Lalo Pang Mapalad ang Magbigay kay sa Tumanggap

Madalas nating madinig na “lalo pang mapalad ang magbigay kay sa tumanggap.” Subalit alam naman nating “mas madaling makapagbibigay kung mayroong ibibigay.” Hindi tayo makapagkakaloob kung wala tayong maibibigay.

May mga taong gustong makapagbigay at makatulong sa kapuwa o mga mahal sa buhay, subalit salat sila sa kapalaran para gawin ang pagtulong. Mayroon namang iba na mayroong ngang maitutulong subalit hindi bukas ang kanilang mga palad sa pagtulong.

Ano nga ba ang paliwanag ng Biblia tungkol sa pagbibigay ng tulong? Ano ang magandang kapalarang naghihintay sa sinumang may bukas palad upang tugunin ang pangangailangan ng kapuwa?

Ayon kay Pablo, (Gawa 20:34-35) Nalalaman din ninyo na ang mga kamay na ito ay nangaglilingkod sa mga kinakailangan ko, at sa aking mga kasamahan. Nagbigay halimbawa ako sa inyo sa lahat ng mga bagay, na sa ganitong pagpapagal ay dapat kayong magsisaklolo sa mahihina, at alalahanin ang mga salita ng Panginoong Jesus, na siya rin ang may sabi, Lalo pang mapalad ang magbigay kay sa tumanggap.

Sinasabi ng ilan na walang matatagpuan sa apat na Ebanghelyo na sinabi ito ni Hesus. Sa katunayan, wala po talagang mababasa na sinabi ito ni Hesus, maliban sa naging pahayag ni Apostol Pablo na si Hesus ang nagsabi nito. Isa ito sa mga bihirang pagkakataon na sinabi ni Hesus na hindi naitala ng apat na Ebanghelista.

Subalit nangangahulugan ba na kung ito man ay hindi naitala sa Ebanghelyo ay hindi na ito mapagkakatiwalaang nagmula sa Panginoong Hesus?

Sinabi ni Apostol Juan, Joh 21:25  At mayroon ding iba’t ibang mga bagay na ginawa si Jesus, na kung susulating isa-isa, ay inaakala ko na kahit sa sanglibutan ay hindi magkakasiya ang mga aklat na susulatin. Ibig lamang sabihin nito, bagaman tinatawag itong exaggeration upang maipabatid ang isang punto, na si Hesus ay maraming ginawa na hindi na naisulat pa. At kung madami siyang mga gawa na hindi na naisulat pa, maaaring sabihin na marami din siyang sinalita na hindi na naisulat pa.

Nangangahulugan ba na kung ito ay nagmula kay Apostol Pablo ay hindi na ito sinalita ni Hesus?

Sa katotohanan, si Apostol Pablo ay hindi naitala kailanman sa apat na Ebanghelyo bilang direktang saksi sa kahit anumang gawa o sinalita ni Hesus nang ito ay nabubuhay pa at hanggang sa ito ay muling nabuhay. Subalit may mga dahilan upang paniwalaan natin na ito nga ay sinabi ni Hesus at itinala lamang ni Apostol Pablo.

Kung pag-aaralan, masasabing mayroong nalalaman si Pablo tungkol sa naging ministeryo ni Hesus. Sa aklat ng Galacia 1:18 hanggang Galacia 2:10, ay matutunghayan natin ang sulat ni Pablo na nagpapahayag tungkol sa pagkikita nila ng halos dalawang pagkakataon ng mga sinasabing alagad ni Hesus, na dito ay ipinakikita din na ang kaniyang itinuturo ay tugma sa sinasabi ng Ebanghelyo.

Ang Kabutihang Taglay ng Nagbibigay

Sa isang nagbibigay, hindi maikakaila ang damdamin ng kagalakan palibhasa’y nalalaman niyang siya ay nakakatulong sa kapuwa. Para bagang mayroong malalim na kasiyahang nadarama ang puso. Kakaiba ang kakuntentuhan ng kalooban kapag nakapagbigay ang sinuman.

