Tags

, , ,


Ang Dios ay pag-ibig. Taglay Niya ang katangiang ito at pinakahahangad na makita sa Kaniyang mga anak. Lahat ng mga bagay ay nalikha bunga ng Kaniyang pag-ibig. Nalikha ang sanlibutan at lahat ng mga narito sapagkat plano ng Dios na likhain tayong mga tao na siyang pangunahing pinaguukulan ng Kaniyang dakilang pag-ibig.

Noon, ngayon at maging sa darating na panahon, mamamalas ng sangkatauhan ang pag-ibig ng Dios.

Hindi kaila sa atin ang iniukol Niyang pag-ibig sa Kaniyang mga lingkod nang Siya mismo ang magkatawang-tao sa pamamagitan ng Panginoong Hesus. Isinugo Niya ang Kaniyang bugtong na Anak, si Hesus upang ipamalas ang Kaniyang dakilang pag-ibig sa Kaniyang mga lingkod. (Juan 3: 16)  Sapagka’t gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang sinomang sa kaniya’y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.

Marami ang naging interpretasyon sa talatang ito ukol sa tinatawag na Anak. Ngunit kung mayroon mang may karapatan upang ipaliwanag ang kahulugan nito ay walang iba kundi ang Biblia mismo. Ang kailangan lamang ay saliksikin natin ang kapaliwanagan nito sapagkat kailanman ay hindi nagkulang ang mga Banal na Kasulatan sapagkat kinasihan ng Espiritu ng Dios. (Isaias 34:16)

Ang pagkakatawang tao ng Dios ay Kaniyang kalooban. Kinailangan Siyang ipanganak at magsa-laman upang tumahan sa gitna natin. (Juan 1:1-2, 14) Nang pasimula siya ang Verbo, at ang Verbo ay sumasa Dios, at ang Verbo ay Dios. Ito rin nang pasimula’y sumasa Dios. At nagkatawang-tao ang Verbo, at tumahan sa gitna natin (at nakita namin ang kaniyang kaluwalhatian, kaluwalhatian gaya ng sa bugtong ng Ama), na puspos ng biyaya at katotohanan.

Marami ang nagkaroon ng iba’t ibang paniniwala dito. Mayroong kinilala si Hesus bilang Anak lamang talaga ng Dios na Ama. Mayroon naming hindi makapaniwala na Dios ang Panginoong Hesus.

Dakila ang hiwaga ng kabanalan at pagka-Dios ng ating Panginoon. (1 Tim. 3: 16) At walang pagtatalo, dakila ang hiwaga ng kabanalan; Yaong nahayag sa laman, Pinapaging-banal sa espiritu, Nakita ng mga anghel, Ipinangaral sa mga bansa, Sinampalatayanan sa sanglibutan, Tinanggap sa itaas sa kaluwalhatian.

Mula pa sa pasimula ay IISA ang ipinakikilalang tunay na Dios sa Biblia. Ang pagkakatawang tao ng Ama sa pamamagitan ni Hesus ay pagsasakatuparan ng Kaniyang panukala ( Efeso1:9- Na ipinakikilala niya sa atin ang hiwaga ng kaniyang kalooban, ayon sa kaniyang minagaling na ipinasiya niya sa kaniya rin) at pagbibigay halimbawa sa Kaniyang mga lingkod (1 Pedro 2:21- Sapagka’t sa ganitong bagay kayo’y tinawag: sapagka’t si Cristo man ay nagbata dahil sa inyo, na kayo’y iniwanan ng halimbawa, upang kayo’y mangagsisunod sa mga hakbang niya.)

Kaya’t kung ipinakilala mang Anak si Hesus sa Bagong Tipan, ito ay sapagkat lumagay Siya sa kalagayang Anak. At kung ipakilala man ni Hesus ang IISANG tunay na Dios, ito ay marapat sapagkat tunay na iisa lamang ang tunay na Dios na dapat kilalanin. Ito ay pagbibigay halimbawa sa ating lahat na marapat nating gawin at sampalatayanan. (1 Tim. 3:16)  At walang pagtatalo, dakila ang hiwaga ng kabanalan; Yaong nahayag sa laman, Pinapaging-banal sa espiritu, Nakita ng mga anghel, Ipinangaral sa mga bansa, Sinampalatayanan sa sanglibutan, Tinanggap sa itaas sa kaluwalhatian.

