Tags

, ,

Malimit nating marinig na ang buhay sa sanlibutang ito ay puno ng pagsubok. Sinabi na ni Hesus na “Sa sanglibutan ay mayroon kayong kapighatian: nguni’t laksan ninyo ang loob; aking dinaig ang sanglibutan.” (Juan 16: 33) Kung kapighatian ang pag-uusapan, siguro hindi matatapos ang maghapon sa pagku-kwento natin ng sari-saring karanasan.

Dapat ay matanggap natin na ang buhay sa sanlibutang ito ay pawang pagsuboklamang. At dahil pagsubok lamang ang buhay natin dito, mahalaga na maunawaan natin kung paano ito mapagtatagumpayan. Bawat pagsubok na ating nararanasan ay isang hakbang patungo sa ikapagigindapat sa Dios, lamang ay kailangan nating ipasa ang mga pagsubok na ito. Kung hindi tayo makakapasa sa pagsubok – ibig sabihin ay sa halip na makalikha tayo ng bagay na mabuti o kabanalan sa paningin ng Dios, ay magkasala pa tayo, nangangahulugang hindi tayo pumapasa sa mga pagsubok na ito.

Bawat pagsubok sa pananampalataya ng mga lingkod ng Dios ay pagkakataon para maipakita ang pagtitiis. At ang pagtitiis na ipinakikita natin ay pagkakataon din naman para magkaroon tayo ng sakdal na gawa – na pawang mahalaga upang marating ang pagiging sakdal o ganap sa paningin ng ating Panginoong Dios.

Jas 1:3  Yamang nalalaman na ang pagsubok sa inyong pananampalataya ay gumagawa ng pagtitiis.
Jas 1:4  At inyong pabayaan na ang pagtitiis ay magkaroon ng sakdal na gawa, upang kayo’y maging sakdal at ganap, na walang anoman kakulangan.

Ang mga pagsubok na pinagdaanan ng lingkod ng Dios na si Job ay naging daan para mawalan ng pag-asa ang kaniyang asawa. Subalit para kay Job, ang mga pagsubok na ito ay pagkakataon niya upang lalong mabigyan ng kapurihan ang Dios. Lahat ng pagsubok na kaniyang naranasan ay kaniyang tiniis. Nalalaman niyang tatanggap din tayo ng mga mapapait na karanasan at hindi lamang mga bagay na mabuti. “Ano? tatanggap ba tayo ng mabuti sa kamay ng Dios, at hindi tayo tatanggap ng masama?” (Job 2: 10)

Ang mga pagtitiis na pinagdaanan ng mga unang Kristiyano ay sapat upang maipakita nila ang tibay ng kanilang mga pananampalataya sa Dios.

Heb 11:36  At ang iba’y nangagkaroon ng pagsubok sa pagkalibak at pagkahampas, oo, bukod dito’y sa mga tanikala at bilangguan naman:

Hindi madali ang maranasan ang mabilanggo. Ngunit lahat ng mga lingkod ng Dios na ito ay tiniis ang mabilanggo bagaman ang ilan sa kanila ay nabilanggo bunga lamang ng pag-uusig sa kanila ng mga taong namumuhi sa kanilang taglay na pananampalataya. Marami man ang pag-uusig ng mga lingkod ng Dios, hindi ito dahilan para sila sumuko, manapa, ipinakita nila ang kanilang pag-asa at pagtitiwala sa Dios na nagbibigay sa kanila ng lakas para mapagtagumpayan at mapagtiisan ang lahat ng kanilang pinagdaanan.

Heb 11:37  Sila’y pinagbabato, pinaglagari, pinagtutukso, pinagpapatay sa tabak: sila’y nagsilakad na paroo’t parito na may balat ng mga tupa’t kambing: na mga salat, nangapipighati, tinatampalasan;

Heb 11:38  (Na sa mga yaon ay hindi karapatdapat ang sanglibutan), na nangaliligaw sa mga ilang at sa mga kabundukan at sa mga yungib, at sa mga lungga ng lupa.

Sa iba’t ibang kaparananan, maraming mga lingkod ng Dios ang nagtamo ng sari-saring hirap, tiisin, pagsubok at kapighatian,. Ngunit dahil sa taglay nilang pananampalataya sa Dios, hindi sila tumalikod sa kamatayang naka-amba sa kanila. Hindi nila kinatakutan ang magutom, mauhaw, masaktan, masugatan at mamatay nand dahil sa pangalang kanilang daladala.

Sa panahon nating ito, hindi man katulad nang kanilang naranasan, mayroon din tayong mga pagsubok at pag-uusig na kailangang pagtiisan. Tayo ang higit sa lahat ay nakaka-alam na ang mga ganitong bagay ay sadyang kailangang maranasan ng mga tunay na naglilingkod sa Dios. Kung walang pagtitiis na mararanasan, anong saysay ng pananampalataya? Kung walang kapighatian, anong pagtitiisan? At kung walang tiisin, nasaan ang kabanalan?

Heb 11:39  At ang lahat ng mga ito, nang sila’y mapatotohanan na dahil sa kanilang pananampalataya, ay hindi kinamtan ang pangako,

Heb 11:40  Na ipinaghanda ng Dios ng lalong mabuting bagay tungkol sa atin, upang sila’y huwag maging sakdal ng bukod sa atin.

Ang pananampatalaya nila sa Dios at ang pangakong nakalaan ang naging lakas ng mga unang lingkod ng Dios kung kaya’t kahit kamatayan ay hindi naging hadlang para ipakita ang kanilang pagtitiwala sa Dios. Alam nilang may nakalaan na gantimpala sa sinumang magtatagumpay. At alam nilang ang gantimpala ng Dios ay hindi sa buhay na ito matatamo – kundi ito ay matatamo sa buhay na darating.

Gaano pa kaya ang halimbawang iniwan ni Hesus sa ating lahat?

Lahat ng tiisin ay Kaniyang binata at tiniis upang ipakita sa atin ang halimbawa ng tunay at lubos na pagtalima sa kalooban ng Dios.

Php 2:6  Na siya, bagama’t nasa anyong Dios, ay hindi niya inaring isang bagay na nararapat panangnan ang pagkapantay niya sa Dios,

Php 2:7  Kundi bagkus hinubad niya ito, at naganyong alipin, na nakitulad sa mga tao:

Php 2:8  At palibhasa’y nasumpungan sa anyong tao, siya’y nagpakababa sa kaniyang sarili, na nagmasunurin hanggang sa kamatayan, oo, sa kamatayan sa krus.

Pinahintulutan Niyang maganap ang mga ito sa Kaniyang sarili ayon na din sa Kaniyang sariling kapasyahan (Efeso 1: 9), upang ipamalas sa ating lahat at pagkunan ng halimbawa ng dakilang sakripisyo at pagtitiis.

Wala tayong maidadahilan o maikakatuwiran sa Dios sapagkat nagawa Niyang hubarin ang Kaniyang pagka-Dios, nag-anyo Siyang alipin at nakitulad sa mga tao. Ibig sabihin,  lahat ng mga maaari nating madama, gaya nang gutom, uhaw, masaktan ang kalooban, magtiis ay pinayagan Niyang maganap sa Kaniya.

At kung pinayagan Niyang maranasan ang lahat – na Kaniyang tiniis ang lahat – tayo pa kaya na naglilingkod lamang sa Kaniya?

About these ads