Maglingkod na may Kasayahan

Psa 100:2  Mangaglingkod kayo na may kasayahan sa Panginoon; magsilapit kayo sa kaniyang harapan na may awitan.

Masayang maglingkod sa Dios.

Kahit maraming bagabag at tiisin, kapag naglilingkod tayo sa Kaniya, lahat kaya nating tiisin. Dahil ito sa pag-ibig natin sa Dios, at dapat lang naman na ito ang maipakita natin sa Kaniya. Hindi baga ang Dios ang unang umibig sa atin? Hindi pa tayo ipinanganganak ay inibig na tayo ng Dios.

Kaya naman, ang pag-ibig natin sa Kaniya ang nagtutulak sa atin upang tayo ay maglingkod na may kasayahan. Bakit kailangang may kasayahan? Paano kung kasalukuyang nakakaranas ng mga pagsubok at salaghati ng buhay? Maipapakita pa din ba natin ang kasayahan kung bagabag na ang puso?

Ang tunay na naaralan at natuto sa mga katuwiran ng Dios ay may kakayahang harapin ang lahat ng mga bagay na dumadating sa buhay. Alam naman natin na sa sanlibutang ito ay makakaranas tayo ng sari-saring kapighatian, kaya naman dapat ay laksan natin ang ating mga kalooban, ito ang ipinayo sa atin ng Panginoong Hesus, ” Sa sanglibutan ay mayroon kayong kapighatian: nguni’t laksan ninyo ang loob; aking dinaig ang sanglibutan.” (Juan 16: 33)

Kung minsan, nagiging dahilan ang maraming mga hindi magagandang pangyayari sa buhay upang ang isang lingkod ay manghina, mawalan ng pag-asa at tumigil sa paglilingkod. Hindi dapat maging ganito. Ang pagpapakita ng panghihina ay palatandaan na hindi lumalago ang pananampalataya.

Alam natin na hindi lamang magagandang bagay ang maaari nating maranasan habang nasa sanlibutan tayo. Gaya ng pahayag ni Job, “Ano? tatanggap ba tayo ng mabuti sa kamay ng Dios, at hindi tayo tatanggap ng masama?” (Job 2: 10) Kung ang mindset o laman ng isipan natin ay ganito, na tanggap nating hindi lamang tayo tatanggap ng mabuti kundi maging ng mga bagay na masasama o hindi magandang pangyayari, kung magkagayon walang bagay na hindi natin matatanggap sa ating buhay.

Ang nagiging Kasayahan sa kabila ng Kapighatian

Psa 1:2  Kundi ang kaniyang kasayahan ay nasa kautusan ng Panginoon; at sa kautusan niya nagbubulaybulay siya araw at gabi.

Kung tayo ay tunay na naglilingkod sa Dios, ang tunay na makapagbibigay sa atin ng kasayahan ay hindi ang mga bagay na pang-sanlibutan o materyal na bagay. Ang kasiyahan natin ay ang mga kautusan ng Dios. Ibig sabihin, ang pananatili sa pagtupad ng utos ng Dios ang susi upang ang kasiyahan ay mataglay natin kahit na nakakaranas pa tayo ng matitinding pagsubok sa buhay na ito.

At gaya nang pahayag ng Biblia, ang liwanag ng katuwiran ang magbibigay kasayahan sa atin. Psa 97:11  Liwanag ang itinanim na ukol sa mga banal, at kasayahan ay sa may matuwid na puso.

Pansamantala lamang ang Lahat

Alam nating ang mga kasalukuyan nating nararanasan ay pansamantala lamang lahat. Lahat ng mga ito ay matatapos. Ito ang isa pa sa nagbibigay sa atin ng pag-asa at kasayahan habang naglilingkod sa Dios. Wala na siguro tayong hindi kayang tiisin kung ang lagi nating iisipin ay matatapos din ang lahat ng mga ito.

Alam nating higit sa lahat, ang pangako ng Dios, samakatuwid baga ay ang buhay na walang hanggan ay sadyang nakalaan sa mga magtatagumpay. At ang palatandaan ng nagtagumpay ay ang mga nakapanatiling naglilingkod at may kasiyahang ginaganap ang mga kautusan ng Dios.

Ang higit na nagbibigay sa atin ng pag-asa ay ang pangakong ito.

Rev 21:1  At nakita ko ang isang bagong langit at ang isang bagong lupa: sapagka’t ang unang langit at ang unang lupa ay naparam; at ang dagat ay wala na.

Rev 21:2  At nakita ko ang bayang banal, ang bagong Jerusalem, na nananaog mula sa langit buhat sa Dios, na nahahandang gaya ng isang babaing kasintahan na nagagayakang talaga sa kaniyang asawa.

Rev 21:3  At narinig ko ang isang malakas na tinig na mula sa luklukan, na nagsasabi, Narito, ang tabernakulo ng Dios ay nasa mga tao, at siya’y mananahan sa kanila, at sila’y magiging mga bayan niya, at ang Dios din ay sasa kanila, at magiging Dios nila:

Rev 21:4  At papahirin niya ang bawa’t luha sa kanilang mga mata; at hindi na magkakaroon ng kamatayan; hindi na magkakaroon pa ng dalamhati, o ng pananambitan man, o ng hirap pa man: ang mga bagay nang una ay naparam na.

Nalalaman nating ang mga kapighatian na ating nararanasan sa kasalukuyan ay hindi marapat itumbas sa kaluwalhatiang ipagkakaloob sa atin ng Dios. Rom 8:18  Sapagka’t napatutunayan ko na ang pagtitiis sa panahong ito’y hindi karapatdapat maitumbas sa kaluwalhatiang mahahayag sa atin.

At sa katotohanan, hindi lamang naman tayo ang nakakaranas ng mga hirap sa sanlibutang ito. Masdan natin ang buong mundo, halos lahat ay humihibik sa tindi ng kahirapang patuloy na nararanasan. Rom 8:22  Sapagka’t nalalaman natin na ang buong nilalang ay humihibik at nagdaramdam na may kahirapan na kasama natin hanggang ngayon.

Ang kaibahan natin, taglay natin ang pag-asa, kaya naman anuman ang ating nararanasan, nagpapatuloy tayong may kasayahang gumaganap ng ating mga tungkulin sa harapan ng Dios, na patuloy natin Siyang bigyan ng karangalan.

Rom 8:23  At hindi lamang gayon, kundi pati naman tayo na mayroong mga pangunahing bunga ng Espiritu, sa makatuwid baga’y tayo nama’y nangagsisihibik din sa ating sarili, sa paghihintay ng pagkukupkop, na dili iba’t, ang pagtubos sa ating katawan.

Rom 8:24  Sapagka’t tayo’y iniligtas sa pagasa: datapuwa’t ang pagasa na nakikita ay hindi pagasa: kaya’t sino nga ang umaasa sa nakikita?

Rom 8:25  Datapuwa’t kung nagsisiasa tayo sa hindi natin nakikita, kung magkagayo’y hinihintay nating may pagtitiis.

About these ads
This entry was posted in Filipino Topics and tagged , . Bookmark the permalink.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s