1Tim. 3:16  “No one can deny how great is the secret of our religion: He appeared in human form, was shown to be right by the Spirit, and was seen by angels. He was preached among the nations, was believed in throughout the world, and was taken up to heaven.” -Good News Bible

1Tim. 3:16  “And without controversy great is the mystery of godliness: God was manifest in the flesh, justified in the Spirit, seen of angels, preached unto the Gentiles, believed on in the world, received up into glory.” -KJV English Bible

At gaya nang paniniwala ng marami sa ngayon, hindi tinanggap ng marami ang pagkakatawang tao ng Dios sa pamamagitan ni Hesus. Hindi ito nakapagtataka sapagkat noon pa man ay hindi na Siya tinanggap ng mga sariling Kaniya. Ang pagkakatawang tao ng Dios ay upang papanumbalikin ang Kaniyang bayang minamahal, ang Israel, subalit hindi lahat ng mga ito ay tinanggap ang ating Panginoon. (Juan 1:9-11) Nagkaroon ng tunay na ilaw, sa makatuwid baga’y ang ilaw na lumiliwanag sa bawa’t tao, na pumaparito sa sanglibutan. Siya’y nasa sanglibutan, at ang sanglibuta’y ginawa sa pamamagitan niya, at hindi siya nakilala ng sanglibutan. Siya’y naparito sa sariling kaniya, at siya’y hindi tinanggap ng mga sariling kaniya.

Sa halip na tanggapin ang Panginoon, mas pinili pa ng mga tao ang kadiliman. (Juan 3: 19) At ito ang kahatulan, na naparito ang ilaw sa sanglibutan, at inibig pa ng mga tao ang kadiliman kay sa ilaw; sapagka’t masasama ang kanilang mga gawa.

Isa sa layunin ng pagkakatawang tao ng Dios ay upang Siya mismo ang magtayo ng kalipunan na magiging kulungan ng Kaniyang mga tupa. Ang kalipunang ito ay walang iba kundi ang iglesia ng Dios, na binili Niya ng Kaniyang sariling dugo. Ang pagkakatawang tao ay mayroong mahalagang misyon, ang itayo ang iglesia, at tubusin ito ng dugo ng kordero, at ang korderong yaon ay si Hesus. (Mateo 16:18)  At sinasabi ko naman sa iyo, na ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesia; at ang mga pintuan ng Hades ay hindi magsisipanaig laban sa kaniya. (Efeso 5:25) Mga lalake, ibigin ninyo ang inyo-inyong asawa, gaya naman ni Cristo na umibig sa iglesia, at ibinigay ang kaniyang sarili dahil sa kaniya;

Hanggang Kailan ang pag-uukol ng Dios ng Kaniyang pag-ibig sa Kaniyang mga lingkod?

Ang pag-ibig ng Dios ay hanggang katapusan (Juan 13:1). Ang iglesia na siyang kulungan ng Kaniyang  mga lingkod ay inaring Kaniyang sariling katawan, na kinakandili at minamahal. (Efeso 5: 29) Sapagka’t walang sinoman na napoot kailan man sa kaniyang sariling katawan; kundi kinakandili at minamahal, gaya naman ni Cristo sa iglesia;

Kaya’t ang iglesia ay kinandili Niya ng mga kaalaman at karunungan. Dito Niya inilagay ang mga Propeta at mga Apostol upang gawing alagad ang mga taong sasampalataya at tatanggap sa Kaniyang mga salita at mga aral.

Kaya’t mapalad ang sinumang maaanib sa iglesia na Kaniyang kinakandili at minamahal. Biyaya at pagpapala ang kakamtin ng sinumang magiging bahagi nito. Makaranas man ng ibayong kadalamhatian, makakaasang ang saklolo at tulong ng Dios ay makakamtan.  (Awit 34 : 19) Marami ang kadalamhatian ng matuwid; nguni’t inililigtas ng Panginoon sa lahat.

