Tags

,

Ang salitang pagkaunawa ay mula sa salitang ugat na “unawa.” Ang kahulugan nito ay ang pagka-alam sa isang bagay o sa maraming mga bagay na nagsisilbing gabay niya sa kaniyang buhay.

Wala mang sapat na yamang materyal na maipagmamalaki sa buhay na ito, ang mga lingkod ay hindi napahuhuli pagdating sa pagkaunawa sa maraming mga bagay. Paano nangyari ito? Maraming mga lingkod ng Dios ang hindi naman nagtamo ng mataas na edukasyon, kabilang dito ang mga Propeta at mga Apostol na mga isinugo ng Dios. Hindi naman kasi kailangan na mayroong mataas na pinagaralan para maging lingkod ng Dios.

Ang karunungan o kaalaman, na siyang unawa ng mga lingkod ng Dios ay magmumula hindi sa kaalamang pang-tao kundi sa ating dakilang Dios. Gaya nang pahayag ni Apostol Pablo, “Isipin mo ang sinasabi ko; sapagka’t bibigyan ka ng Panginoon ng pagkaunawa sa lahat ng mga bagay.” (2 Tim. 2:7) Ang pagkaunawang tinutukoy ay hindi panglaman o pang-tao kundi kaunawaang ukol sa mga bagay ng Dios, samakatuwid baga’y pagkaunawa sa mga katuwiran o mga salita ng Dios.

Ito ang evangelio na tinanggap natin mula sa Dios sa pamamagitan ng paghahayag sa atin ng Panginoong Hesus sa pamamagitan ng mga Banal na Kasulatan. (Galacia 1:11-12) Sapagka’t aking ipinatatalastas sa inyo, mga kapatid, tungkol sa evangelio na aking ipinangaral, na ito’y hindi ayon sa tao. Sapagka’t hindi ko tinanggap ito sa tao, ni itinuro man sa akin, kundi aking tinanggap sa pamamagitan ng pahayag ni Jesucristo.

Ang mga salita ng Dios ay gaya ng mga binhing inihasik sa puso nating mga tao. Ang kailangan lamang ay pakinggan at tanggapin ang mga ito at pagyamanin. Kailangan ding lakipan ng pananampalataya upang ang binhi ay mag-ugat upang matanim nang malalim sa sinumang tumatanggap nito. Kung ang binhi ay hindi mag-uugat, gaya nang pagtanggap na walang lakip na pananampalataya, ang unawa ay madaling mapapawi sa puso. Dito ay mapapatunayan din nating hindi lahat ng nakakapakinig ng mga salita ng Dios ay nagkakaroon ng sapat na unawa. Hindi din naman lahat ng mga lingkod ay nag-ugat ang pananampalataya. (Lukas 8:11-13) Ito ang talinghaga: Ang binhi ay ang salita ng Dios. At ang mga sa tabi ng daan, ay ang nangakinig; kung magkagayo’y dumarating ang diablo, at inaalis ang salita sa kanilang puso, upang huwag silang magsisampalataya at mangaligtas. At ang mga sa batuhan, ay yaong mga pagkarinig, ay tinatanggap na may galak ang salita; at ang mga ito’y walang ugat, na sila sa sangdaling panaho’y nagsisisampalataya, at sa panahon ng tukso ay nagsisihiwalay.

Madali para sa isang taong umuunawa ang makasumpong ng kaunawaan. (Kawikaan 14: 6) Ngunit sa isang taong tamad sa pagsisikap na masumpungan ang kaunawaan ay huwag asahan na ito ay magtataglay ng lubos na unawa.

Subalit, ano ang katangian ng mga taong binibigyan ng Dios ng pagkaunawa sa lahat ng mga bagay?

Hindi lahat ay binigyan ng pagkaunawa sa lahat ng mga bagay. Ngunit ang mga taong kinalulugdan ng Dios ay binibigyan Niya ng karunungan, kaalaman at kagalakan. (Ecles. 2:26) Sapagka’t ang tao na kinaluluguran niya, binibigyan ng Dios ng karunungan, at kaalaman, at kagalakan: nguni’t ang makasalanan ay binibigyan niya ng damdam, na magpisan at magbunton, upang maibigay sa kaniya na kinaluluguran ng Dios. Ito man ay walang kabuluhan at nauuwi sa wala.

Ngunit sa paanong paraan malulugod ang Dios sa mga tao? Ang sagot ng Biblia ay simple, nalulugod ang Dios sa mga taong gumaganap ng Kaniyang mga kautusan, at ito ang mga pinagkakalooban Niya ng unawa. (Awit 111:10) Ang pagkatakot sa Panginoon ay pasimula ng karunungan; may mabuting pagkaunawa ang lahat na nagsisisunod ng kaniyang mga utos. Ang kaniyang kapurihan ay nananatili magpakailan man.

