Ang Tapat na Pagtuturo sa Iglesia ng Dios kay Kristo Hesus

Gaano kahalaga sa atin ang mga salitang ating naririnig tuwing tayo ay dumadalo ng mga pagkakatipon? Paano natin pinahahalagahan ang mga ito? Paano natin ito tinatanggap sa ating mga buhay?

Mahalaga ba sa atin kung sino ang nagtuturo sa atin ng paksa na ating tinatalakay? Kapag nakikinig tayo sa tagapangaral, mahalaga ba sa atin ang kaniyang pagkatao o ang aral na dala-dala niya?

Paano ba niliwanag ng Biblia ang mga Tagapagturo sa Iglesia?

Ang sabi ni Apostol Pablo, ang Dios ay naglagay sa iglesia ng mga Apostol, Propeta at mga guro. (1 Corinto 12: 27-29) Kayo nga ang katawan ni Cristo, at bawa’t isa’y samasamang mga sangkap niya. At ang Dios ay naglagay ng ilan sa iglesia, una-una’y mga apostol, ikalawa’y mga propeta, ikatlo’y mga guro, saka mga himala, saka mga kaloob na pagpapagaling, mga pagtulong, mga pamamahala, at iba’t ibang mga wika. Lahat baga’y mga apostol? lahat baga’y mga propeta? lahat baga’y mga guro? lahat baga’y mga manggagawa ng mga himala?

Ang mga lingkod na ito ay may pangunahing layunin na pakanin ang iglesia ng Dios na binili Niya ng Kaniyang sariling dugo. (Gawa 20:28) Ingatan ninyo ang inyong sarili, at ang buong kawan, na sa kanila’y ginawa kayo ng Espiritu Santo na mga obispo, upang pakanin ninyo ang iglesia ng Panginoon na binili niya ng kaniyang sariling dugo. Ang mga piniling ito ng Dios ay magtataglay ng tungkuling maging mga pastor o tagapangalaga sa mga tupa o lingkod ng Dios. Sila’y magtuturo ng mga kaalaman upang maalaman ng mga lingkod ang pamamaraan ng pamumuhay na naaayon sa kalooban ng Dios. (Jer. 3:15) At bibigyan ko kayo ng mga pastor ayon sa aking kalooban, na kakandili sa inyo ng kaalaman at unawa.

Hindi lahat ay tinawag upang maging tagapangalaga o tagapangaral. Mayroong sadyang binigyan ng tungkulin upang kumandili sa mga miyembro ng iglesia. Makatitiyak na ang mga tagapangaral na inilagay ng Dios ay mga tapat sa pagtuturo sapagkat mismong ang Dios ang naglagay sa kanila sa ministeryong yaon.

Ang karangalang tawagin ng Dios bilang tagapangalaga o tagapangaral ay isang bagay na marapat pahalagahan sapagkat nangangahulugan ito ng pagtitiwala ng Dios. Sinumang tumanggap ng katungkulang tagapangaral ay pinagtitiwalaan ng Dios at nangangahulugan na kung pagtiwalaan man ay nakita ng Dios na ang mga ito ay taglay ang katangiang pagiging tapat.

Kaya sa isang tagapangaral, pinakamahalaga sa kaniya ang kaniyang tungkulin. Sa anong dahilan? Sapagkat ibinigay ng Dios ang pagtitiwala sa kaniya at ang dapat lamang na isukli niya bilang tagapangaral ay  lalo namang maging tapat sa tungkulin, sa sarili at higit sa lahat ay sa Dios. (1 Corinto 4: 1-4) Ipalagay nga kami ng sinoman na mga ministro ni Cristo, at mga katiwala ng mga hiwaga ng Dios. Bukod dito’y kinakailangan sa mga katiwala, na ang bawa’t isa ay maging tapat. Datapuwa’t sa ganang akin ay isang bagay na totoong maliit ang ako’y siyasatin ninyo, o ng pagsisiyasat ng tao: oo, ako’y hindi nagsisiyasat sa aking sarili.  Sapagka’t wala akong nalalamang anomang laban sa aking sarili; bagaman hindi dahil dito’y inaaring-ganap ako: sapagka’t ang nagsisiyasat sa akin ay ang Panginoon.

Bilang tagapangaral, bawat isa ay naatangan ng tungkuling kalingahin ang bawat kapatid sa pananampalataya at pag-asa. Subalit hindi nangangahulugang ang mga tagapangaral ay bukod nang naging sakdal o perpekto. Bawat isa ay mayroon ding mga kapintasang binabata sa kanilang sarili, na marapat din namang unawain ng bawat miyembro kung sakaling makita man ang kakulangan. Ang mga Apostol at mga alagad man ay nagtaglay din ng kapintasan sa paningin ng Dios.

Si Pablo man ay umamin na mayroon siyang tinik sa laman. (2 Corinto 11: 6-8). Si Pedro man nang una ay nagawang ikaila ang Panginoong Hesus. At marami sa mga alagad ang nagsitakas sa panahong dinakip ang Panginoong Hesus. Ngunit kalaunan ay naging mga martir pa sila sapagkat ang dating karuwagan ay napalitan ng lubos na pagtitiwala at pananampalataya sa Dios.

Paano dapat tanggapin ng mga miyembro sa iglesia ng Dios ang mga tagapangaral at mga aral na mula sa Dios?