Sa loob ng iglesia ay magiging matibay ang isang lingkod at mananatili sa pagtatapat sapagkat ang mga salita ng Dios ang nagbibigay sa kanila ng sapat na lakas ng kalooban upang kung anuman ang dumating sa kanilang buhay ay kanilang mapagtagumpayan. (Juan 16: 33) Ang mga bagay na ito ay sinalita ko sa inyo, upang kayo’y magkaroon sa akin ng kapayapaan. Sa sanglibutan ay mayroon kayong kapighatian: nguni’t laksan ninyo ang loob; aking dinaig ang sanglibutan.

Dumating man ang sari-saring kapighatian, pangangailangan o kagipitan, makakaasang ang saklolo ng Dios ay nariyan huwag lamang mawalan ng pag-asa. (Awit 37: 24 – 26) Bagaman siya’y mabuwal, hindi siya lubos na mapapahiga: Sapagka’t inaalalayan siya ng Panginoon ng kaniyang kamay. Ako’y naging bata, at ngayo’y matanda; gayon ma’y hindi ko nakita ang matuwid na pinabayaan, ni ang kaniyang lahi man ay nagpapalimos ng tinapay. Lahat ng araw ay nahahabag, at nagpapahiram; at ang kaniyang lahi ay pinagpapala.

Ang katiyakan ng hindi pagpapabaya ng Dios ay Kaniyang tinitiyak sa sinumang ang magiging pangunahin sa kanilang buhay ay walang iba kundi ang paglilingkod at pagtatapat sa Dios. (Mat. 6: 25, 33) Kaya nga sinasabi ko sa inyo, Huwag kayong mangabalisa sa inyong pamumuhay, kung ano baga ang inyong kakanin, o kung ano ang inyong iinumin; kahit ang sa inyong katawan, kung ano ang inyong daramtin. Hindi baga mahigit ang buhay kay sa pagkain, at ang katawan kay sa pananamit? Datapuwa’t hanapin muna ninyo ang kaniyang kaharian, at ang kaniyang katuwiran; at ang lahat ng mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo.

Kaya naman ang paalala sa mga lingkod ay huwag lilimot sa kanilang mga tungkuling sinumpaan sa Dios, masiyahan sa lahat ng mga bagay na kanilang tinatamasa, mangilag sa tukso ng sanlibutang ito sapagkat nangako ang Dios na anuman ang mangyari ay hindi Niya pababayaan ang Kaniyang mga minamahal na mga lingkod. (Hebreo 13:5)  Mangilag kayo sa pagibig sa salapi; mangagkasiya kayo sa inyong tinatangkilik: sapagka’t siya rin ang nagsabi, Sa anomang paraan ay hindi kita papagkukulangin, sa anomang paraan ni hindi kita pababayaan.

Bukod dito, paano pa ipinamamalas ng Dios ang kaniyang kakaibang pag-ibig?

Ang Dios ay pag-ibig. At isa sa paraan ng Kaniyang pagpapakita nito ay sa pamamagitan ng pagtutuwid o pagdidisiplina sa Kaniyang mga lingkod na nagkakamali. Ang Dios ay marunong din namang magparusa sa Kaniyang mga iniibig ngunit ang layunin ng mga ito ay upang maituwid ang bawat pagkakamali at ilayo sa kapahamakan. (Hebreo 12:5-6) At inyong nilimot ang iniaral na ipinakikipagtalo sa inyong tulad sa mga anak, Anak ko, huwag mong waling bahala ang parusa ng Panginoon, O manglupaypay man kung ikaw ay pinagwiwikaan niya; Sapagka’t pinarurusahan ng Panginoon ang kaniyang iniibig, At hinahampas ang bawa’t tinatanggap na anak.

Kaya naman, ang isang mananampalataya, sa kaniyang kamusmusan (bagong kapatid o bagong mananampalataya) ay tinuturuan nang lubos ng mga aral at doktrina ng Panginoong Dios upang maging matibay ito at maalaman ang mga daan na dapat niyang tahakin. (Kawikaan 22:6) Turuan mo ang bata sa daan na dapat niyang lakaran, at pagka tumanda man siya ay hindi niya hihiwalayan.