Gaya nang Propetang si Daniel, ang Dios ay tunay na nalugod sa Kaniya sapagkat inilagak niya ang kaniyang puso na makaunawa ng kalooban ng Dios at magpakababa sa Kaniyang harapan. (Dan. 10:11-12) At sinabi niya sa akin, Oh Daniel, ikaw na lalaking minamahal na mainam, unawain mo ang mga salita na aking sinasalita sa iyo, at tumayo kang matuwid; sapagka’t sa iyo’y sinugo ako ngayon. At ng kaniyang masalita ang salitang ito sa akin, ako’y tumayo na nanginginig. Nang magkagayo’y sinabi niya sa akin, Huwag kang matakot, Daniel; sapagka’t mula nang unang araw na iyong ilagak ang iyong puso na makaunawa, at magpakababa sa harap ng iyong Dios, ang iyong mga salita ay dininig: at ako’y naparito alangalang sa iyong mga salita.

Ang katangian ng mga kinalulugdan ng Dios ay sa ganitong kalagayan, na walang ibang ligaya sa kanilang buhay kundi ang hanapin ang kapurihan ng Dios sa bawat araw, na nagsisikap na pagbulaybulayan ang Kaniyang mga gawa at Kaniyang mga salita. At hindi lamang sapat na pagsikapang maunawaan ang mga ito kundi patuloy din silang nagsisikap na ang mga ito ay kanilang maganap sa kanilang mga buhay. (Isa 58:2) Gayon ma’y hinahanap nila ako araw-araw, at kinalulugdan nilang maalaman ang aking mga daan: na gaya ng bansa na gumawang matuwid, at hindi lumimot ng alituntunin ng kanilang Dios, hinihingan nila ako ng mga palatuntunan ng katuwiran; sila’y nangalulugod na magsilapit sa Dios.

Sapagkat bilang mga lingkod, nalalaman nila ang kanilang pangunahing tungkulin ay bigyang kapurihan at karangalan ang Dios na sa kanila ay tumawag. At ito ay kanilang gagawin sa pamamagitan ng paghahandog ng mga haing paglilingkod sa Dios na tunay naman Niyang kinalulugdan. (1 Pedro 2: 9,5) Datapuwa’t kayo’y isang lahing hirang, isang makaharing pagkasaserdote, bansang banal, bayang pag-aaring sarili ng Dios, upang inyong ipahayag ang mga karangalan niyaong tumawag sa inyo mula sa kadiliman, hanggang sa kaniyang kagilagilalas na kaliwanagan: Kayo rin naman, na gaya ng mga batong buhay, ay natatayong bahay na ukol sa espiritu, upang maging pagkasaserdoteng banal, upang maghandog ng mga hain na ukol sa espiritu, na nangakalulugod sa Dios sa pamamagitan ni Jesucristo.

Mapapansing ang mga taong Kaniyang kinalulugdan ay itinuturing Niyang bayang Kaniyang sariling pag-aari. Ito ay ang Kaniyang mga lingkod na tinawag sa iisang kulungan, samakatuwid ay sa iglesia ng Dios na itinayo ng ating Panginoong Hesus, na siyang bahay ng Dios, haligi at suhay ng katotohanan (1 Tim. 3:15). Sa loob ng iglesia ipinagkaloob ang makaalam ng mga hiwaga at lihim ng Dios. (Mar. 4:34) At hindi sila kinakausap kundi sa talinghaga: datapuwa’t sa kaniyang sariling mga alagad ay bukod na ipinaliliwanag ang lahat ng mga bagay.

Ano ngayon ang inaasahan ng Dios sa mga lingkod na pinagkalooban Niya ng pagkaunawa?      

Kung mayroon mang inaasahan ang Dios sa Kaniyang mga lingkod ay walang iba kundi ang marating ang lubos na pagkaunawa sa lahat ng mga bagay, lalo na sa mga gawang mabuti. Hangad ng Dios na maging sakdal tayo sa Kaniyang paningin sa pamamagitan ng paglakad sa Kaniyang mga utos at kalooban, na siya namang magiging daan ng ating kaligtasan. (2 Tim 3:15-17)  At mula sa pagkasanggol ay iyong nalalaman ang mga banal na kasulatan na makapagpadunong sa iyo sa ikaliligtas sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus. Ang lahat ng mga kasulatan na kinasihan ng Dios ay mapapakinabangan din naman sa pagtuturo, sa pagsansala, sa pagsaway, sa ikatututo na nasa katuwiran: Upang ang tao ng Dios ay maging sakdal, tinuruang lubos sa lahat ng mga gawang mabuti.

