kaniya. Sapagka’t tayong lahat ay kinakailangang mahayag sa harapan ng hukuman ni Cristo; upang tumanggap ang bawa’t isa ng mga bagay na ginawa sa pamamagitan ng katawan, ayon sa ginawa niya, maging mabuti o masama.

Ngunit magagawa lamang natin ang mga ito kung mananatili tayong may ugnayan sa ating Panginoong Dios. Kung malayo tayo sa Kaniya at putol ang ating ugnayan, tunay na wala tayong kakayahan para magawa ang mga ito. At sa halip na tumpak ang maging kaparaanan ng ating mga pamumuhay, makagagawa tayo ng mga bagay na hindi ayon sa Kaniyang mga kalooban. (Juan 15:5) Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga: Ang nananatili sa akin, at ako’y sa kaniya, ay siyang nagbubunga ng marami: sapagka’t kung kayo’y hiwalay sa akin ay wala kayong magagawa.

Gaya nang iniwang pahayag ng Panginoong Hesus, mayroong mga taong sumasamba sa Dios subalit hindi nauunawaan ang kanilang sinasamba.(Juan 4:22) Sinasamba ninyo ang hindi ninyo nalalaman: sinasamba namin ang nalalaman namin; sapagka’t ang kaligtasan ay nanggagaling sa mga Judio. Sa halip na maging karapatdapat sa Dios, hindi tinatanggap ng Dios ang mga ganitong uri ng paglilingkod sapagkat hindi ayon sa Kaniyang kalooban. (Roma 10:1-3) Mga kapatid, ang nais ng aking puso at ang aking panalangin sa Dios ay patungkol sa kanila, upang sila’y mangaligtas. Sapagka’t sila’y pinatotohanan ko na may mga pagmamalasakit sa Dios, datapuwa’t hindi ayon sa pagkakilala. Sapagka’t sa hindi nila pagkaalam ng katuwiran ng Dios, at sa pagsusumakit na maitayo ang sariling kanila, ay hindi sila napasakop sa katuwiran ng Dios.

Ano ngayon ang payo sa atin upang tayo ay manatiling nakagagawa ng mga kabanalang karapatdapat sa Dios?

Pananatili sa pag-ibig at pagganap ng Kaniyang mga kalooban ang tanging kaparaanan upang tayo ay patuloy na makalikha ng mga kabanalanang karapatdapat sa Dios. Ang pag-ibig sa Dios ang nagpapakilos sa atin upang maganap natin ang Kaniyang mga kagustuhan. Pagibig din sa Dios ang nagbibigay sa atin ng kasiyahan sa paglilingkod. (Juan 1: 8-11) Sa ganito’y lumuluwalhati ang aking Ama, na kayo’y magsipagbunga ng marami; at gayon kayo’y magiging aking mga alagad. Kung paanong inibig ako ng Ama, ay gayon din naman iniibig ko kayo: magsipanatili kayo sa aking pagibig. Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, ay magsisipanahan kayo sa aking pagibig; gaya ng aking pagtupad sa mga utos ng aking Ama, at ako’y nananatili sa kaniyang pagibig. Ang mga bagay na ito ay sinalita ko sa inyo, upang ang aking kagalakan ay mapasa inyo, at upang ang inyong kagalakan ay malubos.

Noon pa man ay ipinayo na ng Biblia na hawakang mabuti ang mga katuruan ng Dios sapagkat ang mga ito ang ating ikabubuhay patungo sa walang hanggang buhay. (Kaw. 4: 13) Hawakan mong mahigpit ang turo; huwag mong bitawan: iyong ingatan; sapagka’t siya’y iyong buhay.

Tandaan nating ang pagkakatawag sa atin sa iglesia ng Dios ay biyayang hindi naging kapalaran ng marami. Ito ang pagkakataon na makapaglingkod sa Dios upang sa Kaniya ay maging karapatdapat. Marami ang tinawag ng Dios noong araw subalit hindi lahat ng mga tinawag na ito ay nakaganap ng kanilang mga tungkulin, hindi din naman lahat ay nakapanatili sapagkat marami sa kanila ang tumalikod. (Mat. 22: 14) Sapagka’t marami ang mga tinawag, datapuwa’t kakaunti ang mga nahirang.

Ipinapayo ng Biblia na manatili tayo sa kapalarang ito, na manatiling nakaugnay sa Panginoon, na manatiling gumaganap ng Kaniyang mga kalooban. (1 Cor. 7: 20) Bayaang ang bawa’t isa’y manatili doon sa pagkatawag na itinawag sa kaniya.

At kung nakapananatili sa Kaniya ay marapat lamang na ibalik natin ang lahat ng kapurihan at karangalan sa Dios na tumawag, nagbukod, nagbigay sa atin ng lakas upang maganap ang lahat ng Kaniyang mga ipinag-uutos. (1 Tim. 1: 12) Nagpapasalamat ako sa kaniya na nagpapalakas sa akin, kay Cristo Jesus na Panginoon natin, sapagka’t ako’y inari niyang tapat, na ako’y inilagay sa paglilingkod sa kaniya;

About these ads