Sa panig naman ng nabibigyan o natutulungan, kakaibang kaligayahan din ang nadarama sapagkat sa panahon ng pangangailangan niya ay nalalaman niyang mayroong nakahandang magbukas ng palad upang tumulong.

Sadyang ang nagbibigay ay magagawa lamang ng isang tunay na matuwid. (Kawikaan 21:26) May nagiimbot sa kasakiman buong araw: nguni’t ang matuwid ay nagbibigay at hindi nagkakait.

Isa sa palatandaan ng pagpapakita ng pananampalataya ang pagbibigay o pagtulong sa nangangailangan. Walang kabuluhan ang pananampalataya ng sinuman kung nakikita niya ang kaniyang kapuwa na kailangan ng tulong at hindi niya ito tinulungan. (Sant. 2 : 14 – 17) Anong pakikinabangin, mga kapatid ko, kung sinasabi ng sinoman na siya’y may pananampalataya, nguni’t walang mga gawa? makapagliligtas baga sa kaniya ang pananampalatayang iyan? Kung ang isang kapatid na lalake o babae ay hubad at walang kakanin araw-araw, At ang isa sa inyo ay magsabi sa kanila, Magsiyaon kayong payapa, kayo’y mangagpainit at mangagpakabusog; at gayon ma’y hindi ninyo ibinibigay sa kanila ang mga bagay na kinakailangan ng katawan; anong mapapakinabang dito? Gayon din naman ang pananampalataya na walang mga gawa, ay patay sa kaniyang sarili.

Ang pagbibigay, sa panahon ng ka-Kristyanuhan ay kusang loob, pasiya ng puso at hindi dapat sapilitan. Ang magbibigay ang magkukusa kung ano, gaano kalaki o kaliit (depende sa pangangailangan) ang kaniyang maaaring itulong. (2 Cor 9:7) Magbigay ang bawa’t isa ayon sa ipinasiya ng kaniyang puso: huwag mabigat sa loob, o dahil sa kailangan: sapagka’t iniibig ng Dios ang nagbibigay na masaya.

Mabubuting Halimbawa

Maraming mga pagkakataon na ang mga lingkod ng Dios ay nagpakita ng kanilang pagiging bukas palad sa pagtulong, sa mga nangangailangan, at mga kapatiran alang-alang sa pananampalataya.

Isa sa mga naitala ng Biblia ang pagkakaloob na ginawa ng babaeng bao. Higit pa sa kaniyang kaya ay nagkaloob siya. (Mar. 12 : 42 – 43) At lumapit ang isang babaing bao, at siya’y naghulog ng dalawang lepta, na ang halaga’y halos isang beles. At pinalapit niya sa kaniya ang kaniyang mga alagad, at sinabi sa kanila, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang dukhang baong babaing ito, ay naghulog ng higit kay sa lahat ng nangaghuhulog sa kabang-yaman: Sapagka’t silang lahat ay nagsipaghulog ng sa kanila’y labis; datapuwa’t siya sa kaniyang kasalatan ay inihulog ang buong nasa kaniya, sa makatuwid baga’y ang buong kaniyang ikabubuhay.

Maaaring maliit lamang sa paningin ng iba ang ibinigay ng babae (dalawang lepta), subalit sa paningin ng Dios, ang buong kaniyang ikabubuhay ang kaniyang ibinigay sa kabila ng kaniyang kasalatan. Sa isang nagbibigay, naipapakita ang malaking sakripisyo na kahit na kapos din sa pangangailangan ay nakukuha pang magbigay o tumulong. Dito nasusukat ng Dios ang kalooban ng sinumang nagbubukas palad.