Sa paanong paraan tayo magiging sakdal sa paningin ng Dios?

Ang mga lingkod ay inaasahang magpapakalinis, magpapakaputi at magpapakadalisay. Hindi ito hinahanap ng Dios sa lahat ng mga tao. Alam ng Dios na ang mga hindi lingkod ay hindi gagawin ito, ang tanging inaasahan Niya ay ang Kaniyang mga lingkod. (Dan 12:9-10)  At sinabi niya, Yumaon ka ng iyong lakad, Daniel; sapagka’t ang mga salita ay nasarhan at natatakan hanggang sa panahon ng kawakasan. Marami ang magpapakalinis, at magpapakaputi, at magpapakadalisay; nguni’t ang masasama ay gagawa na may kasamaan; at wala sa masasama na makakaunawa; nguni’t silang pantas ay mangakakaunawa. Ang pagpapakalinis, pagpapakaputi at pagpapakadalisay ay nangangahulugan ng lubos na pagtalikod sa dating buhay na masama, pagtalikod sa lahat ng uri ng anyo ng kasamaan, at paglaban o pananagumpay sa lahat ng uri ng anyo ng tukso ng kasamaan.

Upang magawa ito ng Kaniyang mga lingkod, ipinayong manatili sa Kaniyang mga utos at kalooban at manatili sa pagpapakababa. Sapagkat ito lamang ang tanging kaparaanan upang makapanatiling nakapagtatapat sa Dios. (2 Cro. 7:14-16) Kung ang aking bayan na tinatawag sa pamamagitan ng aking pangalan ay magpakumbaba at dumalangin, at hanapin ang aking mukha, at talikuran ang kanilang masamang mga lakad; akin ngang didinggin sa langit, at ipatatawad ko ang kanilang kasalanan, at pagagalingin ko ang kanilang lupain. Ngayo’y ang aking mga mata ay didilat, at ang aking pakinig ay makikinig, sa dalangin na gagawin sa dakong ito. Sapagka’t ngayon ay aking pinili at itinalaga ang bahay na ito, upang ang aking pangalan ay dumoon magpakailan man; at ang aking mga mata at ang aking puso ay doroong palagi.

Ang mga lingkod ng Dios ay maaaring mamili ng dalawang kapalaran. Maari silang magtapat, manatili at magpakumbabang sumunod sa kalooban ng Dios habang sila ay nabubuhay o ‘di kaya ay gawin nila ang ginawa ng iba na iniuwi ang payo at kalooban ng Dios sa walang kabuluhan. Ngunit talastasin nating may mabigat na kaparusahang taglay ang maaaring kasapitan ng mga nagwalang kabuluhan. Datapuwat, kailangang alamin natin ang kapalaran ng mga nasa ganitong kalagayan. (Kawikaan 1:23-29) Magsibalik kayo sa aking saway: narito, aking ibubuhos ang aking espiritu sa inyo. Sapagka’t ako’y tumawag, at kayo’y tumanggi: aking iniunat ang aking kamay, at walang makinig; Kundi inyong iniuwi sa wala ang buo kong payo, at hindi ninyo inibig ang aking saway: Ako naman ay tatawa sa kaarawan ng inyong kasakunaan: ako’y manunuya pagka ang inyong takot ay dumarating;Pagka ang iyong takot ay dumarating na parang bagyo. At ang inyong kasakunaan ay dumarating na parang ipoipo; pagka ang hirap at hapis ay dumating sa inyo. Kung magkagayo’y tatawag sila sa akin, nguni’t hindi ako sasagot; hahanapin nila akong masikap, nguni’t hindi nila ako masusumpungan: Sapagka’t kanilang ipinagtanim ang kaalaman, at hindi pinili ang takot sa Panginoon.

Sino sa atin ang tapat at matalino? Tularan natin ang ginawa ng mga unang lingkod, na ginanap ang Kalooban ng Dios hanggang sa huling yugto ng kanilang buhay. Nanatili sila sa pagtatapat at pagsisikap hanggang sa ang ilan sa kanila ay abutin na ng kamatayan. Ito din naman ang ating pakahangarin upang tayo ay maging karapatdapat sa Dios. (          Mat. 24: 45 – 47) Sino nga baga ang aliping tapat at matalino, na pinagkatiwalaan ng kaniyang panginoon sa kaniyang sangbahayan, upang sila’y bigyan ng pagkain sa kapanahunan? Mapalad yaong aliping kung dumating ang kaniyang panginoon, ay maratnan siyang gayon ang kaniyang ginagawa. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na sa kaniya’y ipagkakatiwala ang lahat niyang pag-aari.

About these ads