Ang Dapat Tiyakin ng mga Lingkod sa Kanilang Pangingibang Bayan

Kung minsan, hindi maiiwasan na ang isang lingkod o mananampalataya ay pumaroon sa ibang bayan para humanap ng ibang kapalaran. Isang bagay ito na hindi naman tinututulan ng Biblia, lalo pa nga kung ang layunin ng isang kapatid ay iangat ang antas ng kaniyang pamumuhay.

Kahit saang bansa naman ay laganap ang kahirapan, ngunit hindi maikakaila na ang pangingibang bayan ang karaniwang nagiging kasagutan upang maghanap nang lalong mabuting kapalaran sa pag-aakalang sa pagparoon sa ibang bayan ay naroon ang mas maganda o mas mabuting oportunidad para sa kanilang ikagiginhawa.

Noon pa man, maging sa panahon ng mga unang Kristiyano ay laganap ang pangingibang bayan upang mangalakal at maghanap ng pagkakakitaan. (Santiago 4: 13)  Magsiparito ngayon, kayong nagsisipagsabi, Ngayon o bukas ay magsisiparoon kami sa gayong bayan, at titira kami doong isang taon, at mangangalakal, at magtutubo:

Maging sa Lumang Tipan ay hayag sa atin na nang magkaroon ng kagutom sa buong lupain ay napilitang mangibang bayan ang mga anak ni Israel at pumaroon sa lupain ng Egipto sapagkat doon lamang sila makabibili ng pagkain na kanilang kailangan. (Genesis 41: 54-57) At ang pitong taon ng kagutom ay nagpasimulang dumating, ayon sa sinabi ni Jose: at nagkagutom sa lahat ng lupain; datapuwa’t sa buong lupain ng Egipto ay may tinapay. At nang ang buong lupain ng Egipto ay magutom, ay dumaing ng tinapay ang bayan kay Faraon: at sinabi ni Faraon sa lahat ng mga Egipcio, Pumaroon kayo kay Jose; ang kaniyang sabihin sa inyo ay inyong gawin. At ang kagutom ay nasa ibabaw ng buong lupa: at binuksan ni Jose ang lahat ng kamalig at nagbili sa mga Egipcio; at lumala ang kagutom sa lupain ng Egipto. At lahat ng mga taga ibang lupain ay nagsiparoon kay Jose upang magsibili ng trigo; sapagka’t lumala ang kagutom sa buong lupa. (Genesis 42:1-2) Nabalitaan nga ni Jacob na may trigo sa Egipto, at sinabi ni Jacob sa kaniyang mga anak, Bakit kayo nangagtitinginan? At kaniyang sinabi, Narito, aking narinig na may trigo sa Egipto: bumaba kayo roon, at bumili kayo roon ng sa ganang atin, upang tayo’y mabuhay at huwag mamatay.

Ngunit batid nating hindi lahat ng nangibang bayan ay naging matagumpay. Marami na ang napahamak dahil sa pangingibang bayan. Ang iba ay naging biktima ng pagmamaltrato ng ibang lahi, ang iba ay nagpaalipin at napatukso sa mga kaway ng kasamaan at napahamak. Ngunit mayroon din namang naging matagumpay. Ito ang nagpapatunay na ang pangingibang bayan ay isang bagay na walang katiyakan.

Dahil dito, ano ang maaaring matiyak ng isang lingkod kung siya ay magpasiya na mangibang bayan?

At sapagkat walang katiyakan ang kapalaran sa buhay na ito, ito man ay sa sarili o sa ibang bayan, ang mahalaga ay maipagkatiwala natin sa Dios ang ating kapalaran sapagkat alam nating ang Dios ang nagbibigay sa atin ng mabuting kapalaran sa buhay na ito. Makabubuting manganlong sa Panginoon sa lahat ng bagay sa ating buhay. (Awit 16: 1, 5) Ingatan mo ako, Oh Dios; sapagka’t sa iyo nanganganlong ako. Ang Panginoon ay siyang bahagi ng aking mana at ng aking saro: iyong inaalalayan ang aking kapalaran.

Alalahaning wala tayong sariling lakas na maaaring ipagmalaki. Kaya natin nakakamit ang tagumpay sapagkat ito ay itinutulot lamang ng Dios. (Deut. 8: 17-18) At baka iyong sabihin sa iyong puso, Ang aking kapangyarihan at ang lakas ng aking kamay ang siyang nagbigay sa akin ng kayamanang ito. Kundi iyong aalalahanin ang Panginoon mong Dios, sapagka’t siya ang nagbigay sa iyo ng kapangyarihan upang magkaroon ka ng kayamanan; upang kaniyang papagtibayin ang kaniyang tipan na kaniyang isinumpa sa iyong mga magulang, gaya nga sa araw na ito. (Awit 84: 11) Sapagka’t ang Panginoong Dios ay araw at kalasag: ang Panginoo’y magbibigay ng biyaya at kaluwalhatian: hindi siya magkakait ng anomang mabuting bagay sa nagsisilakad ng matuwid.

Nangangahulugan na kung ang isang lingkod ay patuloy na manganganlong sa Panginoong Dios, saan mang dako siya maparoon, makakamit niya ang patuloy na pagtatagumpay mula sa Dios. (1 Cronica 29: 11-13) Iyo, Oh Panginoon ang kadakilaan, at ang kapangyarihan, at ang kaluwalhatian, at ang pagtatagumpay, at ang karangalan: sapagka’t lahat na nangasa langit at nangasa lupa ay iyo: iyo ang kaharian, Oh Panginoon, at ikaw ay nataas na pangulo sa lahat. Ang mga kayamanan at gayon din ang karangalan ay nangagmumula sa iyo, at ikaw ang nagpupuno sa lahat; at nasa iyong kamay ang kapangyarihan at kalakasan; at nasa iyong kamay ang pagpapadakila, at pagpapalakas sa lahat. Kaya’t ngayon, aming Dios, kami ay nagpasasalamat sa iyo, at aming pinupuri ang iyong maluwalhating pangalan.