Bukod dito, ang isa pang nagpakita ng kagandahang loob ay ang mga taga-Macedonia. Sa kabila ng kanilang karukhaan ay tumulong sila sa pangangailangan ng iglesia. Ipinakita nila ang malaking pagtitiwala sa Dios at sa mga nangangasiwa ng iglesia. (2 Cor. 8 : 1 – 5) Bukod dito, mga kapatid, ay ipinatatalastas namin sa inyo ang biyaya ng Dios na ipinagkaloob sa mga iglesia ng Macedonia; Kung paanong sa maraming pagsubok sa kapighatian ang kasaganaan ng kanilang katuwaan at ang kanilang malabis na karukhaan ay sumagana sa kayamanan ng kanilang kagandahang-loob. Sapagka’t ayon sa kanilang kaya, ay nagpapatotoo ako at higit pa sa kanilang kaya, ay nagsiabuloy sila sa sariling kalooban,  Na lubhang ipinamamanhik sa amin ang tungkol sa biyayang ito at sa pakikisama sa pangangasiwa ng mga abuloy sa mga banal: At ito, ay hindi ayon sa aming inaasahan, kundi ibinigay muna nila ang kanilang sarili sa Panginoon, at sa amin sa pamamagitan ng kalooban ng Dios.

Bagaman sagana ang karukhaan nila sa buhay, ang mga lingkod ng Dios ay nagtitiwala sa kapangyarihan at kagandahang loob na nagmumula sa Dios. Para sa kanila, ang pagkabalisa ay hindi dapat masumpungan sa kanila sapagkat talastas ng Dios ang kanilang mga pangangailangan sa buhay. Ito ang nagtutulak sa kanila upang ang kaunting bagay na maaari nilang iambag, na dapat sana ay magamit na nila sa kanilang mga kailangan sa buhay ay kanila pang iniaambag sa iglesia. (Mat. 6 : 31 – 33) Kaya huwag kayong mangabalisa, na mangagsabi, Ano ang aming kakanin? o, Ano ang aming iinumin? o, Ano ang aming daramtin? Sapagka’t ang lahat ng mga bagay na ito ay siyang pinaghahanap ng mga Gentil; yamang talastas ng inyong Ama sa kalangitan na kinakailangan ninyo ang lahat ng mga bagay na ito. Datapuwa’t hanapin muna ninyo ang kaniyang kaharian, at ang kaniyang katuwiran; at ang lahat ng mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo.

At maaari pa nga na pasaganahin ng Dios ang Kaniyang mga biyaya lalo pa nga sa mga taong may kakayahang tumulong at nagkukusang tumulong bunga ng kanilang pananampalataya. (2 Cor. 9 : 8) At maaaring gawin ng Dios na ang lahat ng biyaya ay magsisagana sa inyo; upang kayo, na mayroong laging buong kaya sa lahat ay magsipanagana sa bawa’t mabuting gawa:

At kung magbigay man ng kusa ang isang lingkod, ito ay isang bagay na tunay na aariin ng Dios na karapatdapat sa Kaniyang paningin. Hindi Niya kaylanman lilimutin ang kagandahang loob ng Kaniyang mga lingkod. (Heb. 6 : 10) Sapagka’t ang Dios ay hindi liko upang limutin ang inyong gawa at ang pagibig na inyong ipinakita sa kaniyang pangalan, sa inyong paglilingkod sa mga banal, at hanggang ngayo’y nagsisipaglingkod kayo.

Hindi sapilitan ang pagbibigay o pagtulong. Bunga ito ng kagandahang loob na nagmumula sa puso ng isang tao o ng isang lingkod ng Dios.

Hindi natin dapat iurong ang ating mga palad kung mayroon mang nangangailangan at nasa atin naman ang kakayahang tumulong sa kanila. Maaaring dumating din ang araw na tayo man ay mangailangan din naman ng tulong. (Kawikaan 3: 27) Huwag mong ikait ang mabuti sa kinauukulan, pagka nasa kapangyarihan ng iyong kamay na ito’y gawin.

About these ads
This entry was posted in Filipino Topics and tagged , , . Bookmark the permalink.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s