Isa sa mga sangkap ng ating pagkatao ang kaluluwa. Mahalaga ito sa paningin ng ating Panginoon. Mahalaga din na maingatan ito sapagkat nakasalalay ang pag-iingat na gagawin natin sa magiging kalagayan nito sa panahong hinaharap.
Ang kaluluwa ay iba sa katawan at espiritu. Magkakaiba ang mga ito ayon sa Biblia. (Heb 4:12) Sapagka’t ang salita ng Dios ay buhay, at mabisa, at matalas kay sa alin mang tabak na may dalawang talim, at bumabaon hanggang sa paghihiwalay ng kaluluwa at espiritu, ng mga kasukasuan at ng utak, at madaling kumilala ng mga pagiisip at mga haka ng puso.
Kapag tumingin ang Dios sa ating mga tao, tumitingin Siya sa puso at hindi sa panlabas nitong anyo. Ang kaluluwa ang tinutukoy ni Apostol Pedro na pagkataong loob na natatago sa puso at may malaking halaga sa paningin ng Dios. (1 Ped 3:4) Kundi ang pagkataong natatago sa puso na may damit na walang kasiraan ng espiritung maamo at payapa, na may malaking halaga sa paningin ng Dios.
Bilang lingkod, dalangin ni David na ingatan ng Dios ang kaniyang kaluluwa. Alam niya ang kahalagahan nito sa paningin ng Dios. (Awit 25:20) Oh ingatan mo ang aking kaluluwa, at iyong iligtas ako: huwag nawa akong mapahiya, sapagka’t nanganganlong ako sa iyo. Alam din niyang kapahamakan ang maaaring patunguhan ng sinuman na hindi mag-iingat nito.
Maging ang Panginoong Hesus ay ipinangaral na ang dapat katakutan ay ang may kakayahang magdala sa kaluluwa sa walang hanggang kaparusahan. Maaaring dumating ang kamatayan sa buhay nating mga tao, subalit hindi ito ang dapat na katakutan. Ang dapat katakutan ay ang makakapuksa sa kaluluwa at sa katawan sa impiyerno. (Mat 10:2) At huwag kayong mangatakot sa mga nagsisipatay ng katawan, datapuwa’t hindi nangakakapatay sa kaluluwa: kundi bagkus ang katakutan ninyo’y yaong makapupuksa sa kaluluwa at sa katawan sa impierno.
At samantalang naglilingkod sa Dios, ipinayo ni Pablo na ingatan ang lahat ng mga sangkap na ito na buo at walang kapintasan sa pagparito ng Panginoong Hesus. (1 Tesalonica 5:23) At pakabanalin kayong lubos ng Dios din ng kapayapaan; at ang inyong espiritu at kaluluwa at katawan ay ingatang buo, na walang kapintasan sa pagparito ng ating Panginoong Jesucristo. Espirtuwal ang kahulugan nito. Ibig lamang sabihin ay sikapin natin na magamit ang kabuoan ng ating pagkatao sa kadahilanan ng pagkakalikha nito, na sikaping maging karapatdapat sa Dios, sa kabanalan at katotohanan, sa paglakad sa mga Aral at mga Salita ng Dios.
Paano natin lubos na maiingatan ang ating kaluluwa?
Walang pinakamabisang paraan ng pag-iingat sa ating kaluluwa kundi ang patuloy na lumakad sa kalooban ng Dios at sundin ang Kaniyang mga utos.
Nilikha tayo ng Dios sa kadahilanang ito at kung hindi natin magagawa ay nilalabanan natin ang katalagahan nito, at ang magiging resulta nito ay ang pagkapahamak ng ating kaluluwa. Samakatuwid, kung nais ng sinuman na maingatan ang kaniyang kaluluwa, dapat lamang na ingatan din nito ang mga kautusan ng Dios. (Kawikaan 19:16) Ang nagiingat ng utos ay nagiingat ng kaniyang kaluluwa: nguni’t ang walang babala sa kaniyang mga lakad ay mamamatay.
Bakit ang paglakad sa mga utos ng Dios ang ipinayo upang maingatan ang kaluluwa?