Anuman ang ating kinaroroonan, ito man ay sa ibang bayan o sa tinubuang lupa, nananatili ang katotohanan na ipinapahayag ng Biblia, na tayong lahat ay pawang mga manlalakbay lamang dito sa sanlibutang ito. Saan mang dako, hindi tayo Dapat na masyadong mangunyapit sa mga material na bagay na ating tinatamasa sapagkat hindi ang kinaroroonan natin sa ngayon ang ating tunay na destinasyon. (Hebreo 11: 13) at kanilang ipinahayag na sila’y pawang taga ibang bayan at manglalakbay sa ibabaw ng lupa.”

At kung manglalakbay lamang ang kalagayan natin dito sa lupa, ano ang Dapat nating pakanasaing higit sa buhay na ito?

Kung mayroon mang higit tayong Dapat na pakanasain ay hindi yaong makamit ang ibayong tagumpay sa buhay na ito. Ang pinakamimithi ng mga tunay na lingkod ng Dios ay ang lalong magaling na lupain, na kung saan ang makakapiling ang Dios, doon sa langit na siyang tunay na hantungan. (Hebreo 11: 15-16) At katotohanang kung kanilang naalaala yaong lupaing kanilang pinanggalingan, ay nagkaroon sana sila ng mabuting pagkakataon upang bumalik. Nguni’t ngayon ay nagnanasa sila ng lalong magaling na lupain, sa makatuwid baga’y ang sa langit: kaya hindi sila ikinahihiya ng Dios na tawaging Dios nila; sapagka’t kaniyang ipinaghanda sila ng isang bayan.

Kaya saan man naroon ay laging Dapat pangunahin pa din ang paglilingkod sa Kaniya, na lagi nating isipin na hindi tayo mabubuhay sa material na bagay lamang, kundi mayroong parte ng buhay natin na kailangan nating bigyan ng ibayong pansin, samakatuwid bagay ang espirtuwal na bahagi ng ating buhay. (Mateo 4: 4) Hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao, kundi sa bawa’t salitang lumalabas sa bibig ng Dios.

Ibig sabihin, saan man tayo naroon ay Dapat lagi pa din tayong nakakarinig ng mga Banal na Aral ng ating Panginoon. At ngayon ay hindi na hadlang ang lugar na kinaroroonan upang hindi makaganap ng katungkulan. Salamat sa makabagong teknolohiya at naihahatid sa atin ang mga Aral ng Dios sa pamamagitan ng internet, at nakakadalo tayo ng mga pagsamba sa pamamagitan ng Live Streaming programs upang tayo ay hindi magkulang sa ating mga tungkulin sa Dios. Ang tunay na mananamba ay gumagawa ng paraan upang makapagsagawa ng pagsamba sa Dios. (Juan 4: 23) Datapuwa’t dumarating ang oras, at ngayon nga, na sasambahin ng mga tunay na mananamba ang Ama sa espiritu at katotohanan: sapagka’t hinahanap ng Ama ang mga gayon na maging mananamba sa kaniya.

Nasa sa atin na ang pagkukulang kung hindi pa natin magaganap ang mga tungkuling ito, gayong may mga paraan naman na upang maganap ang mga tungkuling ito bagaman tayo ay nasa ibang bansa. Pakatandaan nating hindi Dapat pabayaan ang mga pagkakatipon sa Dios. (Hebreo 10: 25) Na huwag nating pabayaan ang ating pagkakatipon, na gaya ng ugali ng iba, kundi mangagaralan sa isa’t isa; at lalo na kung inyong namamalas na nalalapit na ang araw.

At anuman ang ating gawin, saan man tayo pumaroon lagi nating isipin kung paano mabibigyan ng karangalan ang Dios. Mananatili tayong Kaniyang mga anak saan man tayo pumaroon, ngunit huwag nating kakalimutan na ang pagiging anak Niya ay kalakip ang ibayong pag-iingat sa Kaniyang mga palatuntunan. Lagi nating ihabilin sa Kaniya ang ating mga lakad upang ipagkaloob naman Niya ang laman ng ating mga puso. (Awit 37: 4-5) Magpakaligaya ka naman sa Panginoon; at bibigyan ka niya ng nasa ng iyong puso. Ihabilin mo ang iyong lakad sa Panginoon; tumiwala ka rin naman sa kaniya, at kaniyang papangyayarihin.

Gunitain kung paano nangako ang Dios sa Kaniyang mga naunang lingkod. (Deut. 28: 1-6) At mangyayaring kung iyong didingging masikap ang tinig ng Panginoon mong Dios, upang isagawa ang lahat niyang utos na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito, ay itataas ka ng Panginoon mong Dios sa lahat ng mga bansa sa lupa: At ang lahat ng pagpapalang ito ay darating sa iyo at aabot sa iyo, kung iyong didinggin ang tinig ng Panginoon mong Dios. Magiging mapalad ka sa bayan, at magiging mapalad ka sa parang. Magiging mapalad ang bunga ng iyong katawan, at ang bunga ng iyong lupa, at ang bunga ng iyong mga hayop, ang karagdagan sa iyong bakahan at ang mga anak ng iyong kawan. Magiging mapalad ang iyong buslo at ang iyong palayok. Magiging mapalad ka sa iyong pagpasok, at magiging mapalad ka sa iyong paglabas.

About these ads
This entry was posted in Filipino Topics and tagged , , . Bookmark the permalink.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s