Gaya nang pahayag ni Apostol Pablo, isang bagay na marapat ipagpasalamat ang pagtanggap ng mga kapatid sa mga salita ng Dios na ibinibilang ito na sadyang mula sa Dios at hindi mula sa kanila na mga tagapangaral. Ibig sabihin, tanggap ng mga kapatid ang mga aral na mula talaga sa Dios at nagsisilbing instrumento lamang ang mga tagapangaral upang maiparating ang mga mensahe ng Dios. At hindi lamang sapat na kanilang mapakinggan ang mga katuruan kundi ang mga ito ay kanilang nilalakaran din naman. (1 Tes. 2: 13-14) At dahil naman dito kami ay nangagpapasalamat na walang patid sa Dios, na nang inyong tanggapin sa amin ang salita na ipinangaral, sa makatuwid baga’y ang salita ng Dios, ay inyong tinanggap na hindi gaya ng salita ng mga tao, kundi, ayon sa katotohanan, na salita ng Dios, na gumagawa naman sa inyo na nagsisisampalataya.  Sapagka’t kayo, mga kapatid, ay nagsitulad sa mga iglesia ng Dios na nasa Judea kay Cristo Jesus: sapagka’t nagsipagbata naman kayo sa inyong sariling mga kababayan, gaya naman nila sa mga Judio;

Ano ang layunin ng mga tapat na pagtuturo sa lahat ng mga miyembro sa loob ng iglesia?

Walang ibang pinakahahangad ang mga tagapangaral kundi ang makitang ang mga ito ay lumalakad sa katotohanan ng mga salita ng Dios. Ito ang kanilang dakilang kagalakan bilang isang tagapangaral ng Dios. (3 Juan 1: 3-8) Sapagka’t ako’y totoong nagalak nang magsidating ang mga kapatid at mangagpatotoo sa iyong katotohanan, ayon sa paglakad mo sa katotohanan. Wala nang dakilang kagalakan sa ganang akin na gaya nito, na marinig na ang aking mga anak ay nagsisilakad sa katotohanan.  Minamahal, ginagawa mo ang tapat na gawa sa lahat ng iyong ginagawa doon sa mga kapatid at sa mga taga ibang lupa; Na siyang nangagpapatotoo ng iyong pagibig sa harapan ng iglesia: na iyong gagawan ng magaling kung iyong tutulungan sila ng nararapat sa Dios, sa kanilang paglalakbay:  Sapagka’t dahil sa Pangalan, ay nangagsiyaon sila na walang kinuhang anoman sa mga Gentil. Nararapat nga nating tanggaping mabuti ang mga gayon, upang tayo’y maging kasama sa paggawa sa katotohanan.

Kung lalakad ang lahat ng mga miyembro sa katotohanan ng mga salita ng Dios, makakamit tiyak ang kasakdalan ng pananampalataya. Tiyak na magiging matibay ang kanilang mga pananampalataya sa Dios at ang kanilang ugnayan sa Dios ay lalago nang lubos. (Col. 2: 6-7) Kung paano nga na inyong tinanggap si Cristo Jesus na Panginoon, ay magsilakad kayong gayon sa kaniya,  Na nangauugat at nangatatayo sa kaniya, at matibay sa inyong pananampalataya, gaya ng pagkaturo sa inyo, na sumasagana sa pagpapasalamat.

Habang nababaon nang malalim sa atin ang mga salita ng Dios, lalong tumitibay ang ating pagtitiwala sa Kaniya. At habang tumitibay ang ating pananamapalataya, lalo namang umuunlad ang ating pakikipag-ugnayan sa Kaniya. At habang lumalalim ang ating relasyon sa Dios na ating Ama, lalo naman tayong nagiging karapatdapat sa Kaniya.

At higit sa lahat ay maakay ang lahat upang maging karapatdapat sa pangakong buhay na walang hanggan. At ito ay magaganap lamang kung mararating nating lahat ang kasakdalan na hinahanap Niyang makita sa atin. (2 Tim. 3: 17) Upang ang tao ng Dios ay maging sakdal, tinuruang lubos sa lahat ng mga gawang mabuti.

Sa isang tagapangaral, tungkulin niyang tumalagang lubos at magsikap sa lahat ng bagay, lalo pa nga sa pangangaral. Tungkulin din niyang maging huwaran sa pag-ibig at pananampalataya sa lahat ng mga kapatid. At higit sa lahat ay maingatan ang kaniyang iniaaaral sapagkat sa kaniya nakasalalay ang ikaliligtas ng kaniyang mga tagapakinig. (1 Tim 4: 12-16) Huwag hamakin ng sinoman ang iyong kabataan; kundi ikaw ay maging uliran ng mga nagsisisampalataya, sa pananalita, sa pamumuhay, sa pagibig, sa pananampalataya, sa kalinisan.  Hanggang ako’y pumariyan ay magsikap ka sa pagbasa, sa pangangaral, sa pagtuturo. Huwag mong pabayaan ang kaloob na nasa iyo, na sa iyo’y ibinigay sa pamamagitan ng hula, na may pagpapatong ng mga kamay ng kapulungan ng mga presbitero.  Magsipag ka sa mga bagay na ito; tumalaga kang lubos sa mga ito; upang ang iyong pagkasulong ay mahayag sa lahat. Magingat ka sa iyong sarili, at sa iyong turo. Manatili ka sa mga bagay na ito; sapagka’t sa paggawa nito ay ang iyo ring sarili ang ililigtas mo at pati ng mga nagsisipakinig sa iyo.

About these ads
This entry was posted in Filipino Topics and tagged , , . Bookmark the permalink.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s