Ang pagsaway ng Dios ay inihambing sa pagsaway na ginagawa sa atin ng ating mga magulang. Sinasaway tayo ng ating mga magulang upang maging maganda ang takbo ng ating buhay. Ang pagsaway ng Dios ay palatandaan ng Kaniyang pagtutuwid upang tayo ay ilayo sa nakatakdang kaparusahan na maaaring maranasan ng mga sumusuway sa Kaniyang mga kalooban. (Hebreo 12:9) Bukod dito, tayo’y nangagkaroon ng mga ama ng ating laman upang tayo’y parusahan, at sila’y ating iginagalang: hindi baga lalong tayo’y pasasakop sa Ama ng mga espiritu, at tayo’y mabubuhay?

At kung tayo man ay hatulan sa kasalukuyan, at sawayin sa pamamagitan ng Kaniyang mga salita, at ng ilang mga pangyayaring dumadating sa atin upang ipaunawa sa atin ang ating mga kamalian, ito ay upang huwag na tayong makaranas pa ng paghatol sa darating na hinaharap. (1 Cor. 11:32) Datapuwa’t kung tayo’y hinahatulan, ay pinarurusahan tayo ng Panginoon, upang huwag tayong mahatulang kasama ng sanglibutan.

Ano ngayon ang ibig ituro sa atin ng ganitong uri ng pag-ibig ng Dios?

Matapos nating maunawa na sinasaway ng Dios ang Kaniyang mga lingkod sa mga kamaliang nagagawa nito, kailangan din namang mamulat tayo sa katotohanan kung paano natin dapat tanggapin ang mga saway na ito ng Dios.

Marami ang hindi kayang tanggapin ang mga saway ng Dios at iba ang naging pagtanggap nila sa mga ito. Kung sinasaway tayo ay dapat nating maunawaang iniibig tayo ng Dios at hindi Niya ibig na tayo ay mapahamak pagdating ng araw. Ang pagtanggap sa saway ng Dios ay nangangahulugan ng pagsukli sa Kaniyang kakaibang uri ng pag-ibig (pagsaway). (Kawikaan 12:1) Sinomang umiibig ng kasawayan ay umiibig ng kaalaman: nguni’t siyang nagtatanim sa kasawayan ay hangal.

At ang sinumang tumatanggap ng saway ng Panginoon ay magtatamo ng kaawaan mula sa Kaniya. (Kawikaan 15:32) Siyang tumatanggi sa saway ay humahamak sa kaniyang sariling kaluluwa: nguni’t siyang nakikinig sa saway ay nagtatamo ng kaawaan.

Tandaan nating ang pagkaranas ng parusa ay palatandaan ng pagiging tunay na anak ng Dios. Sinumang hindi nakakaranas nito ay dapat magsiyasat. (Hebreo 12: 7-8) Na dahil sa ito’y parusa kayo’y nagtitiis; inaari kayo ng Dios na tulad sa mga anak; sapagka’t alin ngang anak ang hindi pinarurusahan ng kaniyang ama? Datapuwa’t kung kayo’y hindi pinarurusahan, na pawang naranasan ng lahat, kung gayo’y mga anak sa ligaw kayo, at hindi tunay na anak.

Ang parusa sa ngayon ay maaaring mapait at masakit sa panig nating nagkakamali. Subalit kung makalagpas ang pagpaparusang ito ng Dios ay mauunawaan nating ang ginawa Niya pala ay pagpaparanas ng Kaniyang dakilang pag-ibig sa atin. (Heb. 12: 11) Lahat ng parusa sa ngayon ay tila man din hindi ikaliligaya kundi ikalulungkot; gayon ma’y pagkatapos ay namumunga ng bungang mapayapa ng katuwiran sa mga nagsipagsanay sa pamamagitan nito.

Maaaring ang mga pagbabata na ating nararanasan sa kasalukuyan ay kaparusahan ng Dios sa atin bilang pagpapakita ng Kaniyang kakaibang pag-ibig. Tanggapin natin ang mga ito nang buong pagpapakumbaba at maging daan ng ating ikatutuwid lalong ikapagigindapat sa Dios. (2 Tesalonica 1:4-5)  Ano pa’t kami sa aming sarili ay nangagkakapuri sa inyo sa mga iglesia ng Dios dahil sa inyong pagtitiis at pananampalataya sa lahat ng mga paguusig sa inyo at sa mga kapighatiang inyong tinitiis;  Na isang tandang hayag ng matuwid na paghukom ng Dios; upang kayo’y ariing karapatdapat sa kaharian ng Dios, na dahil dito’y nangagbabata rin naman kayo:

About these ads