Ang wika ng Biblia, (Kawikaan 6:23) Sapagka’t ang utos ay tanglaw; at ang kautusan ay liwanag; at ang mga saway na turo ay daan ng buhay: Ang paglakad sa mga katuwiran at pagsunod sa mga utos ng Dios ay nangangahulugan ng pagtahak sa landas na maliwanag patungo sa buhay na walang hanggan. Ang utos ng Dios ay liwanag sapagkat nagbibigay ito ng unawa sa atin upang maunawaan kung paano natin gagamitin ang ating buhay na ipinahiram lamang sa atin ng Dios. Kung gaganapin ang mga utos, at susundin ang mga saway nito, itutuwid nito ang bawat pagkakamali na possible nating ginagawa at magagawa pa. Lilinisin nito ang ating mga puso at lilikhaan tayo ng mabuting kalooban upang lalong mapalapit sa Dios na ating kinikilala at pinaglilingkuran.
Ang paglakad sa utos ay nagbibigay sa atin ng sapat na unawa upang piliin ang tama, ang buhay sa halip na kamatayan, ang mabuti sa halip na masama, ang matuwid sa halip na ang hindi matuwid at ang pagpapala sa halip na sumpa. (Ecc 8:5) Ang nagiingat ng utos ay hindi makakaalam ng masamang bagay; at ang puso ng pantas ay nagbubulay ng panahon at kahatulan:
At higit sa lahat, binibigyan tayo ng pagkakataon na maganap ang mahigpit na bilin ng Dios, samakatuwid baga’y ibigin ang ating kapuwa na gaya nang pag-ibig natin sa ating mga sarili. Ang Dios ang unang umibig sa atin, at hangad din naman Niyang makita ang pag-iibigan nating mga magkakapatid. (Juan 13:34) Isang bagong utos ang sa inyo’y ibinibigay ko, na kayo’y mangagibigan sa isa’t isa: na kung paanong iniibig ko kayo, ay mangagibigan naman kayo sa isa’t isa.
Ano ngayon ang payo ng Biblia upang lubos nating maingatan ang ating kaluluwa?
Mahalagang maunawaan natin ang kahulugan ng pag-iingat ng kaluluwa. Ang pag-iingat ay nangangahulugan ng pananatili, at ang pananatili ay nangangahulugan ng pagsasagawa ng anumang gawa alinsunod sa mga tungkuling ayon sa kalooban ng Dios. Keep – “To retain or hold fast, to defend and protect, to observe and practice and to perform as a duty” – Cruden’s Complete Concordance. P.350
Gaya nang payo ni Apostol Pablo, “Yaong mabuting bagay na ipinagkatiwala sa iyo ay ingatan mo sa pamamagitan ng Espiritu Santo na nananahan sa atin.” (2 Tim. 1:14) Anumang tungkulin, aral, kautusan o doktrinang tinanggap sa pamamagitan ng mga tagapangaral ng Iglesia ay kailangan nating ingatan sa pamamagitan ng pananatili sa mga ito. At gaya ng kahulugan nito, ang pananatili sa mga aral ay pagtupad sa mga ito. Ang kabiguang matupad ang mga kautusan ng Dios ay maaaring mangahulugan ng hindi pag-iingat sa kaluluwa at ang magiging wakas nito ay ang pagkapahamak.
Datapuwat pagdating sa pagtupad, dapat nating maunawa na hindi sapat na ang mga kautusan ay matupad natin at kung minsan ay maaari na natin itong pabayaan o iwalang kabuluhan. Ang pagtupad ay dapat na pinagsisikapan sa lahat ng araw ng ating buhay at hindi kung kailan lamang tayo maluwag sa pagganap. (Awit 119 : 4) Iyong iniutos sa amin ang mga tuntunin mo, upang aming sunding masikap.
Yamang tungkulin nating na ganapin ang mga kautusan ng Dios, ang pagganap nito ay nangangahulugan ng ibayong pag-iingat sa kaluluwa. (Ecles. 12: 13) Ito ang wakas ng bagay; lahat ay narinig: ikaw ay matakot sa Dios, at sundin mo ang kaniyang mga utos; sapagka’t ito ang buong katungkulan ng tao.